Crimson Bullet
AiTenshi
March 18, 2021
Maya maya ay isang boses pa ang aking narinig. "Tenjo.. alalahanin mo ang lahat," ang wika nito.
At kasabay nito ay ang pagkalabit ko ng gatilyo ng baril sa aking kanang kamay. Nagliwanag ang bibig nito at mula dito ay sumibat isang nagliliwanag na kulay pulang bala, para itong isang malakas na enerhiya sumibat sa direksyon ng kalaban.
Namula ang kalangitan.
Pulang pula ang bala na sumibat sa ere, parang isang kometang galing sa pinakamainit na planeta. Ang lahat ng madaanan ay nalulusaw ay nabubura na lamang.
At kasabay noon ang pagbabalik ng isang alalang hindi ko akalaing babago sa takbo ng aking buhay..
Part 4: Bala at Ala-ala
Lumipad ang Crimson bullet mula sa aking baril at kasabay nito ang babago ng aking paligid. Bumalik ako sa aking ala-ala noong ako ay bata pa lamang at noong makilala ko ang isang taong bumago ng lahat sa aking buhay. Ang lahat ay parang pelikulang nagbalik sa aking ala-ala, ang bawat detalye ay malinaw ko pa ring nakikita sa aking isipan.
PLACE: BARYO HUDHOD
YEAR 1600
Bata pa lamang ako noong unang makakita ng mga sugatang Apuryokan na naglalakad sa kalsada ng aming bayan. Ang ilan sa kanila ay putol ang mga braso, ang ilan naman ay napinsala ng husto ang mga mukha at katawan. Sa aking murang edad na lima ay hindi ko lubos na maunawaan kung bakit kailangan nilang isugal ang kanilang buhay para sa mga bagay walang kasiguraduhan.
Kakaiba ba rin ang amoy ng aking paligid, amoy masangsang na dugo, amoy galit, amoy paghihiganti. Hindi ko maunawaan ngunit sa tuwing lumalanghap ako ng hangin ay kakaiba ang mga bagay na pumapasok sa aking ilong.
Sa pagsapit naman ng gabi ay nakasiksik na ang mga tao sa kani-kanilang mga maliit na dampang gawa sa pawid, kawayan at mga pinatuyong dahon na ginawang sala-sala. Kinatatakutan nila yung pagkalat ng mga halimaw na kung tawagin ay Miryuko o mga taong lobo na nangangain ng tao, mga nilalang na walang nakaka-alam kung saan nagmula basta ang alam lang namin ay namumuhay kami kasama nila sa araw araw. Swerte na lang kung hindi kami makain o mapatay na lang ng walang kalaban laban.
Ngunit para kay itay, ang buhay kasama ng mga Miryoku ay walang kaso. Hindi siya nangangamba na baka mapahamak kami, ang totoo ay gusto na nga niyang kainin kami ng mga halimaw upang mawala na ang kanyang mga pansanin.
Tatlo kaming magkakapatid, ako ang pinakabunso. Ang pinakamatanda ay nasa walong taong gulang, ang sumunod sa kanya ay nasa anim naman. Wala kaming mga pangalan, hindi ko alam kung anong itatawag ko sa kanila o kung anong itatawag nila sa akin. Basta ang alam ko lang ay hindi na kami binigyan ng pangalan ng aming mga magulang dahil sa huli ay mawawala rin naman daw kami.
Pero gayon pa man ay natutunan kong igalang ang aking dalawang nakatatandang kapatid. Kuya ang tawag ko sa kanila, mga bagay kanilang nagustuhan bagamat madalang rin kaming nag-uusap usap dahil bugnutin ang aking ama at ayaw niya ng maingay.
May dalawang uri ng impiyerno sa aking buhay, ang una ay matatagpuan sa labas kung saan naroon ang mga Miryoku o mga taong lobo na kumakain ng mga tao. At ang ikalawa ay nandito sa loob ng aming munting silong, dito mismo sa piling ng aking ama na walang ginawa kundi bugbugin kami ng paulit ulit lalo't nakainom siya ng binurong katas ng prutas na kadalasang nagiging sanhi ng kanyang pagkahilo at pagiging bayolente.
May mga araw na nakatingin lang ako sa mga masasayang pamilya sa labas ng aming bakuran. Karaniwan ay makikita mong dumaraan ang mga kasing edad ko na nakasuot makulay na damit habang akay akay ng kanilang magulang tuwing araw ng Linggo at sila magtutungo sa templo para makinig sa mensahero. Minsan ay nakakaramdam ako ng inggit at hindi maipaliwanag na sakit lalo na kapag nakikita ko ang aking sarili na mabaho at nakasuot ng pinagtagpi tagping basahan.
Ang aking ina ang siyang bumubuhay sa amin, nagtitinda ito ng mga gulay doon sa bayan. Pinapakain niya kami at binubusog hindi katulad ng aking ama na walang pagmamahal sa katawan. Ang mahigpit na yakap ng aking ina ay sapat na para kaming maging masaya. Kahit na minsan ay simple "anak" lang ang tawag niya sa amin ay ayos na. Basta nararamdaman namin ang init ng kanyang pagmamahal.
May mga pagkakataon na pinatatampulan rin kami ng tuwa sa bayan. Sinasabi nila na kaya raw hindi kami binigyan ng pangalan ng aking ama ay dahil ibebenta lang kami para gawing alipin ng kung sinuman ang bumili sa amin.
Noong mga panahong iyon ay walang kaso kung magbenta ka ng tao, walang batas at malaya mong magagawa ang lahat ng nais mo sa mundo. May dalawang dahilan lang kaya ka papatawan ng kaparusahan. Ang una ay kapag nakapatay ka ng taong may kaya sa buhay at ikalawa ay kapag napagbintangan ka sa kasalanan na hindi mo naman talaga ginagawa.
May mga opisyal sa bawat bayan, sila ang itinatalaga ng mga pinuno para mangalaga at tumingin sa mga mamamayan. Karaniwan ay sila rin ang lumalaban sa mga Miryoku kapag umaatake ang mga ito.
"Alam mo hijo, huwag kang malungkot kung wala kang pangalan. May mga bata dito na hindi naman binibigyan ng pangalan dahil sa ibang bagay sila nakatalaga. Ang bayan natin ng Hudhod ay kilala sa bentahan ng mga batang malulusog. Kaya may mga dayuhan na bumibili sa mga katulad niyo para gawing alipin, pwede rin mabigyan kayo ng magandang buhay o kaya ay maging laruan nila. May ilang bata rin na binibili para ipakain sa mga kaanak nila na naging Miryoku," ang paliwanag ng matandang tindero na hindi ko maunawaan kung nananakot lang ba o sadyang nagsasabi siya ng totoo.
"Saan po ba nagmumula ang mga taong lobo na iyon? O yung mga Miryoku?" tanong ko naman sa kanya.
"Hijo, komplikado ang kasaysayan ng mga Miryoku. Maraming haka haka at paniniwala tungkol sa pinagmulan nila. Pero sa lahat ng iyon, ang pinaka popular ay sinasabing ang mga Miryoku raw ay nagsimula noong kumain ang isang ordinaryong taong lobo ng halaman. Ang halamang iyon ay ang nakapagpabago sa mga lobo at nagkaroon sila ng mga espesyal na abilidad. Nawala ang kanilang takot sa araw, naging mas mapanlinlang at mas naging gutom sila."
"Ang ibig niyo pong sabihin ay matagal nang may mga taong lobo?" tanong ko.
"Oo naman hijo, daang taon na magbuhat noong umusbong ang mga lahi ng taong lobo. Sa sobrang katagalan ng kanilang lahi ay wala na halos ni isa ang makapag sabi kung paano sila nagsimula. Noong sinaunang panahon, ang mga ordinaryong taong lobo ay nakadepende lamang sa liwanag ng buwan. Kapag kabilugan ang buwan at malamig ang gabi ay nagagawa nilang magpalit ng anyo at maghanap ng mga biktima. Ngunit ang mga taong lobo noon ay madaling patayin, walang kunat ang kanilang balat at mas mabilis silang magkasugat. Parang isang ordinaryong lobo lamang sa gubat na madalas hinahanabol ng mga mangangaso kaya ang iba sa kanila ay takot na lumabas at nagtatago.
Hanggang sa nakadiskubre ang mga taong lobo na iyon ng paraang para mas lumakas sila. Sa tulong ng isinumpang halaman, noong kainin nila ang mga ito ay nagkaroon sila ng matalas na pag -iisip, mas tumibay ang kanilang mga balat. At ang pinakamagandang nangyari sa kanila ay hindi na sila natatakot sa sinag ng araw, nagkaroon na rin sila ng mga abilidad at kapangyarihan. Sa bandang huli, ang isang ordinaryong taong lobo noon ay naging mas malakas at naging mas kakaiba. Malaunan, sila ay tinawag na Miryoku na ang ibig sabihin ay Lobong Demonyo.
Dumating sa punto na hindi na sila kayang patayin ng mga ordinaryong tao o kahit pa ang mga alagad ng batas ay wala na rin halos magawa sa kanila kaya naman nag-isip ng panibagong paraan ang mga tao upang makahabol sa yumayabong na kapangyarihan at kakayahan ng mga Miryoku. Nag sanay sila, nag saliksik at nag inaral ang mga kahinaan nito hanggang na nabuo ang mga organisasyon ng mga Apuryokan o mga taga paslang. Kaya ang sa kasaysayan ay mortal na magkalaban ang mga Apuryokan at Miryoku," salaysay ng matanda.
Sa aking murang isipan ay sadyang napakahirap unawain ng kanyang mga sinasabi. Masyado itong madahas, masyadong malupit ang mundo sa kanyang pananaw. Para sa batang katulad ko, ang mundo ay kasing kulay lamang ng laruan, damit at magagandang tsinelas na madalas kong nakikita doon ngunit kahit na kailan ay hindi ko naman makakamtan. "Eh lolo paano po matitigil ang paglaganap ng mga Miryoku?" tanong ko pa.
"Hindi ko alam hijo, malalakas ang mga Miryoku kumpara sa mga taong lobo lamang. May kakayahan rin silang gawing kauri ang mga taong nais nilang biktimahin. Hindi mahihinto ang mga ito lalo't nabubuhay pa ang apat na santong Miryoku hanggang ngayon," ang wika pa niya.
Napakamot ako ng ulo, "apat na santo? Ano yun lolo?" tanong ko naman.
Napakamot ang matanda at inayos ang kanyang mga paninda. "Aba, hindi ko alam, maging ako ay gulong gulo na rin. Saka isa pa ay hindi naman talaga akma sa ibang batang katulad mo ang usaping ito. Heto ang isang gintong sentimo, bumili ng ka ng tinapay at maligo ka dahil napakabaho mo na. Hindi ka ba inaasikaso ng nanay mo?" tanong niya sa akin.
"Minsan," ang sagot ko sabay ngiti. Agad akong tumayo at nagpasalamat sa kanya.
Sa kabila ng mahirap na buhay at sa kabila ng pagmamalupit sa akin ng aking ama ay nagagawa ko pa ring ngumiti at tingnan ang buhay sa isang magandang parte. Ayokong isipin na malupit sa akin ang mundo, kahit papaano ay nagagawa ko pa ring mag ukit ng kurba sa aking labi kahit pa punong puno ng pagpapahirap ang buhay ko.
Ang kumakalam na tiyan, ang pagtakbo ko sa mga batuhan habang nakayakap, ang mga pasa dulot ng pambubugbog sa akin ay hindi ko na iniinda, marahil ay sanay na lang ako sa sakit at manhid na rin ang aking katawan dito.
Lumipas ang mga ordinaryong araw sa aking buhay. Ang akala ko ay wala nang lulupit pa sa tuwing pinagbubuhatan ako ng kamay ng aking ama. Pero mayroon pa palang mas masamang senaryo ang aking masasaksihan lalo na noong salakayin ng mga Miryoku ang aming Baryo ng Hudhod.
Hating gabi, habang payapa ang lahat ay naamoy ako ng malakas na daloy na dugo, iba't ibang uri ang mga ito na parang may malaking panganib na parating.
Kasabay nito ang biglaang pagbukas ng pintuan ng aming tahanan. Dito pumasok ang isang lalaki na nakahubad, namumula ang kanyang mata at tumutulo ang laway sa kanyang bibig. Ibayong takot ang naramdaman namin noong mga sandaling iyon. Agad na kumuha ng pamalo ang aking ina at inutusan kaming tumakas. Ang aking ama naman ay kumuha ng itak upang depensahan ang kanyang sarili.
"Mag tago kayo, huwag kayong hihinga o gagawa ingay dahil maamoy nila kayo. Maliwanag ba?" tanong ni inay sa amin.
Tumango ako at napaiyak na lang, dito ay naluha rin si Inay at niyakap kami ng mahigpit. Lalo na ako na siyang ayaw bumitiw sa kanyang pagkakayakap. Hindi ko maunawaan ng mga oras na iyon ngunit pakiramdam ko ay ito na ang huling beses na makikita ko si inay. Makirot ang aking dibdib at nangangatog ang aking tuhod sa takot. "Inay, dito ka na lang," ang bulong ko habang umiiyak.
Naluha rin ang aking ina, "mga anak, patawad kung ganitong uri ng buhay ang naranasan ninyo. Patawad kung hindi ko naibigay ang lahat ng mga pangangailangan ninyo. Sana ay lumaki kayong matatapang at malulusog. Mabuhay kayo at maging malakas, maliwanag ba?" ang wika niya sabay suklob ng kahon sa aming magkakapatid.
Dito ay biglang nasira ang aming dampa at kitang kita kong nagbago ang anyo ng lalaki kanina. Naging taong lobo ito, malaki ang katawan, parang lobo sa gubat ang mukha, matatalim ang pangil at kuko. Makaki ang mga braso at ang kanyang kaha ay ganoon rin.
Kasabay nito ang narinig kong pagsisigawan ng mga tao sa labas, sumiklab ang apoy sa buong baryo at ang mapayapang gabing iyong ay naging madugo. Maraming namatay at ang kanilang mga mga sigaw ay talagang nakakakilabot.
"Lumayo ka! Huwag kang lalapit!" ang sigaw ni inay, may hawak itong patalim na ginagamit niya sa paglilinis ng tindang isda.
Wala naman reaksyon ang Miryoku. Ito ang unang beses nakakita ako ng ganitong uri ng nilalang. Literal na nakaka kilabot ang kanyang anyo na para bang ang ganitong ng nilalang ay makikita mo lamang sa iyong bangungot.
"Lumayo kaaaa!" ang sigaw ni inay.
Walang reaksyon ang taong lobo. Isang malakas na kalmot ang inihataw ng taong lobo sa katawan ni Inay dahilan para mawasak ang katawan nito. Agad na sinunggaban ng Miryoku ang kanyang katawan at kinain, pero nakatingin pa rin siya sa amin sumenyas na huwag kaming lalabas.
Iyon ang imaheng tumatak sa aking isipan noong mga sandaling iyon. Ang mukha ni inay habang siya unti unting binabawian ng buhay sa kamay ng malupit na kapalaran.
Dahil sa takot at nagsisigaw ang aking dalawang kapatid kaya't pareho silang nilundag ng Miryoku at mabilis na sinakmal ang kanilang mga ulo hanggang sa maputol ang mga ito.
Itutuloy.