6

3325 Words
"Ang taray ng concept ng grupo ni Marikit. Tignan mo." Nakaupo kami sa may hagdanan nina Ron at Adler dahil break pero nasaktuhan pa namin na may ongoing shoot ang section nina Marikit. They were at the middle of the vast field habang nakasuot ng school uniform at kumukuha ng larawan. Si Marikit ang bride ng kabilang section para sa unang grupo tapos yung transferee yung groom nila. "Sabi ni Allen, High school sweetheart daw yung theme nila." Tahimik lang kaming nakikinig na tatlo sa dalawang estudyante na nag-uusap sa puno ng hagdanan. Hindi naman namin gustong makinig pero sadyang naririnig lang namin yung pinag-uusapan nila. Pasimple namin tinignan si Ron na seryosong nakatingin sa kung saan nagaganap yung shoot nila Marikit. Masyadong tahimik si Ron lalo na nitong mga nakaraang araw. Ayaw na ayaw niyang pag-uusapan namin muna ang ibang section particular na ang seksyon nina Marikit. "Naka-move on na pala siya kay Ron. Sabagay, ilang years na rin naman yung faithful panata niya doon sa isa." Sagot nung isang babae. Malakas na tumikhim si Adler kaya sabay na napalingon yung dalawang nag-uusap sa gawi namin. Parehas na nanlaki ang mga mata nito pagkakita sa amin lalo na kay Ron. Mabilis na tumakbo rin yung dalawa palayo. Muling tumikhim si Adler para mapagaan siguro yung mood, "Dami talagang mosang sa paligid. Huwag mo na pansinin iyon, Ron." Tinapik pa nito si Ron na napapagitnaan naming dalawa. Hindi naman umimik si Ron katulad ng inaasahan namin. Wala naman kaming mapapala sa kanya kung ayaw niya magsalita. Hindi rin naman namin alam kung ano ang nasa isipan niya. "K-Kumusta na nga pala yung sa grupo niyo, Lia? May update na ba?" paglilihis ni Adler sa usapan. Tinignan ko naman siya at kinindatan sabay tango ang binigay niya sa akin. Sabagay kailangan namin pagaanin ang pakiramdam nitong isa lalo na at hindi na nga talaga sila nahuhuling magkasama ni Marikit. "Ah---ayos naman na. Patapos na yung planning stage namin, magsisimula na rin kami sa shoot namin by the end of this week. Yung inyo?" pagsabay ko naman sa usapan. "Aakyat kami sa hidden falls sa Sabado. Susubukan namin mag-shoot na rin habang nandoon. Si Ron nga yung guide namin kasi kabisado niya yung trail doon, di ba, Ron?" untag pa nito sa katabi. Matagal na nakatitig si Ron sa gawi nila Marikit bago lumingon kay Adler at marahang tumango. "Pasok na ako sa room." Tumayo na ito at walang salitang iniwan kami. Sabay kaming pinagmasdan na lang ni Adler ang papalayong imahe ni Ron. "Ang daldal kasi ng mga iyon. Ang sarap tanggalan ng dila sa sobrang kadaldalan." Napailing ito na tinignan ang grupo nina Marikit. "Gusto ko na talaga kausapin yang si Marikit. Hindi naman dating ganun si Ron. Mula lang noong hindi sila nagpasinan ay nagkaganun na siya." Tumayo na rin ito. "Bago mo kausapin si Marikit, kausapin mo muna yung kaibigan natin." Suhestiyon ko sa kanya. Wala naman kasing mangyayaring mabuti kung tatalon na kami kaagad kay Marikit. Isa pa ay hindi naman namin alam ang parehas na side nila kaya hindi kami pwedeng mag-judge basta-basta lang. Tumango naman sa akin si Adler, "Yun nga ang plano. Ano, dito ka muna ba?" tanong niya sa akin. "Dito muna. Mas tahimik dito kaysa sa loob ng classroom." Isa pa ay umiiwas na muna ako kay Third. Pag nakikita niya kasi ako ay hinihingi niya yung sketch ko para ipakita sa grupo. Ayoko nga dahil hindi naman kagandahan iyon at wala naman makikinig sa akin sa grupo namin. May kanya-kanyang opinion ang mga kaklase ko at hindi nila pakikinggan yung akin. May ten minutes pa ako kaya dito muna ako tatambay, isa pa ay hindi naman gaanong mainit dahil mukhang uulan din ngayong araw. Naiinitan man ako ay pinili ko pa rin na isuot ang cardigan ko kaysa makita ng mga kaklase ko ang balat ko. Ako lang ang morena sa buong seksyon namin at hindi ko alam kung bakit kinahihiya ko iyon. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko habang pinanonood pa rin ang grupo nila Marikit sa di kalayuan. At least sila nagsisimula na at hindi na masyadong pinahihirapan ang bawat isa sa pag-iisip ng gagawin. May maipasa lang kumbaga. "Ang lalim naman ng hugot na iyon." Mariin akong napapikit pagkarinig ko sa boses na iyon. Ano na naman ginagawa niya dito? Hindi ba talaga ito mabubuhay ng hindi ako pinapansin? "Pakialam mo ba?" mataray kong sagot sa kanya bago siya nilingon. Ang nakangiting mukha ni Third ang sumalubong sa akin, nakatitig itong mabuti sa akin na para bang pinag-aaralan ang bawat ekspresyon ng mukha ko. Umiling siya sa akin bilang sagot pero may bahid pa rin ng ngiti ang mukha nito. "Wala lang. Gusto ko lang kasi maging concern lalo na at tungkol sa'yo," Inirapan ko siya at binalik ang tingin sa pinanonood na grupo. "Hindi ko kailangan ang concern mo kaya tigilan mo na." walang buhay na sagot ko sa kanya. Nagtatawanan na ngayon ang grupo nina Marikit at sigurado na kung nakikita lang ni Ron iyon ay mas lalo itong mabubwisit. "Gusto ko talagang malaman kung bakit galit na galit ka sa akin, Lia. Wala naman akong ginagawa sa'yo," Komento niya sa gilid ko na naging dahilan para mabilis ko siyang lingunin. Nakatitig pa rin siya sa akin pagkalingon ko sa kanya. "Hindi ako galit sa'yo, Third. Magkaiba ang kahulugan ng inis sa galit. Get your facts straight." Umiling ako sa kanya. Ngumiti siya sa akin bago tumango tsaka iniwas ang tingin sa akin at pinanood din ang grupo nina Marikit. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ayokong madidikit kay Third. Kapag may nakakita sa amin kasi na magkasama ay nagbubulungan ang mga ito, katulad ngayon na may dumaan na grupo ng babaeng estudyante sa harapan namin. Katulad ng inaasahan ko ay nagbulungan na naman ang mga ito habang nakatingin sa amin. "Kung papansinin mo sila lagi, talagang magkakaroon ng dahilan para mainis ka sa akin." Napatingin ako sa kanya na hindi naman nakatingin sa akin. Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Mukhang sanay na sanay na siya sa ganitong eksena at wala na lang sa kanya iyon. Pero hind isa akin! Naiilang ako kapag pinanonood kami ng mga tao. Akala kasi nila ay may relasyon kaming dalawa kahit wala naman talaga. "Masaya ka ba na pinag-uusapan tayo? Hindi mo man lang ba i-de-deny yung mga chismis na lumalabas tungkol sa ating dalawa?" tanong ko sa kanya. Lumingon sa akin si Third bago tipid na umiling, "Hindi ako masaya na pinag-uusapan tayong dalawa, Lia. Ayoko nga na maging topic ka nila ng usapan pero anong magagawa ko kung alam ng halos lahat na gusto kita?" diretsang sabi niya sa akin. Gusto kong matawa sa direct confession na ginawa niya. Alam ko naman na trip lang niya ako kaya niya ginagawa ito. "Third, alam kong hindi ako maganda, alam ko rin na hindi ako qualified sa mga babae na pwede sa'yo. Kaya tigilan mo na yang trip mo na iyan kasi hindi naman tayo bagay sa isa't isa." Umiling pa ako sa kanya at tumayo na handang bumalik na sa classroom ng hawakan niya ang kamay ko dahilan para mapatingin ako doon. "Ano na naman?" Tumayo na rin ito dahilan para mapatingala ako sa kanya. "You don't know me, Lia. Kaya huwag mong sabihin lahat iyan. Iba ang mata mo sa mata ko." Tinignan niya ang kamay niyang nakahawak sa kamay ko. "This is the closest act that I can do to you for now. Pero isa lang sasabihin ko sa'yo, Lia. Hindi kita susukuan." Binitawan nito ang kamay ko bago ito naunang naglakad. Para namang may kumalabog na kung ano sa dibdib ko sa binitawan niyang salita. Pinagmasdan ko ang pigura niya na papalayo at pumasok sa classroom namin. Napahawak naman ako sa dibdib ko na malakas na tumitibok hanggang sa ngayon. Pinilit kong pumasok sa klase namin kahit ang awkward para sa akin na makahalubilo ang mga kaklase. Mabuti na lang at hindi namin kinailangan mag-groupings ngayong araw na ito. Nagmamadali rin ako na lumabas ng school pagkatapos ng last period. Mukha kasing uulan at ayokong maabutan lalo na at pupunta pa ako sa grocery. Mabuti na lang din at may tricycle na dumaan sa harap ng school kaya agad akong nakasakay papunta sa Barangay Tres. Pumapatak na ang ulan pagdating ko sa grocery. Marami rin tao sa loob dahil nagpapatila ng ulan yung iba tapos yung iba naman ay namimili. Nakita ko kaagad ang boss ko sa harapan ng POS machine at nag-aasikaso ng mga namimili. Nakita naman niya ako at tinanguan, mabilis kong sinuot yung vest ko at rumelyebo sa kanya. "Ako na po, Ma'am." Sabi ko sa kanya. "Salamat, Amelia. Mabuti naman at nandito ka na ng bumuhos yang ulan. Nag-aalala nga ako at baka hindi ka makapasok." Sabi ni Ma'am Ida sa akin. Nakangiting nilingon ko siya at umiling, "Pwede naman po ba iyon? Ako na po ang bahala dito. Doon na po kayo sa snack bar." Tumango naman siya sa akin at binalot muna yung binili ng customer bago bumalik sa snack bar kung saan may nakapilang mga oorder ng pagkain. Naging abala naman ako sa pagtanggap ng mga pinamimili ng mga customer hanggang sa unti-unting humupa ang dami ng tao. Nasa labas na ang mga ito dahil maraming tricycle na rin ang naghihintay doon. Hindi pa rin tumitigil ang ulan. Pagkatapos ng huling customer ko na lumabas ay kinuha ko naman ang mop at pinunasan ang tiles ng grocery. Maputik na dahil sa mga taong galing sa labas. Masakit man sa likod ang ginawa kong pagtanggap ng customer ay pinasadahan ko ng tingin ang mga shelves kung saan naka-display yung mga tinda namin. May ilang kulang na doon kaya kinailangan ko pang pumasok sa stock room para kumuha ng supply. Dala ko ang isang push cart para doon ilagay yung mga kinukuha kong supply at hindi na ako pabalik-balik sa stock room. Wala na rin naman gaanong pumapasok dahil napakalakas ng buhos ng ulan. Natatakot lumabas yung mga mamimili. Habang nag-re-refill sa shelf ng mga supply ay naaamoy ko naman yung nilulutong lugaw ni Ma'am Ida. Isa ito sa mabenta kapag ganitong tag-ulan sa lugar nila. Mula sa Barangay Dos kung saan ako nakatira ay nasa dalawampung minuto pa bago ako makarating sa Barangay Tres. Natapos ko ang pag-re-refill sa shelf ng walang pumapasok na customer kaya bumalik na ako sa likod ng counter para linisan naman yung lugar na iyon. "Amelia, mag-meryenda ka na muna dito." Tawag niya sa akin. "Opo." Lumapit naman ako sa isa sa mga lamesa kung saan niya nilagay yung bowl at baso ng tubig. Dalawang taon na rin akong part-timer ni Ma'am Ida, nakilala ko lang naman siya noong nagsimba sila sa Barangay Dos, narinig ko lang na naghahanap sila ng part-timer kaya nag-apply na agad ako. Mula ng pumasok ako bilang kareha niya ay wala na siyang ibang kinuha na part timer dahil aniya ay wala siyang mapagkatiwalaan na ibang tao maliban sa akin. Mabuting tao rin si Ma'am Ida kaya ang hirap din iwan lalo na at napakabait niya sa akin. Minsan lang ako magkaroon ng day offs at iyon ay kapag ayaw magbukas ni Ma'am Ida ng grocery. Binibigay naman niya sa akin ang Linggo na huwag pumasok dahil mabagal naman ang bentahan kapag ganung araw pero nanghihinayang kasi ako sa kikitain ko sa araw na iyon lalo na at no work, no pay pa rin ang protocol ni Ma'am Ida. Binibigyan naman niya ako ng allowance sa pamasahe at pagkain ko pero iniipon ko na lang iyon para makabili ng bisikleta. Mas makatitipid kasi ako kung bibili ako ng bike. May ipon naman na ako at kaunti na lang ay mabibili ko na yung bisikleta na nakita ko sa bayan. Mainam na iyon kaysa mamasahe ako lagi, mas makakaipon ako kapag ganun. "Pag-alis mo ba ng eskwelahan ay umuulan na?" tanong niya sa akin habang naghuhugas ng mga plato. "Ambon pa lang po. Mabuti nga po at nakahanap ako ng tricycle kaagad kundi mahihirapan akong makapasok po." Sagot ko sa kanya bago humigop ng mainit na lugaw. Gumuhit sa lalamunan ko iyon at naramdaman ko hanggang sa sikmura ko. "Oo nga pala, Lia. May ibibigay ako sa iyo na bisikleta. Marunong ka bang mag-bike?" tanong niya pa sa akin. Napatigil ako sa paghigop ng lugaw at tumingin sa kanya. Bike? "P-Po?" "Inawayan na kasi ni Inggrid yung bike niya, gusto ng e-bike, binilan ng tatay niya kaya ayun wala ng gagamitan yung bike. Sabi niya ibigay ko na lang daw sa iyo para magamit mo. Nasa likod ng shop yung bike, dinala niya dito kanina pagkabili nila ng tatay niya ng e-bike. Hay naku, masyadong spoiled sa ama. Pati tuloy si Ian gusto rin ng ganun." Reklamo pa nito. Kumabog ang dibdib ko sa sinabi niya. Sino ba naman ako para tanggihan ang biyaya na iyon? Matatago ko pa iyong ipon ko at mas may mabuting paggagamitan pa iyon pag nagkataon. "Marunong po ako, Ma'am!" maagap na sagot ko sa kanya. Nakangiting nilingon niya ako, "Sa iyo na. Kaysa itapon ng asawa ko ay mabuting mapakinabangan. Maayos pa naman iyon dahil kakapintura lang namin noong isang linggo, bago rin ang gulong at may basket sa unahan para mailagay mo yung gamit mo. Daanan mo na lang sa likod ng shop pagkatapos mong isarado itong tindahan. Maaga akong aalis dahil gusto raw kumain sa San Juan nung mag-a-ama ko." "Maraming salamat po, ma'am. Maraming salamat po talaga pakisabi rin po kay Ma'am Inggrid. Aalagaan ko pong mabuti yung bike na iyon." Sobrang saya ko talaga dahil natupad na rin kahit papaano yung pangarap ko. Katulad nga ng sinabi ni Ma'am Ida ay maaga siyang umalis dahil sinundo siya ng pamilya niya. Hindi na ako nakapagpasalamat ng personal kay Ma'am Inggrid dahil nasa loob ito ng sasakyan pero sigurado naman ako na mapaparating niya iyon sa anak niya. Binilinan din ako ni Ma'am Ida na maagang magsarado dahil wala naman gaanong tao. Ilagay ko na lang din daw yung kita ng shop sa opisina nito na katulad ng maraming beses kong ginagawa. Naglinis muna ako ng iniwan niyang kubyertos at nag-refill ng ilang stocks ulit sa vegetable section bago ko nilinis ang buong shop. May sarili na akong susi ng tindahan kaya naisasarado ko ito gamit ang padlock. Maraming lock yung shop kaya sampung minuto ang inubos ko para doon. Pagkatapos nun ay masaya akong nagpunta sa likuran ng shop. Doon ay nakita ko ang kulay pink na bisikleta, parang nagliwanag ang buong paligid ko pagkakita doon. Mukha pa itong bago dahil sabi rin ni Ma'am Ida ay pinapinturahan nila iyon noong isang linggo. "Hi!" masayang bati ko sa bisikleta bago ito hinaplos. Mukha talaga itong bago dahil kahit yung gulo at basket sa unahan, mukhang hindi nagalaw! Tuwang-tuwa na nilagay ko sa basket sa unahan yung bag ko bago sumampa dito pagkatapos kong tanggalin yung stand nito. May adjustment din sa gilid ito kaya pwede kong pabilisin o pabagalin yung takbo ng bike. Masayang-masaya akong pinedal ito, mabuti na lang at alam ko ang lugar pauwi sa barangay namin, hindi ko na alintana yung palda ko na bahagyang umaangat dahil sa pagpepedal, may shorts naman ako sa ilalim pero simula bukas magdadala na ako ng jogging pants para hindi rin ako mailang. Wala akong naramdamang pagod hanggang sa makauwi ako sa bahay. Mas mabilis din yung biyahe ko dahil hindi ko na kinailangan pang sumakay sa tricycle. "Andito na po ako!" masayang anunsyo ko sa bahay. Si Papang ang una kong nakita sa labas ng bahay nakaupo ito sa tumba-tumba habang nagpapaypay, tumayo ito pagkakita sa akin. "May bisikleta ka na apo?" tanong niya sa akin. "Bigay po ni Ma'am Ida sa akin." Nakangiting sagot ko sa kanya bago pinarada yung bike sa gilid ng puno. Lumapit ako kay Papang at nagmano dito. "Bakit po nasa labas kayo?" tanong ko sa kanya. Humingang malalim si Papang at tinuro ang bahay, "Nasa loob ang Mama mo. Kararating lang." sagot niya sa akin. Natigilan ako sa sinabi niya at mabilis na pumasok sa loob ng bahay. Sabay-sabay silang napalingon sa akin habang nasa lamesa at naghahain si Mamang ng pagkain. "Andito ka na pala, apo." Bungad ni Mamang sa akin. "Opo." Tipid na sagot ko sa kanya bago tinignan si Mama na nakatingin sa akin. Parang bumata pa ang itsura ng Nanay ko ngayon kaysa sa huling beses na nakita ko siya. Nakasuot siya ng sleeveless at kitang-kita ang dibdib nito doon. Makapal din masyado ang make-up nito at malaki ang bilog na hikaw nito habang nakalugay ang diretsong buhok nito na halos kulay ginto. Parang walang anak kung pumorma. "Andito ka pala, Ma." Sabi ko sa kanya. Tumango naman si Mama sa akin, "Ginabi ka ata, Amelia?" tanong niya sa akin. Bahagyang tumaas ang kilay ko sa tanong niya bago ko tanggalin yung cardigan na suot ko. Talaga ba na ganun lang ang tanong niya sa akin. Sabagay, ano nga naman ba ang alam niya sa ginagawa kong pagtatrabaho. "Nagtatrabaho si Ate sa Barangay Tres, Ma. Maaga nga po siya ngayon kumpara sa normal na uwi niya." Sagot ni Fiona dito. Nilingon ito ni Mama at masuyong hinaplos ang buhok bago bumaling ng tingin sa akin. "Hindi ba sapat ang binibigay ko na allowance mo para magtrabaho ka pa, Amelia?" tanong niya pa sa akin. Nilapag ko ang bag ko sa sofa na naroon at tinulungan na lang si Mamang imbes na sagutin pa siya. Walang mangyayari kung kakausapin at sasagutin ko ang Nanay ko na wala namang alam tungkol sa akin. "Tumutulong lang si Amelia sa amin, Fe. Mabuti nga at may kusa yang mga anak mo na tulungan kami at malaking bagay na iyon para pambayad sa gastusin dito sa bahay." Pagsagot ni Mamang kay Mama. "Baka naman napababayaan mo na yung pag-aaral mo, Amelia. Tandaan mo na wala tayong pambayad sa tuition mo kaya kailangan mong pag-igihan pa rin ang pag-aaral." Sermon pa ni Mama sa akin. Gusto kong mapairap sa sinabi niya. Napaghahalataan na wala talaga siyang alam tungkol sa akin batay sa pananalita niya. Hindi katulad kay Fiona na siguradong kilalang-kilala niya. "Nasa top pa rin si Ate, mama. Si Kuya Ron lang po ang una pero magaling pa rin ang ate." Buong paghanga na sabi ni Fiona sa akin. Pagharap ko ay ngumisi si Mama habang nakatingin sa akin, "Hindi mo masasabing magaling iyon, anak. Hangga't hindi nauungusan ng ate mo yang si Ron, hinding-hindi siya magiging magaling." Buong tapang na sabi nito sa akin. "Fe!" tawag ni Mamang dito. Nag-angat naman ng tingin si Mama kay Mamang, "Pinangangaralan ko lang ang anak ko, Ma. Wala naman pong mali doon." Sagot pa nito. "Hindi mo alam ang paghihirap na ginagawa ni Amelia kaya huwag mo siyang pagsalitaan ng ganyan. Aba'y kung tuwing uuwi ka dito at pupulaan mo ang mga apo ko, huwag ka na lang umuwi dahil kaya ko silang buhayin hangga't malakas pa ako!" galit na sabi ni Mamang dito. Hinawakan ko naman ang balikat ni Mamang para matigil na siya. Nanahimik naman si Mama lalo na noong pumasok si Papang at narinig ang pagtaas ng boses ni Mamang. "Pasensya na, Ma. Pero hinding-hindi ko pagsisisihan na pinagsasabihan ko ang mga anak ko dahil alam ko kung ano ang mas nakabubuti sa kanila." Sagot pa nito. Nakita ko ang handang pagsagot agad ni Mamang mabuti na lang at pinigilan na ito ni Papang, "Maghahapunan tayo at hindi magtatalo. Kung gusto niyong mag-away na dalawa ay pumunta kayo sa likod ng bahay at huwag sa harapan ng grasya!" pagpagitna ni Papang sa mga ito. Hindi naman umimik si Mama pero masama ang tingin na pinukol niya sa akin. Ibang-iba sa pagtrato niya kay Fiona. Hindi ko naman siya masisisi dahil alam ko naman na may pinagmumulan yang galit niya sa akin. Pero anak pa rin naman niya ako. Hindi ako isang estranghero lang sa bahay na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD