Part 2: Ang Tunay na Tenjo

1617 Words
Crimson Bullet AiTenshi   Part 2: Ang Tunay na Tenjo   "Ikaw si Tenjo? Baliw ka ba? Nagpapatawa ka ba? Si Tenjo ay maraming taon nang may hawak ng pinakamalakas na Apuryokan sa kasaysayan. Alam ko iyon dahil ako si Tenjo! Ngayon ay 56 anyos na ako ngunit matikas pa rin ang aking pangangatawan. Ikaw? Hindi ka ba nahihiya sa iyong sinasabi? Bata, wala ka pa yata ng dalawampu't isang taong kaya sinong maniniwala sa iyo?" tanong ng lalaki at nagtawanan sila. Iniharap niya ako sa mga taong bayan at saka muling pinagtawanan.   "Mga kabaryo, ang batang Apuryokan na ito ay nagpapanggap bilang ako," ang wika nito sabay tawa ng malakas.   Tawanan rin ang mga tao. "Hijo, ang tunay na Tenjo ay nariyan mismo sa iyong harapan. Nauunawaan namin ang iyong pagnanais na hangaan ka ngunit ang paggamit sa pangalan ng iba ay hindi maganda," ang wika ni Gaspar na hindi mapigilan ang matawa.   Humarap ako sa lalaking nagpapakilalang si Tenjo, "Ang Miryoku ay naroon sa sagradong templo at wala ito sa panuluyan katulad ng sinasabi mo kanina," ang wika ko sabay pagpag ng aking baluti at hindi ko na pinansin pa ang mga taong nagtatawanan sa aking paligid.   Hindi na ako nagsalita pa, kahit ang pakikipagtalo o pagpapatunay sa aking sarili ay hindi ko ginawa. Hinayaan ko lang silang magtawanan kung iyon ang kanilang nais. Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad patungo sa sagradong templo kung saan naroon ang pinakamalakas na amoy ng dugo.   Maraming Miryoku sa buong paligid, mayroong may hawak na bata, mayroong nagpapanggap ng pulubi at mayroong ring mga alagad ng batas. Kung ikaw ay ordinaryong Apuryokan na walang kakayahan ay tiyak malilinlang ka lang nila at makakain sa dulo, ang lahat ay mababale wala at mauuwi sa pagkasayang.   Ang pekeng Tenjo kanina, wala siyang kamalay malay na napapaligiran siya ng mga Miryoku at anumang oras ay maaari na siyang kainin ng mga ito. Ni wala siyang kakayahang makaramdam ng kalaban sa paligid kaya sa tingin ko ay agad ring matatapos ang kanyang pagpapanggap bilang ako.   Ang pangalang Tenjo ay nakilala bilang malakas na Apuryokan sa kasaysayan. Bagamat wala pang nakakakita sa kanyang mukha kaya't maraming nagpapanggap na siya kahit saan kang baryo magpunta. Kung gagamitin mo ang pangalang ito ay tiyak na hahangaan ka at kalulugdan ng mga tao sa iyong paligid dahil iisipin nila na ikaw ay tagapagligtas at taga salba ng kanilang pamilya.   Ngunut kaakibat ng pangalang ito ang panganib dahil marami ring Miryoku ang nagnanais na kainin ka at taglayain ang iyong lakas bilang isang Apuryokan. Iyon ang dahilan kaya't kahit kailan ay hindi ko binabanggit ang aking pangalan. Basta ang alam lang ng lahat ay isa akong ordinaryong taga-paslang na nasa edad 21 taong gulang. Ang hindi nila alam ay halo isang daang taon na ako dito sa mundo, sadyang tumigil na lang ang aking pagtanda simula noong araw na iyon. Ang araw na hindi ko malimutan ni isang saglit sa aking buhay.   Patuloy akong naglakad at noong makatapat ako sa tarangkahan ng templo ay may humalimuyak ang amoy ng dugo ng Miryoku na naroon sa loob. Gutom ito at anumang oras ay nagbabantang sumalakay sa mga taong naroon sa templo. Kaya naman kahit mataas ang tarangkahan ay nagawa itong luksuhin ng walang kahirap hirap na para akong isang papel na hinangin mula sa itaas. Ni hindi naramdaman ng mga bantay na kawal ang aking pagdating, basta't nagulat na lamang sila noong makita nila akong papasok sa mismong bulwagan ng templo kung saan naroon ang taga-pagsalita, siya ang sinasabing mensahero ng lumikha at ang templong ito ay ang sagradong tahanan ng mga naniniwala. Pagpasok ko sa malaking bulwagan ay walang pakialam sa akin ang lahat. Sila ay abala pakikinig sa sermon ng mensaherong nakasuot ng magarbong kasuotan. Nababalot ng palamuting ginto ang kanyang katawan kaya't anga't na anga't siya sa lahat.   Emosyon rin ang mga tao habang dinaramdam ang bawat katagang lumalabas sa kanyang bibig. May ibang umiiyak, may ibang sumasang-ayon ay ang mayroon ring inaalay ang kanilang sarili upang mailigtas ng kanyang mga salita. "Ang aking mga anak ay maliligtas basta sundin niyo lamang ang sagradong batas. Ito ang magpapalaya sa atin mula sa takot, paghihirap at kalupitan ng mundo. Kayong mga anak ko ay maliligtas at ang kadiliman ay wawakasan ng liwanag hanggang sa makamit natin ang payapa at magandang buhay. Ngunit sa ngayon aking mga anak, dapat ay manampalataya tayo sa kapangyarihan ng lumikha upang taong lahat ay kanyang isalba!" ang wika ng mensahero habang punong punong maisidhing emosyon ang kaniyang mga salita.   Halos hindi ako makapaniwala na ang isang makapangyarihan Miryoku ay nagtatago sa katauhan ng isang sagradong nilalang, isang mensahero ng mabuti balita mula sa lumikha. Sinong mag aakala ang taong nagbibigay ng pag-asa at buhay sa mga ordinaryong tao ay ang kaparehong nilalang na nagbibigay naman ng kamatayan, paghihirap at takot sa buhay ng iba. Sadyang mahuhusay lamang magtago ang mga Miryoku kaya't hindi agad sila nahuhuli ng mga ordinaryong Apuryokan.   Ang lahat ay nakayuko at patuloy na sumasamba sa pekeng mensahero.   Habang nasa ganoong posisyon sila ay matahimik akong lumakad sa bulwagan, ilang dipa ang aking layo mula sa mensahero ay nagtatakbo ako ng walang ingay, para akong sumabay sa hangin na walang sinuman ang nakakapansin maliban sa mensahero na patuloy sa pagsasalita ngunit ang mga mata ay nakatingin sa akin, namumulagat ito at nag-iibang ang kulay sa tuwing ako kumikilos ng mabilis patungo sa kanya.   Wala pa ring ingay sa paligid.   Noong makarating ako sa kanyang harapan ay mabilis kong hinugot ang espada sa aking bewang at isang mabilis na paghataw ang aking ginawa dahilan para maputol ang ulo ng mensahero pero tuloy pa rin ito sa pagsasalita.   Kasabay nito ang pag-angat ng mga sumasamba at dito ay nagimbal sila noong makita ang pugot na ulo ng mensahero na nakakalat sa altar. Puro dugo ang aking espeda, tumutulo ito sa makintab na sahig habang nakatayo ako sa kanilang harapan.   Nagimbal sila, ang iba ay labis na natakot at kapasigaw na lang. Ang iba naman ay natatakbo palabas sa templo at nanghingi ng tulong. "Ang mensahero! Pinatay ng isang Apuryokan! Saklolo!" ang sigaw ng nga mga ito na hindi maitago ang takot.   Samantalang ako naman ay nanatiling nakatayo sa harap ng altar at pinagmamasdan ang pekeng mensaherong pinutulan ko ng ulo. Maya maya ay dumilat ito at nagsalita, "Ang lumikha ay nagagalit sa iyong kapangahasan! Ikaw ay mamatay at susunugin sa naglalawang langis! Papahirapan ang iyong kaluluwa at buburahin ito sa mundong ibabaw! Walang makakaalala sa iyo ni isa!" ang malakas na salita at nakuha pang tumawa kaya nagimbal ang mga tao sa paligid at nagtakbuhan sa takot. Sila ba naman ang makakita ng ulong pugot na nagsasalita, malamang ang iba ay hindi makapaniwala.   Natawa na lang ako, "Paano mo nagagawang mangaral ng sagradong salita kung ikaw mismo ay isang walanghiya? Sa palagay mo ba ay habang buhay kang mapangbibiktima ng walang kamalay-malay na mga nilalang dahil nagtatago ka sa imahe ng isang sagradong nilalang na nagpapalaganap ng balita? Kung iyan ang iniisip mo ay makabubuting mag-isip kang muli," ang sagot ko.   "Alam mo, ang iniisip ko ngayon ay kung paano kita tatapusin katulad ng mga Apuryokan na nauna sa iyo. Pare-pareho ang lasa ng kanilang mga apdo, manamis namis at punong puno ng takot. Pero ang sa iyo ay amoy na amoy ko, mabango ito, matamis at humahalimuyak na parang isang bulaklak. Sabihin mo sa akin, handa ka na bang mamatay at i-alay ng iyong sarili sa akin?" tanong niya sa akin.   Nagkibit balikat ako, "hindi ko alam, siguro nga ay handa na rin akong mamatay ngunit ang problema ay napakailap nito sa akin. Ilang beses ko na ring ibinuwis ang aking buhay para sa iba pero ang lahat ng iyon ay hindi pa rin sapat. Heto't buhay pa rin ito at sa tingin ko ito ang aking pinakamalaking kaparusahan," ang seryoso kong tugon sa kanya sabay hugot ng baril sa aking likuran.   Noong mga sandaling iyon ay wala akong sagot na nakuha sa mensahero, pumikit ito at nagkunwaring patay na. Kasabay nito ang pagpasok ng kawal sa paligid at lahat sila ay tinutukan ako ng kanilang mga sibat na hawak. "Ayan! Ang Apuryokan na iyan ang pumaslang sa mensahero!" ang umiiyak na pagsusumbong ng kanyang mga taga-sunod. "Apuryokan, isang malaking pagkakasala ang iyong ginawa! Pinatay mo ang walang kamuwang muwang na mensahero! Ikaw ay papatawan ng tiyak na kamatayan!" ang wika ng isang kawal habang lumalapit sa akin.   "Ang inyong mensahero ay isang huwad! Nililinglang lamang niya ang inyong isipan. Isa siyang Miryoku na nagtatago bilang isang alagad ng lumikha," ang katwiran ko naman habang nakataas ang dalawang kamay.   "Sinungaling! Ang Apuryokan na iyan ay isang baliw! Narinig namin doon sa bayan na siya ay nagpapanggap na si Tenjo! Tiyak na depekto ang utak ng isang iyan! Isa siyang mapanganib na nilalang!" ang sigaw ng isang kawal.   Ang lahat ay hindi naniniwala sa aking sinasabi, kung sabagay sino ba naman ang mag-aakala na ang mensaherong ito ay isang huwad.  May mga ilang nakarinig ng kanyang pagsasalita kanina at ang mga iyon nagtakbuhan palayo. Samantalang ang mga kawal na ito at ang ilang mga taga-sunod ay walang kamalay malay na sila ay nasa bingit ng isang mapanlinlang na pangil na kadaliman.   Agad akong hinawakan ng mga kawal at pinakiusapang sumama sa kanila ng walang gulo. Iyon ang aking ginawa, walang salita akong naglakad kasama nila palabas ng templo.   Mula dito ay amoy na amoy ang malakas na dugong nagmumula sa kalaban, galit na galit ito, gutom na gutom at lalong nawawala sa kontrol.   Noong saktong makalayo kami ay ilang malalakas na sigaw ang aming narinig mula sa loob ng altar at kasabay nito ang pagkalat ng dugo paligid na ikinagimbal ng lahat. Itutuloy.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD