“TITA MAY... Hindi naman po sa nangingialam ako sa desisyon ninyo para kay Jass, pero ang akin lang naman po, hindi po ba ay nasa tamang edad naman na siya para gumawa ng sarili niyang desisyon?” malumanay na tanong ko sa mama ni Jass. Kararating lamang nito sa opisina at hinahanap ang anak. Pero dahil ayaw ni Jass na makausap ang ina, bigla itong nagtago at ako ang pinaharap sa ina nito. Ayoko sanang harapin itong si Ms. Gomez, pero wala na rin akong nagawa. Banayad akong nagpakawala ng buntong-hininga. “At isa pa po tita, nakikita naman po natin na masaya si Jass kay Wigo. Bakit hindi n’yo na lang po payagan ang relasyon nilang dalawa?” tanong ko pa.
“I know concern ka dahil kaibigan mo si Jass, Portia. Pero hindi naman ibig sabihin niyon ay puwede ka nang makisali sa usapan naming dalawa,” seryosong sabi nito habang nakaupo sa sofa, habang nakatitig sa akin. Tinaasan pa ako nito ng isang kilay pagkatapos ay inilibot ang paningin sa buong opisina ni Jass. Mayamaya lang din ay dinampot nito ang mamahaling bag na nasa tabi nito at tumayo. “Tell her that I need to talk to her tonight. Sa bahay kamo siya umuwi kung ayaw niyang puntahan ko ulit siya sa condo niya.” Muling saad nito saka naglakad na palabas ng opisina.
Napabuntong-hininga na lamang ulit ako nang makita ko ang tuluyang paglapat ng pinto upang sumara iyon. Oo matagal ko ng kilala ang mama ni Jass, pero hindi pa rin talaga ako komportable sa tuwing nagkakasama kami sa iisang lugar o hindi kaya ay kapag kinakausap ako nito. Prangka kasi ang nanay ni Jass. Walang pakialam sa magiging reaksyon ng taong kausap nito, basta ang mahalaga ay nasasabi nito ang kahit ano mang gusto nitong sabihin. At iyon ang isang bagay na pinaka-ayaw ko rito.
“Is she gone?”
Napatingin ulit ako sa bumukas na pinto at pumasok doon si Jass.
Tumango ako. “Kakaalis lang,” sagot ko. “Pero pinapauwi ka sa bahay n’yo mamayang gabi kasi kailangan n’yo raw mag-usap.” Dagdag ko pa saka naglakad palapit sa mesa nito at kinuha roon ang dalawang sample ng bagong libro na ilalabas namin sa market next month. “Na-i-stress din ako sa inyo ng mama mo,” wika ko at bahagyang ngumiti kasabay nang pag-iling ko.
“I’m sorry, Portia.”
“Aalis na ako,” sa halip ay sabi ko. “Magkita na lang tayo bukas. Bye!” Saka ako naglakad palabas sa opisina nito.
ONE WEEK LATER
“Pasensiya ka na, Portia, hindi ko talaga kayang pumunta ngayon kay Jass. Nakakahiya at naabala pa kita,” wika sa akin ni Meg nang lapitan ako nito sa lamesa ko.
“Okay lang ’yon. Huwag mo ng pilitin ang katawan mo kung hindi naman kaya at masama talaga ang pakiramdam mo,” sabi ko at ngumiti. “Right timing ka naman at pupuntahan ko siya kasi gusto ko rin siyang makausap ng personal. Kaya okay lang na ako na lang ang magbibigay ng files na ito sa kaniya.”
“Salamat. Babawi ako sa iyo sa susunod.”
“Don’t mention it. Wala namang problema ’yon sa akin,” sabi ko. Saka tumayo na sa puwesto ko. Isinukbit ko sa balikat ko ang bag ko. “Sige at aalis na ako. Baka abutan pa ako ng gabi sa biyahe.”
“Sige. Mag-iingat ka!”
Tumango lang ako saka naglakad na papunta sa kinaroroonan ng elevator.
Kagabi ko pa sinusubukan na tawagan ang number ni Jass, pero hindi ko naman ito makontak kaya nagpasya na lang ako na puntahan ito sa bahay ni Wigo. Ilang araw na kasi itong naroon at hindi pumapasok sa trabaho. Hindi ko alam kung may problema ba sila ni Wigo para hindi ito pumasok sa trabaho ng ilang araw. Hindi kasi ugali ni Jass ang mag-absent sa trabaho ng matagal at walang importanteng dahilan, kaya nagtataka ako ngayon!
Halos tatlong oras din ang naging biyahe ko bago ako nakarating sa address ng bahay ni Wigo sa Cavite. Nakapunta na ako rito ng isang beses kaya alam ko na ang way papunta rito.
Bago ako bumaba sa driver’s seat ng kotse ko ay muli kong sinubukan na tawagan ang number ni Jass. Pero kagaya sa nagdaang gabi, puro voice mail lang ang natatanggap ko mula sa kabilang linya.
Bumuntong-hininga ako saka sumilip sa bintana upang tingnan ang labas ng bahay ni Wigo.
“Ano kaya ang ginagawa niya at hindi man lang sinasagot ang mga text at tawag ko?” Tanong ko pa sa sarili bago tinanggal ang seatbelt ko at dinampot ko ang bag ko na nasa front seat saka binuksan ang pinto sa tabi ko.
Naglakad ako palapit sa bakal na gate ng bahay. Akma ko na sanang pipindutin ang doorbell na nasa gilid niyon, pero napansin ko naman na hindi iyon naka-lock, kaya itinulak ko na lamang iyon at pumasok ako.
“Jass!” Tawag ko sa pangalan nito at dahan-dahang naglakad sa loob ng garahe. “Jass! Wigo! It’s Portia. Where are you guys?” muling tawag ko sa kanila pero wala pa rin akong natanggap na sagot. Nagpatuloy ako sa paglalakad ko hanggang sa makarating ako sa tapat ng main door. Kagaya kanina sa gate, nang akma na akong kakatok sa pinto ay nakita kong bahagya rin iyong nakabukas. Nagsalubong ang mga kilay ko kasabay niyon ang kaba na sumibol sa dibdib ko. Parang bigla akong nakadama ng kakaiba. Nag-iba man ang pakiramdam ko sa mga sandaling ito ay dahan-dahan ko pa ring hinawakan ang doorknob at itinulak ang pinto pabukas. Nakita ko namang nakabukas ang lahat ng ilaw sa sala, at nang tumingin ako sa mataas na hagdan, nakabukas din ang mga ilaw roon. Narito nga siguro sina Jass at Wigo. Siguro ay nasa itaas lang sila at hindi nila ako naririnig!
Tuluyan akong pumasok sa sala. “Jass! Are you here?” muling tawag ko sa aking kaibigan.
Mayamaya ay napahinto ako sa paghakbang ko nang makaramdam ako ng malamig na simoy ng hangin. Nagtayuan bigla ang mga balahibo ko sa braso, dahilan upang mapakunot ang aking noo. Parang bigla akong nakadama ng kakaibang presensya sa loob ng bahay na ito. Napalunok ako ng laway ko at inilibot ang paningin ko sa buong paligid, nagbabakasakaling makita ko roon isa kina Jass at Wigo.
Ilang saglit pa ay muli kong ipinagpatuloy ang paghakbang ko. Pero muli rin akong napahinto nang marinig ko ang pamilyar na boses na nagmumula sa itaas ng bahay.
“No, please! Parang awa n’yo na!”
Nagsalubong ang mga kilay ko. Pero mayamaya ay nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang hagulhol ni Jass.
“Ang sabi ni boss, patayin na ’yan agad para wala ng problema.”
“Gago ka ba? Ang gandang babae nito tapos hindi mo man lang pagnanasaan? Pare, minsan ka na lang makakita ng magandang katawan ng babae, bakit hindi mo na lubusin?” tumatawang sabi ng lalaki. “Mag-enjoy muna tayo bago natin patayin ang babaeng ito.”
Nanlaki pa lalo ang mga mata ko nang marinig ko ang mga sinabi ng dalawang lalaki. God! Nasa panganib ang buhay ni Jass?
“Ahhh! No, please! Huwag! Parang awa n’yo na.”
“Iyan ang gusto ko sa babae, lumalaban... Para naman mas masaya at exciting.”
Nagimbal ako lalo dahil sa aking mga narinig! Napatutop ako sa aking bibig! Nangingilabot ako sa mga sandaling ito. Oh, Diyos ko! Ano ang nangyayari? Bakit may mga masasamang tao ang nakapasok sa bahay na ito? Bakit nila sinasaktan si Jass? Nasaan si Wigo?
God! Nagtungo ako rito para makausap si Jass, ngunit ang hindi ko inaasahan ay iba pala ang madadatnan ko rito!
Sa sobrang takot na bigla kong naramdaman sa mga sandaling ito, hindi ko na malaman kung ano ba ang dapat kong gawin. Gusto kong umalis na lang bago pa ako makita ng mga lalaking iyon at ako naman ang saktan nila, ngunit hindi ko naman kayang iwanan si Jass dito ng mag-isa. But how can I help her? Paniguradong malalagay rin sa panganib ang buhay ko!
Mayamaya ay nanginginig ang mga kamay ko na binuksan ko ang bag ko para kunin doon ang cellphone ko at tumawag sa pulis at humingi ng tulong, pero hindi ko naman iyon makita sa loob ng aking bag.
“Damn it! Nasaan na ba ’yon?” pati ang boses ko ay nanginginig na rin. “s**t!” napamura ako. Naiwan ko ata sa kotse ko ang cellphone ko.
Makalipas ang ilang segundo, tumigil ako sa paghahalungkat sa bag ko at hindi ko namalayang nagsimula ng humakbang ang aking mga paa palapit sa hagdan upang umakyat doon. Nanginginig man ang buong katawan ko dahil sa takot, dahan-dahan akong pumanhik sa hagdan, hanggang sa makarating ako sa tapat ng isang kwarto. At doon, nasaksihan ko ang krimeng ginagawa ng mga kalalakihan kay Jass. Wala ng malay ang kaibigan ko ngunit patuloy itong pinagsasamantalahan ng isang lalaki.
Nahigit ko ang aking paghinga at naramdaman kong nanigas bigla ang buong katawan ko sa kinatatayuan ko habang nakatuon ang aking paningin kay Jass. Naramdaman ko rin ang pag-iinit sa sulok ng aking mga mata at ilang saglit lang ay tumulo ang mga luha ko!
“J-Jass?” Mahinang sambit ko na siyang naging dahilan din upang magbaling sa direksyon ko ang paningin ng mga lalaki.
“Sino ka?” gulat at galit na tanong sa akin ng isang lalaki.
Napatingin ako sa mukha nito. Mayamaya ay napatingin din ako sa isang lalaki at nakita ko ang kutsilyo na hawak nito. Mas lalo akong sinalakay ng kaba at takot. Napaatras ako! At kahit nanginginig at nanghihina ang mga tuhod ko, pinilit kong tumakbo pababa sa hagdan upang lumabas sa bahay at tumakas.
“Habulin mo, gago! Mananagot tayo kay boss oras na sumabit tayo.” Sigaw ng lalaki.
“Oh, Jesus! God! P-Please, help me!” Habang pinipilit kong kumaripas nang takbo papalabas ng bahay. Hanggang sa makabalik ako sa kotse ko. Nanginginig ang mga kamay ko na kinapa ko ang susi ng kotse ko na nasa bulsa ng pantalon ko. “Damn it!” Hindi ko iyon maipasok sa keyhole dahil sa labis na pagkataranta ko. “Please, Diyos ko!” sambit ko pa. Nang sa wakas ay mabuksan ko na ang pinto, nagmamadali akong lumulan sa driver’s seat at kaagad na binuhay ang makina ng sasakyan ko at pinaandar iyon paalis.
“Sa kotse, dali!” sigaw ng lalaki.
Wala na akong pakialam kung gaano kabilis ang pagpapatakbo ko ng aking kotse, basta ang gusto ko lang ay makalayo ako sa mga lalaking himahabol sa akin.
Ang buong akala ko ay makakatakas agad ako sa mga humahabol sa akin, ngunit mas lalo akong sinalakay ng labis na takot sa dibdib ko nang bigla na lamang sumulpot sa likuran ng sasakyan ko ang isang sasakyan.
“Ahhh!” Napasigaw ako nang bigla niyong banggain ang likuran ng kotse ko. Inapakan ko naman ang silinyador upang mas lalong bumilis ang takbo ng kotse ko. Hindi ko na alam kung saan ako patungo, basta ang nasa isipan ko lang sa mga sandaling ito ay makalayo at makatakas. “Ahhh!” Muli akong napasigaw at bahagyang napayuko sa may manibela nang makarinig ako ng sunod-sunod na putok ng baril. “P-Please! P-Please, Lord, help me! I don’t wanna die right now.” Umiiyak na sambit ko.
Ilang putok ng baril pa ang narinig ko. Pagkatapos ay biglang pumutok ang gulong ng kotse ko kaya gumiwang-giwang iyon sa daanan hanggang sa bumangga ako sa isang puno. Mabuti na lamang at hindi ganoon kalakas ang pagkakabangga ko kaya nakalabas din ako agad sa driver’s seat. I don’t have a choice kun’di ang tumakbo sa madilim na kakahuyan.
“Bilis, habulin ninyo! Hindi pa nakakalayo ’yon.”
Dinig kong sigaw ng isang lalaki nang mayamaya ay magkubli ako sa malaking puno ng kahoy. Tinakpan ko ng aking palad ang bibig ko. “Lord, please help me!” Bulong na panalangin ko bago muling ipinagpatuloy ang aking pagtakbo palayo.
Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko, basta patuloy lamang ako sa pagtakbo sa madilim na kakahuyan. Takot. Kaba. Kapos sa hangin. Pagod. Iyon ang nararamdaman ko sa ilang minutong pagtakbo ko. Hanggang mayamaya, napahinto ako nang matanaw ko mula sa hindi kalayuan ang isang maliit na liwanag. Nanghihina man ang mga tuhod ko at hinihingal ako ay pinilit kong tumakbo ulit papunta sa liwanag na iyon. Nang makarating ako roon, walang pagdadalawang-isip na pumasok ako sa malaking gate. Mabuti na lamang at nakabukas iyon. Mabilis akong tumakbo ulit papunta sa may pintuan. Hinawakan ko ang doorknob sa pagbabakasakaling bukas iyon, and thank God, bukas din iyon kaya dali-dali akong pumasok at isinarado iyon.
Pagod na pagod akong napaupo sa likod ng pinto. Hinihingal at nanunuyo pa rin ang aking lalamunan. Ang mga luha ko ay patuloy pa rin sa pag-agos.
“Jass!” lumuluhang sambit ko. “B-Bakit ito nangyari sa iyo?” tanong ko sa sarili ko at naipikit ko nang mariin ang aking mga mata.
“Who are you?”
Mayamaya ay muli akong napamulat ng aking mga mata nang marinig ko ang baritino at malamig na boses na iyon na muling nagpagimbal sa akin. Naaninag ko ang isang malaking anino mula sa hindi kalayuan sa puwesto ko.
Muling sinalakay ng takot ang puso ko.
“I said, who are you? How did you get in here?” galit na tanong nito.
Muli akong napaluha at mas lalong nagsumiksik sa likod ng pinto. “Please... Huwag mo akong sasaktan.” Umiiyak na sambit ko.