Chapter 03

1462 Words
“KAMUSTA naman ang explorer kong kapatid?” anang Ate Nati ni Maryey na naabutan niyang nakahilata ng higa sa mahabang sofa habang nagbabasa ng magazine. “Tired, pero masaya naman.” Ibinaba nito sa center table ang magazine nang maupo siya sa pang-isahang sofa. Napailing ito ng matitigan siya. “Hindi ko alam kung bakit nagpapakapagod ka sa trabaho mo bilang isang sales clerk sa Monterey. Kahit naman hindi ka magtrabaho sa Mall na iyon ay okay lang. Masyado mong pinahihirapan ang sarili mo.” “Ang sweet mo talaga, Ate Nati. Okay lang naman ako sa trabaho ko. At isa pa ay masaya ako roon,” nginitian niya ito na ginantihan naman ni Nati ng irap. “Para kang si Kuya Alfie, hindi marunong tumulong sa negosyo ng pamilya natin.” Napakamot siya sa pisngi. “Alam mo naman na ayaw pa ni papa na sumakit ang ulo ko sa office works kahit na gusto ko ng magtrabaho sa kumpanya natin.” Dahilan niya. “Spoiled.” Mabait naman ang ate niya. May pagkamataray lang lalo na kapag may topak. Katulad ng kanyang ama, may hinanakit din ang kanyang ate sa panganay nilang kapatid dahil mas pinili nito ang pangarap nito kaysa ang tumulong sa kumpanya nila. Ito pa naman ang panganay at nag-iisang lalaki sa kanilang magkakapatid. “Magbihis ka na at sabay tayong kumain.” Napangiti siya. “Asus, hinintay niya ako para sabay kaming kumain.” Tumayo na siya at hinalikan ito sa pisngi nito. Bahagya naman siya nitong itinulak. “’Wag kang magkalat ng bacteria sa mukha ko,” sita nito. Tinawanan lang niya ito. “Alam mo, Ate Nati, sayang ang ganda mo kung parati kang magtataray. Kaya walang nagkakamali sa iyo, eh.” Twenty-six na ito ngunit wala pa rin siyang nababalitaan na naging boyfriend nito sa dinami-rami ng nanliligaw rito. Wish lang niya na makatisod na ito ng lalaking hindi uubra ang katarayan nitong taglay. “I don’t care.” Tumayo na ito at pumuntang kusina. “Ang wrinkles mo, Ateng!” Pahabol pa niya bago nagtatakbo paakyat sa taas ng hagdanan. Sa edad niyang bente-dos ay kasapi pa rin siya ng mga lupon ng NBSB. Hindi naman iyon big deal sa kanya dahil wala pa sa mind set niya ang pagkakaroon ng nobyo.   “AND you come to me on a summer breeze. Keep me warm in your love than you softly leave. And it’s me you need to show. How deep is your love? How deep is your love? How deep is your love? I really need to learn. Cause we’re living in a world of fools breaking us down. When they all should let us be. We belong to you and me…” Kasabay ng paghinto ni Maryey sa pagkanta ay ang pagpatay rin niya sa awiting iyon sa kanyang cellphone na sinasabayan niya nang makita niya ang kanyang Papa Rico na pababa ng hagdanan. “Good morning po, Papa.” “Good morning din, hija. Rest day mo ba ngayon?” Nakangiting tumango siya. “Opo. Tara na po sa kusina at kakain na.” “Okay. Pero bakit bihis na bihis ka yata ngayon?” Puna pa nito sa suot niya. “Gusto ko pong sumama ngayon sa office ninyo. Wala naman akong gagawin dito sa bahay. Thank you po, Papa,” magiliw niyang wika kahit na hindi pa ito pumapayag. Pa-cute pa nang ngumiti siya. Natatawa tuloy na inakbayan siya nito. “Ikaw talagang bata ka. Hindi pa ako pumapayag.” “Pupunta pa rin naman po ako kahit na hindi kayo pumayag.” “Okay, kung iyon ang gusto mo,” sa huli ay pagpayag nito. “Salamat, Pa.” Nang makarating sila sa dining area ay nginisian niya ang kanyang Ate Nati. “I’m with you,” kanta pa niya. Gets na nito kung ano iyon kaya sinimangutan siya nito. “Tingnan niyo si Ate umagang-umaga hindi maipinta ang mukha. Can you please smile, Ate Nati?” Ngumiti ito pero peke. “Papa, Mama, pag-asawahin niyo na kaya si Ate Nati?” Nag-peace sign agad si Maryey nang tingnan na siya ni Nati ng matalim. “Maryey, hayaan mo na ang kapatid mo,” anang kanilang Mama Bheng na nakaupo sa kanan ng kanyang ama. “Biro lang po.” Naiiling na lang ang kanyang ama na nagpatuloy na sa pagkain. Matapos nilang kumain ay pumunta na rin sila sa Natividad Company. Sa may front desk agad siya tumambay. May sampung palapag ang gusaling iyon. Ang huling palapag ang kinaroroonan ng opisina ng kanyang ama at kapatid. “Sinasabi ko na nga ba,” naiiling na wika ni Nati ng lampasan siya nito sa front desk. “Mas maganda ang view rito, Ate Nati,” ani Maryey. Huminto ito sa paglalakad at nilingon siya. “Ang sabihin mo ay naghihintay ka lang dito ng mga guwapong customer.” Nag-thumbs up siya. “Ang galing talaga ng kapatid kong manghula. Susunod na lang ako mamaya sa itaas.” Binalingan niya ang katabing si Weng nang hayunin na ng ate niya ang elevator. “May appointment ba ngayon si Papa sa kahit na sinong kilalang businessman dito sa atin? ‘Yong worth it titigan, ha?” “Hayaan niyo po at mag-a-apply ako bilang sekretarya ng papa niyo para updated kayo.” Napatawa siya. “Charot lang.” Napatingin siya sa tapat ng kanilang gusali, may tindahan doon ng Zagu. “Bibili lang ako ng Zagu. Gusto mo?” Alok pa niya kay Weng. “Salamat na lang po,” tanggi nito. “Lalo ho kayong lalamigin, Miss Maryey, ang lakas na nga ng aircon dito sa loob.” “Okay lang ‘yon. Sanay naman ako sa lamig.” Naglakad na siya papunta sa labas. Nag-crave siya bigla sa chocolate crumble ng Zagu kaya naman gusto niyang bumili. Nang makabili at masuklian ay nagpasya na rin siyang bumalik sa Natividad Company. “Ops,” napasinghap si Maryey ng mabitiwan ang five-peso coin. Dumiretso iyon sa kalsada. Ang nasa isip niya ay ang kunin iyon kaya naglakad siya palapit sa limang piso. Dadamputin na sana niya iyon nang makarinig ng nakakangilong langitngit ng gulong ng sasakyan. Daig pa niya ang natuklaw ng ahas nang mapatingin siya sa kaliwa niya. Kaunti na lang at muntik na siyang mabangga. Hindi tuloy agad makagalaw ang buong katawan niya. Animo naparalisa siya roon dahil sa shock. Galit na galit na bumaba ng kotse ang driver niyon. “What the hell with you?” Saka lang siya napakurap-kurap nang maramdaman ang mahigpit na pagkakahawak sa kanyang braso ng lalaking muntikan ng makabangga sa kanya. Itinayo siya nito. Bahagya pa siyang napangiwi dahil sa higpit ng hawak nito sa kanya. “T-Teka lang. M-Masakit.” “Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo, ha?! You almost died for goodness sake. Hindi mo man lang ba naisip na baka may parating na sasakyan?” “S-Sorry, hindi ko napansin,” aniya na napasulyap muna sa limang piso na tinatapakan ngayon ng lalaki bago nag-angat ng tingin upang makita ito. Nakatabing pa sa mukha niya ang buhok. Animo hindi na nagpa-function pa sa utak niya ang mga lumalabas pa sa bibig nito dahil natulala na siya sa kaguwapuhan nitong taglay. Napaka-guwapo nito. Matangkad din at dinaig pa ang kakisigan ng isang modelo. At parang nakita na niya sa kung saan ang guwapong mukha na iyon. Those pair of expressive eyes… Parang… “Nakikinig ka ba?” iritado nitong tanong. “H-Ha?” “Sa susunod ‘wag kang pakalat-kalat sa kalye kung ayaw mong matuluyan.” Busy siya sa pagtitig dito kaya naman ng bulyawan siya nito ay ganoon na lang ang gulat niya na siyang naging dahilan upang dumulas sa kanyang kamay ang hawak na Zagu. Nakalagay iyon sa cup na natatanggal ang takip, hindi kagaya sa ordinaryong lalagyan ng Zagu sa mga Malls na tanging plastic ang pinakatakip na hindi basta-basta natatanggal. Kaya naman ng mabitiwan niya ang cup ng Zagu ay nasabuyan pa niyon ang white jeans at white leather shoes nito. Kitang-kita ang mantiya niyon na kulay chocolate. Napamaang ang lalaki nang makita ang nangyari sa suot nito. Lumarawan sa guwapo nitong mukha ang matinding pagkairita. “Geez.” Nasapo nito ang noo at hinilot-hilot. “You’re such a freaking mess.” Nakagat ni Maryey ang ibabang labi nang makita ang may bahid ng mantiya sa pang-ibaba nitong suot. “K-Kasalanan mo dahil ginulat mo ako,” depensa niya na pinalis na sa mukha ang sagabal niyang buhok. Nang tingnan niya ito animo gusto na siyang sakalin kaya naman napaatras siya. Pero kahit galit ito ay hindi pa rin napapawi ang kaguwapuhan nito. May sasabihin pa sana ito ng bahagya itong matigilan nang makita ng maayos ang mukha niya. Kumunot ang noo nito na parang may naalala pa ng mapatitig sa mukha niya. Tumikhim ito pagkaraan ng ilang sandali. Hindi na rin ganoon kataas ang boses nito ng magsalitang muli. Nawala na rin ang bakas ng pagkairita sa guwapo nitong mukha. “Sa totoo lang ang sarap mong tirisin dahil sa ginawa mo sa suot ko. May early meeting akong kailangang puntahan. Well, thank you for messing up my morning,” anito bago siya tinalikuran para lang muling humarap sa kanya. “One more thing, sana sa susunod matuto ka namang mag-ingat, palagi ka na lang nadidisgrasya.” Bulong pa nito bago tuluyang sumakay sa kotse nito. Nang bumusina ito ay napaatras pa siya. “Sungit.” Habang papalayo ang kotse nito ay muli na naman siyang ginulo ng guwapo nitong mukha. Parang nakita na niya talaga iyon. Nang mapatingin siya sa labas ng building nila ay nakita niyang naglabasan lahat maging ang papa at ate niya. Napapikit tuloy siya. Pahamak na limang piso, naisaloob niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD