NAKATULALA lamang ako habang nakaupo sa isang silya na nasa gilid ng kama. Ang dami-daming pumapasok sa isipan ko ngayon, bagay na siyang nagbigay ng dahilan upang muling makadama ako nang labis na takot. Maging ang pag-aalala ko para kay Jass Anne ay muling sumibol sa puso ko. Ano na kaya ang nangyari sa kaniya? May nakarating kayang tulong sa bahay ni Wigo? O baka naman itinapon na lamang ng mga kalalakihang iyon ang bangkay ng kaibigan ko? Oh, God! Huwag naman sana! Kawawa talaga si Jass Anne! Labis akong nasasaktan para sa sinapit ng kaibigan ko. How I wish she’s still alive!
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga at mabilis na kinagat ang pang-ilalim kong labi nang maramdaman kong nag-uumpisa na namang mag-init ang sulok ng aking mga mata dahil sa mga bagay na naiisip ko ngayon.
Mayamaya ay sumagi rin sa isipan ko si Tita Marites at si Fritz. Sigurado akong nagagalit na naman ngayon sa akin si tita dahil hindi na naman ako nakauwi sa bahay. Si Fritz, I know nag-aalala na rin iyon sa akin. Ang mga kaibigan ko sa trabaho, sigurado din akong nagtataka na sila kung bakit hindi na ako bumalik sa office pagkatapos kong puntahan si Jass Anne.
Ang mga luhang nagbabadya sa sulok ng aking mga mata kanina ay hindi ko na napigilang pumatak. Napatingala ako sa kisame at pilit na pinakalma ang sarili ko. Pinunasan ko rin ang butil ng luhang namalisbis sa mga pisngi ko.
“Everything will be alright, Portia. I know may dahilan kung bakit ito nangyari sa ’kin ngayon. God, please, kayo na po ang bahala sa kung ano man ang magiging buhay ko sa pansamantalang pananatili ko sa lugar na ito! Alam kong hindi mo ako pababayaan,” mahinang usal ko pagkatapos ay muling napabuga ng malalim na paghinga upang tanggalin ang bolang nakabara sa lalamunan at dibdib ko. “Kayo na rin po ang bahala kay Fritz at Tita, sana hindi sila madamay sa gulong kinasangkutan ko ngayon.”
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata kasabay niyon ang muling pagbuntong-hininga.
Ilang minuto pa akong nagmunimuni sa puwesto ko bago ako nagpasiyang tumayo at naglakad palapit sa pinto.
“At sana, pagkalabas ko sa kuwartong ito ay hindi ko makita ang lalaking ’yon,” sabi ko pa sa sarili ko. Dahan-dahang hiwakan ko ang doorknob at pihitin iyon pabukas.
Saglit akong sumilip sa medyo madilim na pasilyo bago tuluyang lumabas sa pinto. Nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa akin. Tanging ingay lamang ng pagsara ng pinto at ang mga yabag ko ang maririnig sa buong palapag ng mansion, kaya hindi ko maiwasang hindi makadama ng kaunting takot. Bahagya rin na tumatayo ang mga balahibo sa mga braso at batok ko. Pakiramdam ko, sa bawat paghakbang ko ay may mga matang nakamasid sa akin mula sa dulo ng pasilyo. Malamig na hangin din ang sumalubong sa akin kaya napayakap ako sa sarili ko!
Ano ba ang mansion na ito, para nga talagang haunted house! Nakakakilabot!
“Portia!”
“Sweet Jesus!” Gulat na napatili ako at napahawak sa tapat ng aking dibdib. Biglang bumilis ang kabog ng aking puso. Napapikit ako nang mariin kasabay niyon ang pagbuga ko ng malalim na paghinga. “Aatakihin ako sa puso nito dahil sa iyo, e!” hindi ko mapigilan ang mainis kay William dahil sa panggugulat nito sa akin.
“Pasensiya na! Hindi ko intensyon na takutin ka,” sabi nito. “Tinawag na kita kanina ng isang beses, pero hindi mo ata ako narinig. Natatakot ka ba?”
“Obvious ba?” Alam kong hindi nito makikita ang pag-irap ko, pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na gawin iyon.
Narinig ko naman ang mahina nitong tawa dahil sa sinabi ko. “Huwag kang mag-alala, masasanay ka rin sa madilim na mansion na ito. Saka isa pa, wala naman multo rito,” sabi pa nito. Mayamaya ay bahagya itong dumukwang palapit sa akin at bumulong. “Pero may beast dito.”
Mabilis na nagsalubong ang aking mga kilay at napatitig sa mukha nito na bahagya ko lamang naaaninag.
Inilibot naman nito ang paningin hanggang sa tumingin ito sa dulo ng pasilyo.
“B-Beast? May beast dito?” nauutal na tanong ko.
“Huwag kang maingay. Maririnig ka niya! Nasa dulo lang siya,” sabi nito.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko at napatingin din sa dulo ng pasilyo. Ang puso kong nagulat kanina dahil kay William, ngayon ay muli na namang kumakabog dahil sa takot na unti-unting nabubuhay roon!
“Seryoso?” pabulong na tanong ko pa.
Tumitig ito sa akin ng ilang segundo. “Joke lang,” sabi nito at pinailaw sa tapat ng mukha nito ang flashlight na hawak nito.
Nagulat akong muli dahil sa ginawa nito. My God! Nakakainis naman ang lalaking ito!
“Halika na.” Tumawa pa ito ng nakaloloko.
Napaismid na lamang ako dahil sa itinuran nito. Paano naman kasi, muntikan na akong maniwala sa mga sinabi nito kanina. Akala ko talaga ay totoong may beast sa mansion na ito!
“Halika na! Ang sabi ni inay ay samahan daw kita sa labas para mainitan ka at tuluyang gumaling,” sabi pa nito. Saka inilapat ang isang kamay sa baywang ko para igiya ako sa paglalakad.
Wala naman akong nagawa kun’di ang magpatianod dito hanggang sa makarating kami sa puno ng hanggang at makababa roon. Nang nasa sala na kami, bahagya akong nakaramdam ng excitement na muling makalabas. Dalawang araw na rin kasi akong hindi nakakalabas ng bahay dahil sa nangyari sa akin. Kahapon sana ay sasamahan ako ni William, pero sinabi kong ayoko munang lumabas at baka magalit pa sa akin ang sinasabi nitong si Crandall daw.
Nang mabuksan ni William ang malaking pinto sa main door, bahagya akong napapikit nang tumama sa mga mata ko ang nakasisilaw na sinag ng araw. Itinaas ko ang isang kamay ko upang gawing pangharang iyon sa tapat ng mga mata ko.
“Tara na sa labas, Portia!” anang William sa akin.
Nang bahagya na akong nakabawi sa pagkasilaw ko at sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi ko saka humakbang na rin palabas ng pinto.
Oh, ang presko ng hangin! Ang sarap din sa balat ng sikat ng araw. Alas otso pa lang nang umaga kaya hindi pa ganoon kasakit sa balat ang sikat ng araw.
“Tama nga ang Nanay Josephine, maganda ang sikat ng araw ngayon,” nakangiting sabi ko. Saka naglalakad na kami ni William papunta sa garden.
Sa tabi ng gazebo, sa bandang kaliwa ay may swimming pool area pala roon. Hindi ko iyon napansin no’ng isang gabi. Sabagay, madilim ang buong paligid no’ng gabing iyon. Malawak ang swimming pool, ang problema lang... Marumi na ang tubig. Puro lumot pa ang buong paligid. Halatang pinabayaan na iyon ng ilang taon o dekada marahil? Sa gilid niyon, sa lumang lounge chair na gawa sa kahoy, roon kami umupo ni William.
“Sayang naman itong mansion. Bakit hindi ninyo nililinisan?” Tanong ko habang inililibot ang paningin sa buong paligid.
Mataas ang mansion at mukhang luma na rin. Puro lumot pa ang buong paligid ng bahay at may mga damo-damo pa. Medyo sira at natutuklap na rin ang ibang pintura. Mukhang sa loob lang ng mansion ang ipina-renovate dahil mga bagong gamit ang nakita ko roon. Lalo na sa kuwartong ginagamit ko.
“Kung ako lang sana ang may-ari nito, kahit araw-arawin ko ang paglilinis sa buong paligid ay walang problema, Portia. Kaso, ayaw ni Kuya Crandall. Hayaan lang daw namin. Gustohin man namin siyang suwayin ng inay, pero kami pa rin naman ang pagagalitan niya.”
Nangunot ang noo ko nang balingan ko ng tingin si William. “Huh? Bakit naman?” nagtatakang tanong ko. “Ayaw niya bang malinis ang paligid ng bahay niya? Ayaw niya bang magmukhang tahanan o magmukhang bago ang bahay niya?”
Humugot lamang ng malalim na paghinga si William at pinakawalan iyon sa ere pagkuwa’y nagkibit ng mga balikat nito.
Baka brokehearted ang Crandall na ’yon kaya masiyadong ma-emot? Pero hindi niya dapat isali sa pagka-broken niya ang bahay niya. Ang ganda-ganda ng paligid, e!
Mayamaya, humugot ako ulit ng malalim na paghinga at saglit na inipon iyon sa aking dibdib. Ipinikit ko ang aking mga mata at tumingala saka pinakawalan sa ere ang hangin sa dibdib ko. Sumilay rin ang malapad at matamis na ngiti sa mga labi ko nang pagkamulat ko ay ang kulay asul na kalangitan ang aking nakita. Oh, ang ganda! Nakaka-relax ang kapayapaan ng kalangitan! Nakakagaan din ng pakiramdam ang medyo preskong hangin na nagmumula sa paligid. Medyo may amoy lang ’yon ng lumot, pero keri pa rin namang langhapin kaysa sa polluted air sa syudad.
“Kahit mukhang ewan ang paligid ng mansion, nakaka-relax pa rin naman, hindi ba?”
Nilingon ko si William at ngumiti ako. “Yeah,” sagot ko. “Nakaka-relax pa rin ang buong paligid. Hindi kagaya sa syudad na maingay, maraming tao sa kalsada na papasok sa trabaho, maraming mga sasakyan.”
“Kaya nga ayaw namin ng inay na manirahan doon. Mas pipiliin pa namin na manatili sa lugar na ito kaysa ang makihalubilo sa ibang tao sa syudad.” Anang William.
“Matagal na ba kayo rito?” tanong ko.
“Si inay, simula pa noong maliit pa si Kuya Crandall, lagi na siyang nandito. Ako naman, paminsan-minsan lang nagpupunta rito para samahan at tulungan ang inay sa mga trabaho dito. Pero dati sa bayan kami nakatira.” Pagkukuwento nito sa akin.
Napatango naman ako. “Ganoon ba talaga siya? I mean, kung ganoon ba talaga ang ugali niya kahit noong bata pa siya?” tanong ko. Alam kong ayaw magkuwento ni William tungkol sa Crandall na iyon, pero... Gusto ko lang malaman kung ganoon ba talaga ang ugali ng lalaking iyon? Nakakatakot kasi siya, e! “Saka, ’yong hitsura niya. Nang gabing pumasok ako rito, medyo naaninag ko ang hitsura ng mukha niya. Nakakatakot! Para nga siya ’yong beast na sinasabi mo kanina.” Dagdag na saad ko pa.
Bigla namang natawa si William dahil sa sinabi ko. “Siya nga,” sabi nito.
“Seryoso ka? B-Beast talaga siya?” tanong ko ulit.
Pero mayamaya ay bigla ring naging seryoso ang mukha nito at bumuntong-hininga. “Aside from kidding, Portia. Maliit pa lang ako kilala ko na ’yang si Kuya Crandall. Hindi naman siya ganiyan noon, e! Mabait siyang tao. Matulungin sa kapwa. Wala akong masabi na hindi maganda tungkol sa kaniya. As in napakabait niya. Kaya nga idol ko siya, e!” mayamaya ay saglit itong tumigil sa pagkukuwento. “May girlfriend siya dati. Halos limang taon din silang magkarelasyon. Three years ago, nag-proposed siya ng kasal sa girlfriend niya. Saksi ako kung gaano siya kasaya no’ng mga panahong iyon. Sobrang excited siya na dumating ang araw ng kasal nila kahit pa tutol naman ang papa niya sa relasyon nila ng fiancée niya.”
Biglang nagsalubong ang aking mga kilay. “Huh? Bakit naman tutol ang papa niya sa relasyon nila? E, sa tagal ng relasyon nila mukhang mahal na mahal nila ang isa’t isa.” Curious na tanong ko.
“Mahal na mahal talaga ni Kuya Crandall ang fiancée niya. Pero ayaw ni Sir Damian kay Ma’am Catherine. Ang lagi kasing iginigiit nito sa anak, hindi sila ang dapat na ikasal dahil pera lang daw ni kuya ang habol ng kaniyang fiancée. Pero siguro nga iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig kaya kahit ano ang gawin na paninira ng papa niya sa relasyon nilang dalawa; para lang huwag matuloy ang kasal nila, wala rin nagawa ang papa niya at—”
“William?”
Biglang naputol ang pagkukuwento ni William nang dumating si Nanay Josephine at tinawag nito ang anak.
Napalingon kami rito ni William.
“Bakit po, Inay?”
“Tinatawag ka ng Kuya Crandall mo. Puntahan mo na muna sa kuwarto niya,” sabi nito.
Kaagad naman itong tumayo sa puwesto nito. “Opo, Inay. Pupuntahan ko na po,” sabi nito. “Maiiwan muna kita saglit dito, Portia. Babalik ako,” nakangiting sabi pa nito. Saka tumalikod at nagmamadali ng umalis.
Nang maiwan akong mag-isa sa garden, inabala ko na lamang muli ang aking sarili sa pagtanaw sa kulay asul na kalangitan maging sa mga magagandang bulaklak na nasa paligid.
THIRD PERSON POV
“MGA BOBO! Ilang araw na kayong pabalik-balik sa lugar na iyon pero hanggang ngayon ay hindi n’yo pa rin makita ang babaeng ’yon?! Ano ang gusto ninyong mangyari? Ako pa mismo ang maghanap sa babaeng iyon doon sa kagubatan?” Galit na sigaw ng lalaking nakatayo sa medyo madilim na parte ng kuwarto.
“Pasensya na po, boss! Pero hindi po talaga namin makita ang babaeng ’yon! Halos nalibot na po namin ang buong kagubatan sa lugar na ’yon pero wala po kaming makita. Baka patay na rin iyon dahil panigurado naman po kami na wala siyang ibang mapupuntahan no’ng bumuhos ang malakas na ulan—”
“Then I need a proof that she’s totally dead! Hindi ako mapapakali rito hanggat hindi ko nakikita ang bangkay ng babaeng ’yon! Hindi ako makakapayag na babagsak lang ako sa kulungan oras na malaman nila ang totoo kung sino ang nagtangka sa buhay ni Jass Anne!” galit pa rin na sabi nito sa mga tauhan nitong nakatayo sa harapan nito.
Kung maaari nga lang na kalabitin nito ang gatilyo ng hawak nitong baril, kanina pa nito pinagbabaril ang mga bobo at walang kuwenta nitong mga tauhan. Simpleng utos lamang ang ibinigay nito, pero natakasan pa rin ang mga ito ng isang babae!
Nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga saka dinampot ang rock glass na nasa lamesa nito at inisang lagok ang laman na alak niyon. “Get out of my sight bago ko pa kayo patayin isa-isa ngayon din!” singhal na sabi pa nito. “Chandler!” tawag naman nito sa lalaking nakatayo sa may gilid ng pinto.
Kaagad naman itong tumalima at nagmamadaling lumapit sa boss nito. “Yes, boss?”
“Magpunta ka sa ospital. Kagaya ng utos ko sa ’yo, bantayan mo nang mabuti ang lahat ng taong dadalaw kay Jass Anne. Make sure na 24/7 kang nakamatyag doon. Inspeksiyonin mo nang mabuti ang lahat ng papasok sa kuwarto niya. Ayokong makarinig ng masamang balita mula sa ’yo. Naiintindihan mo ba?”
“Opo, boss. Makakaasa po kayo.”
“Umalis ka na.” Utos nito sa lalaki. “At kayo, mga bobo.” Nang balingan nito ng tingin ang ibang tauhan nito na naroon pa rin. “Bumalik din kayo sa bundok na ’yon at ipagpatuloy ninyo ang paghahanap kay Portia. Huwag kayong babalik dito hanggat hindi ninyo siya nadadala sa ’kin! Nagkakaintindihan ba tayo?” Halos lumuwa na rin ang mga mata nito sa panggigigil at itinutok ang baril isa-isa sa mga tauhan nitong nakayuko sa harapan nito.
“Opo, boss.”
“Alis!” Sigaw nito at naglakad palapit sa pader kung saan nakadikit doon ang larawan ni Portia. Galit na tinitigan nito ang mukha ng dalaga. “Mahahanap din kita, Portia. And I’ll make sure na patatahimikin kita ng tuluyan kasama ang kaibigan mong si Jass na papatayin ko rin nang tuluyan habang nasa ospital pa. Masuwerte siya at hindi siya natuluyan. Pero humanda kayo sa part two na gagawin ko, sisiguraduhin kong tragic ending kayong magkaibigan,” sabi nito pagkatapos ay humalakhak nang malakas at itinutok ang dulo ng baril sa larawan ni Portia. “Boom!”