Part 1: Apuryokan
Crimson Bullet
AiTenshi
March 17, 2021
"Naniniwala ka ba sa kabilang buhay? Ang sabi nila kapag namatay ka ay maaari kang makabalik muli sa ibang katauhan. Sa tingin mo makakabalik pa ba ako?" Ito ang aking katanungan habang nakatingin sa kalangitan. Ang kulay pulang talulot ng mga bulaklak na hinahangin at bumabagsak sa aking itaas ay maigi kong pinagmasdan.
Tahimik.
.
Patuloy sa pagpatak ang dugo sa aking kanang mata, para itong luha na nanunulay sa aking pisngi at humihinto sa aking labi. Isang malalim na pagsinghap ang aking ginawa sabay itaas sa aking kamay. Marahan kong isinahod ito sa mga kulay pulang talulot at hinayaan itong bumagsak sa aking palad.
Habang nasa ganoong posisyon ako ay unti unti kong binatawan ang aking baril dahilan para bumagsak ito sa kulay pulang lupa na ang aking kinatatayuan.
Walang ibang tumatakbo sa aking isipan noong mga sandaling iyon, basta ang alam ko ay pagod na lang ako at nais ko na matapos ang lahat ng ito. Isang malalim na singhap ang aking pinakawalan at kasabay nito ang unti-unting pagpikit ng aking mga mata.
Ang lahat ay parang pelikulang nagbalik sa aking isipan. At karamihan dito ang mga alaalang kahit minsan ay hindi ko nakalimutan.
May mga bagay ba talaga na mahirap limutin? O sadyang ayaw ko lang itong gawin?
Part 1: Apuryokan
PLACE: ZANARKAN ISLAND
YEAR 1700
Malayo pa lang ay naririnig ko na ang usapan ng mga tao na nakatira isang maliit na baryo. Mula dito sa aking nilalakaran ay nalalanghap ko na rin ang kakaibang amoy ng dugo na nagmumula sa lupon ng mga taong abala sa kanilang mga gawain. Sadyang isinisilang ang tao na may iba't ibang katangiang taglay, may iba na malakas ang pandinig, matalas ang pag-iisip, malakas ang pakiramdam at sa aking naman parte ay ipinanganak akong may matalas na pang-amoy. Kaya't bata pa lang ay nararamdaman ko na kung may panganib sa paligid bagamat hindi talaga ako pala salita noon. Ang ibig kong sabihin ay kaunti lang ang maririnig sa akin, at kung minsan ay halos wala talaga.
Madalas kong kausap ang aking isipan, marami akong tanong at kung minsan ay nagiging paulit ulit na lang ito na parang isang sirang plaka.
Patuloy ako sa paglalakad, ang aking mga nakakasalubong ay nakatingin lamang sa aking kasuotan. Balot ng bakal na baluti ang aking balikat at dibdib. Nakasuot rin ako ng pang-ibabang pantalon na may espesyal na telang gawa sa balat ng isang mahiwagang hayop na matatagpuan sa bundok na pula. Wala akong ideya kung anong hayop ito basta't ang alam ko ay nagtataglay ito ng makapal na balat.
Kapansin pansin rin ang aking tangkad, ang putlang kulay ng aking balat at ang magkaibang kulay ng aking mata. Ang kanan ay kulay asul at ang kaliwa naman ay kulay dilaw. Taglay ko rin ang isang malaking baril sa aking likuran at dalawang kakaibang espada sa aking tagiliran na nakasabit sa gawing bewang. Sa bawat paghawak na aking ginagawa ay maririnig mo ang kalatok ng aking sapatos na nakapupukaw ng atensiyon ng iba.
Ito ang regular na anyo ng isang mandirigma na kung tawagin ay "Apuryokan" o mga tagapaslang ng mga nilalang na kung tawagin naman ay mga "Miryoku" isang lupon ng mga halimaw na kalahating tao at lobo.
Ang mga Miryoku ay hindi basta ordinaryong taong-lobo. Hindi sila nakapende sa kabilugan ng buwan o maging sa liwanag nito. Sila ay mga salin-lahi na lamang na may kakaibang katangian at kapangyarihan na parang isang mataas na uri ng mga demonyong isinumpa sa ilalim ng lupa. Ang mga Miryoku ay kadalasan nasa anyong normal na tao, nakikibagay at nakikisalamuha sa mga ordinaryong tao. Hindi sila nahahalata, hindi rin sila nahuhuli ng basta basta kaya't malaya silang nakakapambiktima ng mga walang malay na nilalang. Kung minsan ay mga bata sila, matanda, isa ina o isang kapatid. Karaniwan ay nagtatago sila sa ganitong katauhan upang hindi mapaghinalaan.
Paborito nila ang atay at apdo ng tao. Ang mapait na bahaging ito ng ating katawan ay ang pinakamatamis at pinakamasustansiya para sa kanilang mga panlasa.
Ang mga "Apuryokan" naman ay ang mga tumutugis sa mga Miryoku na may mataas na patong sa ulo. Kami ang mga "slayer" o taga paslang ng kanilang lumalagong lahi. Bagamat kadalasan ang pagiging isang Apuryokan ay napaka delikadong bagay dahil kung hindi sapat ang iyong lakas ay tiyak na kakainin ka lang ng mga mababangis at gutom na Miryoku.
Ang lahat ay maaaring maging Apuryokan basta nagtataglay ka ng lakas ng pangangatawan at determinasyong ialay ang iyong sarili sa pagpatay ng kalaban. May ibang dumaraan sa pag-aaral o masusing pagsasanay. May iba rin naman na bigla na lang itatalaga ang kanilang mga sarili sa isang misyon na walang kasiguraduhan. Sa huli ay ikaw pa rin ang masusunod kung ano ang gusto mong gawin.
Patuloy akong naglakad papasok sa maliit na baryo. Ang lahat ay nakatingin, ang iba ay natatakot, ang iba ay namamangha. Mas matangkad ako sa regular na tao, mas matipuno ang aking katawan at gayon rin ang aking tindig. At sa kada paglingon ko sa kanila napapahinto sila sa pag-uusap bagamat naririnig ko naman lahat ng maayos at malinaw.
Habang nasa ganoon paglalakad ako ay may humarang na isang matanda sa aking tabi at nagwika ito. "Kakaiba ang anyo mo sa lahat ng Apuryokan na pumasok baryong ito. Gusto ko lamang sabihin na sa iyo na isang malakas na Miryoku ang nandito at naghahasik ng lagim. Wala ni isang taga-paslang na Apuryokan ang nakalabas ng buhay. Ganoon rin kaya ang kapalaran iyong sasapitin ginoo?" tanong niya sa akin.
"Siguro, ngunit sa tingin mo ba ay takot pa akong mamatay?" tanong ko rin sa kanya.
Tumingin sa akin ang matanda at pinagmasdan ang aking mga mata, tila na sinusuri niya ito o kaya ay binabasa. "Hindi ka nga takot mamatay hijo. Pero ang mata mo ay malungkot, tila ba matagal mo nang niyakap ang kamatayan."
"Hinahabol ko ang kamatayan, ngunit masyado itong mabilis kaya hindi ko ito maabutan. Sa bayan na pinupuntahan ko ay umaasa ako na mag aabot kami ngunit masyado itong mailap sa akin," ang tugon ko sabay lakad patungo sa tarangkahan ng baryo kung saan palakas ng palakas ng amoy.
"Sandali ginoo," pagtawag ng matanda dahilan para mapahinto ako sa paghakbang. "Bakit?" tanong ko.
"Habang hinahabol mo ang kamatay ay lalo itong magiging mailap sa iyo. Hayaan mo lang at darating ito ng kusa," ang wika niya sabay bitiw ng ngiti.
Tumango ako bilang tugon at muling ipinagpatuloy ang paglalakad.
Pumasok ako sa bayan, hindi na bago sa akin ang mga ganitong lugar. Hindi na rin bago sa akin ang kanilang mga reaksyon. Lahat sila ay takot, ang iba naman ay natatawa na lang at nagbibilang kung ilan pang mga Apuryokan ang papasok sa kanilang bayan at hindi na makakalabas pa ng buhay. Ang iba ay nagpupustahan kung makakaligtas ba ako o mamatay na lang.
Ang uri ng pamumuhay sa mga baryo, payak at napaka tahimik. Ang mga tao ay abala lang sa paglalako ng mga gulay at isda bilang kabuhayan. Walang kulay ang kanilang mga kasuotan na maikukumpara sa kanilang buhay na halos inalisan rin ng saya noong lumaganap ang mga Miryoku. Para bang araw araw ay binibilang na lang nila ang kanilang buhay at tanggap na nila na anumang oras ay maaari silang mawala.
"Hoy, Apuryokan, sa tingin mo ba ay makakalabas ka pa ng buhay dito? Paborito ng demonyong Miryoku sa bayan na ito ang atay at apdo ng mga katulad mong tagapaslang. Bakit ba ang titigas ng ulo niyo? Kahit ang pinakamalakas na taga paslang na si Tenjo ay hindi siya mapatay alam mo ba iyon?" tanong sa akin ng isang lalaking may napakasak ng binulot na papel sa bibig at kanya itong inihitit.
"Oo nga ginoo, dumating dito kamakailan lang yung sikat na taga-paslang na si Tenjo at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya natatalo ang Miryoku na naninirahan dito. Kung ang pinakamahusay na taga paslang na si Tenjo ay walang magawa, ikaw pa kaya? Nga pala, ako si Maria at siya naman ang aking asawa ni Gaspar, siya ang pinuno sa baryong ito," ang pagpakilala nila.
Hindi ko naman sinagot ang kanilang mga sinabi. Tumango lang ako bilang tugon. Mula sa aking kinatatayuan ay may iba't ibang amoy ang aking nalalanghap. "Isa lang isa ang Miryoku dito sa inyong bayan. Marami sila, ang ilan ay mga bata, mga tindera, mga nagpapanggap na ina at nagpapanggap na pinuno," ang wika ko habang nakatingin sa aking paligid.
Ngunit sa lahat ng mga ordinaryong amoy na iyon ay nangingibabaw ang isang naroon sa templo ng lumikha. Batid kong naroon ang pinakamalakas.
Tahimik.
Habang nasa ganoong posisyon kami ay naramdaman kong may nagpatong ng kamay sa aking balikat, malakas ito at naramdaman ko ang pagkalatok ng kanyang daliri sa aking baluti. Humarap ako sa kanya at dito ay nakita ko ang isang lalaking may malaking pangangatawan, balbas sarado, mayroong malaking palakol sa likod at nakasuot rin ng kalasag na may nakaukit na pangalang "Tenjo".
Tumingin ako sa kanya at pinagmasdan ang kanyang mukha. Pero tila napikon siya kaya hinablot niya ang aking buhok at inilapit sa kanya. "Hindi ako tinitingnan ng tuwid sa mata, naunawaan mo ba iyon? Hindi mo ba kilala kung sino ako ha? Ako si Tenjo, ang pinakamalakas na Apuryokan sa kasaysayan," ang wika nito.
"Pasensiya na ginoo, ngunit hindi ko alam na ikaw iyon," ang tugon ko naman.
Lalo siyang nainis at ginawaran ako ng isang malakas na suntok sa mukha. Napaatras ako pero nakita kong napangiwi siya at agad na itinago ang kanyang nagdugong kamao dahil para siyang sumuntok sa bakal.
"Walang ibang Apuryokan ang maaari makagapi sa kalaban kundi ako lamang. At lalong hindi ikaw!" ang singhal niya sa akin.
"Ginoong Tenjo, pasensiya ka na ngunit pabayaan mo na lamang ang baguhang Apuryokan na ito. Mamaya lamang ay mamatay na siya kaya't bigyan natin siya ng pagkatataong patunayan ang kanyang sarili hanggang sa huling sandali," ang wika ng asawa ng pinuno na si Maria.
Natawa si Tenjo at ibinuga ang ibinilot na papel na may pinatayung dahon saka ito tinapakan. Lumapit siya sa akin, inakbayan ako na parang nanunuya at saka bumulong, "Nakatago sa bahay panuluyan na iyon ang Miryoku, masyado siyang malakas kaya't tinitiyak kong hindi ka na sisikatan pa ng araw. Pero gayon pa man, nais kong puruhin ang kapangahasan mong magtungo dito. Ano ang pangalan mo bata?" tanong niya sa akin na may halong pagyayabang.
Tumingin ako sa kanya at dito ay nagliwanag ang aking mga mata na kanyang ikinagulat. Nanigas ang kanyang katawan na para bang natakot sa pagpapalabas ko ng katiting na pwersa. Inaalis ko ang kanyang pagkakahawak sa aking braso at nag wika. "Ang pangalan ko ay..."
"Tenjo."
Itutuloy.