TAHIMIK ang opisina ng governador nang dumating si Lawrence. Agad niyang inilibot ang paningin sa buong lugar upang hanapin ang sekretarya nito. Abala ang mga staff kahit tahimik na nagtatrabaho sa kanilang kanya kanyang cubicle. Nadatnan niya naman ang isang matandang humihingi ng tulong sa isang silid.
Lumabas si Ellen, ang naturang sekretarya ng Gov. May hawak-hawak itong mga papeles nang sinalubong si Lawrence. “Kanina ka pa hinihintay,” anito. Tumango si Lawrence at sumunod kay Ellen.
Nais ni Lawrence na kausapin si Gov. sa kanyang mga plano. Umaasa siya na kakampi sa kanya ang panahon ngayon at kung sakaling pumalpak ang plano ay si Georgina ang kanyang papakiusapan. Batid niyang mas mabait si Georgina kumpara sa ama nito. Naniniwala siya na ang lahat ay nadadaan sa maayos ng usapan.
“Gov, nandito na po si Lawrence.” Ani ni Ellen nang bahagyang binuksan ang pintuan ng opisina ng Gov upang ipaalam dito ang pagdating ni Lawrence.
“Papasukin niyo,” nang marinig ni Lawrence ang malalim na boses nito ay halos hindi siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan. Nagsimulang manginig ang kanyang kalamnan sa kaba at ang pagtibok ng kanyang dibdib. Huminga siya nang malalim para alisin ang lahat ng pangamba sa kanyang dibdib. Hindi niya masosolusyunan ang problema kung hindi niya pakikiusapan.
Mahigit anim na taong din siyang nagtiis sa mga Sevilla. Hindi niya nais magtiis pa habambuhay.
Inalis ng Gobernador ang kanyang salamin sa mata bago niyaya si Lawrence na umupo sa tapat niya. Sumunod naman ang binata at napangiti sa kanya.
“Kumusta ang anak ko?” tanong ni Diego. Ito parati ang kanyang salubong kay Lawrence sa tuwing nagkikita sila. Responsibilidad niya si Georgina hanggang magtanda silang dalawa.
“Okay lang po. Abala po siya sa hospital.” Sagot naman ni Lawrence sa kanya. Tumango si Diego habang nagbabasa ng papeles.
“E’ Kayong dalawa, kumusta ang relasyon ninyo?” tanong muli ng Gobernador. Hindi agad nakapagsalita si Lawrence. Nahimigan niya na may nais iparating si Diego sa kanya sa tanong na iyon. Napalunok siya at napangiti.
“Iyon din po sana ang pinunta ko rito,” panimula niya. Napatigil sa pagbabasa ang gobernador at napatingin sa kawalan. Ibinagsak niya ang papel at pinagsalikop ang mga palad nang tumingin kay Lawrence.
Seryoso ang mga malalalim na mga mata ng gobernador na naging dahilan ng paulit ulit na paglunok ni Lawrence. Noon pa man, may masamang hangin nang bumabalot sa pagkatao ng gobernador. Lahat ng kanyang gusto ay dapat masusunod at ang mga prinsipyo na hindi umaayon sa kanya ay kanyang pinapatahimik. Bali-balitang marami itong pinatay bago pa siya maluklok sa kanyang posisyon ngunit lahat ng iyon ay wala ni isang nakapagpatunay.
Hindi naman ganito si Georgina. Malayong malayo siya sa kanyang ama. Madalas na tahimik ang dalaga, tila takot na magsalita sa ama sa nais sabihin ng kanyang isipan dahilan marahil tinatanggap nito ang kahit na anong ibigay at desisyon ng ama para sa kanya labag man sa kanyang kalooban.
“Bakit Lawrence? May problema ba sa inyo?” tanong ng matanda sa kanya.
Mga ilang sandaling binuo ni Lawrence ang mga salita bago niya tuluyang sinabi. “Hindi ko po gusto na matuloy ang kasal namin ni George.” Aniya. Sandaling natigilan ang gobernador saka ito dahan dahang sumandal sa kanyang upuan habang seryosong nakatitig sa binata. Ang mga daliri sa kamay ay abala sa pag-himas ng kanyang ibabang labi.
“Hindi ko pa po nakakausap si George tungkol dito. Ikaw po sana ang gusto kong unang makaalam nito.” Ani ni Lawrence. Sumulyap siya sa gobernador. Hindi pa rin ito nagsasalita sa kanyang upuan. “Mahal ko po si Georgina, bilang kaibigan. Pangako, habambuhay ko siyang aalagaan kahit na walang singsing ang mag-uugnay sa aming dalawa.” Patuloy nitong kumbinsi. Sinasamantala ang katahimikan ni Diego Sevilla para magsalita.
“Edi masasaktan ang anak ko kung sakaling magkikita pa kayong dalawa.” Pahayag ni Diego. “Lawrence, hijo. Ni minsan ay hindi naman ako nagkulang ng paalala sa ‘yo na mahal ka ng anak ko. At bilang ama, hindi ko gustong makitang lumuluha ang dalaga ko dahil lang sa ‘yo. Gaya ng ibang mga magulang, hangad ko rin ang kaligayahan niya.” Patuloy nito.
Napayuko si Lawrence at nagtiim bagang. Ito ang dahilan kung bakit patuloy niyang niloloko ang sarili sa mga nagdaang taon sa piling ni Georgina. Sinubukan niyang mahalin ngunit hanggang pagkakaibigan lamang ang kaya niyang ibigay. Si Diego Sevilla lamang ang pumipilit sa kanya at ang kanyang ina.
“Sir, matatanggap ni Georgina ang lahat. Makikipag-usap ako sa kanya tungkol dito. Ipapangako ko na maghihiwalay kami nang maayos.” Ani ni Lawrence.
“Sige, kung iyon ang gusto mo’y wala akong magagawa.” Kibit-balikat na tugon ng Gobernador. Unti unting sumilay ang ngiti sa labi ni Lawrence. Dumaan ang milyong anghel na siyang nakapapabago sa isipan ni Diego. “Pero alam mo Lawrence, hindi sa akin mo dapat ito sinasabi, kung hindi kay Magdalene.” Ang tinutukoy nito ang kanyang ina. Mga ilang sandali ay napawi unti unti ang ngiti sa labi ni Lawrence.
“Nakatatak sa isipan niya ang unahin ang kaligayahan namin, ang kapakanan naming mag-ama.” Anito. Nahimigan ni Lawrence ang multo ng ngisi sa labi ng matandang Gobernador.
Umiling naman si Lawrence. “Hindi ko maintindihan si Mama kung bakit niya ito ginagawa sa inyo.” Hindi na niya napigilan ang kanyang saloobin. Lumakas ang kanyang loob na malaman ang puno’t dulo ng lahat. Malakas namang tumawa si Diego at bumangon mula sa kanyang upuan. Naglakad ito palapit kay Lawrence at may kinuha sa isa sa mga papeles niya. Inilapag niya ang mga litrato sa tapat ni Lawrence na siyang ikinagulat ng binata.
“Alam kong siya ang dahilan kung bakit gusto mong makipaghiwalay sa anak ko.” Malalim ang boses ni Diego. Napapukol ang tingin ni Lawrence sa mga litratro. Kuha ng litratong iyon ang paghalik niya sa pisngi ni Althea habang nasa loob ng sasakyan, hawak-kamay na magkasama sa mall, at CCTV ang pagtakbo nila sa isang sulok ng hospital.
Kahit anong ingat ay may mga tao pa ring sisira sa mga plano niya.
“Althea Lleste, anak ni Nestor Lleste at Josephine Lleste.” Patuloy ng matanda. Mas lalong nanigas sa kanyang inuupuan si Lawrence nang makilala niya ang dalaga. “Siguradong mahihiya ka kay Althea at babalutin ka ng konsensya kapag napag-alaman mo ang ugnayan ng iyong ina sa pamilya nila.”
Unti unting inangat ni Lawrence ang kanyang paningin sa matanda, nagtatanong ang mga mata. Ikinangisi iyon ni Diego Sevilla. “May sasabihin akong sekreto na ang iyong ina, ako, at ikaw lamang ang nakakaalam. Ikaw na ang bahala kung ano ang iyong gagawin rito pero sinusuguro ko sa iyo na kapag may iba pang makaalam tungkol dito ay hindi ako ang malalagot, kung hindi ang iyong ina. Siguro namang hindi mo siya kayang ipahamak, Lawrence.”
Binaba ni Diego ang tono ng kanyang pananalita habang naglalakad ito sa likuran ng binata.
“Maliban sa inyong matagumpay na negosyo, tinulungan ko si Magdalene noon. Tinakpan ko ang kanyang pangalan sa mga awtoridad dahilan kung bakit malaki ang utang na loob ng iyong ina sa akin. Malaki na halos gawing Diyos at sambahin ang aking pangalan.” Kwento ni Diego at tinapik ang balikat ni Lawrence habang ito’y ngumingisi.
Nakauwang lamang ang labi ng binata, walang makapa na salita. Ang kaba na naramdaman kanina’y dumoble sa sumunod na sinabi ng matanda. “Alam mo kung bakit, Lawrence?” lumapit ang matanda upang bumulong sa kanyang tenga. “Si Magdalene ang pumatay kay Josephine, ang ina ni Althea.”
HINDI mapakali si Althea habang pabalik balik sa kanyang nilalakaran sa loob ng condo na binili ni Lawrence para sa kanya. Alas nuwebe na ng gabi at hindi pa dumadating si Lawrence.
“Nasaan ka na ba…” tanong ni Althea sa kawalan habang nagtitimpa ng numero ni Lawrence para ito’y kanyang tatawagan.
Tatlong araw ng hindi nagpaparamdam sa kanya si Lawrence. Ang kanilang plano ay tutungo sila ng Mindanao upang doon muna manatili ng isang linggo bago sila tutungo sa ibang bansa. Minamadali ni Lawrence ang kanyang mga papeles dahil anito’y napaaga ang nakatakdang kasal nila ni Georgina.
Lumabas si Althea ng kanyang pintuan at napatingin sa direksyon ng condo unit ni Lawrence. Hindi rin ito umuuwi sa bahay niya. Bumalik siya sa loob nang marinig ang pagtunog ng kanyang phone.
‘Primea Hotel’
Text ng isang hindi nakarehistrong numero. Sinubukan niya itong tawagan ngunit pinapatay ito ng kabilang linya. Sumilay sa labi ng dalaga ang ngiti. Marahil naghahanda si Lawrence ng isang surpresa para sa dalaga kaya ito abala ng tatlong araw.
Isinuot niya ang kanyang puting Hoodie Jacket at umalis ng tuluyan sa condo. Sumakay siya ng kotse patungo sa naturang hotel. Maraming mga mayayamang ang lumalabas sa magarang sasakyan na kanyang nadatnan nang makarating.
Halos mahiya sa suot na damit kumpara sa mga eleganteng babae na nakakasabay niya papasok.
“Do you have an invitation letter, Madam?” tanong ng isang receptionist kay Althea matapos niyang itanong kung naroroon ba sa hotel si Lawrence. Agad na dumapo ang kanyang paningin sa mga invitation letter na binibigay ng mga babaeng nakasuot ng eleganteng kasuotan. Tila ito ang katibayan para siya sa mga makakapasok ng malaking silid na nasa kanyang harapan lang mismo.
Umiling siya at bahagyang napaatras. Naghanap siya ng paraan para makalusot. Nang dumami ang mga panauhin ay sumabay siya sa mga ito para magtago at dumaan sa likuran, partikular sa mga makakapal at matataas na halaman.
Nagtago siya roon habang hinahanap ng kanyang mga mata si Lawrence. Ngunit natigilan nang mabasa ang mga malalaking letra sa harap.
“Lawrence Ortiz and Georgina Sevilla Prenup party”
Punyal ang tumama sa kanyang puso. Isa ngang surpresa. Akala niya’y maayos na nakipaghiwalay si Lawrence sa dalaga, lalayo sila, at mamumuhay ng mapayapa sa ibang lugar dahil iyon ang usapan nilang dalawa. Dahil nangako siya.
Tumulo ang kanyang luha nang tinawag ang dalawa sa gitna ng entablado. Hawak-hawak ni Lawrence ang baywang ni Georgina; may binubulong ito sa doktora habang parehong nakangiti. At tuluyang nawasak ang puso ng dalaga nang halikan ni Lawrence si Georgina sa labi.