CHAPTER 7

1788 Words
SUNOD-SUNOD na pag-ubo ang aking ginawa habang nakasiksik ako sa pinakagilid ng gazebo; sa tabi ng mahabang sofa. Yakap ang sarili kong mga binti habang nanginginig ang buo kong katawan dahil sa malakas na buhos ng ulan maging ang malakas na simoy ng hangin na sa tingin ko ay kaunti na lamang ay magagawa nang ilipad ang bubong ng gazebo na sinisilungan ko. Muli kong inilibot ang paningin sa madilim na paligid habang nanlalabo ang aking mga mata dala sa nag-uulap na mga luha ko. “Lord, please! Pati po ba ang panahon ngayon ay gusto akong pahirapan?” Bulong na tanong ko sa sarili ko pagkuwa’y ipinatong ko ang mukha ko sa aking mga tuhod. Malakas masiyado ang ulan at sa tingin ko ay hindi iyon basta-basta na titila agad. Ano na lamang ang gagawin ko kung sakaling magdamag na bumuhos ang malakas na ulan? Panigurado akong mas lalong magagalit sa akin ang lalaki na iyon oras na makita niya akong nandito pa rin sa lugar niya! Get out or else I’ll kill you! Ang galit na boses ng lalaking iyon ang muling pumasok sa isipan ko habang pinapakalma ko ang aking sarili mula sa paghikbi. Mayamaya ay muli akong nagtaas ng mukha kasabay nang pagpapakawala ko ng malalim na buntong-hininga. Matapos ang ilang saglit na pag-iisip ay nagpasiya na rin akong tumayo mula sa aking inuupuan. “Bahala na po kayo sa akin!” Bulong ko nang tumingala ako sa kalangitan. “Kung ito man po ang gusto ninyong mangyari sa akin ngayon... Bahala na po kayo!” Saad ko pa sa sarili bago naglakad upang lumabas sa gazebo na iyon. Ramdam ko ang sakit sa tuwing tatama sa balat ko ang malalaking patak ng ulan. Dinig na dinig ko ang ingay ng mga dahon at sanga ng puno ng mga kahoy na isinasayaw nang sumisipol na hangin. May bagyo ba ngayon? Balot ng matinding kaba at takot, nanginginig man ang buo kong katawan dahil sa matinding lamig ay nagsimula akong maglakad para tunguhin ang malaking bakal na gate. Mula sa maliit na pinto sa gilid ng pader, binuksan ko iyon at doon ay lumabas. Wala akong maaninag sa sobrang dilim ng paligid. Ramdam ko rin mula sa nilalakaran ko ang malakas na daloy ng tubig maging ang madulas na putik. “Diyos ko!” gulat at takot na usal ko nang biglang gumuhit sa kalangitan ang maliwanag na kidlat kasabay nang malakas na kulog. THIRD PERSON’s POV “Crandall, hijo, mabuti at narito ka na pala! Malakas ang ulan sa labas,” sabi ni Josephine nang pumasok ito sa dining area. Nakaupo si Crandall sa silyang nasa kabisera habang may hawak na rock glass at nangangalahati na ang laman niyong whiskey. Hindi siya umimik upang sagutin ang matanda, sa halip ay dinala niya sa tapat ng kaniyang bibig ang baso at sumimsim doon. “Isasarado ko lang sana ang mga bintana sa likod at baka pumasok ang tubig ulan,” sabi pa nito. Saka siya nilagpasan. Hindi rin ito nagtagal at bumalik agad sa dining area. “Hijo Crandall, puwede ba kitang makausap?” tanong nito. Dim man ang ilaw sa buong dining area, binigyan niya ng isang seryosong tingin ang matandang Josephine. “May ipapakiusap lang sana ako sa iyo kung okay lang?” “What is it, Nanay Josephine?” walang emosyon na tanong niya. Saglit itong nagpakawala ng malalim ngunit banayad na paghinga bago muling nagsalita. “Tungkol kay Portia,” sabi nito. “’Yong babae na nakita mo kagabi sa may bulwagan. Ipagpapaalam ko sana kung maaari ay payagan mo na muna siya na dumito sa mansion kahit ilang araw lang. Nakakaawa naman ang batang iyon. Marami siyang sugat sa paa. At, nasa panganib din ang buhay niya ngayon—” “She’s gone,” sabi niya dahilan upang maputol ang pagsasalita nito. He let out a deep sigh. “And I don’t care if her life is in danger. You know me Nanay Josephine. And you know my rules in this house—” “Pero Crandall, hindi pa magaling ang batang ’yon. Malakas din ang ulan sa labas. Malakas ang hangin at madilim. Baka kung ano pa ang mangyari sa kaniya habang naglalakad sa kakahuyan.” Mababanaag sa boses nito ang labis na pag-aalala para sa babaeng ’yon. “Kung ayaw mo siyang manatili rito sa mansion, sana man lang ay ipinagpabukas mo na lang ang pagpapaalis sa kaniya. Nakakaawa naman ang batang ’yon.” Dagdag pa nito. Bumuntong-hininga lamang siya ng malalim saka muling dinala sa tapat ng kaniyang bibig ang baso at sumimsim ulit. “Take a rest Nanay Josephine. You don’t need to worry about her. Hindi mo naman kakilala o kaanu-ano ang babaeng ’yon.” “Crandall,” sabi nito sa seryosong boses. “Alam ko ang pinagdadaanan mo ngayon. At alam ko ang rason mo kung bakit mo pinaalis si Portia! Ayaw mong makakita ng kahit sinong tao rito sa mansion mo maliban sa akin at ni William. Pero hindi naman tama ang ginawa mo anak! May sakit ang batang iyon,” sabi nito habang seryosong nakatitig sa kaniya. Alam niyang masiyadong seryoso ngayon ang matandang Josephine dahil minsan lamang siya nito tawagin sa kaniyang pangalan. She’s been his nanny for a long time, since he was kid kaya kilala na nito ang buong pagkatao at ugali niya. “Huwag mo naman sana idamay ang mga taong walang kasalanan sa iyo, Crandall hijo,” sabi pa nito. Pagkuwa’y nagpakawala ng malalim na buntong-hininga bago napapailing na tumalikod at nilisan ang kusina. “INAY, TOTOO po ba ang narinig kong sinabi ni Kuya Crandall? Pinaalis niya si Portia?” Kunot ang noo na usisang tanong ni Liam sa ina nang makalabas sa kusina ang matanda. Bumuntong-hininga ulit nang malalim ang matanda. “Alam mo naman ang ugali ng isang ’yan,” sabi nito. “Pero inay, hindi naman po ata tama iyon. May bagyo po ngayon! Delikado sa labas at panigurado akong magkakasakit lalo si Portia dahil sa ulan. Lalabas po ako at hahanapin ko siya,” sabi nito at hindi man lang hinintay ang tugon ng ina. Nagmamadali itong bumalik sa silid nila ng kaniyang nanay upang kunin ang spotlight maging ang kapote nito. “Mag-iingat ka, Liam.” Turan ni Josephine sa anak nang ihatid nito ang binata palabas sa bulwagan. “Huwag po kayong mag-alala sa akin, inay. Kailangan ko pong mahanap si Portia ngayon bago pa po may masamang mangyari sa kaniya sa kagubatan,” sabi nito. “Siya sige na at umalis ka na!” Walang salita na naglakad na ang binata palabas hanggang sa makarating ito sa labas ng gate. Kumpara kanina, mas lalong lumalakas ang ulan maging ang kulog at kidlat. Pero hindi iyon naging hadlang upang hindi ituloy ni Liam ang paghahanap kay Portia sa gitna ng madilim at masukal na lugar. “Portia! Portia, naririnig mo ba ako?” Sigaw at tawag nito sa pangalan ng dalaga. “Malakas ang daloy ng tubig mula sa itaas ng rancho! Delikado ang lugar para sa iyo! Kung naririnig mo ako at nakikita mo ang ilaw ng spotlight ko lapitan mo ako!” Muling sigaw nito habang kaliwa’t kanan ang pagbaling nito sa paligid. Portia’s POV Halos manigas na ako dala sa matinding lamig ng ulan at hangin na tumatama sa aking buong katawan. Nanginginig ang aking mga kalamnan at tila wala na akong lakas upang muling humakbang para ipagpatuloy ang paglalakad at paghahanap ng masisilungan! Sunod-sunod na pag-ubo ulit ang aking ginawa habang pilit na inaaninag ang paligid ko. Nasa ilalim na ako ng malaking puno ng mangga habang nakasandal sa katawan niyon. Bukod sa lamig at panghihina ng buong katawan ko ay ramdam ko na rin ang pagkahilo, maging ang pagkirot ng aking mga paa na kanina ay medyo maayos naman. “T-Tulong!” sigaw ko kahit namamaos na ang boses ko. Pero mayamaya, tuluyan nang nawala ang lakas ko at bumagsak ako sa damuhan at putikan. “H-Help! P-Please help me!” umiiyak na bulong ko habang unti-unti nang pumipikit ang aking mga mata. “Mommy, dadddy!” ang huling mga kataga na sinambit ko bago tuluyang pumikit ang aking mga mata. “Hey, wake up! Can you hear me?” dinig ko ang isang boses ng lalaki. Gusto kong mag-mulat ulit upang tingnan kung sino ang lalaking ito, pero wala na akong lakas na gawin iyon. Hindi ko na kaya! Naubos na ang buong lakas ko! “Gising! Naririnig mo ba ako?” Bahagya pa nitong sinampal ang pisngi ko. Mayamaya ay naramdaman kong inangat ako nito mula sa pagkakahiga sa lupa at ipinatong ang ulo ko sa braso nito. Ilang saglit lang, pinilit kong imulat ang aking mga mata, pero hindi ko makita ang hitsura ng lalaking tumulong sa akin. Sobrang labo ng paningin ko. “Can you hear me?” “H-Help. Help me!” mahinang usal ko bago tuluyang nabalot ng dilim ang aking paningin. *** “Huwag! Please, huwag n’yo akong papatayin! Parang awa n’yo na! No, please! Huwag!” Bigla akong napabalikwas ng bangon nang makarinig ako ng malakas na putok ng baril. “Portia!” Napalingon ako sa bandang kanan ko nang marinig ko mula roon ang boses ni Nanay Josephine. Nanginginig ang buong katawan ko, hinihingal at nagtataas-baba ang dibdib ko. Pinagpapawisan din ako na para bang ang layo ng tinakbo ko! “Portia!” Nagmamadaling lumapit sa akin si Nanay Josephine. “P-Papatayin nila ako,” mahinang sambit ko kasabay niyon ang pagpatak ng aking mga luha. “Please, tulungan ninyo ako! Papatayin nila ako.” Umiiyak at paulit-ulit na sambit ko pagkatapos ay walang paalam na yumakap ako sa matandang babae. “P-Papatayin nila ako!” “Tahan na! Tahan na! Huwag kang mag-alala at hindi ka nila sasaktan. Walang may mananakit sa iyo rito. Tahan na!” Ramdam ko ang masuyong paghaplos ng palad nito sa likod ko. Kahit papaano ay medyo kumalma ako mula sa labis na takot na nararamdaman ko. “Humiga ka ulit at inaapoy ka pa ng lagnat,” sabi nito. Inalalayan akong muling humiga at inayos pa nito sa ibabaw ko ang makapal na kumot. “Papatayin nila ako, Nanay Josephine,” umiiyak pa rin na sabi ko. “Shhh! Panaginip lang iyon. Huwag kang mag-alala, nandito lang ako para bantayan ka! Magpahinga ka ulit para bumaba ang lagnat mo,” sabi nito at muling ipinatong sa noo ko ang basang maliit na towel. Kahit nanginginig ang buong katawan ko dahil sa takot ko dahil sa napanaginipan ko, pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Pinilit kong ipikit muli ang aking mga mata at iwinaglit sa isipan ko ang mga bagay na iyon. Hanggang sa muli akong hinila ng antok ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD