#TMNFABKabanata1
Maria Anastasia Macalalad
MARIA
“May natutunan ba kayo mga bata sa napanood n’yo?” tanong ko nang mapatay ang monitor at matutok ang atensyon sa akin ng mga bata.
Agad na tumango sila at mga nagkanya-kanyang ingay.
“Opo! Huwag tayong maging bad!”
“Maniwala palagi kay Papa God gaya ni David!”
Masaya kong pinakinggan ang mga natutunang aral ng mga bata tungkol sa kwento ni David at Goliath. Ang sarap makitang hindi lang sila nasiyahan kung hindi mas lalong napagtibay ang paniniwala nila sa Diyos.
“Oh, mga kids, punta na kayo sa canteen, at masarap ang meryenda n’yo ngayong araw. Nagluto ng spaghetti–”
Hindi na natapos ni Sister Annie ang sasabihin niya nang mag-ingay ang mga bata at magkanya-kanyang takbuhan palabas ng silid kung saan ko sila tinuruan ngayong araw.
“Aba’t ang mga batang ‘to talaga, mapapagalitan na naman sila ni Sister May kapag nakita silang mga nagtatakbuhan,” ani Sister Annie habang papalapit sa akin.
“Hindi ba late na kayong nakauwi kagabi mula sa volunteer mission kahapon, Maria? Tiyak na onti lang ang tulog mo niyan tapos nagturo ka pa sa mga bata.”
Ngumiti ako at maingat na inilagay ang laptop sa lalagyanan nito bago nilingon si Sister Annie. “Ayos lang, Sister. Ayokong biguin ang mga bata, sanay na silang tuwing Sabado ay nandito ako para turuan, papanoorin, at basahan sila ng tungkol sa bibliya. Masaya ako sa ginagawa ko at nakakaalis ng pagod ang ngiti ng mga bata.”
Tuwing sabado ay nagpupunta ako sa bahay-ampunan para mag-volunteer sa pagtuturo ng gospel sa mga bata, katabi naman ito ng simbahan kung saan ako nagse-serve naman tuwing linggo.
“Napakabait mo talagang bata, Maria, at napakaganda pa. Bagay na bagay sa ‘yo ang suot mong dress, hija. Mas lalo kang nagmukhang anghel.”
“Talaga ho? Mismong si Inang ang nanahi nito para sa akin,” nasisiyahan kong tugon sa pamumuri niya sa kulay puti kong bestida na may mga maliliit na burda ng bulaklak sa laylayan.
“Siya nga? Siguradong maraming magpapatahi ng gaya niyan sa Inang mo. Ang mga kadalagahan pa naman dito’y hilig gayahin ang mga isinusuot mo.”
“Tash!”
Hindi ko na natugunan ang sinasabi ni Sister sa malakas na boses na tumawag sa pangalan ko.
Napangiti ako nang makita si Laz na papalapit sa amin. Kinuha ko ang laptop at sinalubong siya. Napatingin pa ako kay Sister na ngiting-ngiti at sumusulyap sa direksyon ni Laz bago sa akin. Baka gaya ko’y nasiyahan din siyang makita si Laz na isang linggo na nasa Maynila dahil sa isinama siya ro’n ng ina nitong si Mayora.
“Maligayang pagbabalik sa Dabliston, Lazarus,” ngiti kong saad at isang mahigpit na yakap naman ang sinalubong niya sa akin.
Nang humiwalay siya’y inayos niya pa ang buhok ko at napailing ako nang lagyan niya ng daisy na bulaklak ang gilid no’n.
“Namitas ka na naman sa labas ng bulaklak, Laz. Lagot ka sa Ate mo,” tukoy ko sa kapatid niyang si Sister Ruth.
Inilagay niya lang ang hintuturo sa labi na ikinatawa ko. Inabot ko sa kanya ang laptop na ipinahiram niya sa akin dahil nasira iyong akin noong nakaraang buwan.
“Oh, hindi mo na gagamitin?”
“Ayos na iyong laptop ko. Nagawa na ni Julio,” tukoy ko sa anak ng kumpare ng Itang ko.
Sumimangot siya. “Ba’t ka pa nagpagawa ro’n? Pwede namang sa ‘yo na lang ‘to eh.”
“Asus si Lazarus, masyadong possessive sa kababata niya.”
Napalingon ako kay Sister Annie at kumunot ang noo ko. “Possessive? Ano hong ibig n’yong sabihin–”
“Sister Annie! Maraming pinamili na tsokolate sila mommy at inuutos na dalhin ko dito. Ilan nga ang mga bata sa ampunan? Hati-hatiin na natin.”
Malakas na tumawa si Sister Annie kahit wala naman akong nakikitang dahilan para matawa siya sa sinabi ni Laz.
“O siya siya, maiwan ko muna kayo. Pero naalala ko nga pala, Maria, pumunta ka raw kay Mother superior at Father mamaya.”
“Ho? Bakit daw po–” natigil ako sa pagsasalita at gumuhit ang isang ngiti sa labi ko. Bigla’y napuno ng galak ang puso ko. “Nakausap na ho nila si Inang?”
Ngumiti siya ngunit tila lumungkot ang ngiting iyon nang mapalingon kay Laz. “Oo, mukhang nag-usap na sila at baka napapayag na nila ang Inang at Itang mo sa gusto mong mangyari.”
Umalis na si Sister Annie at dali-dali kong binalikan ang mga gamit ko para mapuntahan na sila Mother.
“Tash, mukhang masaya ka ah. Anong meron?”
Galak kong hinarap si Laz. “Laz, kasi tingin ko pumayag na sila Inang na lumuwas ako patungong Maynila.”
Kumunot ang noo niya. “Maynila? A-anong gagawin mo ro’n? Ahhh, alam ko na tatanggapin mo ba iyong alok nila daddy na magtrabaho doon sa munisipyo? Mabuti kung ganoon, papayag na din ako sa gusto ni dad–”
“Hindi hindi, Laz,” paghagikhik ko at nayakap pa ang makapal na bibliya na hawak ko. “Luluwas ako para pumasok ng kumbento.”
Naglaho ang ngiti sa labi niya sa sinabi ko. “K-kumbento?”
Magiliw akong tumango. “Oo. Nasabi ko na ‘yon kina Inang noong nakaraang taon nang mag-usap kami ng Ate mo. Wala naman kasing kumbento na malapit dito sa Dabliston at doon daw sa Maynila ay meron. Matutupad ko na ang pangarap kong maging madre, Lazarus.”
Bata pa lamang ako ay mulat na ako sa buhay sa simbahan dahil sa namayapa kong Lola. Ninais niya rin daw na maging madre noon ngunit nang makilala niya ang Lolo ko ay hindi niya iyon natupad. Ipinangako ko sa kanya na ako ang tutupad no’n. Pero higit doon ay alam kong ito ang misyon ko sa buhay–ang magsilbi sa Diyos.
“Laz?” tawag ko nang wala akong nakuhang reaksyon sa kanya maliban sa pagkatigalgal niya.
Sunod-sunod siyang lumunok. “Magma-madre ka talaga, Tash?”
Tumango-tango ako. “Oo, hindi ba’t alam mo namang bata pa tayo ay iyon na ang gusto ko?”
Ngumiti siya ngunit hindi iyon umabot sa mga mata niya. “O-oo, masaya ako para sa ‘yo kung ganoon.”
“Salamat, Laz!” saad ko’t niyakap ang matalik kong kaibigan.
***
“Magsimula ka nang mag-empake ng mga gamit mo, Maria. Sa susunod na linggo ay luluwas kami ni Sister Ruth at isasama ka namin patungong kumbento.”
Hindi mapatid ang ngiti sa labi ko habang sinusuklay ang mahaba kong buhok nang muling maalala ang sinabi sa akin ni Mother noong isang araw. Ilang araw mula ngayon ay aalis ako ng Dabliston kung saan ko ginugol ang dalawampu’t tatlong taon ng buhay ko.
Bagama’t may lungkot akong nararamdaman dahil malalayo ako kina Inang at sa mga malalapit kong kaibigan, pati na ang mga batang tinuturuan ko’y iniisip kong mabilis ding lilipas ang mga taon at babalik akong isang ganap ng madre para dito magsilbi.
“Mahabagin kong Diyos, Solomon! Anong nangyari sa ‘yo anak ko!?”
Ang pag-iyak ni Inang ang mabilis na nakapagpatayo sa akin sa maliit na silya sa harap ng tokador ko. Dali-dali kong binitiwan ang suklay at tinakbo ang labas ng kwarto ko’t nagmadaling tinalunton ang ilang baitang patungo sa baba.
Umawang ang labi ko nang makita si Kuya Mon na naka-saklay. Ang mukha niya’y puno ng pasa at sugat. Kasama niya ang asawa niyang si Ate Vanessa na may maliit na umbok ang tiyan.
Inalalayan siya nila Itang patungong sofa at ako naman ay binuhat ko ang nanakbo kong pamangkin na si Gabriel para buhatin.
“Tata! Tata! Wabyu!” malambing na halik ni Gabby sa pisngi ko at bagama’t naiiyak na rin ako sa nakikitang ayos ni Kuya Solomon ay may humaplos sa puso ko sa paglalambing ng pamangkin ko.
“Love ka din ni Tata, baby Gabby.”
“Dede! Dede!” nagkukusot ang mga matang saad niya.
“Ate, dede raw,”
Malungkot na ngumiti si Ate Vanessa sa akin at inabot sa akin ang baby bag na dala-dala niya. Kinuha ko ‘yon na karga-karga pa rin si Gabby at dinala sa kusina para maipagtimpla ng gatas. Naabutan ko ro’n si Ate Susie na nagluluto ng agahan. Malayong kamag-anak namin siya na tumutulong kay Inang sa pagtitinda sa palengke at pananahi.
“Ako na diyan kay Gabby, Maria. Pumunta ka na ro’n sa kanila at kita kong ang daming tanong diyan sa mata mo. Ako na bahala diyan kay bebe at mukhang antok na.”
Sumama naman sa kanya si Gabby nang iabot ko siya dito. Hindi ko tinanggihan ang alok ni Ate Susie dahil puno ako ng maraming katanungan sa nangyayari kina Kuya ngayon.
Pagdating ko sa sala ay naabutan kong umiiyak si Inang.
“Diyos ko naman, Solomon! Bakit hindi ka nag-iisip?” ani Itang na tila hinang-hina na napaupo.
“Ano po bang nangyayari, Itang?” hindi ko na napigilang sabat at sinulyapan si Kuya na napayuko lang habang sapu-sapo ang ulo.
“Bakit ka puro sugat, Kuya Mon? Naaksidente ka ba?”
Ang pag-iyak ni Ate Van ang umagaw sa pansin ko. “Maria, hindi naaksidente ang Kuya mo, pinagbubugbog ‘yan ng mga taong nadamay sa katangahan niya–”
“Van n-naman! Hindi ko naman ginusto ang nangyari.”
“Hindi g-ginusto? Binalaan na kita! Posibleng pinapadama ka lang ng kompanyang kuno na ‘yon noong umpisa! Anong ginawa mo? Hindi ka nakinig! At nag-alok ka pa sa ibang mga tao! Sa mga kaibigan mong gusto kang patayin na!” sigaw ni Ate Van.
Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang likod niya nang humagulgol siya. Doon ay kinuwento niya ang problemang meron ngayon si Kuya Solomon.
Isang seaman ang Kuya ko sa barko at meron daw doong nakilalang negosyante. Mag-i-invest ka daw ng pera at pagkalipas ng isang buwan ay doble ang balik no’n. Sa una’y maayos naman daw ang lahat kaya inalok niya din iyon sa ibang kakilala para sa porsyento na ipinangako sa kanya noong may-ari ngunit bigla’y tumalbog daw ang mga tseke na ini-issue sa kanila at tinakbo ang milyon-milyong pera na nakuha nito mula kay Kuya at sa mga kakilala nito. Ngayon ay siya ang mga hinahabol ng mga taong ‘yon kaya nandito sila sa Dabliston para magtago at gawan ng paraan ang malaking pera na kailangan nilang maibalik sa mga taong ‘yon hanggang hindi pa nahuhuli ang negosyanteng tinuturo niya.
“Ano ng plano n’yo bukod sa pagtatago dito, Solomon? Paano ang mag-iina mo?”
“E-eh Inang, ayon nga ho, magpapagaling muna ako at maghahanap ng trabaho–”
“Sinong tatanggap sa ‘yo kung may kaso ka?” hagulgol ni Ate na tuluyan nang napaupo.
“Pati trabaho ko apektado, Mon! Mabenta man natin iyong lupa sa Quezon, kulang pa ‘yon sa mga pinagkakautangan mo. T-tapos ang laki din ng utang ko kay Ma’am Portia. Saan niya ikakaltas ‘yon kung hindi ako makakapagtrabaho sa kanya? Nakakahiya doon sa tao!”
“P-pasensya na, mahal. Gagawan ko ng paraan–”
“Paano nga?! A-anong paraan?”
Natahimik ang lahat at ang tanging pag-iyak lang nila Inang at Ate Van ang naririnig sa buong kabahayan.
“Bunso…”
Napatingin ako kay Kuya sa malambing niyang pagtawag sa akin.
“Ano ‘yon Kuya?”
“B-baka naman pwedeng–”
“Solomon!” pigil ni Ate Vanessa sa sasabihin ni Kuya.
“Kuya, Ate, ano ba ‘yon? May maitutulong ba ako?”
“B-baka pwedeng ikaw muna iyong maging assistant no’ng boss ng Ate mo? Para lang mabawasan ang utang sa kanya ng ate mo na ibinayad namin doon sa isang magpapakulong na sana sa akin–”
“Solomon! Huwag n’yong idamay sa gulo n’yo ang kapatid mo. Magkano ba ang utang mo doon sa amo mo, Vanessa? Mamadaliin kong mabenta iyong lupa natin sa Iligan–”
“Itang, huwag! Iyon na lang ang naiwan na lupa ni Lolo sa inyo eh.”
Hinarap ko si Ate Vanessa at Kuya Solomon. “Kung papayag ang amo mo Ate, handa akong magtrabaho sa kanya.”
Malaki ang utang na loob ko kay Kuya Solomon dahil siya ang nagpaaral at tumustos sa amin lalo na noong nagkasakit ang Itang.
“M-Maria…”
“Sige na, Ate. Saka iyong iba mong sasahurin ipapadala ko rin para makatulong–”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang mahigpit niya akong yakapin. “S-salamat, Maria. Kapag nakapanganak naman ako, babalik agad ako at ako ang magtatrabaho ulit. P-pasensya na talaga.”
Ngumiti lang ako at tinapik ang likod niya. Nagkatinginan kami ni Inang at kita kong mas lalo siyang umiyak pero ipinakita ko lang na ayos ako sa kanya.
Naniniwala akong hindi kami papabayaan ng Diyos. Ipagpapaliban ko lang muna ang pangarap ko pero tiyak kong matutupad ko pa rin naman ‘yon. Sa ngayon ay kailangan ko munang tulungan ang pamilya ko.