Chapter 49
Ayesha's POV
Bigla na lamang tuloy akong na-curious sa kung ano ang mga maaaring kaganapan sa araw na iyon. Kung pinaghahandaan na nila iyon ay nasisigurado ko na nalalapit na ang araw na iyon. Ngunit bago ako mag-isip ng kaarawan ng iba ay iisipin ko na muna ang nalalapit din na kaarawan ni Javadd. Hindi ko alam kung may mahahanap at mabibili ako rito na maaari kong ipangregalo sa kanya.
Gusto ko rin naman kasi na magdala ng kahit isang simpleng regalo na maaari niyang itago bilang alaala mula sa akin kung dumating man ang oras na hindi na kami maaaring magkita. Kaya sa oras na makalabas ako ng lugar na ito ay iyon agad ang una kong gagawin dito sa loob ng Algenia. Sana nga lamang ay may mahanap ako na mura.
Hindi ko kasi alam kung sasapat ba ang dala kong salapi pambili rito sa kaharian na ito. Iisa lang namang salapi ang mayroon dito sa buong La Vitre dahil ganitong salapi rin naman ang nakikita ko na dala-dala ni Javadd sa tuwing magbabayad siya ng aming mga kinain.
Matapos ang matagal kong paghihintay ay narinig ko na malapit na silang matapos. Medyo naumay nga lang ako sa kanilang pinag-usapan na umikot lang naman sa kung gaano na sila nasasabik sa pagsapit ng kaarawan ng kanilang prinsipe.
Ilang sandali pa nga ang lumipas ay narinig ko na ang kanilang mga yayabag na papalabas na nitong gawaan ng tinapay. At nang marinig ko na ang pagsarado ng pinto ay naghintay muna ako ng ilang minuto bago ako lumabas sa pinagtataguan ko. Nang makatayo na nga ako ay nag-unat muna ako ng katawan dahil nanakit yata ito mula sa pagkakabaluktot ko sa aking pinagtataguan.
Nang sa tingin ko ay ayos na ang pakiramdam ko ay muli ko nang nilapitan ang mga bagong gawang tinapay. Dahil sa gutom ay agad akong dumampot.
"Ah!" Nabitiwan ko pa ang dinampot ko dahil sa sobrang init. Hinipan ko na lang ito sandali para kahit papaano ay mabawasan ng init. Hindi ko pa man nauubos ang unang tinapay na kinagatan ko ay bigla na lamang akong kinabahan nang marinig ko ang pagbukas ng pinto.
Nahinto tuloy ako sa dapat sana ay pagkagat sa tinapay. Nabakas din sa mukha ng dalawang babae ang pagkakita sa akin na tila ba nasa isang piging kung makalantak sa mga tinapay na ginawa nila.
"Sino ka?" Nasa tono na ng isang babae ang pambibintang sa kung ano ang ginagawa ko. Tumingin pa siya sa paligid ng gawaan ng tinapay na tila ba naghahanap ng mapagsusumbungan na kawal. Bigla na lamang tuloy akong nataranta dahil hindi ko inaasahan na mahuhuli nila ako sa akto kung saan hindi na ako makakatanggi pa.
At ngayon na nahuli na nga nila ako ay hindi ko alam kung paano ako makakalusot.
"Sino ka?" ulit ng isa pang babae nang hindi ko sagutin ang kasama niyang babae. Ngunit maging siya ay hindi ko sinagot. Sobrang natataranta na talaga ako na maging ang pagsagot man lang ay hindi ko na magawa.
Mas lalo pa akong nataranta nang magsimula na silang humakbang palapit sa akin. Ngunit bakit nga ba ako matataranta? May pormal akong pagsasanay sa pakikipaglaban. At alam ko na ang tulad nilangmga babae ay walang sapat na kaalaman.
Kaya imbis na kabahan ay inalerto ko na lamang ang aking sarili. Nang akmang susunggaban na nila ako para hulihin ay walang kahirap-hirap ko silang nailagan. Mabuti na lamang at naiwan nilang nakabukas ang pinto kaya nagmamadali akong tumakbo papunta roon.
Ngunit nang inaakala ko na makakatakas na ako mula sa mga babaeng nais humuli sa akin ay nahinto naman ako sa dapat sana ay paglabas ko dahil saktong nasa pintuan na ako ay may humarang na harap ko na isang kawal.
"Hulihin ninyo ang babaeng 'yan. Magnanakaw 'yan. Pumasok din siya rito sa gawaan ng tinapay nang walang pahintulot!" Nanggalaiti sa galit na sigaw ng isa sa mga babae. Halatang nainis siya dahil sa ginawa kong pagtakas sa kanila. Ano ba ang gusto niyang gawin ko? Magpahuli sa kanila nang walang kalaban-laban? Syempre at magtatangka akong tumakas.
Dahil nga sa sumbong ng dalawang babae ay hindi nagdalawang isip ang kawal na damputin ako. At dito ko natanggap na wala akong laban dahil bukod sa dalawa sila ay mga lalaki pa.
Nagtag-isang hawak sa aking palapulsuhan ang dalawang lalaki na tila ba wala silang plano bitiwan ako.
"Ano ba? Nasasaktan ako! Hindi ako magnanakaw!" Sinubukan ko na bawiin ang mga braso ko sa kanila ngunit mahigpit ang pagkakahawak nila sa akin.
Ako lang din naman ang nasasaktan sa tuwing tinatangka kong kumawala kaya hindi ko na ulit pilitna binawi ang mga braso ko.
"Sinabi nang hindi ako magnanakaw! Bitiwan ninyo ako!" Kahit na anong salita ko sa kanila ay hindi man lang sila natitinag sa paghawak sa akin. Hanggang sa walang kahirap-hirap na nila akong kinaladkad. Dahil nasasaktan na rin lang naman ako sa paghila nila sa akin ay muli kong binabawi ang kamay ko.
Hindi ko alam kung saan nila ako planong dalhin ngunit napansin ko na nasa isang malaking bahay kami. Ngunit sa tingin ko ay hindi ito isang bahay. Ito ay isang palasyo. Kasing laki na ito ng palasyon namin sa aming kaharian. Mas lalong tumindi ang kaba na nararamdaman ko dahil mukhang nasa palasyo ako.
Mas lalo akong nagpumilit na makawala dahil hindi nila ako maaaring parusahan
"Anong kaguluhan ito?" tanong mula sa aming likuran. At hindi ko pa man nililingon ang may-ari ng tinig na iyon ay siguradong-sigurado ako na si Javadd iyon. At agad naman akong nabunutan ng tinik dahil alam kong ligtas na ako. Maaaring magulat siya sa oras na makita niya ako rito ngunit alam ko na hindi naman niya matitiis.
"May isang magnanakaw na babae ang nagtangka pumasok sa loob ng pagawaan ng tinapay, mahal na prinsipe." Biglang napakunot ang noo ko dahil sa tinawag ng kawal sa lalaking nagsalita sa aming likuran.
Mahal na prinsipe? Nagkamali ba ako sa pag-aakala na si Javadd ang dumating? Magkaboses ba sila ng prinsipe ng Algenia.
"Ano ang gagawin namin sa babaeng ito, Prinsipe Javadd?" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa aking nadinig.
Prinsipe...Javadd?