Chapter 51
Ayesha's POV
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa mga natuklasan ko mula kay Javadd. Ano na lamang kaya ang iisipin niya sa oras na malaman niya na ako ang prinsesa ng Vittoria na tulad niya ay hindi inilihim ko. Ngunit mabuti nga si Javadd ay nagkaroon na ng lakas ng loob at pagkakataon na ipaalam sa akin ang lahat. Ngunit ako ay nananatili pa ring lihim.
At aaminin ko ngayon na kahit alam ko na ang totoo kung sino at ano siya ay wala pa rin akong lakas ng loob na sabihin sa kanya ang lahat. Siguro ay dahil alam ko na magiging mas komplikado lamang sa amin ang lahat kapag alam na namin na kami ang prinsipe at prinsesa ng Algenia at Vittoria. Sa ngayon ay sapat na siguro na ako pa lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kung sino si Javadd.
Wala naman akong plano na habang buhay itago sa kanya ang pagiging prinsesa ko ngunit sa ngayon ay hindi pa kasi ako handa na wakasan ang pagkakaibigan namin ni Javadd at putulin ang ugnayan naming dalawa. Hindi pa ako handa na ituring siya bilang isang kalaban. Dahil kahit pa nalaman ko nang isa siyang prinsipe ay hindi pa rin ako nakakaramdam ng ano mang banta ng kapahamakan mula sa kanya. Pakiramdam ko ay ligtas pa rin ako sa tabi niya.
"Sana nga Javadd ay walang magbabago," sabi ko at nakita ko naman ang pagkabigo sa kanyang mukha dahil sa naging tono ng pananalita ko. Nahimigan niya marahil mula sa akin na hindi ako umaasa na walang magbabago dahi ang nais niya ay pagkatiwalaan ko siya na mananatili ang kung ano man ang mayroon sa amin kahit pa ngayon na nalaman kong isa siyang prinsipe. Ngunit kung alam lang ni Javadd ang totoo ay nasisiguro ko na maiintindihan niya ang pinanggagalingan ko.
"Ayesha, hindi ka mapapahamak sa kahariang ito basta ang tangi mo lamang gagawin ay manatili sa tabi ko," sabi niya at hindi naman ako magrereklamo sa bagay na iyon dahil iyon naman talaga ang nais ko na mangyari. Wala naman talaga akong plano na humiwalay sa kanya dahil wala rin naman akong ibang pupuntahan kundi sa tabi lamang ni Javadd. Maliban na lamang kung may plano siya na patulugin ako kung saan-saan sa loob ng kahariang ito.
"Saan ba ako maaaring tumuloy, Javadd?" tanong ko at hindi naman na siya nag-isip pa ng isasagot dahil tila ba iyon lamang ang paraan na naiisip niya.
"Dito sa palasyo," sagot niya at hindi agad ako nakapagsalita. Ang inaasahan ko kasi ay ikukuha niya ako ng matutulugan ko na malapit lang sa palasyo at hindi ko naman akalain na rito sa mismong palasyo nila ako patutulugin.
"Sigurado ka ba riyan? Ngunit ano naman ang sasabihin mo sa iyong mga magulang?" tanong ko at sa pagkakataon na ito siya napaisip. Mukha namang wala pa ring nagbabago sa plano niya na dito ako patulugin ngunit nag-iisip pa siya ng dahilan kung paano iyon mangyayari.
"Kung ayos lamang sa iyo, Ayesha ay ipapakilala kita bilang bago kong tagasilbi?" tanong niya sa akin at natawa ako. Bakit naman sa tingin niya ay hindi iyon magiging ayos sa akin? Samantalang pinakilala ko nga sa kanya ang aking sarili bilang isang tagasilbi.
"Walang kaso sa akin, Javadd." Napangiti siya sa naging sagot ko. Mas mabuti na rin na kasama niya ako rito sa palasyo dahil mas mapapanatag ang ilang araw na panana lagi ko rito. Ngunit unti-unting naglaho ang mga ngiti niya na labis ko namang pinagtakha. Mukha namang nahalata niya na nahalata ko ang pagbabago niya ng timpla kaya hindi na niya hinintay na magtanong pa ako at kusa na siyang nagsalita.
"Huwag mo sanang mamasamain ang tanong ko, Ayesha. Ngunit nais ko ring malaman mo na ano man ang isasagot mo ay siyang tanging paniniwalaan ko nang walang pag-aalinlangan." Bigla na lamang akong kinabahan tungkol sa nais niyang itanong. Pakiramdam ko ay sobra nitong seryoso para maging ganito na lamang ang paraan ng pagtatanong ni Javadd.
"Ano ba ang tanong mo, Javadd?" Hindi ko pinahalata sa kanya ang naging kaba ko sa kung ano ang maaari niyang itanong.
"Wala naman sigurong nagpadala sa iyo rito, hindi ba?" Napakunot ang noo ko dahil sa pagkalito sa tanong niya. Noong una ay hindi ko pa ito agad nakuha. Ngunit hindi nagtagal ay unti-unti ring naproseso ng utak ko ang ibig niyang sabihin at gusto niyang palabasin.
Sa simula ay nakaramdam ako ng pagkainsulto at pagtatampo dahil hindi ko akalain na papasok sa kanyang isip ang bagay na iyon. Hindi ko lubos akalain na minsang sasagi sa isip niya na maaaro ko siyang pagtaksilan. Ngunit hindi kalaunan ay nagawa ko rin ito na intindihin. Hindi ko rin naman siya masisisi kung ang nais niya ay makasigurado dahil tulad ko ay ayaw niya na maging dahilan ng pagbagsak ng kanilang kaharian.
Naiintindihan ko ang pagkwestiyon niya sa akin tungkol sa pagparito ko dahil na rin sa sitwasyon namin. Ngunit tulad nga ng sinabi niya ay tanging ang isasagot ko lamang ang paniniwalaan niya. At sa tingin ko ay sapat na iyon upang hindi na ako magdamdam pa. Ang tanging kailangan niya lang siguro ngayon ay ang marinig mula sa akin mismo na wala akong dala na ano mang banta sa kanilang kaharian. Kaya nginitian ko siya at umiling.
Hindi ko alam kung sa paanong paraan ko sasabihin sa kanya na wala siyang dapat na ikabahala sa akin ngunit siguro naman ay makikita niya sa aking mga mata ang katotohanan sa naging sagot ko sa kanya.
"Walang nagpadala sa akin dito, Javadd. Hinding kita plano na pagtaksilan." Napangiti si Javadd sa naging sagot ko at ngayon pa lang ay alam ko na naniniwala na siya. At sobrang laki ng pasasalamat ko dahil hindi ako nahirapan na kumbinsihin siya para lang paniwalaan ako.
At hinding-hindi ko sasayangin ang tiwala na binigay niya sa akin. Hindi ko siya pagtataksilan habang nandito ako sa kanilang kaharian kahit pa magkaaway ang aming lahi. At lahat din ng matutuklasan ko sa kahariang ito ay hindi ko sasabihin sa aming kaharian. Kaya kong lumaban ng patas sa darating na panahon.