Bukas pa ang ilaw sa salas ng bahay pag-uwi ko ng gabing iyon. Nag-OT ako sa grocery para naman may pandagdag sa ipon ko. Sinipat ko ang orasang pambisig na suot ko, alas-diyes na rin ng gabi.
Kung ang ordinaryong tao ay tulog na sa ganitong oras, ako ay matutulog pa lang. Kailangan ko rin gumising ng maaga dahil may pasok pa ako. Pagbukas ko ng pintuan ay namulatan ko si Lola Felicidad na nakaupo sa sofa at naggagantsilyo. Agad siyang lumingon sa akin at napangiti pagkakita sa akin.
"Andyan ka na pala, apo ko." Binaba niya ang ginagawa at lumapit sa akin.
Kumunot naman ang noo ko at nagmano sa kanya, "Bakit gising pa po kayo, Mamang?" tanong ko sa kanya.
Hinaplos ni Mamang ang buhok ko at kinuha mula sa akin ang bag ko. "Hinahantay kasi kita. Alam mo naman na hindi ako makatulog kapag wala ka pa," Matamis ang ngiti na binigay niya sa akin.
"Masyado na pong late, Mamang. Hindi po kayo dapat nagpupuyat," Sagot ko naman sa kanya.
Umiling si Mamang sa akin bilang sagot, "Aba'y kahit naman mahiga ako sa tabi ng Papang mo ay hindi rin ako makakatulog dahil iniisip kita. Ikaw na lang ang inaasahan ko na uuwi dito kaya dapat lang na hintayin kita. At isa pa, hindi pa naman ako inaantok. Nagtatapos ako ng ibebenta ni Fiona sa harap ng simbahan bukas." Tinuro niya yung kumpol ng naka-gantsilyong damit pambata, sombrero, at iba pa.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago yumakap sa kanya.
Ang Mamang at Papang na ang tumayong magulang namin ni Fiona. Ako ang anak sa pagkadalaga ni Mama, anak niya mula sa isang dayuhang sundalo na dumayo sa Pilipinas. Akala ni Mama pakakasalan siya ng tunay kong ama pero hindi naman, hanggang sa nakilala niya si Tatay Nestor na tatay ni Fiona. Tinanggap naman ako ni Tatay Nestor kaya lang maaga itong nawala, pagkapanganak pa lang kay Fiona ay yumao na ang Tatay Nestor. Ngayon si Mama na lang ang mag-isang bumubuhay sa amin ni Fiona pero simula noong nakaraang taon ay hindi na masyadong umuuwi sa bahay si Mama.
"Matulog na po tayo, Mamang. Andito na po ako. Ako na rin po bahalang maglinis niyang ginagawa niyo po. Maliligo lang po ako tapos matutulog na po ako." Sabi ko pa sa kanya.
Bumitaw naman ng yakap sa akin si Mamang, "Naghapunan ka na ba, apo? Gusto mo bang kumain. Ipagluluto kita tutal at may nakuha kaming karne ng Papang mo kanina," Aniya sa akin.
Umiling ako sa kanya, "Bukas na lang po, Mamang. Baon ko na lang po tsaka para hindi na rin po kayo magluto dahil masyado na rin naman pong late."
Inayos ni Mamang ang buhok ko bago ako tinitigan ng matagal, "Napakaswerte talaga namin sa iyo, Amelia. Sana ay palagi mong pipiliin na maging mabuting tao."
Bahagya naman akong natawa sa sinabi niya bago tumango. "Sige na po, matulog na po kayo."
Tumango naman si Mamang bago tinapik ang likuran ko. "Magpahinga ka na rin apo ko." Sabi niya sa akin bago ako iniwanan.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang makapasok sa kwarto nila ni Papang. Nagpakawala naman ako ng malalim na buntong-hininga bago niligpit ang mga kalat ni Mamang. Wala naman masyado iyon pero kailangan ko pa rin maglinis ng bahay. Wala naman ibang nag-aasikaso ng bahay.
Tuwing umaga hanggang tanghali ay nasa tapat ng simbahan si Fiona para itinda yung ginagawa ni Mamang. Marunong din ito maggantsilyo kaya dinadayo kung minsan ang kapatid ko. Bukod sa imbalido si Fiona dahil maliit ang isang binti niya kaya kinakailangan niyang nakaupo sa wheelchair lamang.
Si Mamang at Papang naman ay may maliit na tindahan sa harapan ng isang beach resort. Bata pa lang ang Mama noon ay pwesto na nila iyon kaya dinadayo na sila lalo na sa pamosong lutong ulam nila.
Hindi naman kami sobrang naghihikahos sa buhay, maganda naman ang bahay din namin kaya lang naggagamot ang Mamang at Papang dahil sa katandaan nila. May sakit sa puso at arthritis ang Papang, samantalang si Mamang naman ay arthritis. May kasamahan naman sila sa tindahan at matagal na nilang katiwala iyon.
Hindi naman nakapag-aaral si Fiona dahil noong sinubukan nitong mag-aral ay naging tampulan ito ng tukso. Kaya ayos na raw sa kanya yung marunong siyang magbilang, magsulat at magbasa. Kaya hangga't kaya ko tinuturuan ko siya.
Matapos kong maglinis ng bahay ay naligo na ako bago pumasok sa kwarto namin ni Fiona. Double-deck ang kama namin, siya ang nasa ibaba ako naman sa itaas. Tulog na tulog na yung kapatid ko kaya tahimik na inayos ko ang kumot niya.
Hindi naman nagrereklamo si Fiona pero ramdam ko yung kagustuhan talaga niya na makapag-aral. Kapag tinuturuan ko siya kung minsan ay nasa akin ang buong atensyon niya. Walang ibang gusto ang kapatid ko kung hindi makapag-aral.
Dala marahil ng sobrang pagod ay nakatulog kaagad ako nang mahimbing. Ang nakakaasar lang ay parang sobrang saglit lang ng tulog ko dahil nasa kalaliman pa lang ako ng pagkakatulog ay ginising na ako ni Fiona.
"Ate, gising ka na." Boses niya iyon.
Ungol ang naging sagot ko sa kanya pero bumangon na rin ako. Nabungaran siya ng mata ko na nakatayo habang gamit ang saklay nito. Nakaupo na ako sa kama bago ito lumabas ng kwarto. Tinignan ko ang orasan na nakasabit sa pintuan ng bahay, alas-singko na ng umaga.
Bumaba na rin ako sa kama pagkatapos ay kinuha ko na rin ang uniporme ko para sa araw na iyon. Papasok na naman ako at makikita ko na naman ang isa sa pinaka nakakainis na tao sa buhay ko.
"Good morning po." Nagmano agada ko kay Papang pagkalabas ko ng kwarto namin ni Fiona.
Nakagayak na si Papang at nakahanda na yung mga bayong na may mga rekados ng iluluto nila para sa araw na ito. "Gising na pala ang apo namin."
"Amelia, narito na yung baon mo, apo. Pati yung baon mo, Fiona, apo. Aalis kami ng maaga ng Papang ninyo dahil may mga turista na dayo sa tapat ng dagat. Naroon naman na si Oscar tsaka si Eugenio na anak niya. Kinukumusta ka nga pala ni Eugenio, Fiona." Ani ni Mamang habang abala sa kung anumang ginagawa sa lamesa
Sinipat ko si Fiona na agad namula ang mukha. "Bata ka pa." sabi ko sa kanya.
Nakalabing nilingon naman ako ni Fiona, "Si Ate naman. Wala naman akong sinasabi ha?" sagot nito sa akin.
Umiling na lang ako sa kanya bago humarap kina Mamang at Papang, "Ingat po kayo doon."
Lumapit si Mamang sa akin bago naglagay ng singkwenta pesos sa kamay ko ganun din kay Fiona. "Pambili niyo man lang ng kendi mga apo."
"Hindi ko na po kailangan nito, Mamang, May ipon naman po ako." Ibabalik ko na sana yung pera pero tinaas lang ni Mamang yung kamay niya at umiling sa akin.
"Hangga't kaya ko kayong bigyan ay tanggapin niyo. Itong dalawang ito talaga." Umiling pa si Mamang bago kunin ang ilang bayong mula kay Papang. "Aalis na kami."
Tumango naman ako sa kanila, "Ingat po." Sabi ni Fiona sa mga ito.
Pag-alis nila Mamang at Papang ay ako naman ang nag-asikaso para sa amin ni Fiona. "Umuwi ka kaagad pagkatapos mo sa bayan. Sabi sa balita ay baka umulan daw kaya para hindi ka rin maulanan." Inabot ko yung kape na tinimpla ni Mamang sa akin bago ko sinawsaw yung pandesal doon.
"Ate, nagpunta kahapon si Mama sa akin sa simbahan." Anunsyo sa akin ni Fiona.
Nabitin ang pagsubo ko ng pandesal at nag-angat ng tingin sa kanya, isang buwan na rin hindi umuuwi si mama sa bahay. Kung saan siya nagpupunta ay wala kaming ideya. Basta't susulpot na lang iyon minsan sa bahay tapos aalis na ulit.
"Anong sabi sa'yo?" tanong ko sa kanya.
"Binigyan ako ng pera, isang libo. Tig-limandaan daw tayo." Inabot niya sa akin mula sa bulsa niya yung pera. Kinuha ko naman iyon at nilapag sa tabi ko.
"Wala ba siyang sinabi kung saan siya nagpupunta?" tanong ko pa sa kanya.
Umiling siya sa akin, "Wala naman, ate. Siya rin yung naghatid sa akin kahapon dito sa bahay. Hinintay niyang matapos yung tanghaling misa bago ako inuwi sa bahay. Tapos ayun o..." Tinuro sa akin ni Fiona yung lalagyan ng mga delata at iba pang pagkain. "...binili niya tayo ng grocery."
Bumaling naman ang tingin ko sa tinuturo niya. "Anong sabi nina Mamang at Papang? Alam ba nila?" dagdag na tanong ko pa sa kanya.
Tumango ulit sa akin si Fiona, "Nagbigay siya ng dalawang libo para kay Mamang at Papang. Nagbigay din siya ng pambili ng gamot nina Mamang at Papang tapos pambayad sa gastusin natin sa bahay. Tapos umalis na siya." Salaysay sa akin ni Fiona.
Binalik ko ang tingin ko sa pagkain na nasa harapan namin. Para tuloy akong nahihirapan na lununin iyon. Hindi kami nagkakausap ni Mama lalo na at alam kong masama ang loob niya sa tatay ko. Pero hangga't maaari ay pinauunawa ko sa kanya na wala naman akong kinalaman doon. After all, ay ina ko pa rin siya at dapat mahalin ko pa rin siya.
Kay Fiona siya madalas magpakita lalo na at alam niyang hindi siya aawayin ni Fiona, hindi katulad ko na pagsasabihan siya. Tuwing nagpapakita siya kay Fiona ay may pera siyang tangan-tangan. Wala naman akong alam na trabaho niya maliban sa pagiging waitress sa isang bar sa Ilocos.
Dala ko lahat ng iniisip na iyon hanggang sa makapasok ako. Wala pa naman gaanong tao, wala pa rin sina Ron at Adler. Iilan lang kaming maaga talaga. Kapag ganun ay sinusulit kong makapag-aral lalo na kapag masyadong busy ako.
Nasa kalagitnaan na ako ng pag-aaral ng unti-unting dumating yung mga kaklase namin. Tinago ko na rin yung libro ko at yumukyok na muna, may labing-limang minuto pa ako para umidlip at kumuha ng lakas. Inaantok pa kasi talaga ako.
Siguro matinding pagod ang naging dahilan kaya't naging malalim ang tulog ko kahit anong ingay ng paligid. Nagising na lang ako ng kinalabit ako ng kung sino. Ang nakangiting mukha ni Adler ang nabungaran ko kaya inis na tinampal ko ang mukha niya.
"Aray naman! Porket natutulog kang may jacket ganyan ka na?" sabi pa niya sa akin.
Jacket?
Kumunot ang noo ko bago ko tuluyang nakita ang jacket na nakabalot sa akin. Wala naman akong jacket nung umidlip ako ah? Hahawakan ko na sana ng maamoy ko ang pamilyar na pabango na nakakapit doon. Hindi ko na kailangan pang hulaan kung kanino galing iyon.
Inis na tinanggal ko sa balikat ko yung jacket bago tinupi iyon. Hinanap ng mata ko si Third na laging nasa likuran nakaupo. Nandoon nga siya at may kung anong sinusulat sa papel habang kasama ang ibang kagrupo namin sa mock up wedding project ng bawat grupo.
Tumayo ako at lumapit sa gawi nila. Agad na napatingin siya sa akin dahil tinuro ako ng mga kaibigan niya. He's natural deep black eyes bore to me na para bang kabisadong-kabisado na ako. Seryoso ito ng una pero napalitan din ng ngiti pagkakita sa akin.
"Good morning, Lia." Malumanay na bati niya sa akin.
Walang good sa morning ko dahil nakita ko na siya. Kung yung iba ay patay na patay sa kanya, ako hindi. Inabot ko kaagad ang jacket na pinahiram niya sa akin. Tinignan naman niya iyon bago kinuha mula sa akin. Walang salitang tumalikod na ako at bumalik sa pwesto ko.
"Uy, a-tapang a-tao na po siya. Nabalik na niya sa bebe niya yung----" Agad kong tinampal ang bibig ni Adler para hindi na nito matuloy pa ang ibang sasabihin.
Kapag nagsasalita kasi ito ay walang magandang nilalabas ang bibig nito. Gwapo nga pero hindi naman kaaya-aya yung mga lumalabas na salita mula dito.
"Aray naman!" reklamo nito bago sinapo yung bibig. Magrereklamo pa sana ito ng makita namin na papasok ang nakasimangot na si Ron. Normal naman na nakasimangot ito pero hindi na normal yung mukha nito ngayon.
"Nakaaway mo na naman si Marikit?" tanong ni Adler dito.
Umiling si Ron sa amin bago umupo sa pwesto nito na mainit pa rin ang ulo. Magtatanong na sana ako sa kanya ng sumilip naman ang mga taga-kabilang section sa amin. Yun yung mga kaklase ni Marikit habang nasa likuran nila si Mari na nakasimangot din.
"Ron, sorry na daw sabi ni Marikit. Ikaw pa rin daw pakakasalan---Aray naman, bakla!" reklamo nung lalaking nagsasalita.
"Ayoko na! Hindi ko na siya pakakasalan. Hindi ko na siya gusto!" malakas na deklarasyon ni Marikit mula sa labas.
"Weh?" sabay-sabay na sabi ng mga nakarinig. Kahit ako ay gustong magduda sa sinasabi ni Marikit sa lahat.
Walang hindi nakakakilala sa kanya at sa panata niya kay Ron. Sinulyapan ko naman si Ron na nakatingin din sa pintuan particular na kay Marikit.
"Gaga! Wag mong lagyan ng tuldok yung sinasabi mo!" sabat naman nung isang babae na kaibigan nito.
"Kay Logan na lang ako! At least iyon may pakiramdam! May emosyon! Hindi katulad ng iba diyan!" sigaw pa nito.
Nagulat pa ako ng tumayo si Ron at naglakad sa may pintuan. Para kaming nanonod ng pelikula sa nangyayari ngayon. Mukhang nabwisit na rin kasi yung isa kaya ganun.
"Bawal ang maingay dito." Tanging sinabi nito bago sinarado ang pintuan ng classroom namin na hindi naman nito ginagawa.
Nagkatinginan kami ni Adler at mukhang natunugan namin ang iniisip ng bawat isa sa amin. Nagagalit si Ron dahil sa Logan? Sino ba yung Logan na iyon.
"Nagseselos." Usal ni Adler kaya tumango ako sa kanya.
"Kung ayaw mo ng maingay sana nagpunta ka sa sementeryo! Doon tahimik!" sigaw ni Marikit bago ito tuluyang umalis.
Napatingin naman kaming lahat kay Ron na parang nahihirapan sa ginawa. Matagal itong nakatingin sa nakasaradong pintuan bago binuksan ulit. Nasigurado na niyang wala si Marikit at ang mga kaibigan nito bago bumalik sa pwesto namin.
Pasimpleng tumikhim naman kami ni Adler pagkadaan niya sa pwesto namin. Hindi naman niya kami tinapunan man lang ng tingin. Kung anuman ang pinag-awayan nila ni Marikit ay gusto sana namin malaman pero knowing Ron, hindi namin ito mapagsasalita kaagad.
The day started really awkward for us. Mas naging madalang ang pagsasalita ni Ron at hindi gaanong attentive sa lesson na nangyayari. Iniisip niya siguro yung nangyari sa kanila ni Marikit. Samantalang ako naman ay iniisip ko kung kailan ko naman makikita si Mama at hindi puro si Fiona lang ang makakakita sa kanya.
After ng break namin ay pinag-group kami ulit ng subject teacher namin sa English para sa mock up wedding project. Kailangan kasi namin magplano sa gagawin na detalye tungkol doon.
"Kailangan natin gumawa ng invitation. Planuhin muna natin kung sino yung sa bawat role." Sabi ni Naomi.
Iyon kasi ang task namin para sa subject na English, kailangan ma-accomplish namin yung invitation para magawa na rin.
Nasa garden kami at doon nagpaplano. Kinailangan kasi magkakahiwalay ang bawta grupo para hindi magkarinigan. Mainam na rin dahil presko sa garden. Sa ilalim ng mayabong na puno ng mangga kami nakapwesto. Hinahangin yung buhok ko, wala pa naman akong dalang tali kaya kinailangan kong hawakan lang ito.
"Ako na magsusulat." Presinta ko sa kanila.
Inabot naman ni Naomi sa akin yung papel na may mga role na kailangan namin maayos.
Nilista ko kaagad ang pangalan ni Third sa groom tapos pangalan ni Frances sa bride.
"Talaga bang hindi na mapapalitan iyan ha?" tanong pa nila sa akin.
Tinaasan ko naman sila ng kilay, "Bakit hindi pangalan niyo ang ipalit ninyo?" sabi ko sa kanila.
Aksidente namang napatingin ako kay Third na nakatayo sa gilid, naka-krus ang braso nito sa dibdib habang seryosong nakatingin sa akin. Agad ko naman iniwas ang tingin sa kanya.
"Maid of honor?" tanong ko sa kanila.
"Ikaw!" sabay-sabay na sagot ng lahat sa akin maliban kay Third. Napailing naman ako sa kanila bago sinulat ang pangalan ko doon. At least, hindi bride.
Dinagdag ko pa yung pangalan ng mga kaklase ko sa ibang part. May ilan lang na kailangan maulit pero aayusin na lang siguro namin kapag nandoon na sa mismong gawaan.
"Ano nga ang concept natin?" tanong ni Gerson.
"Beach wedding di ba? Kasi doon tayo sa lugar nila Third mag-pictorial pati na rin yung ceremony?" sagot naman ni Joshua dito.
Iyon yung napag-usapan namin kahapon kaya iyon na yung gagawing plano. Marami pang kailangan gawin lalo na at kailangan pa namin humanap ng isusuot ni Frances. Wala naman na kaming problema sa venue, yung ilang gagamitin na lang talaga.
"Sino ang kukuha ng mga pictures?" tanong naman ni Carol.
"Hindi tayo pwedeng mag-hire kaya tayo-tayo na lang din ang kukuha ng pictures." Sagot naman ni Vilma.
Sabay-sabay na tumango ang lahat. "Kailangan lang natin mailabas yung sweetness nung couple natin." Mapang-asar na sabi ko sa kanila.
Tinignan naman nila ako at sinamaan ng tingin. "Bahala kayo diyan." Sagot ko na lang sa kanila.
Alam ko naman yung tinutukoy nila sa akin. Hindi pa rin kasi makaget over yung mga kaklase ko na hindi ko tinanggap yung pagiging bride. Hinding-hindi rin naman ako papayag na maging bride nila.
"Nakausap ko na si Mommy tungkol sa project natin. She's willing to helps us para mapaganda yung output natin." Anunsyo ni Third sa aming lahat.
Nagpalakpakan naman yung iba naming kaklase sa sinabi niya samantalang nakatuon lang ang tingin ko sa kanya. "Pero may kondisyon si Mommy." Dagdag pa nito bago binaling ang tingin sa akin.
Agad na tumaas ang kilay ko dahil mukhang may ideya na ako sa sasabihin niya. Hindi ko na lang vinoice out pero may hinuha na ako.
"Pumayag siya na mag-overnight ang buong grupo sa resort para hindi na kailanganin na umuwi. Since sunset wedding ang gagawin natin para hindi hassle. Everything will be taken care naman na." Sabi niya sa aming lahat.
"So ano yung kondisyon ng mommy mo?" tanong ko sa kanya.
Tumingin sa akin si Third, "Magsagawa muna raw tayo ng ocular para makita raw niya tayo. She wants to see kung anong babagay na gagamitin natin sa project." sagot niya naman sa akin.
Marahang tumango ako sa kanya. Wala namang problema since ocular visit lang naman ang gagawin namin.
"Kailan ba?" tanong naman ni Mia.
"Sa Saturday. Ayos lang ba? Para makapaghanda si Mommy." sagot niya pa sa aming lahat.
Tumango naman ang bawat isa sa amin, pinagmasdan naman ni Third ang reaksyon ko kaya tumango na lang ako. Mabuti na lang at hindi iyon kagaya ng inaasahan kong kondisyon mula sa kanila.
"See you sa resort sa Saturday." aniya sa aming lahat bago kami nagdesisyon na bumalik ng classroom.
Nagpapahuli ako ng lakad dahil pinapasadahan ko ng basa yung listahan namin, kung hindi lang may humila sa akin ay baka humampas na ako sa poste.
"Careful!" ani ng boses ni Third.
Mabilis na lumingon ako sa kanya at nakita siyang halatang nagulat din sa pangyayari. Nakahawak siya sa braso ko na agad ko namang hinila.
"Tumingin ka sa nilalakaran mo, Amelia." may bahid na galit ang timbre ng boses nito bago ako iniwanan.