Crimson Bullet
AiTenshi
March 18, 2020
Part 3: Ang Makasaysayang Apuryokan
Ang amoy ng dugo ay palakas ng palakas. Sa isang langhap lang ay mararamdaman mo na agad ang galit, pagkagutom at pananabik ng Miryoku na nasa loob ng templo. Walang naniwala sa akin ni isa kaya ang lahat sila ay napahamak at nauwi sa madugong katapusan.
Kitang kita ng lahat kung paano mamula ang paligid ng templong tirahan ng lumikha, ang mga pulang mantsa na kumakalat sa mga bintana, sa sahig at maging sa bawat sulok nito ay walang iba kundi ang dugo ng maraming tao na mistulang baha na nanunulay sa hagdan pababa sa altar. Makikita ito mula dito sa labas kung saan nakapako ang aming mga paa sa aming kinatatayuan.
Ang lahat ay tulala at napanganga na lamang. Kasabay nito ang pag -alulong ng isang Miryoku sa kataasan ng araw. Sadyang ibang lahi ng taong lobo ang mga ito, dahil hindi sila takot sa araw at nagtataglay rin sila ng iba't ibang abilidad na sila lamang ang nakakagawa.
"Tumabi kayong lahat! Mga kabaryo nandito na si Tenjo! Siya ang magtatanggol sa atin!" ang sigaw ng pinunong si Gaspar sabay tulak sa pekeng si Tenjo na noon ay bakas ang takot sa mukha, hawak niya ang kanyang pekeng baril at espada habang nanangatog ang tuhod sa hindi maipaliwanag na takot.
"Mga kababayan, walang dapat ikabahala, nasa ating panig ang makasaysayang Apuryokan na si Tenjo! Ipangtatanggol niya tayo at ilalayo sa tiyak na kapahamakan!" ang wika Maria na asawa ni Gaspar.
"Mabuhay si Tenjo! Mabuhay ang makasaysayang Apuryokan!" ang wika ng mga taong bahay sabay taas ng kanilang mga kamay na punong puno ng pag-asa.
Humarap sa kanila ang pekeng Tenjo at nagwika, "Pero masakit ang tiyan ko ngayon. Natatae ako at sinisikmura," ang wika nito.
"Ikaw talaga Tenjo palabiro ka, gawin mo ang makakaya mo upang ibagsak at talunin ang Miryoku na nasa templo! Isalba mo kami!" ang wika ni Maria.
"Tama! Isalba mo kami Ginoong Tenjo, ang makasaysayang Apuryokan!" ang sabad rin ng mga tao.
Nasa ganoong posisyon kami noong isa isang tumilapon palabas ng templo ang maraming bangkay na butas ang mga katawan, para mga basahan na ihinagis ang mga ito sa harapan ng mga taong bayan dahilan para matakot sila at lalong magimbal. Dalawa, tatlo, lima, hanggang sampung katawan ang lumipad sa aming harapan. Ang lahat ay butas sa gawin tiyan parang hinalukay ng kung ano.
Palakas ng palakas ng amoy at gayon rin ang pwersa nagmumula sa loob ng templo. Ang paligid ay unti unting dumilim, ang ulap ay naging makapal at panandalian tumabing sa araw. Nagsimulang humangin ng malakas at binalot ng matinding kilabot ang buong paligid.
Sa isang malakas na alulong ay nagsimulang magiba ang buong templo at mula dito ay lumabas ang isang malaking taong lobo. Kakaibang ang kanyang kulay, ang kanyang balahibo ay may hibla ng dilaw, ang mga kuko ay mahahaba at sa kada paghinga na kanyang ginagawa ay nag s-spark ito na parang may kuryenteng bumabalot sa kanyang katawan.
Malakas ang isang ito, marahil ay isa siyang mataas na uri ng Miryoku, hindi nakapagtataka na walang nakakalaban na Apuryokan sa lugar na ito. At iyon rin ang dahilan kaya malayo pa lang ay naamoy ko ang kanyang dugo.
Isa pang malakas na alulong ang kanyang pinakawalan, bumagsak ang malakas na boltahe ng kuryente sa kalangitan na tumama sa buong paligid, nagiba ang mga bahayan, nasira ang lahat. Nagliparan ang mga tao sa matinding pwersa ngunit hindi ako natinag, hindi ako gumalaw sa aking kinatatayuan.
"Tenjo, ayan na ang kalaban! Pakiusap iligtas mo kami!" ang sigaw ni Maria habang nakatago sa isang maliit na dampa.
Walang nagawa ang pekeng Tenjo kundi ang humarap sa kalaban, hinawakan niya ang kanyang espada, nanginginig ang kanyang braso, kitang kita rin ang pagtagas ng ihi sa kanyang salawal dahil sa matinding takot. "Ayoko na talaga! Hindi talaga ako si Tenjo! Nagpapanggap lang ako!" ang malakas na sigaw nito sabay takbo palayo.
Nagtatakbo ang kalaban patungo sa pekeng Tenjo. Habang kumikilos ng mabilis ay bumukas ang bibig nito at nag-ipon ng enerhiya na mistulang boltahe ng kuryente sa kanyang bibig saka ito ibinuga sa kanyang direksyon, nanulay ang boltahe ng kuryente sa lupa na naging sanhi ng pagsabog nito.
Sa lakas ng pwersa ay tumilapon ang pekeng Tenjo kaya naman tumalon ako sa ere para isalba ang katawan nito bago pa matusta na parang isang karneng baboy.
Sunod sunod ang pagsabog at pagyanig sa paligid. Nawala rin ng malay ang pekeng Tenjo kaya naman inihagis ko siya sa kinalalagyan nila Maria at iba pa. "Jusko, wala ka naman pa lang kwenta. Nilibre pa naman kita ng bayad sa panuluyan tapos peke ka naman pala," ang hirit nito sabay hampas ng kahoy sa ulo ng pekeng mandirigma.
"Lahat kayo, dito lang kayo at walang lalabas, maliwanag ba?" tanong ko sa kanila sabay lakad patungo sa kalaban.
Dumistansiya ito ng bahagya sa akin, "Anong klaseng nilalang ka? Masarap ka sa pang-amoy, humahalimuyak. Nagtataglay ka ng isang malakas na enerhiya na hindi ko maipaliwanag kung saan nagmumula. Bakit iba ka sa mga Apuryokan na nakalaban ko? Habang tumatagal ay nakakabuang ang iyong amoy? Lalo akong nagugutom at nananabik. Akin ka Apuryokan! Akin kaaaa!" ang sigaw nito, tumayo siya ubod ng tikas gamit ang kanyang dalawang mabalahibong paa saka nag-ipon ng hangin sa kanyang dibdib saka umalulong ng malakas.
Muling naging abnormal ang kalangitan, namuo malakas na kidlat dito at biglang bumagsak sa katawan ng taong lobo sa aking harapan.
Kinain niya ang lahat ng enerhiyang nagmula sa kidlat. Tumama ito sa kanyang katawan at parang inamnam pa niya ang malakas na boltaheng bumagsak sa kanyang kalamanan.
Mula dito ay kapansin pansin na mas lumaki ang kanyang katawan, mas naging mahaba ang kanyang balahibo. Nagbago rin ang anyo ng kanyang pangil at kuko dahil mas humaba ito at mas tumalim. Ramdam ko rin na mas lumakas ang kanyang enerhiyang taglay kasya kanina.
Noong matapos ang pagtama ng kidlat ng kanyang katawan at nakamit ang kompletong pagbabago nito ay lumakad siya patungo sa akin, umuusok ang kanyang balahibo, at mas bumilis pa ang kanyang pagkilos.
Ilang saglit ay nawala siya na parang bula sa aking paningin at sa isang kisap mata ay sumulpot siya sa aking harapan at nagsagawa ng pag atake. Alerto ako, agad kong hinugot ang aking espada at ihinarang ito sa kanyang harapan, tumama ito sa kanyang braso dahilan para mabali at mabasag na parang salamin ang aking espada.
Hinugot ko pa ang ikalawang espada sa aking kabilang bewang at buong lakas na hinihataw ito sa kanyang harapan ngunit agad lang rin niya itong sinalo at binasag ang talim sa kanyang malaking palad.
Noong wala akong pandepensa ay nagliwanag ang kanyang bibig at bumuga ito ng malakas na enerhiyang kilat na nagtulak sa aking palayo, tumilapon na parang isang laruan ang aking katawan pasadsad sa lupa. Tumama rin ako sa bahayan at sa mga puno sa paligid.
Ilang taon ko ring ginamit ang aking dalawang espada at ngayon lamang ito nasira. Patunay na hindi ordinaryong Miryoku lang ang aking kalaban. Tila yata habang tumatagal ay nagbabago rin ang salin lahi ng mga ito, paalakas ng palakas at payabong na pabayong ang kanilang mga kakayahan. Ang isang simpleng Apuryokan ay hindi tatagal kaya't wala sa kanila ang nakabalik ng buhay.
Habang nasa ganoong pag iisip ako ay muling umatake ang kalaban, mukhang wala itong balak na bawiin ako kaya't mula sa kanyang kinalalagyan ay lumundag na naman ito para isang mabangis na hayop sa aking itaas. Sa pagkakataong ito ay wala akong nagawa kundi ang umiwas. Ang kanyang kamao na sana ay tatama sa akin ay tumama sa lupa at bumaon ito, nag iwan ng malaking bakas na parang binagsakan ng kometa na hukay.
Kung tumama ito sa akin ay baka nadurog ng husto ang aking katawan.
Hingal na hingal ako, tagaktak ang aking pawis. Isang malalim na paghinga ang aking pinakawalan upang bumagal ang t***k ng aking puso at muli akong kumalma.
Nasa ganoong pagpapahinga ako ng muli na namang umalulong ang taong at dito ay bumagsak ang boltahe ng mga kuryente at kidlat sa paligid dahilan para tuluyang masalanta ang buong bayan. Marami ring tinamaan ng mga ito at namatay ng walang kalaban laban.
"Ilang malalakas na Miryoku rin ang kinain ko kaya nagtaglay ako ng malakas na kapangyarihang tulad nito. At ngayon ay ako ikaw naman kakainin ko! Tenjo! Matagal kong hinintay ang araw na ito na magkaharap tayong dalawa! Kakainin kitaaaaa!" ang sigaw niya at muling nagtatakbo patungo sa akin.
Wala akong nagawa kundi ang dumistansya. Kalmado lang ang aking sarili, at wala akong ibang iniisip..
Tahimik.
Nasa ganoong posisyon ako noong may marinig na isang pamilyar na tinig ng isang lalaki na nagmumula kung saan. Tinawag nito ang aking pangalan, "Tenjo.."
Tila tumibok ng malakas ang aking puso at kasabay nito ang kusang paggalaw ng aking kamay na parang may sariling buhay.
Huminto ako sa pagkilos at tumayo sa harapan ng kalaban. Inabot ng aking kamay ang baril sa aking likuran at itinutok ito sa direksyon ng tumatakbong kalaban.
Naipon ang enerhiya sa aking braso, nagliwanag ang aking mag mata. Tila ba hindi ko kontrolado ang lahat ng aking pagkilos..
Maya maya ay isang boses pa ang aking narinig. "Tenjo.. alalahanin mo ang lahat," ang wika nito.
At kasabay nito ay ang pagkalabit ko ng gatilyo ng baril sa aking kanang kamay. Nagliwanag ang bibig nito at mula dito ay sumibat isang nagliliwanag na kulay pulang bala, para itong isang malakas na enerhiya sumibat sa direksyon ng kalaban.
Namula ang kalangitan.
Pulang pula ang bala na sumibat sa ere, parang isang kometang galing sa pinakamainit na planeta. Ang lahat ng madaanan ay nalulusaw ay nabubura na lamang.
At kasabay noon ang pagbabalik ng isang alalang hindi ko akalaing babago sa takbo ng aking buhay.
Itutuloy.