Part 5: Ang sumpa ni ama

2165 Words
Crimson Bullet AiTenshi March 19, 2021 Part 5: Ang sumpa ni ama Noong mga sandaling iyon ay kitang kita ng aking dalawang mata ang ginawang pagkain ng Miryoku sa aking ina at gayon rin sa aking dalawang kapatid. Kahit ipikit ko ang aking mga mata at pigilan ko ang aking paghinga upang hindi niya ako maamoy ay naririnig ko pa rin ang pagkalatok ng kanilang lamang loob na nginunguya ng halimaw. Ang bawat tunog na iyon ay nagbibigay na kilabot sa aking katawan. Ito na ba ang katapusan ko? Bakit ganoon? Tila yata hindi patas ang buhay, masyado itong mapanuya. Hindi naging madali ang aking buhay simula noong ipinanganak ako naging malupit sa akin ang kapalaran. Ang akala ko ay iyon ang pinakamalupit sa lahat ngunit mali pala ako dahil ang kamatayang ito ang pinaka nakakatakot at ang pinakamahirap. Hindi naging maganda ang buhay ko buhat noong ipanganak ako, pero hindi rin naging maganda ang aking kamatayan. Ni hindi ko man lang naranasang magkaroon ng pangalan, o kaya ay ang magdiwang ng kaarawan. Hindi ko rin naranasang makapagsuot ng bagong damit o kaya ay matinong tsinelas. Bakit napakalupit sa akin ng mundo? Bakit masyado itong mapanuya? Ipinanganak lang ba ako para matikman ang pait nito? Iyon ang mga bagay na tumatakbo sa aking isipan noong mga oras na iyon habang marahang palapit sa akin ang Miryoku. Tila alam na niyang nakatago ako sa loob ng isang kahon. Takot na takot ako, hindi ko na nakontrol ang aking katawan kaya tumagas ang ihi sa aking salawal. Takip takip ko ang aking bibig upang hindi gumawa ng ingay o naumang kaluskos. Tagaktak ang aking pawis ngunit gayon pa man ay para bang inihanda ko na rin ang aking sarili na hanggang dito na lang talaga ako. Ang buhay ay hindi naging maganda sa akin, hindi ito patas at lalong hindi naging balanse. Patuloy na lumanghap sa Miryoku patungo sa akin, halos mapatid na ang aking hininga sa matinding kaba, pakiramdam ko ba ay namatay na ako at hindi nakagalaw pa. Noong hawakan ng halimaw na lobo ang kahon ay hindi sinasadyang matabig niya ang gaserang may gaas dahil para sumiklab ito sa kanyang paligid. Hinati ng apoy ang pagitan naming dalawa at kasabay noon ang unti unting pagkatupok ng aming bahay. Walang nagawa ang Miryoku kundi ang umalis at maghanap ng ibang biktima. Ako naman ay mabilis na lumabas sa kahon nagtatakbo ako sa labas at lumundag sa balon na malapit sa aming bahay. Nagsumiksik ako dito, batid kong ito lamang ang paraan upang ako ay makaligtas dahil maliit ang balon at ako lamang kasya dito. Mababaw ang tubig dito kaya't nagawa kong ilubog ang aking sarili upang hindi nila ako maamoy o makita. Maginaw ang gabing iyon, nanginginig ang aking katawan nakababad sa tubig, hindi malaman kung dahil ba ito sa takot o dahil na nagyeyelong tubig bunsod ng matinding lamig. Bangungot ang gabing ito. Kahit saan ay maririnig mo ang iyakan, ang sigaw ng takot at panaghoy. Ang mapayapang Baryo ng Hudhod ay binalot ng dugo, nasunog at unti unting binubura sa mapa. Halos sugatan ang aking puso sa tindi ng sakit na aking nararamdaman. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko kung paano paslangin ng Miryoku na iyon ang aking mga kapatid at buong pamilya. Isang mahabang gabi ito, tila hindi matapos tapos. Sa palagay ko ay matagal rin akong lulubog sa tubig hanggang hindi nagiging maayos ang lahat doon sa itaas. Mananatili ako dito at hindi aalis hanggang hindi sumisikat ang araw at hindi tumitigil ang mga panaghoy sa itaas. KINABUKASAN. Magmulat ng aking mata ay natagpuan ko ang aking sarili na nakalubog pa rin sa tubig. Ang sikat ng araw ay tumama sa aking mukha. Dito ay napansin kong tahimik na ang lahat at wala na akong panaghoy na naririnig mula sa itaas. Ito ang marahil ang hudyat para ako ay umakyat sa hagdang gawa sa lubid. Hinang hina ang aking katawan, manhid na ito sa matinding pagkalulom. Nangangatog rin ang aking panga dahil sa matinding lamig. Ilang beses rin akong muntik na mahulog sa lubid buti na lamang at nakaka  kapit ako hanggang sa tuluyang akong naka akyat sa itaas. Wala nang kahit anong ingay, tahimik na ang lahat. Dito ay tumambad sa aking paningin ang sira sirang paligid, mausok at nililipad ng hangin ang mga abo kung saan mang direksyon. Nagkalat rin ang mga dugo sa lupa, kakaiba ang amoy ng mga ito na parang walang katapusan takot ang ipinahihiwatig. Ang mga bangkay sa paligid ay halos hindi na makilala, ang iba ay nasunog na lamang at nangitim kabilang na ang aming dampa na walang bakas na natira maliban sa mga kawayang haligi nito. Pati ang bangkay ng matandang tindero na madalas nagbibigay sa akin ng gintong sentimo ay naka-kalat lang rin sa lupa kasama ng kanyang pamilya. May mga natirang buhay sa paligid, lahat sila ay nag-alsa balutan na para lumipat sa ibang mas ligtas na baryo. Ni hindi ko alam kung saan ako pupunta at kung anong gagawin ko.  Sa edad kong lima ay parang binagsakan na ako ng langit at lupa at noong mga sandaling iyon ay pumasok na rin sa aking isipan na bumalik na lang sa loob ng balon at ilubog ang aking sarili para matapos na ang lahat ng ito. Baka sakaling sa kabilang buhay ay maging maayos ako, maging mapayapa ang buhay ko at maramdaman ko ang bagay na tinatawag nilang kaligayahan. Gayon pa man ay kusang humakbang ang aking paa at lumakad kasama ng mga batang paalis sa aming sirang baryo. Marahil iiwanan na rin nila ang lahat mula dito. Pero ang tanong ay kung makakaligtas rin ba kami sa kabilang baryo? Mukhang sa tingin ko, kahit saan kami magtungo ay patuloy pa rin kaming sasalakayin, parang itong walang katapusang panganib, walang katapusang gulo. Tahimik akong naglakad kasabay nila at ilang metro pa lang ang aking nailalayo ay biglang may humawak sa aking braso at hinablot ang aking katawan. "At saan ka pupunta bata ka? Akala mo ba ay makakatakas ka sa akin?" tanong nito. Humarap ako sa kanya at dito ay labis akong nagulat. "Itay? Itay! Buhay po kayo!" ang wika ko na may halong matinding tuwa. Ang akala ko ay nag-iisa na ako pero mali pala iyon dahil nandito pa si itay. Niyakap ko siya na may galak sa aking puso. "Salamat itay! Salamat po at buhay kayo!" ang pag iyak ko na hindi maitago ang matinding takot. Nasa ganoong pagyakap ako kay Itay noong bigla niyang hablutin ang aking buhok. "Tarantado kang bata ka! Bakit namatay ang mga kapatid mo? Alam mo ba may bumibili na sa dalawang iyon? Anong mukha ang ihaharap ko sa mga taong pinangakuan ko ngayon?! Bakit ikaw pa na may mababang halaga at walang nagnanais na bumili ang natira? Pwede namang ikaw ang namatay!" ang singhal niya sabay hampas sa aking ulo dahilan para masubsob ako sa lupa. "Itay, hindi ka ba masaya na buhay tayong dalawa? Tayo na lang ang natitira sa mundong ito. Bakit napakalupit mo sa akin itay?" tanong ko sa kanya. "Gago! Marami pang buhay sa paligid kaya hindi lang tayo ang natitira sa mundo! Kung ano anong pinagsasasabi mo diyan! Hah, akala ng Miryoku kagabi ay natalo na niya ako, mabuti na lang at nakagawa ako ng hukay sa lupa noon, doon ako nagtago upang maligtas." "Kung ganoong bakit mo pinabayaan si Inay? Bakit hinayaan mong mamatay sila?" tanong ko. "Sira! Iniligtas ko lang ang aking sarili dahil iyon ang tama! Alam mo lahat tayo ay mamatay rin, patagal lang ang labanan dito! Maaaring nakaligtas tayo ngayon pero tiyak mamamatay rin tayo bukas o sa mga susunod pang araw!" ang singhal niya sa akin sabay hawak sa aking braso para hindi ako makatakas pa. Lumipat kami ni itay sa maliit na dampa sa ibang baryo, medyo malayo na ito sa nasirang baryo ng Hudhod kung saan kami nagmula. Nagbago lang kami ng lugar at tirahan, pero ang sumpa ni itay ay hindi nawawala. Ang kanyang magaang pingkok sa akin ay palala ng palala hanggang sa parang naging gawi na niya ang saktan ako, bugbugin at kung minsan ay hindi niya ako pinakakain. May mga pagkakataong wala akong magawa kundi ang mamulot ng tira tira sa basurahan o kaya ay kumain katabi ng mga aso at pusa sa mga kainan kung saan itinatapon ang mga tira tira. Walang nabago sa aking buhay simula noon. Mas lalo pa itong lumalala at mas lalo pa akong nahirapan. Nagugutom ako.. Nahihirapan.. Nalulungkot.. Pakiramdam ko ay wala akong pag-asa.. Paulit ulit ang pambubugbog ng aking ama hanggang sa isang araw ay parang naging sanay na ako sa sakit. Hindi na ako umaaray, hindi na ako umiiyak. May pagkakataon na para akong isang blangkong papel na nakatalungko sa sira naming dingding. Nakadilat ang mata, nakatanaw sa kawalan pero walang buhay ang aking mata. Noong mga sandaling iyon ay hinihintay ko na lamang na umatake ang mga Miryoku at kainin nila ako upang tuluyang makalaya ang aking sarili. Wala na akong alam sa mundo, kahit ang sakit ay hindi ko na rin alam. Ang kalupitan ay niyakap ko na at tuluyang inihiga ang aking katawan sa isang lugar na punong punong ng bubog. Sa halip na masaktan ay tila nasarapan pa ako. Hindi ko maunawaan kung malupit si itay sa kanyang mga anak. Bakit bumuo pa siya ng supling kung kamumuhian lang rin niya? Hindi ko alam ang sagot marahil ay galit lang siya sa mundo dahil naging malupit rin ito sa kanya noong bata siya. At ang lahat ay inuulit niya sa kanyang mga anak bilang pag ganti. Hindi pa dito natapos ang sumpa ni itay. Isang araw ay lumapit sa akin hawak ang aking lubid. Itinali niya aking katawan at hinila na parang isang aso sa daan. Ang lahat ay nakatingin sa amin, tila isang bihirang pagkakataon na maka kita ang mga tao sa bayan ng isang batang nakagapos ng lubid ang katawan na hinihila para dalhin kung saan. "Ibebenta mo ba iyan? Naku kahit tatlong gintong sentimo ay hindi bibilhin ang batang iyan dahil napakapayat, puro sugat pa at parang hindi naabutin ng bukas," ang wika ng mga taong nakakasalubong namin. Wala akong kibo, hinahayaan ko lang silang magsalita. "Tangina, sampung sentimong ginto! Pamigay ka na lang," ang wika ni itay. Tawanan sila.. "Sampung sentimong ginto? Kasing halaga lang ng karne ng aso iyang batang iyan? Talagang ipinamimigay mo na lang?" ang hirit nila. "May pakinabang pa sa batang ito, maaari niyo siyang gawing alipin o kaya ay laruan, o kaya ay ipakain sa mga kaanak niyong naging Miryoku," ang wika ni Itay. Mga bagay na hindi ko akalaing lalabas sa bibig ng isang magulang. Walang mapagbentahan si itay, kulang na lang ay ibenta niya ako ng kasing halaga ang isang pirasong karne ng hayop o kaya ay ipamigay na lang ng libre. Dahil walang mapagbentahan si itay ay patuloy niya akong hinila sa kalsada, kung minsan ay nadadapa ako pero mas nilalakasan pa niya ang paghila sa akin hanggang sa kusa akong makatayo. "Bumangon ka! Kapag hindi kita naibenta ay hindi ako makakabayad sa mga pagkakautang ko." Patuloy niya akong kinaladkad sa daan, umagaw na kami ng atensiyon sa ibang tao. Subsob ang aking mukha at nagdugo na aking bibig. Habang nasa ganoong pagkakasadsad ako ay may isang lalaki ang lumapit sa akin. Isang matangkad na nilalang, magarbo ang kasuotan at napaka amo ng kanyang mukha. "Bakit ka nakatali? Anong pangalan mo?" tanong niya sa akin.  Hindi ako sumagot.. Nakatigtig lang ako sa kanyang magandang mukha na nakangiti sa akin. Maya maya lumapit si Itay sa kanya at hinawakan ng kanyang braso pero agad siyang hinarang mga kasamahan nito. "Hoy tanda, bawal hawakan si Panginoong Jorad. Lumayo ka sa kanya!" ang pagbawal ng mga ito. Nanatili nakangiti ang mata ng lalaki, hindi ko alam kung ano ang kanyang iniisip. Wala rin siyang amoy, hindi ko maunaawan ngunit parang hindi siya buhay. Ang ibig kong sabihin ay parang hindi siya totoo, parang isang malikmata o imaheng aparisyon sa aking paningin. Tumayo ang lalaki at humarap ang aking ama, kumuha ito ng maraming ginto sa kanyang kasama at hinihagis ito sa paligid. Biglang bigla si itay noong makita ang sumabog kumikinang na barya sa kanyang harapan. Gayon rin ang mga tao sa paligid, ngayon lang sila naka kita ng ganitong uri ng mga ginto. Nagkagulo sila upang pulutin ito pero ang aking ama ay tila hayok na hayok, sinisinghalan niya na parang hayop ang lahat ng mga taong pumupulot sa barya. Matindi ang pagkatimawa ni itay. "Akin lahat ng ito! Lumayo kayong lahat! Mayaman na ako! Mayaman na ako!!" ang sigaw niya. Naramdam ko na lang na inalis ang lubid sa aking katawan inakay ako ng lalaki palayo sa kinalalagyan ng aking ama na noon abala sa pamumulot ng gintong barya. Naka-ukit pa rin ang ngiti sa kanyang mata at hindi ito naaalis. Bagong simula ba ito o baka naman panibagong sakit na dulot sa akin ng mapaglarong kapalaran? Itutuloy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD