Chapter 16
Ayesha's POV
Narating namin ang lugar kung saan ako sinasanay ni Digno. Tulad ng inaasahan ko ay nandoon na siya. Maaga ako kumpara sa takdang oras ng pagsasanay namin ngunit hindi ko pa rin siya nagawa na unahan man lang. Napapaisip na lamang tuloy ako bigla kung gaano ba talaga siya kaaga kung dumating dito. Hindi rin naman siya nagsasanay ng iba kapag alam niya na iyon ang tinakdang araw ng aking pagsasanay dahil iyon na rin kasi ang inutos ng mahal na hari.
Nang matanaw niya ang paglapit ng karwahe sa kinaroroonan niya ay nakita ko pa ang pagkunot ng kanyang noo at alam ko na nagtatakha siya sa pagiging maaga ngayon. Hindi ko na maalala kung kailan pa ang huling beses na nakarating ako rito nang tama sa oras kaya hindi na ako dapat pang magulat kung ganito man ang naging reaksyon ni Digno. Sa katunayan pa nga ay inasahan ko na ang ganitong reaksyon niya.
Tinawanan ko na lamang siya at kinawayan para patunayan na nandito na nga ako at maaga ako kaysa sa nakasanayan kong oras ng datig ko. Sinisipat pa kasi niya ako rito sa karwahe upang kumpirmahin kung ako nga ang sakay nito. Natawa naman siya at napailing.
Nang huminto na ang karwahe sa harapan niya ay agad siyang naglahad ng kamay para alalayan ako sa pagbaba. Nang makababa na ako ay sunod naman niyang inalalayan si Markiya. Sabay kaming naglakad ni Digno habang si Markiya naman ay nakasunod lang sa amin.
Inihanda na lahat ni Digno ang lahat ng gamit na kakailanganin namin sa aming pagsasanay. At tulad ng mga nakaraan naming pagsasanay ay naging magaan lamang ang lahat. Dahil bukod sa matiyagang magturo si Digno ay kabisado ko na rin kasi ang lahat ng mga bagay na kailangan kong matutuhan at kailangan kong isaalang-alang sa pakikipaglaban.
"Wala na akong masasabi pa, mahal na prinsesa. Alam ko naman na natutuhan mo nang lahat ang kailangan mong malaman. Sa tingin ko nga ay mas magaling ka na sa akin makipaglaban. Kung hindi ka nga lamang isang tagapagmana ay isusuhestiyon ko na ikaw ang nais kong humalili sa akin bilang tagapagsanay." Hindi ko naiwasan ang matawa dahil sa sinabi niya.
Nasobrahan na yata si Digno sa pagpuri sa akin at umabot na sa punto na hindi na kapani-paniwala. Maging siya ay natawa rin sa mga pinagsasabi niya.
"Ako man ang tagapagmana o hindi ay tatanggihan ko ang alok mo," natatawang sambit ko at napalunot ang noo niya. Kinuha niya ang isang espada at nilinis ito.
"Bakit naman? Malaki ang bayad sa isang tagapagsanay," sabi niya at napangisi ako.
"Dahil alam ko naman na maaaring mabalewala ang lahat ng pagsasanay na ginagawa nating ito oras na dumating na ang tunay na digmaan. Ibang usapan na kasi kapag totoong pakikipaglaban na ang gagawin ko."Hindi ko tinago kay Digno ang pag-aalala ko tungkol sa bagay na iyon. Alam ko naman na maging iyon ay nasa isip din ng lahat ng sinasanay niya.
"Kung nababahala ka sa maaaring mangyari sa isang tunay na labanan, bakit hindi tayo maglaban?" sabi niya at nahimigan ko siya ng panghahamon. Napakunot pa ang noo ko para tingnan kung seryoso ba siya sa sinabi niya o nagbibiro lamang.
Ngunit base sa ekspresyon na mayroon ang mukha at mga maya niya ay alam ko na hindi isang biro ang hamon niyang iyon sa akin. Alam ko na hindi naman kami magpapatayan--ngunit alam ko na maaari kaming magkasakitan.
Dahil si Digno ang tagapagsanay ko ay alam ko na wala akong magiging laban sa kanya. Ngunit ganoon pa man ay gusto ko pa rin na subukan. Kahit pa alam ko na hindi niya ibubuhos ang buong lakas niya sa magiging laban namin ay alam ko naman na seseryosohin niya ito.
"Kung talagang seryoso ka riyan ay tinatanggap ko ang hamon mo." Nakuha ko pa na magyabang sa nilalang na siyang nagsanay sa akin. Ako na yata ang may pinakamalakas na loob na makikilala ninyo. Natawa naman si Digno sa pagyayabang ko.
"Mahal na prinsesa." Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Markiya na bakas sa tinig ang pagtutol at alam ko na nais niya akong pigilan dahil sa plano namin ni Digno. At nang lingunin niya ako ay agad siyang umiling bilang pagtutol.
Bakas sa mukha ni Markiya ang pag-aalala sa maaaring mangyari sa plano ni Digno na sinang-ayunan ko. Kaya nginitian ko siya at hinawakan sa balikat para mabawasan kahit papaano ang pag-aalala niya sa akin. Kahit kailan talaga ay sobrang nerbyosa si Markiya. Lalo na pagdating sa akin. Alam kasi niya na siya ang mapapagalitan oras na may nangyaring hindi maganda sa akin.
"Wala kang dapat na ikabahala, Markiya. Sa tingin ko ay sapat naman na ang nalalaman ko upang magkaroon ng pag-asa man lang na manalo," sabi ko ngunit nabakas sa tono ko ang pag-aalinlangan na tila ba hindi nila ako narinig na nagyabang kanina.
"Ngunit paano kung masaktan ka? Paano kung magkagalos ka? Sigurado ako na hindi iyon maiibigan ng mahal na reyna at mahal na hari. Parehas tayong makakagalitan," sambit niya at hindi ko maiwasan ang matawa.
"Wala ka bang tiwala sa akin, Markiya?" natatawa ko pa rin na tanong.
"Mayroon, mahal na prinsesa ngunit--"
"Iyon naman pala, Markiya. Huwag ka nang mag-alala pa dahil hindi ako magpapalamang sa aking kalaban." Nilingon ko pa si Digno at tiningnan siya nang puno ng panghahamon. Nakita ko naman ang pagngisi niya.
Tinabihan ako ni Digno upang harapin niya rin si Markiya. Pinatong niya rin ang kanyang kamay sa kabila naman nitong balikat. Hindi napigilan ni Markiya ang mapasulyap sa kamay ni Digno na nakapatong sa kanyang balikat.
"Wala kang dapat ikabahala, Markiya. Hindi masasaktan o mapapaano ang mahal na prinsesa. Hindi ko siya kayang saktan," sambit ni Digno. Nilingon niya ako at nginitian. Nginitian ko na lamang din siya pabalik.
Ngumiti naman si Markiya nang pilit at napabuntong hininga na lamang. Alam din naman kasi niya na wala na siyang magagawa dahil talagang may katigasan ang ulo ko. Alam niya na hindi siya mananalo sa akin dahil talagang ipagpipilitan ko ang gusto ko.