By Michael Juha
----------------------
“Sobrang sakit ba buddy?” ang tanong uli niya, tiningnan ang mukha ko.
“Hindi na… hindi na buddy. Medyo OK na sya.” Ang pagdadahilan ko na lang upang hindi na sila mag-alala, natakot na baka mahalatang nagdrama lang ako.
“Sure ka?”
Tumango ako.
“Ok, sige... Oobserbahan na lang muna natin. Kapag in a few minutes ay masakit pa rin o lalong tumindi ang sakit, o kaya ay may kakaiba kang naramdaman, tatawag na tayo ng first aid.”
“S-sige buddy. Iyan na lang ang gawin natin” ang sagot ko.
Binitawan ng moderator ang tatlong mabilis na sunod-sunod na palakpak, pahiwatig ng attention. “OK mga buddies, tuloy natin ang ating activity!” ang sigaw niya sa grupo na sumunod din kaagad sa utos niya. Kanya-kanyang nagsibalikan sila sa kanilang kinauupuan. Ibinaling niya ang tingin kay Lito na nanatili pa ring nakaupo sa hot seat. “Ituloy mo na buddy!”
“S-saan na pala akong parte?” Tanong ni Lito sa kanila.
“Doon buddy sa may parang nadiskubre ka sa sarili…?” ang sigaw ng isang buddy.
“Ah…” Napahinto si Lito ng sandali. Palihim na tumingin sa akin. “M-may nagawa akong kasalanan sa isang tao...”
Bumalik na naman ang lakas ng kabog ng dibdib ko sa narinig. Ramdam ko ring muling namuo ang matinding galit. “Tangina! Ayaw talaga paawat! Lagot ka sa akin kapag itinuloy mo pa iyan!” ang sigaw ng utak ko.
Nagpatuloy si Lito. “Noong magkita kami ng taong ito, inimbita ko siya sa bahay at doon, nag-inuman kami. Nang malasing siya, may nagawa akong pang-aabuso sa kanya… Hanggang ngayon, hindi ko maiwaglit ang pagkakasalang iyon, lalo na kapag nakita ko ang taong ito at ipinapakita niya sa akin ang galit niya sa nagawa kong kasalanan.”
Natahimik ang lahat. Ramdam kong maraming naglalarong katanungan sa kanilang isipan ngunit hindi lang nila kayang diretsahang maitanong ang mga ito, marahil ay sa hiya o takot na baka mapahiya si Lito. Sumagi rin sa isip ko na baka ang iba sa kanila ay nagdududa na ako iyong taong iyon, kung tama ang hinala nilang lalaki ang “inabuso” niya dahil marami sa kanila ang nakaalam na mag-best friends kami at sa pagkakataong iyon ay hindi kami nagpapansinan.
Ngunit may isang buddy ring hindi nakatiis, “E… b-babae ba tong tao na ‘to, buddy?”
Na sinagot naman niya ng deretsahan. “Lalaki, buddy…”
Tumango-tango naman ang buddy na nagtanong, tila ramdam sa sariling nakumpirma ang kanyang hinala.
“Underage?” ang tanong naman ng isang buddy.
“Hindi.”
“Ah… hindi naman pala eh. OK lang iyan buddy. Walang mawawala sa lalaking nasa edad na.” ang pagpapatawa naman ng isa.
Nagtawanan ang lahat. Ngunit ako, iyong feeling na nainis, na hinid ko mawari. Pakiwari ko ay dinungisan na nga ang aking pagkatao, hayan, pinagtatawanan pa. Yumuko na lang ako, sa isip ko ay isinigaw ang, “Anong walang mawawala? Labag sa kagustuhan ko iyon, binaboy ako, tapos walang mawawala?” Ngunit sinarili ko na lang ang lahat sa takot na baka makasama pa ito sa akin.
Maya-maya, may nagtanong pa uli, halatang nahihiya ang tono. “B-bakla ka ba buddy?”
Hindi kaagad nakasagot ni Lito. Mistulang may bumara sa kanyang lalamunan at pansin kong umiyak na naman siya. “Hindi ko alam buddy eh. Kaya nga ako ay nalilito at nagagalit sa sarili. Mahirap tanggapin ang ganitong kalagayan, at lalo na, may nasaktan akong tao…” ang sagot niya habang pinapahid ng isang kamay ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi.
Patuloy mang kinabahan, wala na akong nagawa kungdi ang ipaubaya ang lahat kay Lito bagamat sa kaloob-looban ko ay nagpupuyos sa matinding galit sa kanya. “Lalo kang makatikim sa akin, tangina mo!” ang sigaw ng utak ko.
“Kilala ba namin ang taong sinasabi mo, buddy?” ang tanong muli ng isa naming kasamahan.
Hindi nakasagot agad si Lito. Halatang nag-isip. Maya-maya, palihim na ibinaling niya ang paningin sa akin.
Yumuko ako. “Tangina mooooo! Wag mo akong iturooo!” ang sigaw ko sa sarili.
“Hindi na importante iyon mga buddies kung kilala ninyo siya o hindi.” Ang sagot niya.
“OK… nirerespeto namin ang sagot mo. Pero heto, sensya ka na sa tanong na ‘to pero alam mo buddy… napansin namin kanina sa search for prince charming habang naka swimming trunks lang kayo… na may bakas ng mga kagat ka sa likod. Nagmarka pa nga ang ngipin eh. Paano ka ba nakagat? Sino ang kumagat sa iyo? At bakit?”
Mistulang naputukan naman ako ng bomba. “Tarantado kasi… tangina. Naghuhubad-hubad pa, di man lang inisip na hindi pa nawala ang bakat ng kagat ko sa kanya! Sige, sabihin mo at makakatikim ka na naman sa akin…” ang bulong ko sa sarili.
“Ah, e… p-pwede ba buddy na sa akin na lang iyon?” ang sagot niya.
Natahimik na lang ang lahat. Alam ko, lalong dumarami ang mga katanungan sa kanilang isipan.
Nagsalita ang moderator. “Alam mo, buddy, hindi porke’t nangyari sa iyo ang bagay na iyan ngayon ay masasabi mo na isa kang bakla. Hindi pa siguro sapat ang nangyari sa iyo na masasabi mong bakla ka talaga. Baka nadala ka lang sa kalasingan ba o sa pag-iinit ng iyong katawan? Kung lilipas ang ilang taon at ganoon pa rin ang naramdaman mo sa kapwa lalaki, marahil ay iyan na nga. Pero sa ngayon, baka hindi pa. Ngunit kung ano pa man, ang pinaka-importanteng masasabi ko sa iyo, ay tanggap kita at palagi kitang susuportahan, ke bakla ka o hindi…” Nilingon niya ang kapwa participants, “Kayo ba mga buddies, tatanggapin at susupurtahan pa rin ba ninyo si Buddy Lito kung sakaling bakla nga siya?”
“Syempre, buddy natin iyan! Walang iwanan!” ang sagot ng mga buddies.
“At kahit hindi pa siya natin buddy, wala tayong karapatang humusga sa kapwa natin. Walang kinalaman ang pagiging bakla sa kabutihan o kasamaan ng isang tao.” Dugtong ng moderator.
“Tama!” sigaw naman ng mga buddies.
“So why don’t we show him our support!”
“Group hug!” sigaw ng iba.
Sabay-sabay naman silang tumayo at nag-group hug. Naki-group hug na rin ako kahit ang tanging laman ng isip ko ay ang galit at pagbabanta, “Sige… ngayon may group hug ka sa grupo. Pero humanda ka at may mas malaking paddle at kagat ka uli sa akin! Tangina, ginagalit mo talaga ako!” sa isip ko lang.
Noong ako naman ang nasa hotseat, ang binuksang issue ko lang ay ang problema sa pamilya, sa kaunting hindi namin pagkakaunawaan ng tatay ko na normal lang naman sa mag-ama. Mga malilit na issues lang kumpara sa karamihan ng participants. Kaso, may nagtanong. “Buddy, bakit pala parang hindi kayo nagkikibuan ni Buddy Lito? Mag-best friend kayo, di ba?”
Napangiti ako ng pilit. Ini-expect ko na kasi na baka may magtanong dahil siguradong may makapansin, dagdagan pa ng intriga dahil sa pagbunyag ni Lito sa nangyari. “Ah… normal lang yan sa magkakaibigan buddy… Lahat naman magkaibigan, o kahit anong relasyon ay may kaunting tampuhan o di pagkakaunawaan, ‘di ba?” ang sagot ko na lang.
“Hindi nyo ba pwedeng i-share kung ano man ang hindi ninyo pagkakaunawaan upang ma-reconcile kayo dito mismo?”
Biglang kumabog na naman ng malakas ang dibdib ko. “Ah…” Tiningnan ko si Lito na nakaupo kasama ng ibang mga participants. Nang makita niyang tiningnan ko siya, yumuko ito, tila ang mensahe ay, “Bahala ka kung sasabihin mo…”
“P-puwede bang sa amin na lang iyon?” ang sagot ko na lang.
“Ah, ok. Nirerespeto namin ang desisyon ninyo. Pero Kasi sayang iyong ipinakitang closeness ninyo eh. Naiinggit nga kami sa samahan ninyo. Para kayong kambal na hindi naghihiwalay sa sobrang pagka-malapit sa isa’t-isa. Tapos, bigla na lang naming nakikitang ganyan kayo. Pero puwede bang kung ano man iyang mga disagreements ninyo ay magpatawaran at mag-reconcile kayo rito mismo? Kasi ‘di ba ang objective natin sa deepening na ito ay ang mag-improve tayo, matutu sa mga leksyon sa buhay, at magkaroon ng malawak na pag-intindi sa mundo… in the process making us wiser and better persons...”
Sumang-ayon naman ang marami. At may sumigaw na. “Hug! Hug! Hug!” hanggang sa lahat na ng buddies ay sumigaw ng “Hug! Hug! Hug!”
Hindi tumayo si Lito, marahil ay sa takot pa rin na hindi ko tanggapin kung siya ang unang lalapit sa akin. Kaya upang matapos na ang lahat at dahil ako naman ang nasa hot seat, ako na ang tumayo at lumapit sa kanya. Tumayo siya at nag-hug kami. “Tol, patawad…” ang bulong niya.
Ngunit binulungan ko sya ng, “Tangina mo. Lalo mo akong ginagalit! Plastikan lang ito ha? Hindi pa ako tapos sa iyo!” habang kunyaring nakangiti ang mukha ko.
Habang nagpalakpan ang mga buddies, ramdam ko naman ang pagkadismaya niya. Bumalik ako sa hot seat at binigyan ako ng group hug.
Mag-aalas singko na ng umaga nang matapos ang deepening. Bumalik ako sa cottage kung saan ako naka-assign upang magpahinga. Nakahiga na ako noong tinapik ako ng isang buddy. Gusto raw akong makausap ni Lito. Ayaw ko sana ngunit dahil kailangang ipakita kong close na kunyari uli kami kaya tumayo ako at hinarap siya. “O Tol! Anong atin?” ang bati ko kunyari sa kanya. Nakangiti pa talaga ako.
“Heto gusto kitang makausap” ang sagot niya.
“O, e di sige… doon tayo sa may likod nitong cottage” Turo ko sa parteng may malalaking kahoy at medyo malayo-layo na sa mga kasama namin.
Pagkadating namin sa lugar at noong napansing hindi na kami maririnig at makikita ng mga kasama, agad kong binanatan ng mura si Lito. “Tangina mo! Bat ka ba nagdrama! At muntik mo pa akong ibuking? Wala ka nang ginawa kundi sirain ang buhay ko, tarantado ka!” sabay din bitiw ng malakas na batok sa kanya.
Napahaplos siya sa parting binatukan ko ngunit hindi ito gumanti. Bagkus, buong pagkumbaba pa itong nagsalita. “’Tol, manghingi lang naman ako ng tawad eh.” Ang sagot niya.
“Gago! Paano kita mapapatawad niyan, e hindi pa nga ako naka-recover sa mga pinaggagawa mo sa akin, heto na naman, gusto mo na naman akong ipahamak!”
“G-guilty ako, ‘tol. Di ako makatulog, di ako mapakali. Binubulabog ako palagi ng kusyensya ko. Heto nga, ‘di ko maintindihan ang sarili sa nadiskubre kong naramdaman para sa iyo. Tapos ngayon heto, nasaktan kita at sinira ko ang pagkakaibigan natin. Ang hirap ‘tol. Di ko alam kung ano ang gagawin, kung kanino manghingi ng payo. Kung paano mo mapapatawad. Pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako sa mundo, walang kakampi, walang nakakaintindi, walang mapagsabihan ng nararamdaman. Para akong mababaliw...”
(Itutuloy)