Crimson Bullet
AiTenshi
March 20, 2021
Part 6: Mailap na ngiti
Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng lalaki, basta ang alam ko lang ay malayo na ako kay Itay. Ang huling ala-ala ko sa kanya ay yung eksenang namumulot siya ng mga ginto sa lupa habang sinisinghalan ang mga tao sa kanyang paligid na nagtatangkang mamulot ng barya. Para siyang isang mabangis na hayop sa kanyang anyo noong mga oras na iyon.
Malayo na ako sa kanya, ngunit ang tanong ay kung anong naghihintay sa akin? Ipapakain ba nila ako sa mga Miryoku? O kaya ay gagawing alipin? O laruan kaya na gagamitin kahit saan bagay, kung kailan nila gustong gamitin?
Isinikay ako sa isang karwaheng hinihila ng kabayo, magarbo ang loob nito at balot ng mga gintong burda. Nakatabi sa akin ang lalaki, tahimik lang siya ngunit nakangiti pa rin ang mata. Napakawirdo, parang hindi siya buhay dahil wala siyang amoy. Ang kanyang magandang mukha ay mas maganda pa ang tanawing aming nadaraanan. Hindi ko maiwasang tumingin sa kanya bagamat wala akong kibo, ni ang magsalita ay hindi ko magawa. Para bang naputol na ang aking dila.
"Iniisip mo ba na papatayin kita?" tanong niya.
Natingin lang ako sa kanya at pinupunasan ang dugo sa aking ilong nguso. Wala siyang sagot na nakuha sa akin kaya wala rin siyang nagawa kundi ang ngumiti at muling ibinaling ang tingin sa mataas na sikat ng araw.
Samantalang hindi naman nababaklas ang tingin ko sa kanya. Para bang nakapako ang aking mata at wala akong balak na alisin ito. Napapansin niya ako pero binabale wala niya ito hanggang sa mapakunot na ang kanyang noo. "Hindi mo ba ititigil ang patitig sa akin? Masyado ka pang bata para magkagusto sa akin. Doon ka tumingin at huwag sa akin dahil baka tirisin kita," ang wika niya na may halong pagkainis. Gamit ang kanyang hintuturo ay itinulak niya ang aking pisngi na parang diri diri at ipaling ito doon sa bintana. "Ilang araw ka na bang di naliligo? Bakit napakabaho mo? Tao ka ba talaga? Para kang kuting na pinulot sa kanal," ang dagdag pa niya pero wala akong reaksyon.
Makalipas ang ilang oras na byahe ay nakarating kami sa isang malaking templo, ang ibig kong sabihin ay kung templo nga ba ito o baka naman isang palasyo, basta malaki, malawak at kayang tirhan ng isang buong bayan. Nasa paanan ito ng bundok at ang paligid ay punong puno ng malalaking poste na kakaiba ng desenyo.
Naunang bumaba ang lalaking may magarbong kasoutan, kasama niya ang kanyang maraming taga bantay na pumasok sa isang dambuhalang tarangkahan. Maya maya ay may matandang lalaki na lumapit sa akin at inalalayan akong makababa. "Halika na munting ginoo," ang wika nito sabay abot sa aking kamay.
Bumaba ako at sumunod sa matandang lalaki. Huwag kang matakot sa akin, tawagin mo ako Mister Carlton, ang bantay at tagapangala ni Panginoong Jorad. Madalang maglakad ang panginoon doon sa bayan at kung minsan ay nakakagulat ang kanyang ginagawa at nagiging desisyon. Ang sabi niya sa akin ay bibili lamang siya ng alagang kuneho doon ngunit nagulat na lang kami na isang batang lalaki ang kanyang iniuwi.
"Kung ganoon, sa halip na kuneho ay ako ang kanyang alaga? Kailan ba magiging tao ang turing sa akin? Bakit parang ipinanganak lang ako para paglaruan at angkinin ng kulob na sino?" tanong ko sa aking sarili.
"Huwag kang matakot hijo, bakit nanlalaki ang mata mo? Huwag matakot sa palasyo, sadyang malaki lang ito at magarbo. Si Panginoong Jorad ang may ari nito kaya't wala kang dapat na ikabahala. Hindi ka rin niya pag tatrabahuhin katulad ng dati mong ginagawa dahil ang panginoon ay sadyang napakayaman. Ang kanyang kayamanan ay higit pa sa mayayamang mga bilyonaryo sa iba't ibang bansa," ang paliwanag niya.
Nakasunod lang ako sa kanya, parang kinakausap niya ang kanyang sarili dahil hindi naman ako sumasagot. Gusto kong magsalita pero parang tumiklop na ang aking dila. Masyado akong natakot at pinahirapan ng mundo para gawin iyon. "Wala ka ba talagang balak magsalita?" tanong niya sa akin.
Nakayuko lamang ako.
"Anong pangalan mo? Binigyan ka ba ng pangalan? Sa pagkakaalam ko ang mga bantang ipinagbibili ay hindi na binibigyan pa ng pangalan ng kanilang magulang. May pangalan ka ba?" tanong niya sa akin.
Tumingin ako sa kanya at umiling..
"Tsk tsk, kawawa mo naman pala. Pero wala akong karapatang bigyan ka ng pangalan dahil ang taong bumili sa iyo ay si Panginoong Jorad. Pag aari ka niya kaya't siya mismo ang magbibigay ng pangalan sa iyo. Sa ngayon ang kailangan nating gawin ay linisan ang iyong katawan dahil mukha kang naglalakad sa basahan, napakabaho mo rin at sobrang payat pa. Hindi ka ba pinapakain ng magulang mo?"
Muli akong umiling dahilan para mapabuntong hininga siya. Ibinigay niya ako sa mga lalaking taga silbi at ipinasok nila ako sa isang malaking palikuran na parang lawa ang anyo. Dito ay inilubog nila ako dahilan para mangitim ang malinis na tubig. Nagtatawanan sila habang nililinis ang aking katawan. Napansin rin nila ang aking mahabang kuko kaya pinutulan nila ito.
Ilang beses nilang pinalitan ang tubig, ilang beses nilang sinabon ang aking buhok at katawan pero hindi pa rin nawawala ang dumi dito. "Ang batang iyan ay alaga ni Panginoong Jorad, kapalit ng namatay niyang kuneho," ang wika ng matandang si Carlton.
"Pero bakit bata ang ipinalit niya? Bakit hindi na lang isang kuneho?" tanong ng isang taga silbi.
"Hindi natin alam ang iniisip ng panginoong Jorad. Minsan ay para itong isang makulit na batang pabago bago ng desisyon. Kung minsan naman ay parang isang seryosong Diyos na nagbibigay kilabot sa kanyang mga tauhan. Marahil ay naiinip na lang ang panginoon dahil mag isa lamang siya sa buhay," ang paliwanag ng matanda.
"Bakit mag isa? Diba't dumadalaw naman dito si Guineth? Yung kasintahan niya?" tanong nila.
"Ayoko doon sa Guineth na iyon, masungit at mapaninghal. Tiyak magagalit iyon kapag nalaman niyang nag ampon ng bata itong si Panginoong Jorad, " ang tugon ng taga silbi.
"Shhh, huwag niyo na pag-usapan ang tungkol sa kasintahan ni Panginoong Jorad, marahil ay hindi lamang sila nagkaunawaan noong huling beses na magkita silang dalawa. Ipagpatuloy niyo na ang paglilinis sa katawan ng gusgusing batang iyan. Bihisan niyo siya sa maayos at itapon ang mga basahan niyang kasuotan. Tuliin niyo na rin siya upang maging malinis ang kanyang katawan, upang lumaki siya ng husto," ang utos ng matanda sabay labas sa paliguan.
Matapos nila akong paliguan ay dinala nila ako sa isang silid. Inihiga nila ako at naramdaman kong may ginagawa sila kakaiba sa aking ari. Masakit ito pero sanay na ako sa mga sakit kaya't parang bale wala na lamang. "Ito ang proseso ng pagtutuli, ayun ang manggagamot kaya't huwag kang matakot. Pagkatapos nito ay agad kang lalaki at magbibinata," ang wika ng mga taga silbi.
"Matapang naman pala ang batang ito, wala man lang reaksyon ang kanyang mukha. Kung sabagay napakarami niya latay at mga sugat sa katawan. Mainam pang dumito muna siya ng mga ilang araw upang magamot," ang utos ng manggagamot.
"Pero gusto na pong makita ng Panginoong Jorad ang kanyang bagong alaga," ang wika ng isang taga silbi.
"Ako na ang bahalang makipag usap kay Panginoong Jorad, kailangan niyang maunawaan na hindi maayos ang kondisyon ng kanyang alaga. Kailangan pagalingan ang kanyang sugat sa katawan at isa pa ay maga pa ang kanyang tuli. Mahihirap siyang mag lakad ng maayos. At ikaw naman hijo ay magpahinga ka hanggang sa bumalik ang iyong lakas," ang wika ng manggagamot habang naka ngiti.
Walang nagawa ang mga taga silbi kundi ang iwanan akong nakahiga sa isang malaking silid kasama ng manggamot.
Noong mga sandaling iyon ay tila bumigat ang talukap ng aking mga mata at dito ay unti unti akong nakatulog. Ito yata ang unang beses na pipikit ako ng mapayapa, walang takot na nararamdaman sa aking dibdib. Mabango na rin ang aking katawan at nawala ang p*******t nito.
Hinayaan ko ang aking sarili na maanod sa espiritu ng antok hanggang sa tuluyan akong tangayin nito.
May iba't ibang uri ng amoy ang lugar na ito. May mga Miryoku sa paligid hindi ko lang alam kung saan. Ang nakapagtataka lang ay nawawalan ako ng pang-amoy kapag natatabi ako doon sa lalaking kung tawagin nila ay Panginoong Jorad. Hindi ko alam kung anong klaseng nilalang sya ngunit batid kong hindi siya normal.
Sa aking pagtulog ay nakita ko ang imahe ni inay at ng aking mga kapatid habang kinakain ng Miryoku. Naririnig ko rin ang iyak at mga panaghoy ng aking mga kabaryo. Para bang bumalik ako sa gabing iyon kung saan malagim na naganap ang lahat.
Ang mga eksenang iyon ay ayaw akong patahimikin, para bang nanghihingi sila ng tulong sa akin. Lahat ng kanilang mga kamay ay inaabot ako sa aking kinatatayuan.
Kasabay noon ay nakita ko ang aking dalawang kapatid na naka kapit sa aking hita at nagmamakaawang tulungan ko sila. Wala akong magawa, hindi ko alam kung paano ko ito gagawin. Kung may kakayahan lang ako ay gagawin ko ang dapat ngunit wala! Wala akong magawa para sa kanila!
"Patawad inay! Patawad mga kapatid ko! Wala akong magawa! Hindi ko alam kung paano ko kayo isasalba! Mahal na mahal kita inay! At mahal na mahal ko rin ang aking mga kapatid!" ang sigaw ko habang umiiyak at kasabay nito ang pagmulat ng aking mga mata.
Natagpuan ko pa rin ang aking sarili na nakahiga sa silid ng pagamutan. Dito ay nakita ko ang matandang si Carlton na naupo sa aking tabi. Nakangiti ito, "hindi ka naman pala pipi. Maganda ang iyong tinig at batang bata ang dating. Ang akala ko tatawag pa kami ng eksperto para ipasuri ang iyong dila, sadyang ayaw mo lang pa lang mag salita," ang wika nito.
"Natanggap ako ng impormasyon na ang batang iyan daw ay galing sa Baryo Hudhod na sinalakay ng mga Miryoku, nabura na ang kanilang baryo at kasabay noon ay nalibing na rin dito ang kanyang dalawang kapatid at ang kanyang ina. Silang dalawa lamang ng kanyang ama ang natira at pinagmamalupitan pa siya nito kaya dumating sa puntong ibenebenta na lang siya na kasing halaga ng kinilong karne ng tupa at baboy," ang wika ng doktor.
"Kawawa naman, sadyang naging malupit ang mundo para sa batang ito. Pero ngayon ay bago na ang iyong buhay ay malayo ka na sa kalupitan," ang wika ni Carlton.
"Malayo sa kalupitan? Nagpapatawa ka ba Carlton? Gagawin siyang alaga ni Panginoong Jorad sa makatuwid ay mas malapit siya sa kalupitan at mas matinding kapahamakan ngayon," ang wika ng doktor.
"Doktor, huwag mong takutin ang bata, ang mabuti pa ay bigyan mo na lamang siya ng gamot na maiinom upang mabilis na maghilom ang mga sugat niya sa katawan. Nasabi ko na kay Panginoong Jorad na mananatili dito ang bata ng mga ilang araw."
"Ano anong reaksyon ng panginoon?" tanong ng doktor.
"Parang bata itong bumusangot. Ipinaayos pa niya yung isang malaking silid doon para daw sa kanyang alaga. Sa tingin ko ay nasasabik na ito katulad noong unang beses siyang bumili ng kuneho sa bayan," ang wika ni Carlton.
"Magkaiba ang kuneho sa bata, ano bang iniisip ni Panginoong Jorad? Huwag mong sabihin sa akin na?" ang wika ng doktor na may takot sa mata.
"Shhhh, huwag kang magpakita ng ganyang reaksyon sa bata dahil lalo lamang siyang matatakot sa iyo. Binili na siya ni Panginoon, maaari niyang gawin ang lahat ng kanyang naisin ito kabilang na ang iyong iniisip," ang tugon ni Carlton.
Noong mga sandaling iyon ay hindi ko alam kung ano bang pinag-uusapan nila. Basta ang alam ko lang ay kahit na kailangan ay hindi naging mabuti sa akin ang kapalaran. Kaya sa tingin ko kahit ano pang mangyari sa akin ay bale wala na lang rin.
Tinanggap na ng aking katawan ang hirap at pasakit na dulot ng bukas. At sa tingin ko ay wala na ring mawawala sa akin.
Itutuloy.