PAGKABALIK ni Sergio sa bahay ng kanyang mga magulang, buhat sa paghahatid kay Maryey, ay dumiretso agad siya sa kanyang silid. Nagulat pa siya nang madatnan sa loob niyon si Casmel. Prente itong nakaupo sa may paanan ng kanyang kama. Agad gumuhit ang matamis na ngiti sa labi nito nang makita siya. “You’re home, at last.” Malamig ang tingin na ipinukol niya rito nang makabawi. “Ano’ng ginagawa mo rito sa loob ng silid ko?” “Waiting for you?” anito na tumayo mula sa pagkakaupo at naglakad palapit sa kanya. “Lumabas ka na,” aniya na nilampasan ito. Napahinto siya sa paghakbang nang yakapin siya nito mula sa kanyang likuran. Mabilis niyang hinawakan ang mga braso nito para sana tanggalin ngunit mas hinigpitan pa nito ang pagkakayakap sa kanya. “Casmel, stop it,” mariin niyang saway rito.