#TMNFABKabanata3
Relo
MARIA
“Magiging ayos lang ako dito, Laz. Huwag kang mag-abala, tiyak kong hindi ako pababayaan ng Diyos.”
Napalingon ako sa katabi ko nang tila may marinig akong pag-ismid sa kanya ngunit nang sulyapan ko siya’y abala na siya sa pagtitig sa cellphone niya.
“Pwede naman akong tumulong, Tash. I could ask mom to–”
“Laz, ayos nga lang. Marami ka nang naitulong sa akin, sige na at ibababa ko na ‘to dahil baka makalagpas ako sa bababaan ko.”
“Fine. I’ll call you later.”
“Okay, sige. God bless you.”
“Bye, Tash. God bless you, too.”
Napangiti ako sa naging tugon ng kababata ko at maingat nang itinago ang cellphone ko. Ibinaling ko ang tingin sa labas at bagama’t namamangha ako sa matatayog na gusali at mga tanawin na hindi nakikita sa Dabliston ay masasabi kong unang araw ko pa lang dito’y nangungulila na agad ako sa lugar na kinalakhan ko.
Ang malawak na bukirin. Ang sapa na nadadaanan ko. Ang talon na madalas naming puntahan ng mga kaibigan ko na sila Magdalene tuwing Linggo. Ang sariwang hangin, ang mga puno ng mangga at bayabas. Maging ang amoy ng pagsisiga sa umaga at ang pag-iingay ng mga manok ni Itang ay mami-miss ko.
Ipinilig ko ang ulo sa isiping iyon at ngumiti. Makakabalik pa rin naman ako sa Dabliston. Magiging maayos ang problemang meron sila Kuya at kapag nangyari ‘yon ay tutuparin ko ang bokasyon ko. Ang pagsilbihan Siya.
“The moment I step out from this bus, Louie, I want you to be there, understand?”
Hindi ko na namang pigilang lingunin ang katabi ko nang magmura na naman siya at napasigaw.
“What do you mean you can’t? Well, I don’t care if your girlfriend has a fever and you can’t come. You know what will happen if you can’t come. You’ll be fired!”
Nakaramdam ako ng awa sa kausap ng lalaking katabi ko pero agad kong inalis ang tingin sa kanya bago pa man magtama ang tingin naming dalawa. Napahikab ako ng makaramdam ng antok at nayakap pa ang sarili nang maapektuhan na ng lamig sa nakatutok na aircon sa ulunan ko.
Ngunit ipinilig ko ang ulo ko dahil isa pang bilin sa akin nila Inang ay wag akong matutulog sa biyahe. Kaso lang ay hindi naging maayos ang tulog ko sa barkong sinakyan ko at mukhang tinatablan na ako ng pagod at antok ngayon.
“Tss. Just sleep. I’ll wake you up once we reach Ayala.”
Napatingin ako sa katabi ko nang magsalita siya at naramdaman ang pangangalay ng batok ko dahil pilit kong ginigising ang sarili kaya hindi ko sinasandal ang ulo ko sa bintana.
“Salamat po, Kuya,” mahina kong saad at sinandal ang ulo sa bintana pero pinanatili pa ring gising ang diwa ko.
Pero ang lamig at ang pagod ay tuluyan na akong hinila at tuluyang nakaidlip. Nagising na lang ako sa mahinang tapik sa braso ko.
“Ayala! Ayala na oh!”
Sa narinig ay dali-dali kong binitbit ang duffel bag ko at sinukbit paharap ang backpack ko. Ni hindi ko na nagawang pasalamatan si Kuya na nauna nang bumaba sa akin.
Pagbaba ko’y napasulyap pa ako kay Kuya na sinalubong ng isang nagmamadaling lalaki. Inilalahad niya ang kamay ro’n at nililingon ako pero nakitaan ko ng takot ang kausap niya at mas sumama ang hilatsa ng mukha niya na tila hindi nagustuhan ang sinabi nito.
“Maria?”
Nilingon ko ang babaeng tumawag sa pangalan ko at namukhaan ang babaeng pinakita ni Ate Vanessa sa akin na si Ate Mayi.
“Ate Mayi?”
“Ako nga. Nakita ko na ang picture mo pero tama nga si Vanessa, mas maganda ka sa personal. Kumusta ang biyahe?” mabilis ang pananalita niyang saad at bago pa ako makatanggi ay kinuha niya sa akin ang duffel bag na hawak-hawak ko.
“Kaya ko na po–”
“Ay sus, kanina mo pa ‘to dala at mabigat. Halika, nandoon iyong sasakyan ko,” pagturo niya pa sa maliit na kotse. Iyong katulad no’ng sasakyan doon sa paboritong cartoon ng pamangkin ni Magdalene na si Mr. Bean.
Inilagay niya sa backseat ang mga gamit ko at pinagbuksan ako ng pinto sa harapan.
“Salamat po, Ate Mayi sa pagsundo.”
“Sus, wala ‘yon, dapat talaga sa terminal kita susunduin. Kaso baka magloko ‘tong si Beetle. Kapag mas malayo kasi ang nagiging takbo ko rito, sinasapian,” pagtawa niya nagkukwento habang nagsimula na kaming umandar.
Napasulyap ako doon sa pwesto kanina ni Kuyang walang pamasahe pero wala na siya roon.
“Malapit lang kasi dito iyong condo ni Ma’am Portia. Mga ganitong biyahe kaya pa ni beetle, gusto ko mang mag-commute, iyong bwisit kong amo, ang daming utos,” simangot na patuloy niyang pagkukwento.
“Bwisit pong amo? Si Ma’am Por?” tila may kabang tanong ko.
Agad naman siyang tumawa at umiling. “Uy hindi si Ma’am Portia. Iyong kapatid niyang pinaglihi sa sama ng loob, iyon ang amo ko.”
Napatango-tango naman ako. “Bakit naman ho pinaglihi sa sama ng loob?”
“Puro sigaw, utos, at palaging parang bulkan na naga-alburoto. Malalaman mo ‘yon kapag nakilala mo. Pero Maria, nabanggit sa akin ni Ate Vanessa na dapat pala’y luluwas ka talaga pero hindi para magtrabaho kung hindi para pumasok sa kumbento. Tunay ‘yon?”
Nakangiting tumango ako. “Opo, Ate Mayi. Gusto ko pong maging madre.”
“Naku, ilang lalaki ang napaiyak mo kaya sa kagustuhan mong ‘yan?”
“Po?” takang tanong ko hindi maunawaan kung bakit naman ako makakapagpaiyak dahil lang sa gusto kong maging madre.
Mahina siyang tumawa. “Wala, ‘wag mo na lang pansinin. Pero ang bait mo para saluhin ang trabaho ni Ate Van ah. Di bale, basta may kailangan ka at problema, tawagan o i-text mo lang ako, tutulungan kita hangga’t sa abot ng makakaya ko.”
Nagpasalamat ako sa kanya at gumaan ang pakiramdam ko na may matatakbuhan ako sakaling magkaroon ako ng problema dito.
Kulang ang salitang namangha ako sa gusaling pinuntahan namin ni Ate Mayi. Dito daw ang penthouse kung tawagin na siyang tirahan ni Ma’am Portia.
“Ayos ka lang?” tanong niya sa akin nang mapakapit ako sa braso niya nang makaramdam ng pagkaliyo sa elevator na sinakyan namin dahil sa taas nang pinanik no’n.
“Ayos lang, Ate.”
Akala ko’y sa gusali lang ako mamangha pero doble ang pagkamangha ko nang makaharap si Ma’am Portia Polaris Carbonelle.
Kumurap-kurap pa ako at umawang ang labi ko nang makaharap ang babaeng kinailangan kong tingalain dahil sa tangkad na meron siya.
Mas lalo kong naging maliit tingnan ngayong kaharap ko siya.
Tila isa siyang manika sa sobrang ganda at kung hindi pa siya ngumiti’y hindi ko rin magagawang pagalawin ang labi ko’t masusuklian iyon. Nakita ko na naman siya sa picture at kung maganda na siya roon ay mas maganda siya sa personal.
“Wow, are you sure you can be my personal assistant? Mas papasa kang co-actress ko eh,” mahinhin na pagtawa niya at inakbayan pa ako matapos kong magpakilala sa kanya.
“Well, I still have an appointment today. Since you came from a long trip, you can take a rest first. Hiniram ko naman si Mayi kay Tres,” paghagikhik niyang sumulyap pa kay Ate Mayi na napasimangot.
“Hiniram mo ako, Ma’am Por, pero maagang-maaga ay hindi naubusan ng utos ang kapatid mong ‘yon sa akin.”
“Oh you know that brute, hobby niya na ang bwisitin ka, Mayi.”
Binuksan nila ang isang pinto at bumungad sa akin ang kwarto na mas may kalakihan sa kwartong meron ako sa probinsya. May kama, cabinet, at tokador. Malamig din doon dahil nakabukas ang aircon.
“Ma’am, dito po ba ang kwarto ko? Parang masyado naman po ata itong malaki–”
“Iyong quarters kasi ay masyadong masikip iyon para sa ‘yo. Besides, nakabakante lang ang kwartong ‘to, Marie. Feel free to use this and be comfortable. Consider this place as your home.”
“Salamat po, Ma’am Portia, Maria po pala ang pangalan ko.”
Mahina lang siyang tumawa at tinapik ang balikat ko bago na muling nagpaalam sa akin at sinama si Ate Mayi. Ibinilin pa nitong merong darating na food delivery para sa akin at ‘wag akong mahihiyang kainin ‘yon pagkatapos ay magpahinga ako dahil bukas ay simula na ako sa pagsama sa kanya sa shooting.
Hinihikayat man ako ng kama na mahiga ay inuna kong asikasuhin ang pag-aayos ng gamit ko habang hinihintay na rin ang pagkain na ibinilin ni Ma’am Portia para sa akin. Hindi lang siya maganda, napakabait pa. Tuloy ay tuluyan nang gumaan ang loob ko sa isiping hindi magiging masyadong mahirap para sa akin ang trabahong ito.
Umawang ang labi ko at natigilan nang makuha ang isang relo sa bulsa ng bag ko. Ito iyong relo na hindi ko tinanggap doon sa lalaki. Napapakamot sa pisngi na pinakatitigan ko iyon iniisip kung sa paanong paraan ko ito maisosoli.
Kuya naman eh…imposibleng aksidente mo lang ‘tong naihulog eh. Sinadya mo ‘tong ilagay.