THIRD PERSON POV
“INAY, kumusta po si Portia?” Nag-aalalang tanong ni Liam sa ina nang lumabas si Josephine sa silid kung saan nagpapahinga ang dalaga.
Bumuntong-hininga ang matanda. “Medyo bumaba na rin ang kaniyang lagnat,” sagot nito.
“Mabuti naman po kung ganoon. Nag-aalala po ako nang husto para sa kaniya.” Turan nito pagkuwa’y nagpakawala rin ng malalim na buntong-hininga at napailing pa. “Masiyado po akong nag-alala sa kaniya kagabi nang hindi ko siya makita agad. Mabuti na lang talaga at ligtas siya.”
“Maging ako man ay nag-alala rin para sa batang iyon, William,” sabi nito. “Pero, mukhang nananaginip na naman siya ng masama kanina. Umiiyak pa siya nang magising siya.”
“Kawawa naman siya, ’Nay. Marahil ay totoo nga ang sinasabi niya sa atin na may mga taong gustong pumatay sa kaniya. Siguro totoo ngang pinatay ng masasamang tao ang kaibigan niya,” sabi nito.
“Iyon nga rin ang iniisip ko. Gusto ko sanang magtungo sa bayan para mag-report sa mga pulis. Pero... Kinakabahan naman ako at baka madamay pa tayo sa gulong ito, William.” Anang Josephine sa anak. “Kaya nga, kung maaari lang sana ay pumayag na lang si Crandall na dumito na muna si Portia sa mansion. Kahit sandaling panahon lamang. Ang problema, nang kausapin ko siya kagabi tungkol doon ay nagalit lamang siya sa akin. Ayaw niyang pumayag dahil ayaw niyang may ibang tao rito sa bahay niya.”
Ilang saglit na katahimikan ang namagitan sa mag-ina bago nagsalita ulit si Liam. “Kung bakit po kasi ganoon na ang naging ugali ni Kuya Crandall, Inay? Hindi ko na po siya maintindihan! Bakit kailangan niya pong idamay ang mga tao sa paligid niya na wala naman kasalanan sa kaniya? Sobrang laki talaga ng ipinagbago niya magmula no’ng araw na iyon. Ako po ang naaawa para kay Sir Damian. Tapos ngayon naman ay naaawa rin ako kay Portia,” sabi nito sa ina bago napatitig sa nakasaradong pinto ng kuwarto na tinutuluyan ng dalaga.
Bumuntong-hiningang muli ang matanda saka nagsimulang humakbang palayo sa tapat ng pinto na iyon. “Hayaan na natin siya. Alam mo rin naman kung gaano kasakit at kalungkot ang pinagdaanan ng batang iyon. Kaya hindi rin natin siya masisisi kung bakit ganoon ang inaakto niya ngayon.”
“Wala nga po tayong magagawa kun’di hayaan siya, Inay. Pero sana lang hindi na lumala pa ang ugali niya,” wika pa ni Liam. “Siya nga po pala, Inay, luluwas ako sa bayan mamaya para po bumili ng mga kailangan na gamot ni Portia. Pati na rin damit na gagamitin niya pangbihisan. Baka po bandang tanghali na ako makabalik dito.” Mayamaya ay pag-iiba nito sa usapan nila ng kaniyang ina.
“Sige. Pero kumain ka muna bago ka umalis. Halika sa kusina at ipaghahain kita.”
PORTIA’S POV
“GISING ka na pala!”
Napalingon ako sa may pinto nang bumukas iyon at pumasok si Liam habang may bitbit itong mangkok. Bahagya akong bumuntong-hininga saka umayos mula sa pagkakasandal ko sa headboard ng kama. Tipid akong ngumiti rito!
“Kumusta ang pakiramdam mo?” Tanong nito habang naglalakad palapit sa bedside table at inilapag doon ang dala nito.
“Ayos na ako, William. Salamat.”
“Tamang-tama at mainit pa itong sopas na niluto ng inay! Kumain ka muna para makainom ka rin agad ng gamot,” sabi nito.
Kumilos naman ako sa puwesto ko. Mula sa pagkakasandal sa headboard ay umupo ako sa gilid ng kama.
“Hindi na ba masakit ang sugat sa mga paa mo?” tanong pa nitong muli habang sinisipat ang mga paa kong medyo namamaga pa rin.
“Hindi na masiyado. Ininom ko rin kasi kanina ang gamot na ibinigay sa akin ni Nanay Josephine kahapon. Kahit papaano ay medyo nawala na ang kirot sa mga paa ko.”
“Mabuti naman kung ganoon.”
“Salamat ulit sa tulong mo sa akin, William. I mean, kayo ni Nanay Josephine,” nakangiting sabi ko.
“Wala ’yon. Gusto lang namin ni Nanay na tulungan ka,” sabi nito. “Kumain ka na muna para malamanan ang sikmura mo.” Ani nito at umupo rin sa gilid ng kama habang hindi inaalis ang tingin sa akin. “Gusto mo ay susubuan na lang kita para hindi ka na mapagod?” mayamaya ay alok nito sa akin.
“H-Hindi na! Kaya ko naman, e!” pagtanggi ko.
“Huwag ka na mahiya! Ako na lang ang magsusubo sa ’yo.” Giit pa nito at agad na tumayong muli sa puwesto nito at kinuha ang isang upuan na nasa sulok at ipinuwesto iyon sa harapan ko. Umupo ito roon at nagsimula itong halu-haluin ang sopas para lumamig iyon. Mayamaya ay naglagay ito ng kaunti sa kutsara saka hinipan bago inilapit sa tapat ng bibig ko. “Mainit pa kasi, e! Baka mapaso ka,” sabi nito na nakangiti pa habang nakatitig sa mga mata ko.
Sa halip na sagutin ko ang sinabi nito, isang matamis na ngiti ang ibinigay ko rito bago ibinuka ang aking bibig upang tanggapin ang pagkain.
“Thank you so much, William.”
Ngumiti ito at tumikhim bago itinuon ang paningin sa mangkok. “Masiyado kaming nag-alala ng inay kagabi nang malaman namin na pinaalis ka pala ni señorito,” mayamaya ay sabi nito.
Bigla naman naglaho ang matamis na ngiti sa mga labi ko nang maalala ko ang lalaking iyon pati ang galit na boses niya.
“Pasensya ka na, huh! Ganoon lang talaga ang ugali niya magmula nang...” Bigla itong napatigil sa pagsasalita. “Wala. Huwag na lang natin siya pag-usapan. Ang mahalaga ay maayos na ang pakiramdam mo ngayon,” sabi nito. “Siya nga pala, galing kasi ako sa bayan kanina. May nakita akong damit na alam kong babagay sa ’yo kaya binilhan na kita.” Pag-iiba nito sa usapan namin. Saglit din nitong ibinaba ang hawak na mangkok para abutin ang isang plastik na nakapatong sa isang upuan na nakapuwesto sa bandang paanan ng kama. “Heto, o! Sana magustohan mo.”
Nakangiti naman akong tinanggap iyon. “Nag-abala ka pa! Pero salamat ulit, William,” sabi ko.
“Wala ’yon! Actually, iyan talaga ang sinadya ko sa bayan kanina. Wala ka kasing magagamit na damit habang nandito ka sa mansion. Wala namang maipapahiram sa ’yo ang inay dahil puro pangmatatanda ang damit niya. At isa pa, bumili rin ako ng gamot para mas mapabilis ang paggaling mo.” Pagpapaliwanag pa nito sa akin habang matamang nakatitig sa mukha ko.
Napangiti naman ako. Oh, mabait din naman pala itong si William! Parang mana ito kay Nanay Josephine!
Mayamaya, nang medyo nailang na ako sa paninitig nito sa akin ay nag-bawi ako ng tingin dito at binuksan ang plastik na hawak ko upang tingnan ang damit na sinasabi nitong binili nito para sa akin. Napangiti akong muli nang makita ko ang dalawang bestida. Isang plain white na siguro hanggang takong ko ang haba at isang bulaklakin naman na hanggang tuhod ko ang haba.
“Maganda. Salamat ulit, William,” sabi ko habang nakangiti nang malapad.
“Salamat at nagustohan mo,” wika rin nito. “Teka, ubusin mo na pala ito at baka mapagalitan pa ako ng inay kapag hindi mo naubos itong niluto niya para sa ’yo.” Saka ito muling naglagay sa kutsara at muli akong sinubuan.
MAGANDA ang sikat ng araw. Payapa na ang kalangitan kumpara kagabi dala sa dumaang malakas na bagyo. Kagaya ng mapayapang araw na ito ay mas naging mabuti na rin ang pakiramdam ko. Labis akong nagpapasalamat kay Nanay Josephine at William. Kung hindi dahil sa kanila, malamang na hanggang ngayon ay inaapoy pa rin ako ng lagnat!
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” Tanong sa akin ni Nanay Josephine nang pumasok ito sa silid na inuokupa ko.
Bandang hapon na rin.
Ngumiti ako nang malapad. “Okay naman po ako Nanay Josephine. Maraming salamat po ulit sa pag-aalaga sa akin.”
Umupo ito sa gilid ng kama. “Mabuti naman at maayos na ang pakiramdam mo ngayon! Saka, kung gusto mo pa lang lumabas para magpaaraw, kahit anong oras ay puwede kang lumabas sa harden. Huwag ka na mag-alala kay señorito at nakausap ko na siya kahapon. Napakiusapan ko na siyang mamalagi ka na muna rito kahit ilang araw lang.” Pagpapaliwanag nito nang mahalata ang pag-aalinlangan sa hitsura ko.
“Maraming salamat po talaga sa tulong ninyo sa akin, Nanay Josephine. Tatanawin ko pong malaking utang na loob sa inyo itong kabutihan ninyo sa akin ngayon.”
“Tama na ang pagpapasalamat mo. Gusto ko lamang na tulungan ka kaya ginawa ko ito,” sabi nito. Hinawakan din nito ang palad ko at masuyo iyong pinisil. “Sige at sinilip lang kita rito para malaman kung maayos ka na nga bang talaga. Kung may kailangan ka pa, huwag kang mahihiya na lumapit sa akin. At narito naman si William,” sabi pa nito at tinapunan ng tingin ang anak na nakatayo sa may paanan ng kama.
Isang ngiti at tango naman ang ginawa ko bilang tugon sa matanda bago ito tuluyang lumabas sa silid.
“Salamat ulit sa tulong mo William, huh!” nakangiting saad ko rin dito mayamaya.
“Ang ganda mo pala lalo kapag nakangiti ka, Portia.” Sa halip ay mahinang saad nito habang matamang nakatitig sa akin.
Mabilis namang nagsalubong ang aking mga kilay dahil sa sinabi nito. “What?”
“Huh?” napakurap-kurap ito. “Um, w-wala. Ang sabi ko, ibabalik ko lang ito sa kusina at ng makapagpahinga ka na rin,” sabi nito. Saka nagmamadali nang lumapit sa bedside table upang kunin ang tray na naroon at walang sabi-sabi na lumabas na rin ng silid.
Napangiti na lamang ako habang nakatitig sa nakasaradong pinto ng kuwarto.