Chapter 17
Ayesha's POV
Wala akong ano mang ideya sa kung ano man na tunggalian ang nais na mangyari ni Digno ngunit kahit ano man iyon ay sinisiguro ko na handa ako. Ayoko rin sa sinabi niya kanina na hindi ako masasaktan sa kanya dahil hindi ko maituturing at hindi ko mararamdaman na nasa isang tunggalian nga ako kung wala man lang akong sakit mararamdaman.
Wala rin akong pakialam kahit pa magkasugat ako o galos man lang dahil hindi ko rin naman magagamit ang makinis kong balat sa darating na digmaan. At sa tingin ko rin naman ay maiintindihan ng mahal na hari at mahal na reyna kung makita man nga nila ako na magkaroon ng galos dahil alam naman nila na kasama ang lahat ng iyon sa isang tunay at masusing pagsasanay.
Alam ko rin naman na alam din ni Digno ang tungkol sa bagay na iyon kaya ewan ko kung paano at bakit niya nasabi na hindi ako masasaktan sa kanya. Gusto ko rin malaman kung paano nga ba ang masaktan nang pisikal dahil pakiramdam ko ay hindi ko pa iyon nararanasan. Oo nga at nasasaktan din naman ako. Ngunit alam ko na kahit sino naman ay kayang tiisin ang mga sakit na kinaya ko.
Alam ko na kailangan kong gawin ang lahat ng ito upang malaman ko rin kung may magagawa ba ako kung dumating man nga ang araw ng pagsiklab ng digmaan. Kung sa pagsasanay na ito ay wala na akong ibubuga at susuko agad ako sa mga simpleng tama na matatamo ko ay sigurado ako na hindi ko kakayanin ang isang digmaan. Kung makayanan ko ang isang ito ay may pag-asa na makaya kong sumali sa digmaan.
Ayokong maging isang uri ng reyna na wala man lang magagawa kundi ang umupo at maghintay ng mga ibabalita nila. Hindi kakayanin ng konsensya ko kung habang ang mga nasasakupan ko ay nagbubuwis ng buhay para sa aming kaharian, ako naman ay paupo-upo lang sa loob ng palasyo.
Pansamantalang nagpaalam si Digno at ang sabi niya kukuha lamang siya ng iba pa naming kakailanganin sa seryosohan naming pagsasanay. Naiwan kami ni Markiya sa silid at napansin ko ang maya't maya niyang pagsulyap sa akin at alam ko na may gusto siyang sabihin. At tila alam ko na kung ano iyon kaya hindi na ako nagtangka pa na tanungin siya dahil baka tuluyan na nga akong makulitan sa kanya kapag muli na naman niya akong pinigilan sa mga gusto kong mangyari.
Nginitian ko na lamang siya at tinapik sa balikat. At saka ko siya tinalikuran upang sa may pintuan na lamang hintayin ang pagbalik ni Digno. Hindi rin naman naging matagal ang ginawa kong paghihintay dahil ilang sandali lang din mula nang pumwesto ako rito ay natanaw ko na siya na naglalakad pabalik dito.
Habang pinapanood ko siya sa kanyang paglalakad palapit sa akin ay hindi ko maiwasan ang mapakunot ang noo dahil magkabilang kamay niya ang may mga bitbit. Kasalukuyan niyang bitbit ang dalawang espada at dalawang kalasag. At sigurado ako kung para saan ang mga iyon.
Kung kumuha na si Digno ng kalasag ay nakakasigurado ako nga pangkaraniwan na pagsasanay ang mangyayari ngayon. Ngunit sana lang ay maramdaman ko na wala na ako sa isang pagsasanay.
Napalingon din ako kay Markiya dahil narinig ko ang pagsinghap niya dahil sa pagkabigla nang makapasok si Digno sa pinto. Alam ko na nabigla siya dahil hindi niya inaasahan na magiging ganito kaseryoso ang lahat.
Nang nasa tapat ko na si Digno ay nakita ko ang kanyang ngiti at alam ko na natatawa siya dahil alam ko na halata rin sa mukha ko na maging ako ay hindi inaasahan ang lahat ng ito. Ngunit hindi pa man ako lubusan na nakakapag-isip at hindi pa man din tuluyang nakukuha ng isip ko ang mga mangyayari ay iniiabot na sa akin ni Digno ang isang espada at isang kalasag. Habang naiwan naman sa mga kamay niya ang iba pa.
"Oras na siguro upang alamin kung may natutunan nga ba ang mahal na prinsesa o sadyang napipilitan lamang siya na sumipot sa lahat ng nagdaan naming pagsasanay,"sambit niya ngunit hindi maikakaila ang pabiro niya na paghahamon sa akin. Nagkibit balikat ako na tila ay hindi iniinda ang mga hamon niya.
"Alam ko naman na hindi ako mananalo sa iyo, Digno. Ngunit pinapangako ko na hindi magiging madali ang iyong pagkapanalo." Tuluyan na ngang natawa si Digno ngunit alam ko na natutuwa siya sa lakas ng loob na mayroon ako. Sana nga lamang ay hindi lang lakas ng loob ang mayroon ako. Sana ay may ibubuga rin ako mamaya kahit papaano.
Nakangisi kong tinanggap ang lahat ng inaabot niya sa akin at ang ngisi na iyon ay upang sabihin na hindi ko siya uurungan.
"Hindi ko naman itatanggi na totoo rin ang iyong hinala na napipilitan lamang ako na sumipot dito." Napakunot ang noo niya dahil sa ginawa kong pag-amin sa katotohanan na iyon. "Pero kahit gano'n ay may natutuhan naman ako kahit papaano na alam kong magagamit ko rin," sabi ko.
Ngunit hindi nawala ang kunot sa kanyang noo dahil tila hindi pa rin nawawala sa isip niya ang ginawa kong pag-amin na napipilitan lamang akong gawin ang lahat ng ito.
Nalilito siya? Hindi ba niya iyon nahahalata sa akin? Mukha ba na gusto ko ang lahat ng ito? Kung gusto ko ito ay hindi ako tatamarin na siputin siya at hindi ako mahuhuli. Hindi ko siyapaghihintayin kung kinasabikan ko ang mga ginawa naming pagsasanay.
Nakakahiya man sa kanya na habang siya ay nandito na at naghahanda para sa aming pagsasanay, ako na kanyang sasanayin ay nasa kalagitnaan pa ngkasarapan ng pagtulog. Sana sa ganoong bagay pa lamang ay nahalata na niya.
"Hindi ko yata iyan inaasahan na marinig sa iyon, mahal na prinsea." Tulad nga ng inasahan ko ay wala nga siyang nararamdaman man lang na pag-disgusto ko sa lahat ng ito.
"Nasanay na lamang siguro ako na itago ang lahat ng saloobin na mayroon ako. Ngunit wala kayong dapat ikabahala dahil kahit na hindi ko ito gusto ay hindi naman sumasagi sa isipan ko na talikuran ang lahat ng tungkulin na mayroon ako," sabi ko at ngumiti na lamang nang pilit.