Chapter 8

2355 Words
By Michael Juha ---------------------- Hindi kaagad ako nakaimik. Mahirap para sa akin ang hiniling nilang iyon. Para bang heto, ako ang na-agrabyado pero ako pa ngayon ang lumalabas na may kasalanan. Pero dahil sa awa ko sa mga magulang ni Lito, sumang-ayon na rin ako. “S-sige po, ma… pupuntahan ko po siya, at ngayon din. Tuwang-tuwa ang mga magulang ni Lito, pari na ang Guidance Counselor. Kinagabihan, dala-dala ang ilang personal ng mga gamit, pumunta ako sa bahay nila. Napagkasunduan kasi naming na doon muna ako titira ng ilang araw. Nang makarating dumiretso na ako sa kwarto ni Lito. Ang sabi ng mama niya ay hindi pa raw siya kumain, at hindi lumalabas ng kwarto. Agad akong umakyat sa second floor kung saan narooon ang kwarto ni Lito. Nang nasa harap na ako ng pintuan, hinawakan ko ang door knob at tinangkang buksan ito. Ngunit naka-lock ito. Kumatok ako. Walang sumagot. Kumatok uli ako, mas malakas. Wala pa ring sumagot. “Tol!” ang sigaw ko habang nilakasan ko pa ang pagkatok. Wala pa ring sagot. Doon na sumigaw nang todo. “Tol!!! Si Warren ‘to, buksan mo ang pinto!!!” Ngunit wala pa ring sumagot. Dahil sa hindi pagsagot na iyon ni Lito, bigla akong kinabahan. Dali-dali akong tumakbo pababa, sa sala kung saan ay naroon ang mama at papa ni Lito na sa pagkakataong iyon ay naalarma na pala sa pagsisigaw ko at akmang aakyat na sa kuwarto ni Lito. “Ma, pa! Hindi sumasagot si Lito kahit gaanong lakas ng katok at tawag ko. Kinakabahan po ako. Buksan po natin ang kuwarto niya!” Doon na nataranta ang mga magulang ni Lito. Dali-daling tinumbok ng papa ni Lito ang lagayan ng kanilang holder ng mga susi ng kuwarto. Nang nakuha na niya ang master key, binuntutan namin siya sa pag-akyat niya sa second floor. Nang nabuksan na ang kwarto ni Lito, malakas na sigaw ang kumawala mula sa mga magulang ni Lito. “LITOOOOOOO!!!” Walang humpay ang pagsisigaw ng mama ni Lito nang makitang nakatihaya ang anak niya sa ibabaw ng kama, walang malay, at laslas ang kaliwang pulso. Maraming dugo ang nagkalat sa sahig. Tumagos ang iba sa bedsheet, habang patuloy pa rin ang pag-agos at pagpatak ng dugo sa sahig. Nataranta ang lahat at nagkagulo, hindi malaman kung ano ang gagawin. Kahit matindi rin ang aking pagkataranta, pinilit kong pakalmahin ang sarili. Hinablot ko ang bedsheet, puwersahang pinunit ito at gumawa ng tourniquet sa braso kung nasaan sa baba nito ay ang nilaslas na pulso. “Ihanda po ninyo ang sasakyan!” ang sigaw ko sa papa ni Lito na dali-dali namang tumalima at bumaba, tinawag ang driver. Nagkandaugaga akong buhatin si Lito palabas ng bahay kung saan naghintay na ang van. Noong nakitang nahirapan ako sa pagbuhat, tinulungan ako ng papa ni Lito hanggang sa maipasok namin ito sa passenger’s seat. Sumama na rin ako sa hospital. Ako ang katabi ni Lito sa upuan, nakasandal siya sa akin, hawak-hawak ko ang kamay na may sugat at inangat ito ito upang hindi na dumaloy ang dugo. Na-admit si Lito. Ang problema, kailangang masalinan siya ng dugo at walang mahagilap na kaparehong type ng dugo niya. Mahirap daw kasing hanapin ang type na iyon. Kahit ang type ng dugo ng mama at papa niya ay hindi tugma. Nag-volunteer akong magpacheck. At laking tuwa ng mga magulang ni Lito, at ako man ay namangha dahil sa magkapareho ang type ng aming dugo. Kaya agad-agad akong kinunan ng dugo upang isalin kay Lito. Dahil sa mabilis naming aksyon, nailigtas namin ang buhay ni Lito. Laking pasalamat ng mga magulang niya sa akin na kahit papaano, hindi ko iniwan ang anak nila. Hindi rin ako umalis sa tabi ni Lito. Doon na ako natulog sa tabi ng kama niya. Kinaumagahan nang nagising ako, umuwi pansamantala ang mga magulang ni Lito sa bahay nila dahil may aasikasuhin daw, inihabilin nila sa akin ang pagbabanatay kay Lito. Nang kaming dalawa na lang ang naiwan, pinangmasdan ko ang anyo niya habang natutulog. Pansin ko ang kanyang pagpayat, ang mukhang dati ay punong-puno ng sigla ay nagbago; larawan ng isang taong nawalan ng pag-asa, naghirap ang kalooban. Nakakaawa ang hitsura niya. Naalala ko pa noong sobrang close pa namin sa isa’t-isa, nag-inuman kami sa beach noon. Trip lang namin, kaming dalawa lang. Katatapos lang ng test namin noon. Masayang-masaya siya sa araw na iyon dahil siya ang nag-top sa halos lahat ng subjects. As usual, siya ang taya. Palagi naman kasing wala akong pera, di kagaya niya na anak-mayaman. Nang medyo nag-init na ang mga katawan naming sa aming nainum, bigla na lang itong nagtatakbo sa aplaya. Habang nagtatakbo, isa-isang hinubad niya ang kanyang suot inihagis ang mga iyon sa buhangin hanggang sa ang puting brief na lang ang natira sa kanyang katawan. Syempre, hindi nawawala ang paghanga ko sa magandang hubog ng katawan niya. Proportioned kasi ito, matipuno, may six-pack abs at hunk na hunk ang dating. Pero, hanggang sa paghanga lang ako. Wala namang malisya ito sa akin kasi nga, pareho kaming lalaki. “Ligo tayo Tol! Woooohhhhh! Sarap maligo!” ang sigaw niya. Tawa nang tawa lang ako sa nakitang tila batang nagwawala na kaibigan. Ngunit nanatili lang ako sa harap ng cottage, pinagmasdan siyang lumusong sa tubig. Maya-maya, bumalik, may dalang kabibi, iyong tinatawag nilang giant clam, halos kasing laki ito ng bungo ng tao. “Ano yan, ‘tol?” ang tanong ko. Akala ko talaga ay buhay at may laman pa. Bitbit-bitbit niya ito patungo sa kinaroroonan ko. “Wahhhh! Anlaki!” ang sabi ko, hindi makapaniwalang sa dagat na iyon ay may ganoon pa pala kalaking buhay na kabibi. Noong nakalapit na siya sa akin at akmang hihipuin ko na sana ito sa pag-aakalang buhay nga, bigla naman niyang tinanggal ang nakapatong na kahati ng shell at ang tubig na laman ay inihagis sa mukha ko at pagkatapos ay simbilis ng kidlat na kumaripas ng takbo. “Arggggh! Tangina!” ang sigaw ko sa pagkagulat. Nabasasa rin kasi ang damit ko at nakalulon din ako ng tubig. Dahil sa naisahan, dali-dali kong hinubad ang t-shirt at pantalon ko, ang natira na lang ay ang brief, at sinugod siya. “Tol… grabe ka pala kapag nabigla, anlaki-laki ng butas ng ilong mo!” ang pang-aasar niya habang nagtatakbo at tumatawa. “Sige, tumawa ka pa d’yan. Kapag naabutan kita, dila mo lang ang walang latay!” Para kaming mga paslit na naghabulan sa dalampasigan. Hanggang sa naabutan ko sya. Nagpambuno kami, pagiling-giling sa buhanginan. Nang naitumba ko siya at na lock na naktihaya ang kanyang katawan, inupuan ko ang tiyan niya, hinablot ang buhok at iminudmod ko ang ulo niya sa buhangin. “Um! Um! Um!” “Arayyyy! Tado ka…” ang sigaw niya habang sinikap niyang pwersahin akong itihaya. Dahil mas malakas siya kaysa sa akin, agad niya akong napatumba, at ako naman itong napatihaya. Dali-dali niyang dinaganan ang katawan ko. Inilock niya ang mga paa niya sa paa ko, at ang dalawang kamay niya ay itinukod sa dalawang kamay kong nakalapat sa buhangin sa may uluhan ko. Napako ako sa posisyon na iyon habang ang mga mukha namin ay halos maglapat, dinig na dinig at naaamoy naming pareho ang hangin sa mga bibig naming habol-habol ang paghinga. Ang buong akala ko ay mayroon siyang gagawin sa akin, gaya ng sasakalin ako, o hihilahin ang paa o braso o hahablutin ang buhok. Ngunit napako siya sa ganoong posisyon, nakadagan sa katawan ko, nakatitig sa mukha ko. Nang mapansin kong hindi siya gumalaw at nanatiling nakatitig lang sa akin, bigla akong nagreact, nagsalubong ang kilay ko, nagtatanong ang isip kung anong kabulastugan na naman ang nasa utak niya. “Ano??? Ba’t ganyan ka kung makatitig?” ang sambulat ko, habang naka-lock pa rin ang katawan ko at hindi makagalaw dahil sa pagdagan niya sa akin. Tila bigla siyang natuhan sa tanong ko na iyon. At ang nasabi lang niya ay, “Ano, lalaban ka pa?” “Paano ako makalaban sa iyo niyan, e… ni-lock mo ang katawan ko?” “E, di talo ka.” ang sagot niya. “Oo na, talo ako.” “May parusa ka.” “Ano?” ang tanong ko. “Iki-kiss kita.” Na sinagot ko naman bigla ng, “Tangina ka Tol! Nababakla ka na yata sa akin! Bakla!” ang biro ko. Iyon naman ang palagi kong biro sa kanya eh. Paano maraming beses ko na siyang nahuling parang iba kung makatitig sa akin. At madaling napipikon pati kapag tinawag na bakla. Pero, wala namang malisya sa akin iyon. Pati iyong pagbibiro ko sa kanyang "bakla", walang laman iyon. Hinid ko naman kasi alam na may laman pala iyon sa kanya. Kaya nang mapikon na naman siya, bigla din niyang hinablot ang buhok ko at iminudmod ang ulo ko sa buhangin. “Bakla pala ha… Um! Um! Um!” Nagpumiglas ako hanggang sa nakalaya ako sa kanya. Humarurot ako ng takbo. “Bakla! Bakla! Bakla!” ang pang-aasar ko habang tumatakbo palayo at tumatawa ng malakas. Hinabol niya uli ako. Hanggang sa mapagod kami, bumalik kami sa cottage at uminum uli ng beer. At kapag ganoong kaming dalawa lang, may naiibang klaseng posisyon kami kapag ganoong umuupong kaming dalawa lang. Iyong nakaangat ang kanan kong tuhod at si Lito naman na nakaupo na nakaharap sa akin ay doon sasandal. Ang kanan naman niyang tuhod ay iangat din niya na siya ko namang sasandalan. Sa posisyong iyon, para kaming magsing-irog, halos magyayakapan na. Minsan habang nasa ganoong ayos, nagbibiruan kami, at ang palaging ginagawa ni Lito ay iyong mga daliri niya na pabirong igagapang sa dibdib ko, sa tyan, at pababa minsan sa umbok ng aking pagkalalaki. Wala lang sa akin iyon. Tatawa lang ako. Pati siya, tatawa rin. Ako nga rin ay madalas na kinikiliti ko siya sa tiyan, sa kili-kili. Wala rin naman kasi siyang ginagawa na talagang ikadududa ko. At lalong hindi ko alam na may naramdaman pala siyang kakaiba para sa akin. At syempre, dahil pareho lang kaming naka-brief at nasa beach pa, kapag may nakakakita sa postura namin, iisipin talagang may relasyon kami. Pero, wala kaming pakialam. At sa panahong iyon, hindi ako naaasiwa sa mga ginagawa namin. Walang malisya. Pauwi na kami noon at nakapagbihis na ako nang pinulot ni Lito ang kabibi sa buhanginan kung saan niya ito inilaglag nang binuhusan niya akong tubig-dagat. Ewan kung ano ang napasok sa utak niya, o baka dala na rin ng kalasingan, kinuha niya ang dalawang biyak, nilinis at pinunasan ang loob ng mga ito. “Ano ang gagawin mo d’yan?” ang tanong ko. “Lagyan natin ng pangalan, ‘tol, at buo-in natin…” sabay kuha ng pentel pen niya sa bag at isinulat ang pangalan niya, pirma at petsa ng araw na iyon sa isang hati. Iniabot naman niya ang pentel pen at ang isang kahati noong kabibe. O, yan, isulat mo ang pangalan mo sa hati na iyan.” ang sabi niya. Kinuha ko ang iniabot niyang kahati ng kabibi at ang pentel pen. Bagamat nalito, isinulat ko pa rin ang pangalan ko, pinirmahan at nilagyan ng petsa. “Bakit?” ang tanong ko nang matapos ko nang sulatan ito. “Wala lang. Trip ko lang.” ang sagot niya. “Buo-in natin…” dugtong niya sabay kuha sa pantali at idinugtong ang dalawang hati na kabibi. Parang buo pa ring tingnan ito nang naidugtong na niya. Nang matapos na niyang talian, tinanong ko siya. “Anong gagawin mo d’yan?” “Patunay ito, ‘tol, na hindi tayo maghihiwalay, na hindi tayo magbabago sa isa’t-isa…” tiningnan niya ako. “OK ba?” Medyo na-cornihan ako sa sinabi niya ngunit napa- “O-oo. Ok... Ok yan” na rin ako. Kahit kasi corny, pero dahil mahal ko naman talaga ang kaibigan ko – bilang kaibigan – natuwa ako, lalo na napakabait na nga niya, malaki pa ang naitutulong niya sa akin, lalo na sa aking pag-aaral. “Maipangako mo kaya ‘tol na hindi ka magbabago at hindi tayo maghihiwalay ano man ang mangyari? Na magtutulungan tayo habambuhay?” “Promise! Cross my heart!” ang binitiwan kong pangako. “Itaas mo ang kanang kamay mo pag nagpromise ka” dugtong niya. “Putsa naman o. Andami pang setse-buretse.” Pagmamaktol ko. Ngunit, “O sige na nga…” ang sambit ko rin. Itinaas ko ang aking kanang kamay sabay sabing, “Promise!” “Eh.. paano kung may mali akong nagawa o kaya’y may isang bagay akong itinatago na di mo nagustuhan, magiging buo pa rin kaya ang pagiging magkaibigan natin, kagaya ng kabibi na iyan?” ang turo niya sa nabuong kabibi. “Hahaha! Tado ka talaga!” sagot ko naman. “Ano pa bang puwede kong malaman sa iyo? E kahit mga nunal sa titi mo at titi ko alam nating pareho” ang sagot ko. May mga insidente kasi na minsan sabay kaming nagpaparaos, kanya-kanyang diskarte, at pagkatapos, kinukumpara namin ang mga ari namin na parang mga gago. Normal lang naman kasi ang mga iyon sa malapit na mga lalaking magbarkada. “Hindi nga, mag-promise ka!” ang giit niya. “Hay naku!” ang pagmamaktol ko uli. Ngunit pinagbigyan ko pa rin siya. “O sige na nga!” ang napilitan kong sagot. At itinaas ko uli ang kanan kong kamay sabay sabing, “Promise!” “E… paano kung magalit ka sa akin? Mapapatawad mo kaya ako?” ang tanong niya uli. Napakamot na ako sa ulo ay ipinakita ang pagka-inis. “Bakit ba ako magagalit sa iyo ‘tol? Di mangyayari iyan, ano ka ba? Ako magagalit sa iyo? Baka ikaw pa ang magagalit sa akin, makukulitan o maiinis sa palagi kong pagpapalibre!” ang sagot kong may halong pagdadabog. “Basta, sagutin mo ang tanong ko. Mapapatawad mo kaya ako kapag may nagawa ako o may di mo magustuhang sikreto na malalaman tungkol sa akin?” (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD