Chapter 5
Alena
Isang buwan ang lumipas maayos naman ang trabaho ko kina Ma'an Fuentes. Hindi naman masyadong alagain si Lola pacyita dahil napakabait niyang matanda at sumusunod kung ano ang sinasabi ko sa kaniya. Kapag pinapaliguan ko siya tahimik lang siya.
Magaan lang naman ang trabaho ko rito kina Ma'am Fuentes.
Pagsapit ng alas-kwatro ng hapon dumating na si Mrs. Fuentes. May mga dala ito kaya sinalubong ko na siya sa gate at tinulungan.
"Nag-grocery na ako dahil wala na pa lang stock na pagkain. Saka binilhan ko na rin si Mama ng mga prutas. Itong isang balot ng plastic sa'yo 'to dalhin mo sa inyo," sabi pa sa akin ni Mrs. Fuentes, sabay abot niya ng plastic sa akin.
Napakabait niya talaga. Sa tuwing may binibili siya na pagkain sa kanilang mag-ina ay palagi ring mayroon ako. Napakabait niyang amo.
"Salamat po, Ma'am. Ipinasyal ko po kanina dito sa labas si Lola Pacita. Tuwang-tuwang nga siya noong dito kami sa labas," sabi ko pa kay Mrs. Fuentes, habang inaayos namin ang mga dala niya.
"Nako, salamat talaga, Alena. Napakatiyaga mo. 'Yong dating nagbabantay sa kaniya hinahayaan lang siya sa loob tapos sinasaktan niya si Mama at kinukurot," sabi pa sa akin ni Mrs. Fuentes.
"Kawawa naman po si Lola. Bakit kaya may mga taong gano'n? Tatanda rin tayong lahat. Hindi ba siya natatakot na gawing din iyon sa kaniya?" sabi ko pa kay Mrs Fuentes.
"Alam mo naman na dalawa lang ang klase ng tao dito sa mundo masama at mabuti. Siya nga pala ito 'yong sahod mo. Mag-ipon ka rin para makapagpatuloy ka sa pag-aaral," sabi pa sa akin ni Mrs Fuentes at inabot niya sa akin ang pera na sahod ko ng kinsenas.
Tinanggap ko iyan at inilagay sa bulsa ko. "Maraming salamat po talaga, Ma'am. Nag-iipon po ako para sa pasukan kahit man lang makabili ako ng mga gamit ko sa paaralan," nakangiti ko pang sabi sa kaniya.
"Siya nga pala, Alena. Kasal ba kayo ng kinakasama mo?" tanong niya sa akin.
Umiling-iling ako sa kaniya. "Hindi po, Ma'am kasi 16 pa lang po ako, kaya hindi pa po ako pwedeng ikasal."
Bumuntong hininga siya ng malalim sa sagot kong iyon. Hinawakan niya ang balikat ko. "Kapag nagmahal ka huwag sobra-sobra. Para kung sakaling niloloko ka ng kinakasama mo hindi gaanong masakit," sabi niya sa akin na para bang may ibig siyang sabihin.
"May gusto po ba kayong sasabihin sa akin, Ma'am?" tanong ko sa kaniya.
Bumuntong hininga siya ng malalim. "Ayaw ko na maging dahilan ng away ninyo ng partner mo ang sasabihin ko. Subalit kanina nakita ko siya sa mall may kasamang ibang babae. Sa parking area bumaba sila ng babae at nakita kong hinalikan siya ng babae sa labi," sabi sa akin ni Mrs. Fuentes.
Agad akong kinutuban at parang sinaksak ng punyal ang aking dibdib.
"Maputi ba ang babae, Ma'am at kulot ang buhok na hanggang bewang?" tanong ko kay Ma'am Fuentes.
"Oo, na parang chinita ang mata. Alam mo, iha bata ka pa. Huwag mong sayangin ang buhay mo sa isang tao na hindi naman loyal sa'yo. Paano na lang kung magkaroon kayo ng anak? Gwapo ang partner mo at bata pa, kaya sa mga ganoong edad talagang mapupusok ang mga lalaki kapag may mga babaeng lumalandi sa kanila. Sinasabi ko ito hindi para siraan ang asawa mo, kundi sinasabi ko ito para sa'yo. Bata ka pa, maganda, marami pang mga lalaki na mas karapat-dapat sa pagmamahal mo kaysa lalaking manloloko," sabi pa sa akin ni Mrs. Fuentes.
Alam ko na kung sino ang babaeng tinutukoy ni Ma'am Fuentes. Dahil siya lang naman ang mahilig lumandi kay Rico. Napakawalang hiya talaga ng Rochelle na iyon.
"Salamat po Ma'am, sa payo ninyo. At salamat din sa pagsabi mo sa akin tungkol sa nakita mo. Hayaan niyo po at tatandaan ko palagi ang mga sinasabi ninyo," sabi ko sa kaniya.
Ilang sandali pa may nag-door bell na sa labas ng bahay ni Mrs Fuentes. Alam ko si Rico iyon.
"Baka ang asawa mo na iyan. Pwede ka ng umuwi. Dalhin mo 'yang isang supot para sa iyo iyan," sabi pa sa akin ni Mrs. Fuentes.
Kinuha ko ang supot na ibinigay niya. "Salamat po Ma'am. Sige po aalis na po ako," paalam ko sa kaniya. Tulog pa si Lola Pacita dahil alas-tres ng hapon na iyon natulog kanina. Kaya hinayaan ko na lang siyang makatulog dahil kaninang ala-dose nanood siya ng palabas na pinapanood niya.
Lumabas na ako ng bahay ni Mrs. Fuentes at naghihintay na nga si rico sa akin sa labas.
Paglabas ko sa gate isinara ko rin iyon.
Gusto ko siyang sumbatan kaagad tungkol sa sinabi ni Mrs. Fuentes, subalit nagpigil lang ako dahil alam ko naman na itatanggi niya iyon.
Kinuha niya sa akin ang mga dala ko at naglakad lang kami papunta sa bahay. Sayang din kasi ang pamasahe kapag nag-tricycle pa kami dahil malapit lang naman at pwedeng lakarin papunta sa bahay namin mula kina Mrs. Dominggo.
"Bakit tahimik ka yata?" nagtatakang tanong sa akin ni Rico nang hindi ako nagsasalita habang naglalakad kami sa tabi ng kalsada.
"Wala, pagod lang ako," tipid kong sagot sa kanya.
"Ano itong mga dala mo?" tanong niya sa akin.
"Kumot at punda na ibinigay sa akin ni Mrs. Fuentes. Saka mga pagkain ang nasa kabilang supot," walang gana kong sagot sa kaniya.
"Gano'n ba? Siya nga pala bukas aalis ako baka dalawang araw akong nawawala. Doon ka muna kina Mama, matulog habang wala ako," sabi niya sa akin.
Kumunot ang noo ko na tumingin sa kaniya. "Saan ka pupunta?" nagtataka kong tanong sa kaniya.
"Magbabakasyon ng dalawang araw sina Mrs. Domingo, sa baguio. Syempre ako ang driver nila kaya kasama ako," sabi pa nito sa akin.
"Sa baguio? Ang layo naman noon. Kasama ba si Rochelle?" tanong ko sa kaniya.
Tiningnan naman niya ako ng masama. "Alangan man na ikaw ang kasama? Anak ka ba ni Mrs. at Mr. Domingo?" Halata ang pagka-iritable sa boses niya na sagot sa akin.
Lalo lang sumama ang loob ko dahil mukhang may lihim silang relasyon ni Rochelle.
"So, ibig sabihin dalawang araw kayong magkasama ni Rochelle, tama ba?" Hindi ko na mapigilan ang sarili ko, kaya medyo tumaas na rin ang boses ko.
"Ano naman ba ang gusto mong palabasin? Mag-aaway na naman ba tayo dahil dito?" galit niya na rin na tanong sa akin habang naglalakad kami.
Umuna na ako sa kaniya sa paglakad. Hindi na lang na ako umimik pa para wala na rin gulo.
"Sagutin mo nga ang tanong ko, Alena? Ano na naman ba ang gusto mong palabasin na may relasyon kami ni Rochelle?" Habol niya pang tanong sa akin.
Binilisan niya na rin ang paglakad niya at pumantay siya sa gilid ko.
Nang malapit na kami papasok sa bahay namin huminto ako at tumingin sa kaniya. "Wala ba talaga kayong relasyon ni Rochelle o tinatago mo lang? Hindi naman siguro kayo maghahalikan sa parking lot ng mall kung wala kayong relasyon?" tiim bagang kong sabi sa kaniya.
Hindi siya nakaimik sa tanong kong iyon. Nagpatuloy ako sa paglakad habang pumatak na ang aking mga luha dahil sa sama ng loob.
"Saan mo na naman nakuha ang tsismis na iyan?" tanong niya sa akin habang nakasunod siya sa likuran ko.
"Hindi na mahalaga kung saan ko narinig. Sa bahay na lang tayo mag-usap," sabi ko sa kanya at pinunasan ko ang aking mga luha.
Hindi na ako nagsalita pa at natahimik na rin siya sa likuran ko. Pagdating sa bahay siya na ang nagbukas ng pintuan. Pumasok ako na walang imik sa kaniya. Padabug akong nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig.
"Pagod na nga ako sa trabaho tapos magdadabog ka pa?" galit niyang sabi sa akin.
Kapapasok niya lang sa loob ng bahay. Uminom muna ako ng tubig bago ko siya hinarap.
"Ano bang pagkukulang ko sa'yo para lokohin mo ako? Lahat naman ginagawa ko para maging mabuting partner sa'yo. Alam kong wala akong karapatan na hawakan ka dahil hindi naman tayo kasal, kaya malaya ka pa rin nakakagawa ng kung anong gusto mo. Wala akong pinanghahawakan para pagbawalan ka sa kahit sinumang babae na gusto kang halikan, hawakan, pero ang hinihiling ko lang naman sa'yo respeto lang. Pwede mo naman sabihin sa akin kung hindi mo na ako mahal. Kung sawa ka na sa akin, o kung may iba ka ng gusto. Matatanggap ko naman siguro iyon kahit masakit basta huwag mo lang akong traidurin," sabi ko sa kaniya habang nanginginig ang mga labi ko at pumatak na ang mga luha ko.
"Bakit ba pinipilit mo na may relasyon kami ni Rochelle? Iyon ba ang gusto mong mangyari?" galit niya pang tanong sa akin.
"Bakit ba ayaw mo na lang aminin? Kung wala kayong relasyong dalawa hindi kayo maghahalikan sa publiko. Hindi naman bago sa akin na may gusto sa'yo si Rochelle. At hindi rin ako magtataka kung magkakagusto ka na sa kaniya. Lahat ginagawa ko para sa ating dalawa. Wala akong naalala na may masama akong nagawa sa'yo, Rico. Kung hindi mo na ako mahal sabihin mo lang sa akin. Mahal mo ba ang Rochelle na iyon?" tanong ko sa kaniya.
"Hindi nga! Ilang beses ko na bang sabihin iyan sa'yo? Ganito na lang ba tayo palagi paulit-ulit na lang?" Siya pa talaga itong galit na siya itong gumagawa ng kasalanan sa akin.
"Paulit-ulit tayo dahil paulit-ulit mo rin ginagawa. Ano iyon naglalaro-laro labg kayo ni Rochelle ng halik-halikan? Huwag mo naman akong gawing tanga!" umiiyak ko pang sabi sa kaniya.
"Ikaw itong gumagawa ng katangahan sa sarili mo. Saka ka maniwala kung ikaw mismo ang nakakita. Pero kung dahil lang sa tsismis nanggaling ang pag-aalboroto mo mabuti pang tumahimik ka na lang para wala tayong gulo," sabi pa niya sa akin.
Alangan naman na magsisinungaling si Mrs. Fuentes, sa nakita niya?
"Dahil pinagmumukha mo akong tanga, Rico! Sabihin mo naman kasi sa akin ang totoo kung may relasyon ba talaga kayo ni Rochelle? Para isang sakit na lang ang maramdaman ko hindi 'yong paulit-ulit na lang," sabi ko pa sa kanya habang sunod-sunod na tumutulo ang mga luha ko agad ko naman itong pinalis ng aking kamay.
"Okay, kung sino man ang nag-tsismis sa'yo tungkol sa amin ni Rochelle, oo! Inaamin ko na hinalikan niya ako kanina sa parking lot." Parang sinaksak ng punyal ang puso ko sa pag-amin niyang iyon.
"Pero siya ang nag-kiss sa akin. Oo, pilit niya akong inaakit pero hindi ako nagpapaakit dahil naaalala kita. Ilang beses niya rin sinabi sa akin na hiwalayan ka at siya na lang ang piliin ko, pero hindi ko ginawa dahil ikaw ang mahal ko at gusto. Nakikisama ako sa pamilya niya sa kaniya, para lang tumagal ako sa trabaho ko dahil para din sa ating dalawa ang ginagawa ko. At wala kaming relasyon na dalawa dahil ayaw kong saktan ang damdamin mo. Kaya bago ka makinig sa sinasabi ng iba pakinggan mo rin muna ang sinasabi ko. At kung sa iba ka maniwala at saa mga sinasabi nila o sa nakita nila, nasa iyo na iyon. Masisira lang ang relasyon natin kapag sa iba ka nakikinig at hindi sa akin," wika niya pa sa akin.
Hindi ko alam subalit paulit-ulit na lang akong nasasaktan. Kahit alam ko na wala akong kalaban-laban kay Rochelle, pero ang sakit kapag pati si Rico inagaw niya sa akin.
"Ano may itatanong ka pa tungkol sa amin ni Rochelle? Gusto mo na lang yata totohanin ko na lang ang binibintang mo sa akin? Palagi mo na lang akong pinagdududahan. Sa tingin mo kaya kapag makipagrelasyon ako kay Rochelle, papayag ang mga magulang niya? Sa tingin mo kaya nababagay ako sa katulad niya? Kaya nga ako sa'yo nagkagusto dahil pareho lang naman tayo ng status sa buhay. Langit si Rochelle at lupa lang tayo. Nagsusumikap ako para sa ating dalawa, Alena, para matupad ko ang mga ipinangako ko sa'yo. Pero kung ganito na lang tayo palagi nakakasawa!" sabi niya sa akin at tinalikuran niya ako.
Naging over reacted lang ba ako? O tama lang ang ginawa ko na tanungin siya tungkol sa nakita ni Misis Fuentes, kanina? Talagang gagawin ng Rochelle, na iyon ang lahat para lang makuha niya si Rico. Paano na lang ako kapag nahulog ang loob ni Rico sa kaniya? May magagawa pa ba ako kung isang araw magising na lang ako na hindi niya na ako mahal at hindi na ako kasama sa mga pangarap niya?
Lahat naman tayo pwedeng magbago ang nararamdaman. Paano kung magbago ang nararamdaman ni Rico, para sa akin? Paano na lang ako kapag hindi na ako ang tinitibok ng puso niya? Saan ako pupulutin? Saan ako lalapit at kanino ako kakapit? Iyon ang kinakatakutan kong mangyari dahil sa Rico, na lang ang nag-iisang taong natira sa buhay ko