Chapter 9

1977 Words
By Michael Juha ---------------------- “Ano ba yannn! Tangina!!!” ang sigaw ko sa sarili. “Oo patatawarin kita, promise!” ang padabog kong sagot. Nakukulitan na kasi ako at gusto ko na ring umuwi. “E, paano ko naman malalaman na pinapatawad mo na ako?” Nainis na talaga ako sa tanong niya kaya, “Letse na yan! E. di mag sorry eh!” ang pasigaw kong sagot. Ngunit sa sagot kong iyon ay napansin kong nasaktan si Lito at sumimangot ang mukha. Kaya binawi ko rin ang sagot ko at naghanap ng magandang isasagot. “Hehehe! Biro lang po…” ang sabi ko. “Paano ko nga malalaman?” ang tila nayayamot niya ring tanong. “E, di… hanapin ko ang kabibi na yan at ibibigay ko sa iyo” Doon na napalitan ng ngiti ang mga labi ni Lito. “Talaga ‘tol? Gawin mo iyan?” “Oo naman!” ang sagot ko na lang upang huwag na siyang magtampo at huwag na ring humaba pa ang usapan. Pero wala naman din sa isip ko iyon. Sa pagkakataon kasing iyon ay hindi ko iniisip na darating kami sa puntong sinasabi niya. “O sige, alis na tayo…” ang paglihis ko na sa usapan. “Sandali! Ibaon ko muna itong kabibi… sa ilalim ng hagdanan nitong cottage natin!” Pinabayaan ko na lang siya. Naghukay siya gamit ang kanyang mga kamay. Dahil gusto ko na rin talagang makauwi, hindi ko rin siya natiis. Tinulungan ko siya upang mapabilis ang kung ano man ang gusto niyang mangyari sa kabibi. May tatlong talampakan na ang lalim ng hukay namin nang sinabi ko nang, “Tama na yan, malalim na iyan!” Saka pa inilatag ni Lito ang kabibi at pagkatapos ay pinagtulungan din namin itong tabunan ng buhangin. Hindi ko na binigyang pansin ang insidenteng iyon. Sino ba kasi ang mag-aakalang darating ang panahon na maranasan ko ang matinding galit sa kanya, o manganganib ang aming pagiging matalik na pagkakaibigan. TULOG PA rin si Lito habang naglalaro sa isip ko ang mga eksenang iyon. Habang pinagmasdan ko siya sa kanyang himbing na pagtulog, namalayan ko na lang na tumulo ang aking mga luha. Hindi ko alam kung bakit ngunit biglang sumingit ang isang eksena doon sa deepening namin kung saan ay ang isang buddy namin, si Buddy Rofil, ay nag unveil sa mga problema niya sa buhay. Ang buddy na iyon ay may kapansanan. Noong maliit pa siya ay nagkapolio siya at kailangang gumamit ng crutches upang makalakad. Ngunit hindi lang d’yan nagtapos ang kanyang kalbaryo; may mukha siyang masasabi mong talagang pangit. Malalaki at luwa ang mga mata, malalaki ang pisngi, malaki ang ulo, pango ang ilong, at maitim. Ngunit ang nagustuhan namin sa kanya ay ang pagkamasayahin niya, ang kanyang pagka-palabiro, ang kanyang pagka-maalalahanin at matulungin. KUmbaga, isa isyang mother-figure sa grupo. Kapag ganyang may problema ang mga kaibigan niya, siya palagi ang nilalapitan, hinihingan ng payo. Sa kabila ng hitsura at kapansanan niya, hindi mo makikita sa mukha niya na may hinanakit siya sa mundo. At nang siya na ang nasa hot seat, ang mga sinabi niya ay naukit sa isipan ko. Sabi niya, “Marahil ay iniisip ninyo na wala akong problema… mayroon din. Syempre, alam nyo na. Hindi ko man sasabihin, nakikita naman eh, di ba? Alam ko kung ano ang iisipin kaagad ng mga tao kapag nakikita nila ako, ang iba ay maaawa, ang iba naman ay may mandidiri. Simula noong bata pa lang ako, nakaranas ako ng pambu-bully sa eskuwelahan. Walang gustong makikipagkaibigan sa akin. Bagamat may mga tao ring sa harap ay nakikisalamuha pero nararamdaman kong ang iba sa kanila ay nandidiri o kaya’y nilalait ako kapag nakatalikod na. Masakit. Ngunit natutunan ko pa ring lumaban, magtiis, magpakumbaba. Tinuruan ko ang sariling magpakatatag at harapin ang buhay at mga pagsubok. Kasi, para sa akin, hindi importante ang anyo ng tao upang mabuhay. Ang mahalaga ay kung paano natin lampasan ang mga pagsubok sa buhay at magiging successful pa rin sa bandang huli. Lahat naman kasi tayo ay may kanya-kanyang pagsubok. Napakaraming taong sa kabila ng nasa kanila na ang lahat ngunit hindi pa rin sila masaya o ni ma-kuntento. May mga taong napakayaman na ngunit sa kaunting problema lang ay nagda-drugs o kaya’y nagsu-suicide. Sinasayang nila ang buhay. Kaya kahit ganito lang ako, pero natutunan ko ang kahalagahan ng buhay at ang pakikipaglaban ditto. At lalaban ako hanggang sa huli kong hininga. Hindi ko man alam kung bakit ibinigay sa akin ng maykapal ang ganitong klaseng buhay, ngunit alam ko, may silbi pa rin ako sa mundo. I have a place under the sun. Di ba sabi sa desiderata, ‘you are a child of the universe, no less than the trees and the stars. You have a right to be here; and whether or not it is clear to you, no doubt that the universe is unfolding as it should…’ So… I have a role to play in this world. At gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang maraming tao ang mapapaligaya ko at matulungan. Napakasarap mabuhay sa mundo lalo na kapag ang isang pagsubok ay nalampasan mo, o ang isang tao ay natulungan mo. At lalo itong mas masarp kapag wala kang galit sa puso, kapag marunong kang magpatawad, magmahal, at nakakatulong sa kapwa upang kahit papaano, mapagaan ang mga dinadala nila sa buhay...” Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga nang maalala ko ang sinabi niyang iyon. Nilingon ko si Lito na sa pagkakataon ay mahimbing pa rin ang pagtulog sa sandaling iyon. Dali-dali akong lumabas ng ospital, nabuo sa aking isip ang isang desisyon… tulog pa rin si Lito nang nakabalik na akong muli sa ospital. Maya-maya lang ay nagising siya. Noong iminulat niya ang kanyang mga mata, tila disoriented siya at inaaninag pa nito ang kisame ng kwarto. Noong ibinaling niya ang paningin sa paligid, ako ang una niyang nakita. Nginitian ko siya. Sinuklian niya ang aking ngiti ng isang pilit na ngiti at napakong muli ang mga tingin niya sa kawalan. Maya-maya, napansin ko ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi. “Tol… ligtas ka na.” ang mahina kong sabi. Hindi kaagad siya sumagot. Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga. “S-sana… namatay na lang ako ‘tol. Ayoko nang mabuhay pa.” “Huwag kang magsalita ng ganyan, ‘tol. Hindi ako papayag na mamatay ka. Kailangan ka namin, ‘tol… Kailangan ka ng mga magulang mo, ng mga taong nagmamahal sa iyo. Napakasarap mabuhay sa mundo. Lumaban ka. Naalala mo ang sinabi ni Buddy Rofil? May halaga ka sa mundo… May silbi ang buhay mo. May dahilan kung bakit nandito ka.” Tiningnan niya ako. “N-napatawad mo na ba ako ‘tol?” Tumango ako. Ngunit tila hindi siya kumbinsido sa pagtango ko. “Paano ko malalaman na tunay mo nga akong pinatawad?” Hindi ako sumagot. yumuko ako at hinugot mula sa ilalim ng kama ang dala kong regalo para sa kanya. Nang nakuha ko na, iniabot ko ito sa kanya. “Ito tol… patunay na napatawad na kita. Nakita mo? Buo pa rin siya, di ba?” Kitang-kita ko naman ang tuwa sa mukha ni Lito nang nakita niya ang dala ko. “A-ang kabibi! Natatandaan mo pa pala iyan, tol!” ang masigla niyang sabi. “Syempre… di ba nag-promise pa ako sa iyo na kapag may nagawa kang ikinagagalit ko, huhukayin ko ito kapag napatawad na kita…” “H-hug mo ako ‘tol…” ang sambit niya sabay unat ng kanyang mga bisig. Lumapit ako sa kama niya, yumuko at niyakap siya nang mahigpit. Simula noon, balik na naman ang pagiging close namin ni Lito. Ang kinikimkim kong galit sa kanya ay nadaig ng matinding awa. “Sino ba ako upang hindi magpatawad… Lalo na kung nakikita mo naman na ang taong nagkasala sa iyo ay taos-puso at tapat na nanghingi nito” ang tanong ko sa aking sarili. Alam ko, abot-langit ang pagsisisi niya sa nagawa niyang kasalanan sa akin. Alam ko rin na sobrang bigat ang dinadala niya sa buhay hindi lang dahil sa guilt na nadarama, nad’yan din ang problemang hirap ng pagtanggap niya sa sarili sa pagkatuklas sa naiiba niyang pagkatao, dagdagan pa sa sama ng loob niya sa pagkadiskubreng ampon lang siya. Isa pa, ayokong ako ang magiging dahilan upang muli niyang kitilin ang kanyang buhay. At syempre, ayoko ring masira ang respeto ng mga magulang niya sa akin na kung saan ay parang tunay na anak na rin ang turing sa akin. Sa laki rin ba naman ng na utang loob ko sa kanila... Kaya, minabuti kong kalimutan na lang ang kasalanang nagawa ng kaibigan ko sa akin. “Ang kasalanan lang naman niya siguro ay nagmahal siya sa kanyang best friend na hindi maaaring suklian ng parehong pagmamahal. At naintindihan ko rin na hindi niya kayang kontrolin ang sarili. Kaya ako ang dapat na umintindi sa kalagayan niya. So, balik-close uli kami; may kaibahan na nga lang; dahil alam kong may pagtingin siya sa akin, may kaunting ilang akong nararamdaman. Kahit mahal ko naman talaga ang kaibigan ko bilang isang kaibigan at bilang turing-kapatid, ang nangigibabaw sa akin ay awa na lang para sa kanya. Ngunit hindi ko ipinahalata ang lahat kay Lito. Ayokong isipin niya na may nagbago sa akin. Ayokong masaktan muli siya. Kaya, balik uli kami sa laging pagsasama sa school, sa mga gimmick, ang harutan, ang kantyawan, sa biruan… sa lahat ng aming nakasanayan. Hindi ko na rin pinansin ang mga intriga at tsismis ng mga tao. Ngunit, may napansin din akong iba sa mga galaw ni Lito. Hindi ko na nakita pa ang dating natural na saya niya sa mukha. Parang may kulang, may pagkukunwari. Oo, naroon pa rin ang aming pagtatawanan, harutan, biruan, ngunit may mga pagkakataon ding bigla na lamang itong umiiwas, nawawala, o umaalis sa grupo. At makikita ko na lang na nag-iisa ito sa isang sulok, nagmumukmok, malungkot ang mukha, at malalim ang iniisip. Isang araw, bigla na lamang siyang nawala sa umpukan naming magkaklase. Nahanap ko siya sa likod ng building ng campus, sa may mini-park nito, nakaupo sa damuhan sa ilalim ng malaking puno ng akasya. Nag-iisa lang siya, naka-earphone. Nakatalikod siya sa akin at sa kagustuhang sorpresahin sana siya, dahan-dahan akong umupo sa tabi niya. Nagulat siya noong nakita niya ako sa tabi niya. Excited pa naman ako na nahanap siya. Ngunit noong magkasalubong ang aming mga tingin, pansin ko ang malungkot niyang mukha at ang mga namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata. Binitiwan niya ang isang ngiting-pilit, “Ikaw pala, tol… ginulat mo ako ah.” ang sambit niya sabay lingon sa malayo at dali-daling pinahid ang mga namuong luhang malapit nang bumagsak mula sa kanyang mga mata. Kunyari ay hindi ko iyon napansin. “Ba’t iniwanan mo ako sa umpukan natin?” ang tanong ko. Yumuko siya, tila nahiyang mapansin ko ang pamumula ng kanyang mga mata. “W-wala… may naisip lang ako, at gusto ko ring mag-music tripping.” ang malungkot niyang sagot. Ngunit naramdaman kong hindi siya nagsabi ng totoo. Hinawakan ko ang panga niya at iniharap ang mukha niya sa akin. “Tingnan mo nga ako ‘tol? Hindi ka nagsabi ng totoo, e. Ano ba talaga ang dahilan?” pangungulit ko. Kinabig niya ang kamay kong nakahawak sa panga niya at yumuko uli. Natahimik siya sandali. “Wala naman din akong interest sa mga bangkaan. Nag-uusap kayo tungkol sa mga babae; sa mga magagandang kursunada ninyo, tapos nagkakantyawan na baka si ganire, bakla si ganito ay nagpapantasya sa kapwa lalaki… Pakiramdam ko tuloy , ako ang pinapatamaan e.” (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD