Kabanata 2

2147 Words
#TMNFABKabanata2 Pamasahe MARIA “Eto ‘wag mo ‘tong kakalimutan. Huwag kang magtitiis sa sakit, anak. Tapos dahan-dahan sa mga pagkain ah? Baka sumpungin ka ng tiyan mo, saka iyong tubig mo, ‘wag kang iinom kung saan at bibili ng mga palamig kasi sabi nila may kadumihan ang mga tubig na gamit sa ganoon. Tapos nak, ‘wag ka magpapatuyo ng pawis baka masumpong ka ng hika mo, lagi ka magdala ng pulbo at bimpo. Saka nak, ugaliin mong tingnan lagi iyong kinakain mo baka may hipon pala ‘yon at ma-allergic ka, nako, Maria! Tapos anak, bawas-bawasan mo pagiging mabait at delikado a-ang lugar na ‘yon. H-hindi naman ‘yon gaya ng kumbento na doon ka lang, sabi pa naman ng Ate Vanessa mo kung saan-saan ang lakad m-mo kasi iyong boss niya artista–” huminto sa pagsasalita si Inang at tumalikod sa akin. Niyakap naman siya ni Itang nang magsimula na naman siyang umiyak. Makalipas ang dalawang araw na pagdating nila Kuya ay heto’t luluwas na akong mag-isa patungong Maynila. Pumayag naman daw agad si Ma’am Portia na ako muna ang pansamantalang pumalit kay Ate Vanessa. Sa totoo lang ay medyo kabado ako dahil wala akong ideya sa pagiging personal assistant ng isang artista. Tinuruan naman na ako ni Ate Vanessa na basta kung ano lang daw utos ni Ma’am Portia ay sundin ko at makisama lang sa mga katrabaho ko. Graduate ako ng associate degree sa kursong HRM dito sa community college sa Dabliston. Binalak akong pag-aralin no’n ng magulang ni Laz sa may Cebu pero alam ko namang bagama’t binigyan ako ng pagkakataon nila Inang na magdesisyon ay alam kong hindi sila mapapalagay na malalayo ako sa kanila lalo pa’t sakitin ako noon. Mabuti nga ay hindi na ngayon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na malalayo ako sa kanila at alam kong hirap si Inang na tanggapin ito. Gusto nilang ibenta ang lupain sa Iligan maging itong bahay namin ngunit ayoko. Gusto kong may maitulong sa pamilya namin lalo pa’t palaging kapakanan ko na lang ang inuuna nila magmula noong bata pa ako. Gayon din si Kuya na nagsumikap sa pag-aaral at pagtatrabaho para lang makatulong sa amin lalo na sa akin. Ngayon lang siya nangangailangan ng tulong sa amin, at gusto kong may magawa para sa kanila ni Ate Vanessa at ng mga pamangkin ko. Nakangiting lumapit ako kay Inang at niyakap siya. “Inang, ‘wag ka nang masyadong mag-alala. Palagi akong tatawag sa inyo at sisiguraduhin kong susundin ko ang lahat ng bilin n’yo.” Humiwalay siya kay Itang at umiiyak na niyakap ako. May katandaan na sila Inang dahil halos kwarenta na siya nang ipagbuntis ako. Isa nga daw akong miracle baby ayon sa kanya at dito sa mga taga-Dabliston. Pinatunayan ko rin daw iyon sa aking paglaki dahil ilang beses mang nalalagay sa peligro ang buhay ko ay tila isang himala na nabubuhay ako, at alam kong dahil iyon sa Kanya. Bagama’t maaantala ang bokasyon kong pagsilbihan Siya ay alam kong doon pa rin naman ang magiging tungo ko. “Inang, nandiyan na ang jeep na maghahatid kay Maria patungong Pier,” pagdating ni Ate Vanessa sa kwarto ko. Mahigpit din na yumakap si Itang sa akin at hinaplos-haplos pa ang buhok ko. Nasa mukha pa rin ni Inang ang pagtutol sa pag-alis ko pero wala na siyang naging imik hanggang sa maisakay na ang mga gamit ko sa jeep. “Basta Maria, pagdating mo sa pier ay ‘wag kang magpabuhat ng gamit mo sa mga nag-aabang doon dahil maraming manggagantso ro’n. Maglakad ka lang limang minuto mula ro’n ay makikita mo ang terminal ng bus papuntang Pasay. Doon ka sasakay at–” Natatawang tinapos ko na ang mula kahapon pang bilin ni Ate Vanessa sa akin. “At pagkatapos magpapababa ako sa Ayala. Doon ko kikitain iyong pinsan mo na si Ate Mayi at ihahatid niya ako doon sa condo ni Ma’am Portia. Pero ate, ayos lang ba talaga na dumoon ako sa kanya? Hindi ba nakakahiya–” “Hindi ‘yon, mas pabor nga sa kanya ‘yon dahil stay-in talaga na PA ang gusto niya eh kaso hindi ko naman ‘yon magawa dahil kay Gabby. Saka ‘wag kang mag-alala, mabait iyon si Ma’am Portia, medyo may pagkamaldita lang–” “Teka teka, Vanessa, ang sabi mo mabait tapos maldita? Baka naman away-awayin niya ang bunso ko.” “Inang, nakilala ko na rin ‘yon si Ma’am Por. Mabait ‘yon.” “Sige na, sige na, tama na kayo at baka mahuli pa sa biyahe si Maria. Anak, hindi mo na ba talaga gustong magpahatid pa sa amin?” Umiling ako at isa-isa silang niyakap. Mas nagtagal kay Inang nang humigpit ang yapos niya sa likod ko. “Ayos na ho dito, Itang. Baka hindi na ho talaga ako paalisin ni Inang kapag nagtagal pang magkasama kami sa jeep,” biro ko pero pinangingiliran na ng luha. Tumawa ako at binalingan si Kuya Solomon. “Kuya, ‘wag ka nang mag-isip ng mga negatibong bagay huh? May awa ang Diyos sa atin at tiyak kong hindi Niya tayo papabayaan.” Tumango siya na may maliit na ngiti sa labi bago ako muling hinila at niyakap. “Salamat, bunso, ayokong gawin mo ‘to pero wala akong choice. Pero pangako, aayusin ko ang lahat ng ‘to.” Napaaga ang pagluwas ko pero hindi para sa akala kong ipupunta ko sa Maynila. Sana lang ay maging ayos ang lahat. Hindi sana…magiging ayos ang lahat. Hindi ako pababayaan ng Diyos. *** Isa at kalahating araw ang inilayag ng barkong sinakyan ko bago ko makarating sa pier ng Maynila. Mas mabilis kung eroplano pero napakamahal ng pamasahe at ayoko nang pagastusin pa ng ganoon sila Inang lalo pa’t tiyak kong kakailanganin nila ng pera sa panganganak ni Ate Vanessa, at pagtustos sa araw-araw nila. Ipinilig ko ang ulo nang makaramdam ng hilo sa biyahe. Ininom ko ang gamot na pinadala ni Inang sa akin dahil nagsisimula na rin sumakit ang ulo ko. “Miss, do you need help?” matigas ang pag-iingles na baling sa akin ng lalaki na kasabayan kong naglayag sa barko. Kagabi ay nakasabay ko pa siyang kumain sa mesa dahil punuan kagabi. Nginitian ko siya at umiling nang maalala ang bilin ni Ate Vanessa. Bagama’t maayos at tila hindi gagawa ng masama ay mabuting mag-ingat ako ngunit hindi ko naman siya hinuhusgahan. “Hindi na, salamat. Magaan lang naman ang mga dala ko,” matamis ko siyang nginitian at kita kong saglit pa siyang natulala kaya naman tinalikuran ko na siya at sumabay na sa mga pababang pasahero gaya ko. Isang backpack at duffel bag ang dala-dala ko. Mabigat iyon pero kaya ko naman. Inalala ko ang sinabi ni Ate Vanessa at gamit ang cellphone ko na niregalo ni Kuya sa akin noong pasko ay nahanap ko ang terminal na tinutukoy ni Ate Vanessa. Mabuti na lang ay nagpaturo ako sa paggamit ng map no’n. “O Pasay! Pasay kayo diyan! PITX!” Kahit na sinabi ni Ate Vanessa na ayon ang sasakyan ko ay ugaliin ko pa rin daw na magtanong. “Hello po, Ayala po ito?” tanong ko sa konduktor. Agad naman siyang tumango. “Oo, ganda. Akin na ‘yang gamit mo, tulungan na kita,” aniya. Umiling ako. “Kaya ko na po, salamat po,” nakangiti kong tanggi at natigilan din siya. “Hoy, Estong! Magtawag ka ng pasahero. Sakay na, Miss.” “Putang*na mo! Ba’t kailangan mong mambatok?” “Masyado kang nabatubalani kay Miss Angel eh.” Napangiwi ako sa lutong ng mura ni Kuya at agad nang sumakay. Miss Angel? Ako ba ‘yon? Hindi naman angel ang pangalan ko. Bandang gitna ako tumungo at pumuwesto sa bintana. Maya-maya lang ay nagpunuan na ang bus na sinasakyan ko. Kinuha ko ang cellphone para matawagan na sila Inang at iparating na nakasakay na ako ng bus ngunit natigilan ako nang may lalaking maingay ang boses na naupo sa tabi ko. “Damn you, Tres! I swear, you’ll regret this! I can’t f*cking book a ride and I need to be on that f*cking meeting in just an hour! How dare you take away my car, you motherf*cker–” natigilan siya sa pagmumura nang umubo ako sa tabi niya. Bagama’t hindi ko naman hinuhusgahan ang mga taong nagmumura dahil ekspresyon nila ‘yon at hindi naman porke’t nagsasalita sila ng gano’n ay masasama na sila, hindi komportableng iparinig iyon sa publiko lalo pa’t merong bata na nakahilera sa kinauupuan namin na nakatingin na sa kanya. Nakasuot siya ng salamin kaya hindi ko mabistahan ang mga mata niya pero nang lumingon siya’y natural na alam kong nasa akin ang tingin niya. “What?! You have a problem with me?” masungit niyang tanong sa akin at inangat ang suot niyang salamin sa ulo. Bumungad sa akin ang tsokolate niyang mga mata na tila inis na inis. Gwapo pa naman siya pero sinisira iyon ng pagkakasimangot niya. Para siyang artista at tila ba hindi nababagay dito sa bus sa suot niyang pormal na damit. Ngumiti ako ng tipid at umiling. “Wala naman, pero pwede bang hinaan mo ang boses mo dahil may batang nakakarinig sa ‘yo?” pagturo ko sa batang nakatingin sa kanya. Umismid siya at hindi nagsalita. Ang cellphone na nasa tenga niya ay tila nagdadabog niyang ibinaba. Nagsimula nang umandar ang bus at doon ko lang naalala na tawagan si Inang. Pero dahil ibinilin din pala nila sa akin na ‘wag gumamit ng cellphone kapag nasa biyahe dahil baka malagpasan ko ang pupuntahan ko ay itinabi ko na ulit ‘yon sa bag ko. “F*ck! F*ck! I’m going to kill you, Tres!” mahina man ay umabot na naman sa pandinig ko ang ingles na pagmumura ng katabi ko. “Sa ayala ka hindi ba, Miss?” sulyap sa akin ng konduktor na kumukuha na ng pamasahe namin. “Opo, Kuya. Magkano po?” “Kwarenta y singko lang, miss.” Ibinigay niya ang ticket sa akin nang magbayad na ako. “Pakibaba po ako doon Kuya ah?” “Sige, sige. Ikaw boss, san ka?” “Ayala. Do you accept e-wallet payments?” “Ho? Anong e-wallet?” “F*ck. I mean e-cash? I could pay you using my phone–” “Ay wala hong ganyan, boss! Ganda-ganda ng porma natin tapos gusto n’yong mag-one two three.” “What do you mean by that?” “Stop englishing me, boss ah. Cash only, no debit, no credit!” matigas na saad ng konduktor at nagtawanan naman ang mga nakarinig sa kanya. “But I don’t have any cash with me! I left it in my–” “Eh ba’t ka ho sumakay? Lumang style na ‘yan, boss. Baba na lang kayo.” Mariing pumikit ang lalaki at bago pa siya muling magsalita ay inabot ko iyong singkwenta na isinukli sa akin kanina. “Ito na ho ang pamasahe niya, Kuya. Huwag n’yo na ho siyang pababain,” saad ko. “Aba’t maganda na, mabait pa. Pasalamat ka boss, may anghel na bumaba mula sa langit,” anang konduktor na ibinigay sa akin ang sukli matapos maiabot ang ticket kay Kuya na hindi na mabilang sa daliri ang mura mula kanina pa. Nang lumampas sa amin ang konduktor ay binalingan niya ako. Pansin ko ang pamumula ng magkabila niyang tenga. “What’s your account?” “Huh?” “Huh? I’m going to pay you back, give me your account.” “Wala akong account, Kuya.” “What do you mean by that? Meron pa bang tao na walang account–nevermind, here.” Napatingin ako sa relo na hinubad niya’t inilagay sa ibabaw ng bag ko. “That costs a thousand times of what you paid for me. I don’t like owing someone, so accept it.” Umiling ako at ibinalik sa kanya ‘yon. “Hindi naman ho ako humihingi ng kapalit sa tulong na binigay ko sa inyo. Maliit lang ho na halaga ‘yon at hindi rin ho ako nagsusuot ng panlalakeng relo.” Malalim siyang bumuntonghininga. “What? I didn’t give that to you for you to wear it. That costs a fortune, you can sell it.” “Hindi ko ho ugaling magbenta ng gamit na hindi akin.” “Then, just give me your number. I’ll pay you back–” “Kuya, ayos na po talaga. Hindi na po kailangan.” Magsasalita pa sana siya ngunit nag-ingay ang cellphone ko. Kinuha ko ‘yon at nakitang si Lazarus ang tumatawag sa akin. Hindi nga pala ako nakapagpaalam sa kanya kaya nalimot ko na ang bilin nila Inang at sinagot ko ‘yon hindi na napansin ang malalim na pagtitig sa akin ni Kuya na walang pamasahe.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD