Chapter 6
Alena
Magdamag na wala kaming imikan ni Rico. Hindi rin ako sumabay sa kaniya papunta sa trabaho. Nagluto lang ako para sa umagahan naming dalawa at tinirhan ko lang siya ng almusalin niya Maaga pa ako umalis sa bahay. Ayaw kong pareho masira ang araw naming dalawa lalo na at ngayon ang alis niya kasama si Rochelle at ang pamilya nito.
Masakit sa loob ko subalit wala akong magagawa dahil kahit ano pang gawin ko wala pa rin akong karapatan na pigilan si Rico dahil hindi naman kami kasal. Nagsasama lang kami bilang mag-asawa pero wala namang katibayan na talagang pagmamay-ari ko siya.
Malungkot ako na nakarating sa bahay nila Mrs. Fuentes. "Ang aga mo, Alena?" Nakangiting tanong sa akin ni Mrs. Fuentes.
"Wala naman po kasi akong gagawin sa bahay at marami pa po akong gagawin rito. May dadamuhan pa po kasi ako riyan sa gilid ng bahay ninyo habang tulog pa si Lola Pacita. Magdadamo muna ako riyan,'' sabi ko pa kay Mrs Fuentes.
"Nako, salamat talaga, iha. Hayaan mo at bibigyan na lang kita sa pagdadamo mo riyan dahil hindi na iyan sakop ng trabaho mo," sabi pa sa akin ni Mrs Fuentes.
"Okay, lang po. Wala naman po akong ginagawa. Mamaya po papaarawan ko si Lola Pacita sa labas bago ko siya paliguan," wika ko pa kay Mrs Fuentes.
"Salamat talaga, iha. Nakapag-almusal ka na ba? Mabuti pa sabayan mo na lang ako sa pag-almusal. Magtimpla ka ng gatas o di kaya milo," utos niya pa sa akin.
Hindi ko na lang siya tinanggihan pa. Kaunti lang kasi ang kinain ko kanina pag-alis sa bahay dahil wala akong gana.
Tiningnan ko ang thermos. Kasasalin lang ni Mrs Fuentes, ng mainit na tubig sa thermos.
"Timplahan ko na rin po ba kayo ng kape, Ma'am?" tanong ko sa kaniya.
"Sige, iha. Isasalin ko lang itong sinangag na niluto ko," sabi pa nito sa akin.
Nagtimpla na ako ng milo at tinimplahan ko na rin ng kape si Ma'am Fuentes. "Ilang sandali pa magkaharap na kami sa lamesa.
"Namamaga yata ang mata mo? Umiyak ka ba?" tanong ni Mrs Fuentes sa akin. Napansin niya ang pamamaga ng aking mga talukap.
"Nag-away ba kayo ng partner mo?" tanong pa ni Misis Fuentes sa akin.
"Kinompronta ko po siya kahapon. Itinatanggi niya po na may relasyon sila noong kahalikan niya na nakita mo. 'Yong babae daw po ang humalik sa kanya. Kilala ko po 'yong babaeng iyon, ang anak ni Mrs Domingo. Alam ko po na may gusto iyon kay Rico, kaya nga iyon ang dahilan kung bakit siniraan niya ako sa mga magulang niya," sumbong ko pa kay Ma'am Fuentes.
"Huwag ka ng magtataka pa, iha kung ang anak na Misis Domingo, na iyon ang naghahabol sa partner mo at unang nagpakita ng motibo sa partner mo. Ang babae nga ang nakita kong humalik sa labi ng partner mo, palibhasa kasi gawain din iyon ng Mommy niya noon. Mang-aagaw ng boyfriend ng may boyfriend, kaya hindi nakakapagtataka kung ganoon din ang anak," sabi pa sa akin ni Mrs. Fuentes.
"Kilala niyo po ba sila?" tanong ko habang kumakain na kaming dalawa.
"Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kanila eh, isang bayan lang naman tayo. Ang asawa niya boyfriend iyon ng pinsan ko kaso inagaw lang ni Martina sa pinsan ko. Kung baga pinikot niya lang iyon si Mr. Domingo," sabi pa sa akin ni Ma'am Fuentes.
"Gano'n po ba? Matagal ko ng alam na may gusto si Rochelle kay Rico. Pinapaaral ako noon ng mga magulang niya subalit dahil sa inggit niya sa akin dahil palagi akong tinutulungan ni Rico, noon gumawa siya ng paraan para mapalayas ako sa bahay nila. Nagkamali lang siya dahil si Rico pa rin ang sumalo sa akin, kaya alam ko na hindi siya titigil hangga't hindi niya makuha si Rico sa akin," sabi ko pa kay Mrs. Fuentes.
"Kung mahal ka naman ng isang lalaki kahit ano pa ang tukso na lumapit sa kanya aayawan niya iyon. Kung ako sa'yo huwag mong papalapitin ang partner mo sa babaeng iyon. Kahit gaano pa ka loyal ang asawa mo kung maharot talaga ang lalandi sa kanya matatangay at matatangay talaga siya," sabi pa ni Ma'am Fuentes sa akin.
Tipid lang akong ngumiti sa kaniya at tumango-tango. Paano ko gagawin iyon na ilayo si Rico kay Rochelle, kung doon siya mismo nagta-trabaho? At dalawang araw pa silang magkasama sa Baguio.
Hindi na ako umimik pa sa sinabi ni Ma'am Fuentes. Nagpatuloy lang ako sa pagkain.
"Siya nga pala darating ang anak ko bukas dahil bakasyon na nila. Tulungan mo ako sa pagluto bukas bumalik ka rito," sabi pa sa akin ni Mrs Fuentes. Sabado kasi bukas kaya wala siyang pasok. Wala din sana akong pasok bukas, subalit pinapabalik niya ako.
"Sige, po Ma'am. Babalik po ako rito bukas. Tutulungan po kita sa pagluluto," nakangiti kong tugon sa kaniya. Hindi ko nga alam na may anak pala siyang nag-aaral.
"Saan po galing ang anak ninyo, Ma'am?" tanong ko sa kaniya.
"Sa Maynila, graduating na siya ngayon. Doon kasi siya nag-aaral sa maynila at kinuhanan ko lang siya ng maupahan niya." Tumango-tango naman ako sa sinabing iyon ni Misis Fuentes.
"May anak po pala kayo, Ma'am? Ilan po pala ang anak ninyo?" tanong ko sa kanya.
Ngumiti naman siya na tumingin sa akin. "Nag-iisa lang ang anak ko at lalaki. Sulong anak namin ng asawa ko," nakangiti naman nitong sabi sa akin.
"Gano'n po ba? Tamang-tama po at malilinis ko na ang gilid ng bahay ninyo. Matatapos ko rin ang pagdamo roon," sabi ko pa sa kaniya.
"Kaya nga dahil kapag nakita niya na madamo ang gilid ng bahay maglilikramo na naman iyon sa akin," sabi pa nito sa akin.
Pagkatapos namin ni Mrs. Fuentes, kumain hinugasan ko na ang mga hugasan namin at siya naman nag-asikaso na para magtungo sa paaralan na pinapasukan niya.
Pagkatapos kong maghugas ng pinggan ay nagtungo na ako sa gilid ng kanilang bahay upang bunutin ang mga damo roon. Naayos ko na nga rin ang mga bulaklak niya sa harap ng bahay nila, kaya maganda at namumulaklak na ang ibang mga bulaklak na tanim niya.
Mga dalawang oras din ako nagdamo at sakto naman katatapos ko lang ay nagising naman si Lola Pacita.
"Lena, saan ka ba galing? Bakit ang dumi-dumi ng kamay mo?" tanong sa akin ni Lola Pacita, sa balcony habang nakatungkod siya ng kaniyang baston.
Matamis akong ngumiti sa kanyya habang naghuhugas ako ng kamay ko sa gripo dito sa gilid ng bahay ni Ma'am Fuentes.
"Good morning, Lola! Gutom na po ba kayo? Galing po ako riyan sa gilid nagbunot po ako ng mga damo dahil makakapal na. Saglit lang po, ha?" bati ko sa kaniya
"'Yong isang araw ka pa nagbubunot ng damo hindi pa rin tapos? Buksan mo nga ang tv gusto kong manood ng balita," utos pa nito sa akin.
"Sige, po Lola. Saglit lang po ito," sabi ko sa kaniya at pumasok na siya sa loob.
Nang malinis na ang kamay ko ay pumasok na rin ako binuksan ko ang tv at pagkatapos nagtungo ako sa kusina upang ipaghanda ng pagkain si Lola Pacita. Tinimplahan ko na rin siya ng gatas. Madalas talaga sa sala siya kumakain habang nanonood ng tv.
"Lola, ito na po ang pagkain mo," sabay lapag ko ng tray sa lamesita na nasa harapan niya.
"Pagkatapos niyo pong kumain magpapaaraw po tayo sa labas, ha? Tapos maliligo ka," sabi ko sa kaniya.
"Ayaw kong maligo maginaw. Baka mamaya sipunin pa ako at ubuhin," sabi pa nito sa akin.
Ganito palagi ang routine namin sa umaga. Sa tuwing niyayaya ko siyang maligo ganoon lagi ang rason niya subalit kapag napaarawan ko na siya, siya na mismo ang kusang magsasabi na maliligo siya dahil naiinitan siya.
Kahit paano kapag kaharap ko si Lola Pacita nawawala ang sama ng loob na nararamdaman ko para kay Rico. Nakakalimutan ko kasi ng bahagya.
Habang kumakain si Lola, tumunog naman ang cellphone ko na de keypad na ibinigay sa akin ni Rico, noong nakaraan linggo para raw mabilis niya akong ma-contact.
Tiningnan ko kung sino ang tumatawag at hindi nga ako nagkamali si Rico, ang tumatawag. Nakita ko na nakailang missed call na pala siya.
Sinagot ko ang tawag niya sa akin. "Bakit?" walang gana kung sagot sa kaniya.
"Kanina pa ako tumatawag sa'yo hindi mo sinasagot! Umalis ka ng bahay na hindi nagpapaalam sakin! Kahit ginising mo na lang sana ako!" panunumbat niya sa akin sa kabilang linya.
"Marami kasi akong ginagawa rito,kaya maaga pa akong pumunta rito. Hindi na kita ginising para makumpleto ang tulog mo," nakasimangot kong sagot sa kanya sa kabilang linya.
"Hanggang ngayon ba galit ka pa rin? Alam mong aalis ako tapos hindi mo man lang ako ginising? Dalawang araw akong mawawala," sabi niya pa sa akin.
"Okay, lang kasama mo naman si Rochelle, hindi ba?" sabi ko pa sa kaniya habang masama ang loob ko.
"My God, Alena! Hindi na ba matatapos ang issue natin tungkol kay Rochelle? Ano ba ang gusto mong gawin ko? Gusto mo kaladkarin ko siya papunta sa harap mo? Para lang maniwala ka sa akin na wala kaming relasyong dalawa. Siya lang ang may gusto sa akin, pero hindi ko siya gusto. Dadaan ako riyan sa trabaho mo ngayon bago ako pumunta kina Misis Domingo," sabi niya pa sa akin.
"Huwag na! Tumuloy ka na roon dahil marami akong gagawin. Aalis ka rin naman kaya mabuti 'yong hindi na muna tayo magkita,". nakasimangot kong sabi sa kanya sa kabilang linya narinig ko pa ang buntong hininga niya ng malalim.
"Dadaan ako riyan mamaya at pag-door bell ko at hindi ka lumabas babatuhin ko ang bahay na pinagta-trabahuhan mo!" pagbabanta niya sa akin.
Pati ako napabuntong hininga na rin ng malalim. "Nagpapakain pa ako kay Lola! Mag-door belll ka na lang kapag nasa labas ka na!" sabi ko na lang sa kaniya para wala ng mahabang usapan pa.
Alam ko rin naman na tutuhanin niyang batuhin ang bahay ni Misis Fuentes, kapag hindi ko siya hinarap.
"O, sige. Paalis na ako rito sa bahay," sabi niya pa sa akin.
Nakasimangot ako na pinatay ang cellphone. "Sino 'yong tumawag sa'yo?" tanong naman sa akin ni Lola Pacyita ng bumalik ako sa sala.
"Boyfriend ko po," tipid kong ngiti na sagot sa kaniya.
"Ah, 'yong gwapo na palaging nagsusundo sa'yo sa tuwing hapon at naghahatid sa sa'yo rito?" Nakangiti niyang tanong sa akin kaya tumango-tango naman ako sa kaniya.
"Hindi ka ba natatakot, iha? Ang gwapo-gwapo ng boyfriend mo. Sigurado ako na maraming mga babaeng malalandi ang nakapaligid sa kaniya," sabi pa sa akin ni Lola.
"Nasa kaniya na po iyon Lola, kung nagpapalandi siya sa iba. Kargo de konsensya na niya na po iyon kapag niloko niya ako dahil lahat naman ginawa ko para maging maayos ang relasyon namin," nakangiti ko pang sabi kay Lola.
"Kung sabagay! Depende na rin iyon sa lalaki. 'Yong apo ko nga palagi kong pinagsasabihan na kapag nagka-irlfriend siya kailangan isa lang at kapag hindi niya na mahal ang babae magtapat. Kaso iba na ang kabataan ngayon hindi katulad sa kapanahunan namin noon. Kailangan kapag umakyat ng ligaw, ang mga magulang namin ang humaharap sa mga manliligaw namin. Tapos haharanahin kami sa gabi, subalit hindi kami pwedeng mahawakan kahit sa kamay. Kapag nag-uusap kami ng mga manliligaw namin kailangan malayo ang upuan at hindi pwede magkatabi. Kapag nahawakan ng lalaki ang kamay ng babae obligado siyang magpakasal rito. Sa ngayon napakalayo na ng panahon kaysa noon," sabi pa ni Lola Pacita sa akin.
"Talaga pong iba na ang panahon ngayon, Lola. Siguro masarap balikan 'yong mga panahon ninyo,'' nakangiti ko pang sabi sa kaniya.
"Ay talagang masarap balikan ang panahon noon, iha. Sa gabi naglalaro kami ng patintero at nagtataguan kapag maliwanag ang buwan. Subalit ngayon halos wala ka ng makitang kabataan na naglalaro sa labas dahil nakababad na sila sa cellphone. Oo, mapapadali na ang kaalaman ng tao subalit sumisira naman sa oras ng pamilya. Tingnan mo ang mga kabataan ngayon maraming mga bata na malalabo na ang mga mata dahil kaka-cellphone. Kaya kapag nandito Ang apo ko pinapagalitan ko iyon kapag naglalaro siya o nagbababad sa cellphone," sabi pa ni Lola Pacita sa akin.
Ngumiti lang ako sa kanya at hinintay siyang makatapos sa pagkain.