Naglakad lang ako papunta sa resort nila Third. Hindi ko na lang dinala yung bisikleta dahil medyo malapit lang naman at wala naman masyadong araw. Ngayon kami mag-se-setup ng lugar kaya sa resort din nila ang overnight namin. Gusto ko sanang umuwi dahil malapit lang naman ang bahay namin sa resort nila kaya lang pumayag na rin naman sina Mamang at Papang na doon muna ako.
Dala ang bag pack ay naglakad ako ng tahimik habang pinapakinggan ang hampas ng alon sa di kalayuan. Dalawang linggo na rin mula ng huli kong makita si Mama at masakit pa rin sa akin yung mga sinabi niya. Para namang wala akong kwentang anak kung ituring niya. Sabagay, isa lang akong pagkakamali sa mata niya at mananatiling pagkakamali na lang ako habambuhay.
"Amelia!"
Napalingon ako sa tumawag sa akin at nakitang si Naomi iyon. May dala rin siyang bag pack katulad ko, sa isang kamay ay may bitbit pa siyang plastic na may mga laman na snacks. Nakakahiya at wala man lang akong dala. Sana pala nagsabi ako kay Ma'am Ida kahapon, pero etong pagliban ko sa shop ay nakakahiya na. Mabuti na lang at napakiusapan ko siya na hindi ako papasok ngayong araw.
"Good morning." Bati ko sa kanya.
"Good morning din." Nakangiting bati niya sa akin.
Wala pa namang alas-siyete ng umaga, ang usapan kasi namin ay magkikita-kita na lang sa harap ng resort nila Third ng seven ng umaga. Alas-sais y media pa lang naman at dalawampung minutong lakaran lang naman ang gagawin namin para makapunta sa resort nila Third.
"Anong baon mong snacks, Amelia?" usisa ni Naomi sa akin.
Natigilan ako sa sinabi niya. Kailangan bang may baon na snacks? Hindi ako naabisuhan. Wala akong dala. "N-Naku, wala kasi akong dala. Pero bibili na lang ako. Ano ba mga kailangan na baon?" nahinto pa ako sa paglalakad at tinignan kung may bukas ng tindahan.
Pero wala pa! Karinderya lang ang bukas at wala namang mga snacks doon.
"Uy wag na! Ayos lang. Sigurado naman na marami ring baon yung iba at tsaka meron din sigurado sina Third kaya hindi mo na kailangan pang bumili noh." Pagpigil niya sa akin.
Nakaramdam ako ng hiya sa sinabi niya. Ibig sabihin ay ako lang ang walang dala? Nakakahiya naman iyon. Umiling ako sa kanya.
"Una ka na, Naomi. Sasaglit lang ako sa Tres baka may bukas na doon. Hindi naman pwedeng wala rin akong dala. Pasensya na ha!" Hindi ko na siya hinintay na sumagot at pinara na lang yung dumaan na tricycle.
Kung bakit naman kasi hindi ko naisip iyon kaagad. Nakakahiya!
Mabilis lang din ang biyahe papuntang Barangay Tres dahil wala pa naman gaanong sasakyan. Hihintayin ko na lang na magbukas yung grocery nila Ma'am Ida tutal seven naman ng umaga ang bukas nun.
Nag-abang ako sa harap ng shop nila at hindi naman ako napahiya dahil nakita ko kaagad siya pagbaba niya ng sasakyan.
"O, Amelia, andito ka. Akala ko ba hindi ka papasok?" tanong niya sa akin habang nagtatanggal ng padlock ng shop, tinulungan ko na rin siya para mapabilis.
"Opo, Ma'am. Kaya lang po wala po kasi akong dalang pagkain sa grupo. Ako lang po yung walang bitbit kaya sumaglit na po ako dito para bumili." Sagot ko sa kanya.
Inangat muna namin ang malaking rolling steel gate ng shop bago nagsalita ulit si Ma'am Ida, "Sabi ko naman kasi sa'yo na kumuha ka na lang muna sa tindahan para may dala ka. Ayan tuloy at bumalik ka pa dito." Aniya sa akin pagkapasok ng shop.
Binuksan niya yung mga ilaw ng tindahan pagkatapos ay yung aircon kaya umugong na agad yung tunog nun. "Kumuha ka na diyan at ilista mo na lang. Ikakaltas ko na lang sa sweldo mo sa katapusan. Ayos lang ba?" tanong niya sa akin bago nagpunta sa likuran ng snack bar.
"Opo, ma'am! Pasensya na po talaga." Hinging-paumanhin ko sa kanya.
Umiling siya sa akin, "Wala iyon. Teka, nagmamadali ka ba? Magluluto ako ng Spaghetti bilang tinda ngayon. Mahihintay mo ba? Para makapagdala ka sa mga kaklase mo." dagdag pa niya sa akin.
Kinagat ko ang ibabang labi ko. Sino ba naman ako para tumanggi sa alok niya sa akin. "Sige po, Ma'am Ida. Salamat po nang marami talaga."
"Ano ka ba! Para na rin kitang anak kaya huwag mong isipin iyon. Mabilis lang ito tutal nakapaglaga na ako ng noodles sa bahay, gagawin ko lang yung sauce." Sabi pa niya sa akin.
Tumango naman ako sa kanya at inabala na lang ang sarili na kumuha ng pagkain na dadalhin. Hindi naman gaanong karami pero sapat lang para sa aming lahat. Nilista ko iyon at binilang ko na rin pagkatapos ay nilagay ko sa log book. Ikakaltas naman sa sahod sa katapusan kaya ayos lang.
Habang hinihintay na matapos si Ma'am Ida ay may mga pumasok na customer kaya ako muna ang tumao sa likod ng POS machine.
"Darating naman mamaya si Inggrid kaya siya ang tatao diyan." Ani ni Ma'am Ida pagkakita sa akin.
"Ayos lang po, Ma'am. Hinihintay ko pa rin naman po kayo." Sagot ko sa kanya.
"Sige. Malapit na rin naman matapos iyon, pinapakuluan ko lang." Iniwan na rin niya ako at bumalik sa snack bar tsaka pinagpatuloy ang pagluluto.
Siguro dahil weekend kaya sunod-sunod ang dating ng tao. Hindi ko na namalayan na lumipas na ang isang oras bago natapos ang dagsa ng mga mamimili. Hindi rin naman makaalis sa snack bar si Ma'am Ida dahil may mga kumakain. Sumaglit lang ng alis si Ma'am Ida habang may hawak na plastic Tupperware at nilapitan ako.
"Sige na, Amelia. Huli ka na sa usapan ninyo ng mga kaklase mo. Papunta na rin naman si Inggrid kaya ako na muna ang tatao dito dahil mga kumakain pa naman yung nasa snack bar. Huwag mo na ibalik yang lalagyan ng spaghetti ha?" Sabi niya sa akin.
"Maraming salamat po, Ma'am Ida. Pasensya na po talaga at hindi ko kayo matulungan," sabi ko pa sa kanya.
Umiling sa akin si Ma'am Ida, "Walang problema, Amelia. Sige na at umalis ka na." Halos itulak pa niya ako para lang makalabas ng shop.
May mga dumaraan naman na tricycle kaya sumakay na ako kaagad doon. Mula sa Barangay Tres papunta sa resort nila Third ay aabutin ng tatlumpo hanggang apatnapung minuto ang biyahe kaya mahaba-haba pa iyon.
Siguradong kumpleto na sila doon pero sigurado rin naman ako na hindi nila mapapansin kung nandoon na ako o wala.
Hinayaan ko na lang ang sarili ko na busugin yung mata sa mga nakikitang tanawin. Bago makalabas ng Barangay Tres ay may hilera ng mga mayayabong na puno na nagmimistulang bubong sa lugar ang makikita. Halos mahigit ko ang hininga ko dahil kahit ilang beses akong dumaan dito ay hindi ko pa rin maiwasan na hindi mamangha.
Dahil special trip ang biyahe ko ay mataas ang presyo na binayad ko kumpara sa normal na biyahe lang kung saan naghihintay ng ibang pasahero. Ang inaasahan ko ay nasa labas pa ng resort ang mga kaklase ko pero wala na sila.
Sarado rin ang malaking gate kaya hindi ko alam kung makakapasok ako o hindi. May siwang naman yung gate kaya makikita ko kung naroon ba yung mga kaklase ko.
"Sino sila?" tanong ng guwardiya sa akin pagkakita.
Para akong nabuhayan pagkakita sa nagsalita, "Amelia po sir. Kaklase po ako nila Third." Sagot ko sa kanya.
Pinasadahan niya ako ng tingin bago lumapit ulit sa guard house at may tinawagan na kung sino. "Sir Third, may kaklase po kayo dito sa labas. Amelia raw po ang pangalan...opo. Sige po." Dinig kong sagot nito.
Bumalik ulit yung guard sa gate at hinarap ako, "Sunduin na lang daw po kayo ni Sir Third dito, pakihintay na lang daw po siya." Sagot niya sa akin.
Pagtango na lang ang naging sagot ko sa kanya. Wala naman akong magagawa kapag nagpilit ako lalo na at trabaho rin naman ng gwardiya na sundin ang utos nito. Kaya naiwan na lang ako na naghihintay sa labas ng gate nila. Medyo mataas na yung sikat ng araw kaya masakit sa balat kahit may suot akong cardigan. Baka mas mangitim ako kapag hinubad ko pa ito.
Wala pang limang minuto ang paghihintay ko ay lumabas na si Third na humahangos papunta sa akin. "Lia!" malakas na tawag niya sa akin.
Napatingin ako sa kanya at binuksan nito ang pintuan ng gate nito. "Saan ka galing?" nag-aalalang tanong niya sa akin tsaka ako pinasadahan ng tingin. Hinawakan pa niya ang dalawang braso ko para masipat akong mabuti. "Anong oras na, Amelia!"
Kumunot naman ang noo ko sa kanya tsaka pumiksi ng hawak dito, "Galing ako sa Tres. Wala kasi akong dalang pagkain kaya sumaglit ako sa shop doon. Nagpahintay din yung boss ko kasi nagluto ng Spaghetti." Sagot ko sa kanya.
Para itong nakahinga nang maluwag pagkakita sa akin tsaka humakbang paatras, "Pasok na tayo. Kanina pa kita hinihintay." Inagaw niya mula sa akin yung dala kong plastic bag bago ako pinauna papasok sa loob ng resort.
Simpleng tinanguan ko yung guard na naroon bago naunang maglakad. Pero kailangan ko rin siyang hintayin kasi hindi ko naman alam kung saan naka-stay ang mga kaklase namin.
"Hindi ka na sana nag-abala pang bumili, Lia. Marami na tayo masyadong pagkain." Sabi pa niya habang kasabay ko maglakad.
"Hindi rin naman pwede na wala akong dala. Nakakahiya sa iba na may ambag samantalang ako, wala. Alam ko naman na mahirap lang kami pero magagawan naman ng paraan, Third." Pag-rason ko sa kanya.
Kahit ipaliwanag ko naman din kasi kay Third ay hindi nito maiintindihan yung paliwanag ko. Pride na nga lang ang natitira sa akin, iyon pa ba ang iaalis ko.
"Wala akong sinasabi na mahirap ka, Lia. Don't put words in my mouth." Sagot pa niya sa akin.
Hindi ko na lang siya inimik hanggang sa makarating kami sa isang villa. Naroon yung mga kaklase ko ata nakaupo sa salas na naroon.
"Amelia!" tawag nila sa akin.
"Amelia! Sorry. Dahil nagtanong pa ako sa iyo kaya ka umalis." Biglang singit ni Naomi at lumapit sa akin. Hinawakan pa niya ang kamay ko habang nakatingin sa akin.
Umiling ako sa kanya, "Ayos lang. Desisyon ko rin iyon tsaka para may ambag na rin ako sa pagkain natin." Sagot ko sa kanya.
"Napaka kasi nitong si Naomi. Akala mo ginugutom lagi!" sabat ni Gerson.
"Tse!" sigaw naman ni Naomi dito.
Napansin ko na lang na nag-aayos na yung iba ng mukha nila, halos kumpleto na kami maliban sa isa. "Si Frances?" tanong ko sa kanila.
Sabay-sabay na nagkatinginan ang mga ito. "Hindi makakarating si Frances, mataas daw yung lagnat niya." Sagot ni Carol sa akin.
"Ha?" gulat na tanong ko sa kanya. "P-Paano iyon? Sino na yung bride natin. Kahapon ayos lang naman siya ah. Mukha naman siyang walang lagnat kahapon." Sagot ko pa sa kanila.
"Hindi rin namin alam eh. Tumawag na lang sa amin kanina. Nahihiya nga at hindi raw siya makakasali...Importante pa naman yung role niya." Paliwanag ni Joshua sa akin.
"Ikaw na lang, Amelia. Tutal kasukat naman kayo ng katawan ni Naomi---"
"Ayoko!" maagap na sagot ko sa kanila.
Sabay-sabay na tinignan naman ako ng mga kaklase ko. "Wala na tayong ibang option, Amelia. Hindi naman ka-size nina Naomi, Mia, Carol, at Vilma si Frances. Kayong dalawa lang ang fit sa isa't isa." Sabi ni Ejer sa akin.
Napatingin naman ako sa kanila. Ayoko! Hindi pwede ako! "Bakit hindi na lang natin hintayin si Frances? Baka sa susunod na linggo ay okay na siya---"
"Aalis kami next week, Amelia. Dapat nga ngayong weekend iyon kasi maghahanap ako ng University sa Maynila. Pwede namang ikaw na lang. Huwag na natin gawin sa susunod na linggo kasi sayang naman yung araw." Apela ni Carol sa akin.
Para naman akong naipit sa pangyayaring ito. Nilingon ko si Third na mukhang iniintay lang ang sagot ko. Ayoko rin naman sana na gawin sa susunod na linggo dahil nabibitin yung trabaho ko.
"Hindi naman ako maganda." Mahinang sabi ko na mukhang narinig naman nila.
"Sinong may sabi ha?" sagot ni Third na nasa gilid ko.
Masamang tingin ang pinukol ko sa kanya para hindi na siya sumagot pa. Ayokong marinig ang boses niya kasi puri papuri lang ang ibibigay niya sa akin.
"Please, Amelia. Huwag natin sayangin yung araw na nakatanga lang tayo ng ganito. Yung kabilang grupo nagsisimula na tapos tayo wala pang nasisimulan ni isa." Sabi pa nila sa akin.
Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga. Kung bakit naman kasi ngayon nagkasakit si Frances. Ang lakas-lakas niya kahapon para magkaroon ng sakit ngayon! Nakakaasar!
"Please, Amelia." Sabay-sabay na sabi ng mga ito sa akin.
"Gusto rin namin ng mataas na grade, Amelia. Sa iyo kasi madali mo lang makukuha iyon kasi matalino ka na...paano naman kami?" tanong naman ni Luigi.
Parang ako pa ang may kasalanan ngayon. Guilty tripping naman masyado ang mga ito.
"Sige na nga!" sagot ko sa kanila. Wala na rin naman akong choice kung hindi gawin ito, grades namin ang nakasalalay kaya isasantabi ko na muna yung inis ko kay Third.
"Yes!" hiyawan ng mga ito.
Hinawakan naman ni Third ang palapulsuhan ko kaya napatingin ako doon. "Sa office tayo. Nandoon yung stylist na pinatawag ni Mommy." Sabi niya sa akin.
Tinanggal ko naman ang kamay niya na nakahawak sa akin. "Susunod ako sa'yo. Kaya ko namang maglakad." Depensa ko pa sa kanya.
"May dalang pagkain si Lia, pwede niyo na rin siguro kainin iyon." Sabi pa niya sa mga kasamahan namin.
Napatingin naman ako sa kanila, "Niluto yan nung boss ko. Mainit pa yan." Dagdag ko naman.
"Wow! Salamat, Amelia! Titirhan namin kayo ni Third." Ani ni Ejer pagkatapos ay pinagkaguluhan na nila yung pagkain na dala ko.
"Let's go?" hinawakan pa ako ni Third sa siko para makalakad.
Parang may kung anong kuryente naman na gumapang sa buong likuran ko sa simpleng pagkakadaiti ng balat naming dalawa. Agad akong humakbang palayo para hindi na kami mapadikit pa sa isa't isa.
Halos ngayon lang din nag-sink in sa utak ko yung mga posing na gagawin for prenup shoot namin. Binuo iyon knowing na si Frances ang makakasama ni Third kaya masyadong close yung mga act. May approval na rin iyon mula sa mga teachers namin kaya hindi na mababago pa.
Sana pala hindi na lang talaga ako pumayag!
Sumunod ako kay Third hanggang makapasok sa malaking building ng resort nila. Maaliwalas yung tanggapan nila, pangarap ko rin magtrabaho rito at lagi naman silang may opening tuwing summer. Susubukan ko na lang this summer na makapasok sa kanila.
Marmol na tiles ang sumalubong at malakas na hangin mula sa bukas na bintana sa lugar, mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ko yung hampas ng alon at ilang mga local na turista na dumadayo.
"May setup na ba tayo?" tanong ko kay Third pagkasabay namin ng lakad.
Nilingon niya ako bago nagpamulsa, "Oo. Nakaayos na. Gusto mo bang makita?" tanong niya sa akin.
Umiling na lang ako. Sigurado naman na maganda na yung nagawa nila at hindi na kailangan pang tignan ng katulad ko. Wala rin naman akong ideya sa kung anong style yung ginawa nila. Bahala na sila at ang tanging gusto ko na lang ay matapos ito.
"Dito tayo, Lia." He pointed one room kaya nakatangong sumunod ako sa kanya.
Pagpasok namin ay sinalubong kami ng dalawang lalaki doon. "Hi, Third!" matinis na bati nung isang lalaki.
Mukhang hindi ko na kailangan pang hulaan kung lalaki nga ba iyon o hindi. Batay pa lang din sa kilos ay alam ko na kung ano siya. "Tito Ben, this is Lia, siya yung bride ko for today." Anito sa lalaking naka-angkla yung braso sa kanya.
Pinasadahan naman ako nung Tito Ben ng tingin bago bumitaw kay Third at inikutan ako. "Hmm. Nag-shower ka na ba, hija?" tanong niya sa akin.
Namula naman yung mukha ko sa tanong niya. Syempre naman nag-shower na ako. "K-Kanina po bago pumunta rito." Sagot ko sa kanya.
"Shower ka ulit tapos ayusan n akita dito. Tapos hubarin mo yang cardigan mo ah. Gamitin mo yung robe sa shower room." Sabi pa niya sa akin.
Napatingin naman ako kay Third na nagtataka naman din sa tinuran nung Tito Ben. Hindi naman ako mabaho kaya bakit kailangan kong maligo ulit?
"She took a shower, Tito Ben. Hassle kapag naligo pa siya ulit." Depensa ni Third naman sa akin.
"No. Kailangan fresh para makita natin yung beauty niya. Mukhang morena beauty si girl tsaka mukha na rin siyang haggard." Sagot naman nito kay Third.
Gustong tumaas ng kilay ko sa sinabi niya pero pinigilan ko na lang ang sarili ko. Andami naman masyadong ritwal para lang maayusan. "Sige po. Saan ba yung shower room niyo, Third?" tanong ko sa kanya.
He sighed before looking at me, "Hatid na kita." Nilingon pa nito yung Tito Ben, "Do I have to take a shower again?" tanong nito.
Tumango rin yung Tito Ben sa kanya, "Kahit mabango ka, kailangan mo pa rin. Go and take a bath again tapos balik na kayong dalawa sa amin. Sandali nasaan nga pala ang Mommy mo?" tanong nito kay Third.
Saglit na nilingon ako ni Third bago sagutin si Tito Ben, "Nasa Maynila po. Bukas pa ang uwi. May inasikaso lang sila ni Daddy." Sagot nito naman.
"Okay. Go and shower na kayong dalawa. Bawal kayong magsabay sa shower, use different bathroom! Bata pa kayong dalawa." Tumawa pa ito pagkatapos.
Bigla namang nag-init yung mukha ko sa sinabi niya. Bakit naman ako makikisabay ng ligo kay Third. Ni ayoko ngang madikit sa kanya.
"Hindi ko pa siya asawa para gawin iyon, Tito. Maybe in the future though." Kumindat pa ito na kinatawa nang malakas nung dalawang naroon.
Paglabas namin ng office ay masamang tingin ang pinukol ko sa kanya, "Wala tayong future kaya wag kang assuming diyan. Nasaan yung shower room?" Inis na tanong ko sa kanya.
Hindi naman ako sinagot ni Third at mukhang wala lang sa kanya yung gnung klaseng usapan. Pero nasisigurado ko na hinding-hindi ako mapapabilang sa mga babae niya o sa mga may taong gusto sa kanya.
Ginagawa ko lang lahat ito para sa grades, para sa project namin at para walang masabi yung mga kaklase namin sa amin.
Ayokong mahusgahan nila sa isang bagay na akala nila pinagdadamot ko sa kanila. Kung kailangan kong magpanggap sa harapan ng camera ay gagawin ko na lang din.
Dumiretso kami sa private bathroom na mayroon ang resort nila. Magkatapat yung shower room ng lalaki, sa shower room ng babae. "Just lock the door, Lia. Don't worry safe diyan sa loob." Sabi niya pa sa akin.
Tumango na lang ako sa kanya at walang salita na pumasok sa loob ng banyo. Malinis at mabango ang banyo na sumalubong sa akin, isa sa mga bagay na gusto ko.
Tinignan ko ang sarili ko sa malaking salamin na naroon pagkatapos kong ilapag sa ibabaw ng bathroom counter yung bag pack, naglabas ako ng bagong pair ng panloob doon bago pinagmasdan ang sarili sa salamin.
"Kaya ko ito." Bulong ko sa sarili ko bago ako pumasok sa loob ng shower room mismo, mayroon ngang nakahandang bath robe doon kaya iyon ang kailangan kong gamitin mamaya.
Matapos na lang ito ay ayos na sa akin. Sana matapos na lang ang araw na ito para hindi ko na kailangan pang isipin pa yung mga susunod na araw na darating.