Chapter 50
Ayesha's POV
Bigla akong napako sa kinatatayuan ko nang marinig ko na banggitin nila ang salitang Prinsipe at Javadd sa pagtawag sa isang nilalang. Bukod sa kaboses siya ni Javadd ay kapangalan pa. At hindi ako tanga para hindi mapagtanto ang mga nangyayari.
Hindi pa rin magawang kumilos ng katawan ko dahil sa labis na pagkabigla. Ngunit kapag hinarap ko ang kanilang prinsipe ay sigurado ako na maging ito ay magugulat. Hindi ako maaaring magkamali na si Javadd ang prinsipe ng kaharian na ito lalo na at pinangalanan na siya.
Ngunit paano ko siya haharapin? Lubhang nakakahiya kapag naabutan niya ako sa ganitong senaryo kung saan pinahuhuli ako dahil sa salang pagnanakaw. Baka bigla na lamang mag-iba ang tingin sa akin ni Javadd.
"Nagnakaw? May katibayan ba na siya ay nagnakaw?" Bagaman kaboses niya si Javadd ay hindi naman niya ito katono kung magsalita dahil punung-puno ng kapangyarihan ang tono ng isang ito samantalang ang Javadd naman na kakilala ko ay punung-puno naman ng saya.
Kaya ngayon ay nalilito na tuloy ako. Ang tanging paraan upang makumpirma ang lahat ng ito ay ang lingunin at harapin na ang prinsipe na nasa likuran ko. Ngunit tila wala naman akong makuhang lakas ng loob upang harapin siya.
"Huling-huli po namin siya sa akto na kumakain ng tinapay sa ating pagawaan," sabi ng isang babae na halatang gustong-gusto akong maparusahan. Hindi ko alam kung bakit ganito na lamang ang galit niya sa akin. Siguro ay dahil alam niya sa kanyang sarili na malaki ang nilamang ng kagandahan ko sa kanya.
"Sandali, tinapay ang ninakaw niya?" tanong ng prinsipe at sabay pang tumango ang dalawang babae na nagpapahuli sa akin.
"Paanong matatawag na pagnanakaw ang ginawa niya gayong para sa mga kapus-palad naman talaga ang tinapay ba ginagawa ninyo?" mahihimigan ng kaunting pagalit ang tono niya kasabay na namang napayuko ang dalawang babae.
Hindi ko naman naiwasan ang bahagyang mainsulto dahil sa pagturing sa akin ng kanilang prinsipe bilang isang kapus-palad. Mukha ba akong naghihikahos sa buhay? Hindi pangkaraniwan ang pusyaw ng balat ko. Grabe naman makapanghusga ang isang ito.
"Ngunit pumasok siya sa pagawaan nang walang pahintulot," sabi pa ng isa nang makaisip na naman ng dahilan para lang madiin ako.
"Mapipigil ba natin ang kalam ng kanyang sikmura? Mga kawal, bitiwan na ninyo siya." Sa utos niyang iyon ay agad akong nakawala mula sa mahigpit nilang pagkakahawak. Nais ko sana siyang harapin at sabihin sa kanya na ngayon lang kumalam ang sikmura ko nang ganito ngunit hindi na ako nag-abala pa.
"Ngunit wala naman sa kanyang kasuotan na siya ay kapus-palad, mahal na prinsipe." Talangang hindi titigil ang mga babaeng ito hangga't hindi nila nakukuha ang kanilang nais. Ngunit tama naman ang sinabi niya dahil hindi hamak naman na mas nangingibabaw ang kasuotan ko kung ikukumpara sa kasuotan ng mga pangkaraniwang babaeng Algenian.
Hindi naman sumagot ang prinsipe kaya nabalot kami ng katahimikan.
"Sandali," mayamaya ay sabi ng prinsipe nang tila ay may mahalata siya. Nang maramdaman ko ang dahan-dahan niyang paghakbang palapit sa akin ay tila ba alam ko na kung ano anong napansin niya.
At ang napansin niya marahil ay ang aking kasuotan. Alam ko na naaalala niya ito dahil ito ang suot ko bago kami maghiwalay. At halos kakahiwalay lang namin kaya sigurado ako na malinaw pa ito sa kanyang alaala.
Pilit akong tumatalikod sa kanya upang itago ang aking mukha. Ngunit halos mapatalon ako sa gulat nang may humawak sa aking balikat. And I know it is Javadd. Pamilyar na pamilyar ang init ng kanyang palad.
Wala na akong nagawa pa kundi ang harapin si Javadd. At nang magtama ang aming paningin ay agad ko siyang nginitian nang pilit. Nanlaki naman ang mga mata niya dahil sa pagkabigla.
Ngunit kahit na nakita na niya ako ay hindi niya alo basta kinausap. Mukhang wala siyang plano na kausapin ako sa harao ng ibang Algenia.
"Sige na. Hayaan na ninyo ang babaeng ito. Magsibalik na kayo sa kanya-kanya ninyong trabaho. Hindi naman na nagdalawang salita pa si Javadd at mabilis na nagsialisan ang mga iyon sa harapan namin.
At nang maiwan na lamang kaming dalawa ni Javadd ay saka niya ako hinarap. May nakikita akong galit sa mga mata niya na hindi ko inakalang makikita ko. Galit siya dahil nanditi ako? Pero plano nga niyang dalhin ako rito sa kanyang kaarawan.
"Anong ginagawa mo rito, Ayesha?" tanong niya na hindi na nga naitago ang inis sa kanyang tono. Bigla na lamang tuloy akong nakaramdam din ng inis dahil sa pinakita niyang pagsalubong sa akin.
Pero bakit siya maiinis sa akin? Hindi ba ay ako dapat ang mainis sa kanya dahil ngayon ko lamang nalaman na isa pala siyang prinsipe at nagawa niya iyong itago sa akin nang matagal.
Pero bakit nga ba ako maiinis sa kanya gayong parehas nga lamang pala kami ng ginawa? Nilihim ko rin sa kanya ang aking tunay na buhay na hanggang ngayon ay hindi ko pa nasasabi sa kanya.
"Pinaaga ko lang ang pagpunta sa iyon kaarawan, mahal na prinsipe." Talagang pinagdiinan ko ang pagtawag sa kanya ng mahal na prinsipe at saka lamang niya napagtanto na mayroon siyang kailangan na ipaliwanag sa akin.
"Tungkol sa bagay na iyan, Ayesha ay plano ko na talagang sabihin sa iyo ang totoo. Ito ang sinasabi ko na kung sino ba talaga ako." Naalala ko nga ang sinabi niya na gusto niyang makilala ko kung sino at ano siya. Na isa ring dahilan kung bakit niya ako nais na papuntahin.
Kung gayon ay ang prinsipe na tinutukoy ng mga babae kanina sa narinig kong usapan nila ay si Javadd pala. Hindi ko alam kung paano ito matatanggap ng isip ko.
"Ngunit walang magbabago, Ayesha. Ako pa rin ito, ang Javadd na kaibigan mo." Alam ko na imposible anv sinasabi niya. Nasasabi niya lang ito dahil ang tingin niya sa akin ay isang pangkaraniwang Vittorian lamang.
Ngunit masabi pa kaya ito ni Javadd sa oras na malaman na niyang ako ang prinsesa ng kaharian ng Vittoria na nakatakda nilang makaharap. Nakatakda naming pamunuan ang dalawang kaharian na mortal na magkalaban.