#TMFNABKabanata4
First day
MARIA
“Are you ready?” tanong sa akin ni Ma’am Portia nang maabutan ko siya sa dining ng penthouse na kinakain na ang almusal na inihanda ko para sa kanya.
Salad at fresh orange juice. Iyon ang bilin sa akin ni Ate Vanessa na agahan ni Ma’am Portia. Hindi naman daw iyon palagi, dahil minsan ay gusto rin niya ng fresh baked na tinapay na nabibili raw sa tapat ng condominium building kung nasaan ang penthouse nito.
“Come, sabayan mo ako,” aya niya sa akin nang tumango ako at binati siya.
“Kumain na po ako, Ma’am.”
Mahinhin siyang tumawa at pinunasan ang bibig niya bago ni walang katunog-tunog na naibaba ang hawak na tinidor.
“You know what Marie, you’re too formal. Stop with the po na ah. I feel so old. Tatlong taon lang ang difference natin.”
“Pasensya na p–”
Tumigil ako sa pagsasalita nang taliman niya ako ng tingin pero hindi naman ako natakot do’n dahil kita kong may pagbibiro pa rin doon.
“Na-brief ka naman na siguro ni Van sa mga duties mo sa akin. Have you read my schedule this week?”
Tumango ako. Ginamit ko iyong tablet na binigay niya sa akin kagabi at talagang kinabisa ko ang oras at lugar ng schedule niya.
“Yes, Ma’am.”
“First time mo dito sa city?” usisa niya habang nasa elevator na kami.
Pinagmasdan ko ang repleksyon namin sa harap ng salamin. Posturang-postura si Ma’am Portia at tila kumikinang ang kutis niya sa suot-suot na pang-itaas, kulay dilaw ‘yon at kapares no’n ang maong na puting short.
Kung gaano kaikli ang suot ni Ma’am Portia ay siyang ikinahaba ng palda ko na pinaresan ko lang ng puting blusa. Wala naman daw akong dapat isuot na uniporme, basta kung saan lang ako komportable.
Dala-dala ko ang bag niya na hindi naman kabigatan. Ayon sa kanya ay nasa baba na ang makakasama kong stylist at make-up artist niya.
“Ah op–oo, Ma’am.”
“Oh really? Once I clear my schedule, I’ll pasyal you to some places here in the city. May gusto ka bang puntahan dito?”
Ngumiti ako at masayang tumango. “Oo, may simbahan bang malapit dito sa penthouse n’yo, Ma’am?”
“Church?”
Tumango akong muli at ipinapanalangin na malapit lang ang simbahan dito.
“Wow, I was expecting you’re going to ask me kung saan ang near na mall eh. But to answer your question, I remember there’s a nearby church here. Let’s ask George,” pag-abrisete niya sa akin na animo hindi ko siya amo at tila magkaibigan lang kami.
May mga nakasabay kami sa elevator na napapasulyap sa amin–pero tingin ko’y siya lang pala. Artista siya at dinig ko kina Ate Van na sikat na sikat siya hindi lang dito kung hindi maging sa ibang bansa bilang isang modelo.
“Good morning! Ayan iyong kapatid ng asawa ni Van, Madam?” salubong sa amin ng tingin ko’y siyang make-up artist na tinutukoy ni Ma’am Portia.
Matangkad siya gaya ni Ma’am Portia. Nakasuot siya ng sumbrero at kung hindi lang sa dibdib niya’y mapagkakamalan ko siyang lalaki.
Nginitian ko siya nang magtapat ang tingin naming dalawa. Nagtaka ako nang mag-iwas siya ng tingin at tila pamulahan ng magkabilang pisngi.
“Hey, Georgie, ah! She’s too innocent. Baka gusto mong masabunutan ka ni Van pagbalik niya,” pagtawa ni Ma’am Portia at wala naman akong naintindihan sa sinabi niya.
“Hala ka, Ma’am Por naman. Huwag n’yo naman akong ipahiya kay Angel.”
“Angel ka diyan, that’s not her name.”
“Ah mukha kasi siyang anghel,” nakangiting saad ni George at inilahad ang kamay sa akin. “Ako nga pala si George, make-up artist s***h stylist ni Madam Por.”
Tinanggap ko naman ‘yon at muli siyang nginitian. “Ako naman si Maria. Ikinagagalak kitang makilala.”
Umawang ang labi niya. “Wow, pakiramdam ko napunta ako sa nakaraan, binibini–Ouch! Madam, napakabrutal mo.”
“Halika na nga at tigilan mo si Maria, by the way si Mama Rin nga pala?” aniya at umabrisete sa amin pareho ni George.
“Nasa van. Mainit na naman ang ulo. Ayaw pumayag ni Direk na gumamit ng double doon sa love scene n’yo ni Sir Andro.”
“What? I read that script ah! That’s too malaswa na scene! Gusto ba ng Direk na ‘yon na magwala sila Kuya?”
Wala akong maunawaan sa pinag-uusapan kaya tahimik na lang ako na nagpatianod sa kanya.
Ipinakilala ako ni Ma’am Portia sa manager niya na si Mama Rin. Sa una’y natakot pa ako dahil parang naninindak ang tingin niya sa akin pero nang magsalita siya at batiin ako ay mukhang ganoon lang talaga siya tumingin, ngunit mabait naman. Biniro niya pa akong baka gusto ko ring mag-artista gaya ni Ma’am Portia na sinegundahan din nila George.
Wala sa plano ko ang pag-arte. Hindi ko nakikita ang sarili ko sa ganoon. Pokus pa rin ako sa plano kong pagma-madre sa oras na pwede nang bumalik si Ate Van sa trabaho at nasolusyunan na namin ang problema ni Kuya.
“I’m not going to do that scene! Over my dead body!”
Napalunok ako nang magbato pa si Ma’am Portia ng unan sa lalaking pumasok sa tent niya. Dinampot ko naman ‘yon at pinagpag nang maiwasan ‘yon noong direktor na napatingin pa sa akin.
Nakagat ko ang labi at inisip kong iwanan sila pero sumenyas lang si George na tumabi ako sa kanya.
“May pinirmahan kang kontrata, Miss Carbonelle–”
“Yeah right. F*ck that contract, Direk.”
“Your words, Portia Polaris!”
“Gusto mo bang tawagan ko si Kuya Juan–”
“Fine, diyan ka naman magaling, ang magsumbong! Spoiled brat!” sabi ng direktor at galit na nilisan ang tent. Napasulyap pa siya sa akin at medyo natakot naman ako sa madilim niyang mukha na namalayan kong napahawak pa ako sa braso ni George nang dumaan siya sa pwesto namin. .
“I’m not a spoiled brat! Damn you!” tili ni Ma’am Portia at napasabunot pa sa buhok niya.
“Ayos ka lang? Ganyan talaga ‘yang dalawa na ‘yan. Hindi mabubuhay nang hindi nag-aaway. Huwag kang matakot,” ani George na tinapik-tapik pa ang balikat ko.
“Bilhan mo na lang si Madam ng ice caramel macchiato, padamihan mo ng ice para lumamig ang ulo. Samahan mo na din ng cinnamon bun. Merong SB diyan sa tapat.”
Sinunod ko ang utos ni George. Hindi niya ako masasamahan dahil ire-retouch niya pa raw si Ma’am Portia.
Ganito pala ang mundo ng pag-arte. Busy ang bawat mga taong makakasalubong ko. Meron pang mga fans na nasa labas na may mga hawak na placard na merong mga pangalan ni Ma’am Portia, ganoon din ang kapareha niyang si Sir Andro na nakilala ko din kanina.
Mabuti na lang at hindi baguhan sa akin ang pag-order sa mga coffee shop dahil kay Lazarus na madalas ay dinadala ako sa tuwing bumabakasyon kami sa Cebu kasama sila Inang.
Habang hinihintay ang order ko ay napabaling ang tingin ko sa labas. Isang araw pa lang ako sa siyudad ay pansin ko kaagad ang laki ng pagkakaiba nito sa amin. Mabilis ang bawat hakbang ng mga taong nakikita ko, tila ba lahat sila’y naghahabol.
Sa kabilang banda ay naagaw ng mga maiingay na estudyante ang atensyon ko. Dumako ang tingin ko sa isang lalaking naka-uniporme ro’n na nasa akin ang tingin. Ngumisi siya at kumindat.
Lumingon ako sa likod ko iniisip na baka merong tao ro’n pero wala naman.
Bakit siya kumikindat? May problema ba ang mga mata niya?
Sa isip-isip ko at tumayo na nang marinig ang pangalan kong tinawag para sa order ko. Maingay pa rin sila habang kinukuha ko ang order ko.
“Damn you, Five! Usap-usapan ka sa club kagabi dahil sa pagpatol mo doon kay nerdy.”
“Ow?”
“That reaction. Sino na namang type mo dito?”
“Gosh! Palala na nang palala ang type mo, Five. Ang manang oh.”
“Shut up.”
“Manang? Oh f*ck, kung ang lahat ng manang ay katulad ni Ate na may ganyang ganda. Magpapaka-manong ako.”
“Ewww, Rob. Magsama kayo ni Five.”
“Insecure ka lang, Irene. Mas maganda man kasi ang suot mo kay Ate, hindi hamak na maganda kumpara sa ‘yo. Simplicity is beauty, brat.”
Napabuntonghininga ako at naawa sa ibang estudyante na tahimik na nag-aaral dahil sa ingay nila. Naalala ko tuloy si Kuyang walang pamasahe na iniwan sa bag ko iyong relo niya. Ililipat ko na sana sa kabila ang isang brown bag na hawak ko para buksan ang pinto nang may gumawa na no’n para sa akin.
Nilingon ko ‘yon at nakita iyong lalaki kanina na kumurap ang mata nang tumingin sa akin.
“Thank you,” mahina at may tipid na ngiti sa labing pasasalamat ko sa kanya.
Lumabas siya gaya ko at muling kumurap ang isa niyang mga mata.
“My pleasure, Miss.”
“May problema ka ba sa mata? Ipa-check up mo na ‘yan, baka kasi lumala pa,” saad ko’t nginitian siya bago muling nagpasalamat at tumalikod na.
Minadalian ko na ang lakad ko para makakain muna si Ma’am Portia bago iyong scene niya hindi ko na nalingunan iyong lalaki na mukhang tinawag pa yata ako.
Napahikab ako nang maisukbit ang bag ni Ma’am Portia sa balikat ko dahil tapos na ang trabaho niya at uuwi na raw kami.
“Ayos ka lang, Maria?” tanong sa akin ni Georgie.
Ngumiti ako at tumango. “Oo naman. Ang galing pa lang umarte ni Ma’am Portia.”
“Hindi ka ba napagod sa unang araw mo?”
Umiling ako. Bagama’t maraming utos ay hindi naman iyon mabibigat. Iyon nga lang ay inaantok na ako dahil pasado alas-otso na nang gabi. Sa ganitong oras sa amin ay tulog na ako.
“Weh? Naghihikab ka na nga.”
“Inaantok lang, pero masasanay din naman ako. Nakita ko sa mga schedule ni Ma’am Portia na minsan pala’y inuumaga siya?”
Tumango siya at inaya na akong lumabas ng tent. “Oo, maaga na iyong ngayon. Ni-request ni Mama Rin kasi bukas ay may photoshoot siya nang maaga. Buti nga pumayag si Direk.”
Didiretso na kami sa van, si Ma’am Portia ay pinaunlakan ang pagpapa-picture at pagpapapirma doon sa mga fans niya kahit na buong araw siyang nagtrabaho. Ang bait talaga niya.
Ipagmamalaki ko ‘to kay Magdalene dahil ang sabi niya’y karamihan daw ng mga artista at mayayaman ay masasama ang ugali at mapangmata sa kapwa.
Malapit na kami kung saan naka-park iyong van ni Ma’am Portia nang madaanan namin si Direk na naninigarilyo.
Huminto si George at siyempre ganoon din ako.
“Alis na ho kami, Direk.”
Umayos siya ng tayo at lumapit sa amin. Nagpatuloy siya sa paghithit noong hawak niya na sigarilyo. Pigilan ko man ay hindi ko naiwasang maubo nang malanghap ang amoy no’n.
Natigilan siya at binato sa lupa ang hawak, mariin niyang inapakan ‘yon bago madilim ang mga matang sumulyap sa akin bago kay George.
“Ingat,” aniya at nilagpasan na kami.
“Mukhang trip ka ni Direk, Maria,” palatak ni George sa tabi ko at nagpatuloy na muli sa paglakad.
“Huh? Trip? Anong ibig mong sabihin, George?”
Bago pa siya makapagsalita ay narinig na namin ang boses ni Ma’am Portia na papalapit sa amin.
“Oh gosh! I need a drink tonight! I really hate that director!” gigil niyang saad at nilagpasan kami.
Nagkatinginan na lang kami ni George at sinundan siya.
“Tss. Talagang tuloy na tuloy na ang kasal ni Kuya? Whatever. Mag-iitim ako sa wedding niya–like duh, I don’t like that girl–move on!? She used to bully my baby!”
Kung gaano kaliwanag ang mukha ni Ma’am Portia kahapon at kalawak ang ngiti niya. Ngayong araw ay nagsasalubong ang mga kilay niya sa tila inis at galit.
“Galit ka na naman, Portia. Tigilan mo ‘yang inom na sinasabi mo, mag-beauty rest ka at maaga pa ang photoshoot mo bukas,” ani Mama Rin nang magsimulang umandar ang van na sinasakyan namin.
Nasa likuran nila kami ni George na inabutan ako ng chocolate bar. Tinanggap ko naman ‘yon dahil kumukulo na rin ang tiyan ko sa gutom.
“Kasi hindi nauubusan ang earth ng reason para maging angry ako today, Mama Rin! I’m not going to attend tomorrow doon sa fitting ng bridesmaid ng babaeng ‘yon! Tss. She doesn’t deserve my brother. She’s so plastik!”
“Eh kaso mukhang patay na patay ang Kuya Juan mo doon ah? Papakasalan eh.”
Umismid si Ma’am Portia. “Sus. Patay na patay? Si Kuya? He’s not even in love with that brat. For him, Isabelle is nothing but a business deal.”