“ANO’NG meron, Mylene?” tanong ni Maryey kay Mylene habang inaayos ang suot na vest. Pagkuwan ay mabilis na humanay sa likurang bahagi nito. Araw iyon ng Lunes at alas nuebe pa lang ng umaga ay nasa lobby na silang lahat ng Monterey Department Store at nakahanay by department.
“Hindi ko alam. Makinig na lang tayo kung ano ang SONA ngayon ni Mr. Takinaga,” nakabungisngis nitong biro. May-ari ng Monterey Mall ang tinutukoy nito.
“Okay,” aniya na itinuon ang atensiyon sa unahan.
Tatlong buwan na rin ang matuling lumipas simula noong mangyari ang insidenteng iyon sa pinuntahan nilang bar ng kaibigang si Irene. At simula nga noon ay hindi na muna siya sumasamang lumabas sa kaibigan. Hindi na rin niya ikinuwento pa rito ang nangyari sa kanya dahil ayaw niyang mapraning ito. OA rin kasi minsan itong mag-react.
Tatlong buwan na rin sa kanya na palaisipan kung sino nga ba ang lalaking nagdala sa kanya sa hotel na iyon. At para ma-distract kaya naman umisip siya ng maaaring pagkaabalahan. Namamasyal sila noon ng kanyang ina sa Mall ng mapagtuunan ng pansin ang mga sales clerk na maghapong nakatayo. Naisip niya kung ano ba ang pakiramdam ng ganoong trabaho. Palibhasa simula ng magtapos siya sa kursong Business Management ay ni hindi pa niya nararanasang magtrabaho…
“Maryey, hindi ka na nga pinagtatrabaho ng ama mo sa kumpanya natin tapos gusto mo pang pumasok bilang sales clerk sa Monterey?” umiling-iling ang kanyang ina ng sabihin niya rito ang planong pag-a-apply sa naturang Mall. “No.”
“Mama, naiinip na po ako na palaging nandito lang sa bahay, Gusto ko lang may mapagkaabalahan.”
“Hindi papayag ang ama mo. At isa pa ay hindi ka-qualified sa ganoong trabaho,” anito nang iwanan siya sa kanyang silid.
Pero dahil pursigido siya sa planong trabaho kaya naman nag-research siya kung ano ba ang qualification para matanggap bilang isang sales clerk sa Mall. Kinasabwat pa niya ang isang kakilala para samahan siya sa Recto sa Maynila para magpagawa ng pekeng diploma. Kailangan niya iyon dahil ang inilagay lang niya sa kanyang resume ay graduate siya ng Senior High. Taliwas doon ang totoo na graduate siya ng college sa isang exclusive University sa bansa, ang Mori High University. Nang makompleto ang kakailanganin niyang requirements ay agad siyang nag-apply sa Department Store. Natuwa pa siya ng matanggap siya sa trabaho ng walang kahirap-hirap.
Noong unang linggo niya sa trabaho ay panay ang takas pa niya sa kanila kapag pumapasok siya. Hanggang sa mabuking siya ng kanyang ina. Wala na rin naman itong nagawa ng sabihin niyang gusto niyang tapusin ang limang buwan na kontrata sa trabaho. Nagpaalam na rin siya sa kanyang ama para hindi ito magalit kapag nalaman ang ginawa niya.
Kung tutuusin ay may kaya ang pamilya niya. Sa katunayan ay may sariling negosyo ang kanyang ama na si Rico Natividad. Siya lang itong mapilit na magtrabaho sa Monterey Mall kahit na graduate siya sa kursong Business Management, iyon nga lang ay hindi pa niya iyon nagagamit kahit minsan. Ayaw pa kasi siyang pagtrabahuhin ng kanyang ama sa kumpanya nila. Saka na raw kapag twenty-four na siya. Bagay na matagal pang mangyayari dahil twenty-two pa lang siya at bago pa lang magtu-twenty-three sa susunod na buwan. Gusto kasi ng ama niya na mag-enjoy muna siya dahil kapag nagtrabaho na siya ay seryosong mundo na ang papasukin niya.
Tatlo silang magkakapatid. Ang panganay niyang kapatid ay nakabase ngayon sa Maynila dahil na rin sa trabaho nito. Masyadong hectic ang demand ng trabaho nito kaya naman ilang taon na rin niyang hindi nakikita sa personal. May dalawang taon na rin. Sumunod ang kanyang Ate Nati na siyang katulong ng kanilang ama sa pagma-manage ng negosyo nito. Local distributor ng mga branded at mamahaling spare parts at mga gulong ng luxury car ang business ng ama niya na ini-import pa mula sa ibang bansa. Naka-base ang Natividad Company sa sentro ng Pagbilao City kung saan nangungunang Business Capital sa bansa ngayon.
Dahil seryoso siya sa pinasok na trabaho kaya naman pinagpatuloy na niya, nakakapagod man ang maghapong nakatayo ay na-enjoy naman niya dahil sa mga kasama sa trabaho.
“Again, dalawang buwan munang mawawala sa paningin ninyo ang over all Department Manager na si Mr. Carlos Sy, dahil sa ibinigay sa kanyang espesyal na bakasyon. Hoping na kahit wala siya rito ay gawin niyo pa rin ang best ninyo para maka-hit ng plan at makarami ng guest na bibili ng items ninyo.” Guest ang pinaka-ginagamit na term pagdating sa mga customer ng Department Store.
Tila bumalik sa kasalukuyan si Maryey ng marinig ang boses na iyon ni Mr. Takinaga Moneterey.
“Naku, mami-miss namin si Sir Carlos.”
“Oo nga po,” agree ng lahat.
“Mami-miss ko rin naman kayo,” natatawang wika ni Sir Carlos. “Anyways, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pag-cha-chatting,” bumaling ito sa hanay ng department nila kung saan palaging nahuhuli sa CCTV ang pakikipagdaldalan. “Home Fashion Department, napapasarap kayo sa pakikipag-chatting.”
“Sir, palagi naman po kaming nakaka-hit ng plan,” biro ng isa.
“Kahit na. By the way, may papalit naman sa akin na Acting Manager habang wala ako.”
“That’s right,” ani Mr. Monterey. “He’s one of my nephew,” ngumiti pa ito. Hindi tuloy naiwasan ang bulungan sa paligid.
“Always be vigilant sa paligid na nasasakupan ninyo. And please, sa ibang mga demo, kahit hindi ninyo items ay bantayan niyo pa rin kung wala ang mismong demo na may hawak sa naturang item. Last week lang ay may nangyaring shoplifting dito. So please be vigilant. Sayang ang sales ninyo. Lalo na at ikinakaltas sa sahod niyo ang halaga ng nanakaw na item. Especially sa mga consignor.”
Napatango-tango siya. Item ng Sunnex ang tinutukoy ni Sir Carlos na nasa Kitchen Department ng Home Fashion. Ka-department niya iyon. Marami pang usapan na nangyari. Nagkaroon din ng awarding ceremony nang umagang iyon para sa mga sales clerk. Best in Customer Service, Best in Attendance at Best Seller siya para sa buwan na iyon. As usual. Katas ng kasipagan niya.
“Sa susunod na linggo na magsisimula ang bago ninyong manager na si Sergio Delavin. Sana lang ay hindi kayo maging sakit ng ulo niya. Mas ‘di hamak na mas mahigpit iyon kumpara sa akin. Kaya all department, beware,” ani Sir Carlos bago matapos ang pulong na iyon.
“Sergio? Siguro matanda na rin ‘yon katulad ni Sir Carlos,” hinuha niya. “Pangalan pa lang tunog forty plus na.”
Napatawa si Shan at Ais sa sinabi niya. “Baka nga,” anang mga ito.
“But, who knows? Malay niyo bata pa,” kumindat pa si Mylene.
“Itanong natin kay Ma’am Lani mamaya. Baka may alam siya,” tukoy niya sa mabait nilang DM o Department Manager.
Bahagyang binunggo ni Mylene ang kanyang braso. “Dadaan ang crush mo,” bulong pa nito sa kanya.
Si Sir Jin ang tinutukoy nito. Ang guwapong Department Manager ng Men Fashion na nasa first floor ng Department Store. Matangkad ito, maputi, chinito, snob type, iyon nga lang ay may asawa na. Natutuwa lang siya kapag nakikita ito dahil sa singkit nitong mga mata. Kaya naman akala ng mga kasamahan niya ay crush niya ito.
“Hi, Sir, good morning po,” ngiting-ngiti pa niyang bati rito ng dumaan sa harap nila. Tumango lang ito. Nalukot tuloy ang kanyang ilong ng makalampas ito. “Ang tipid naman ng singkit na iyon. Para ‘good morning’ lang ‘di pa masabi,” palatak pa niya ng makalayo ito.
Tinapik siya ni Mylene sa balikat. Habang si Ais naman ay natatawa sa tabi niya. Sa Plasticware ito nakapuwesto. “Hindi ka na nasanay.”
Bago sila magsibalikan sa kanya-kanyang department area ay nagkaroon muna sila ng maikling pep talk sa hallway ng Home Fashion Department na ginagawa talaga tuwing umaga bago mag-start ang shift na iyon. Mayroon din tuwing hapon kapag papasok ang mga pang-closing. Ginagawa naman iyon sa FSR o Forward Stock Room. Nag-share at announce lang ng update sa sales ang DM nila na si Maam Lani Paclita.
“Good morning!” anito matapos ang naturang pep talk.
“Good morning, Ma’am. Good morning, everybody. Happy selling!” anilang lahat bago nagsipuntahan sa kanya-kanyang department area.
Sa Electrical Department siya naka-assign. Kasama niya roon si Mylene Bandola na siyang consignor o demo ng Kyowa brand. At si Shan ay siya namang may hawak sa Hanabishi brand. Maliban sa dalawang nasabing brand, lahat ng brand sa electrical ay siya ang may hawak. Outright siya roon, kapag sinabing outright, ibig sabihin ay mismong kumpanya ng Home Fashion ang nagpapasahod sa kanya. Limang buwan lang ang kontrata niya. Unlike sa mga consignor na mismong ang hawak na item ng mga ito ang mga nagpapasahod dito at puwedeng mag-renew ng contract.
“Hindi na masikip ang mundo kapag wala si Sir Carlos,” nakangiti niyang wika. Sa tuwina kasi kapag palakad-lakad ang naturang manager, pakiramdam niya ay napakasikip parati ng paligid niya. Minsan kapag tumitingin ito ng item na hawak niya ay mas gusto pa niyang tumakbo palayo rito o pasimpleng magtago sa mga items doon. Iba kasi ang personality nito. Animo bawal magkamali. Masyadong intimidating ang dating.
“Tama ka, Maryey.”
“Oh, hala at magpunas-punas na muna tayo. Maa-award-an na naman tayo ni Ma’am Lani.”
“Sige. Wait, alam mo na ba na mag-i-endorse dito si Alfie Natividad ng bagong labas na sapatos ng Mario D’Boro?” excited nitong kuwento. “At exclusive dito sa Department Store. Ang saya. Dati napapanood ko lang siya sa TV. Tapos ngayon makikita ko na siya sa personal.”
Bahagya siyang natigilan sa sinabi nito. “T-Talaga? Mukhang masaya nga ‘yon. Itong department pa natin ang una niyang dadaanan kapag nagkataon.” Nasa dulong bahagi ng Department nila ang pinakadaanan ng mga empleyado. Napapaggitnaan iyon ng Linen at Kitchenware Department.
“Sa next Friday ‘yon,” dagdag pa ni Mylene.
Tumango lang siya bago ipinagpatuloy ang pagpupunas sa mga items niya.