Chapter 13: Bridge

2162 Words
TUNOG ng isang malakas na pagbasag ng vase ang bumalot sa buong silid. Ang maletang dala-dala ni Magdalene pauwi ay bumagsak sa kama kasama niya. Napatingin siya sa kawalan at hinahabol ang hininga habang sapo-sapo ang dibdib. “Hindi mo pwedeng sabihin ninuman ang iyong nalaman, anak.” Aniya kay Lawrence na ngayon ay ginugulo ang buhok. Matagal ng niyang  tinatago ang lihim na sila lamang ni Governador Sevilla ang nakakaalam. Hindi niya akalain na sasabihin ng Governador ang tungkol dito at mismong kay Lawrence pa. Parehong supporter ng Governador Sevilla ang dalawa. Matalik niyang kaibigan si Josephine noon bago niya patayin ito. “Bakit mo nagawa iyon, Ma?!” sigaw ni Lawrence na siyang nakapagpatalon sa gulat kay Magdalene. Pumikit nang mariin ang ginang habang hawak-hawak nang mariin ang kumot. “Sagutin mo ako, Ma!” patuloy ni Lawrence. Napahilamos siya ng kanyang mukha sa inis. “Anak, huminahon ka—” “Sabihin mo sa akin…” Mahinahon ngunit mariin nitong sabi. Napailing si Magdalene at tumayo. Takot siyang kamuhian ng sariling anak kung nalaman nito ang buong detalye, pero kilala niya si Lawrence. Hindi ito titigil hanggang mapag-alaman niya ang totoo. Naroon rin ang pangamba na baka gumawa ng hakbang ang anak para pagdusahan niya ang kanyang mga kasalanan at pati ang kanyang asawang si Vincent Ortiz, na tahimik na naninirahan sa Pilipinas ay madamay.  “Hindi mo kilala kung ano ang kayang gawin ni Diego Sevilla, anak. Kapag ipinaalam mo ang tungkol dito lalo na sa Papa mo, baka mangyari ang kinatatakutan ko.” Anito. Bumaling si Lawrence sa kanya para salubungin ang naluluhang mga mata ng ina. “Makapangyarihang pamilya ang may hawak sa leeg natin. Pasensya na at nadawit ka, magandang buhay lang ang nais ko para sa ‘yo anak. Hindi ko akalain na pati ikaw ay madadamay ng sekretong iyon.” Patuloy ng ina. Umiling si Lawrence at nanlilisik ang mga matang lumapit sa ina. “Bakit mo pinatay ang kaibigan mo?” ulit nitong tanong dahil hindi dumedirekta ang mga sagot nito. Muling pumikit si Magdalene at umiling. Niyugyog naman ni Lawrence ang balikat nito upang pilitin. “Mababaliw ako kakaisip kung bakit mo nagawa iyon! Ma, ina ni Althea ang binawian mo ng buhay…” Nabasag ang kanyang boses. Dahan-dahang nagsituluan ang kanyang mga luha. Ayaw niyang maging mahina pero hindi niya kayang itago ang ang nararamdaman. “Hindi kayo pwedeng—” “Bakit nga, Ma! Bakit hindi pwede—” “Inutusan lamang ako ni Diego na lasunin si Josephine para patahimikin siya. Pinangakuan niya ako ng magandang buhay kapag nanatili akong tahimik sa mga nalalaman ko kaya tayo nagkaroon ng negosyo sa ibang bansa.” Pahayag ni Magdalene. “Hindi ako kerida ni Diego, anak. Hindi kailanman.” Patuloy niya at sinundan ng pag-iling. Bahagyang umuwang ang labi ni Lawrence sa gulat. “Sabihin natin sa mga awtoridad ang mga nalalaman mo, Ma nang sa gayon ay hindi mo na kailangang magpakaalipin sa kanya—” “Hindi madali para sa akin, Lawrence. Kaya niyang manipulyahin ang lahat kahit si Vincent na siyang humawak sa kaso ni Josephine! Kung gusto mong protektahan ang Papa mo’y wala kang gagawin ni isang hakbang!” pagbabanta ni Magdalene sa kanya. “Tanggapin mo na ganito ang kapalaran natin. Hiwalayan mo si Althea, kung hindi mo gustong pati siya ay madawit sa kaguluhang ito lalo na’t anak siya ni Josephine. Hindi kayo pwedeng magsama, masasaktan si Georgina. Mananagot tayong pareho kay Diego.” Matapang na pahayag ni Magdalene. Unti unting nanghina ang tuhod ni Lawrence at kamay na nakahawak sa magkabilang balikat ng ina. Bumagsak siya sa sahig habang napatingin sa kawalan. Maliit ngunit nakapalupit ng mundo. Ang biktima ng pamilya niya ay ang dalagang napamahal na sa kanya. “May dahilan kung bakit ka inutusan ni Diego na lasunin si Josephine, Ma.” Mahinang sabi ni Lawrence pagkatapos ng sandaling katahimikan. Muling umangat ang kanyang paningin sa ina. Nagbabadya muli ang mga luha sa mga mata ni Magdalene. Dali-dali itong tumalikod at umiling. “Pagod na ako, anak. Kailangan ko ng magpahinga. Ikaw rin, maghanda ka sa susunod na araw para sa inyong pre-nup party ni Georgina.” Nahimigan ni Lawrence sa boses ng ina ang isa pang sekreto. Tuluyan itong lumabas ng silid at pabagsak na isinara ang pinto. Batid niyang sa sekretong iyon ay ang dahilan kung bakit itunusan ang ina ni Diego na lasunin ni Josephine. Malalaman at malalaman niya rin ang kasagutan sa takdang panahon. HINDI siya pwedeng panghinaan ng loob gayong unti-unti na niyang nakokonekta ang nakaraan ng ina at ni Diego Sevilla. May mas malalim pa na dahilan ang lahat. Sa ngayon ay kailangan niyang sumunod sa daloy ng kagustuhan ng dalawa at kapag nagkaroon ng sapat na ebidensya, ay doon lamang siya kikilos. ‘Di na baleng walang makuhang tulong mula sa ina, pagsisikapan niyang makamtan ang katotohanan nang mag-isa, ikakapamahak man ng buhay niya o ng ina ang gagawin. Mananagot ang lahat ng may sala... “Pasensya na, Althea. Maniwala ka man sa hindi, ay para sa ‘yo ang gagawin ko.” Aniya sa kanyang isipan bago itinuon ang paningin sa bagong dating na si Georgina. Gumuhit ang pilit na ngiti nang salubungin si Georgina para bigyan ito ng bulaklak. “Ready na ba ang ating soon-to-be Mrs. Ortiz?” tanong ng makeup artist kay Georgina. Parehong nilang narinig ang tunog ng musika mula sa labas ng backstage. Marami-rami na ang mga panauhin, mula sa mga bigating angkan ng Pilipinas hanggang sa mga pamilya ng mga pulitikong katrabaho ni Diego Sevilla. “Ready na,” narinig ni Lawrence ang sagot ni Georgina. “BAKIT ba ayaw mo ng bumalik sa training mo? Ayaw mo na rin bang gumraduate?” tanong ni Yana kay Althea habang abala ito sa pagbabasa ng libro sa library kung saan siya madalas na pumunta. Tahimik ang bahay-aklatan; si Althea, Yana, at binatilyong nagbabantay lamang ng library ang naroroon. Lumiban na rin si Yana ng training para bisitahin ang kaibigan nang isang linggong ng hindi pumapasok si Althea. Nakasuot pa siya ng kanyang uniporme nang madatnan ang kaibigan sa library. “Umuwi ka na, magdidilim na.” Malamig na sabi ni Althea sa kanya. Huminga nang malalim si Yana at umupo sa tabi niya. “Hindi na talaga kita gets, friend! Noon pa man, active ka sa school. Determinado kang makagraduate tapos ngayon ganito?” nag-aalalang tanong ni Yana.  Mabigat ang mga binti ni Althea na pumasok sa hospital lalo na’t alam niyang makikita niya roon si Georgina at si Lawrence. Mas minabuti niyang magpakalayo-layo para mas madali niya ring makalimutan ang lahat. Wala ring alam ang ama sa kanyang pagbubulakbol na siyang lalong nakapagpabigat sa kanyang damdamin. Bumaba ang paningin ni Yana sa suot na relo nito at napahawak rito. Napansin iyon ni Althea kaya mabilis niyang hinubad iyon at nilagay sa kanyang bag. Kunot-noo siyang bumaling sa kaibigan. “Yana, kung ayaw mong matulad sa akin bumalik ka na sa training mo.” Mariin na aniya. “ Sa susunod na taon maghahanap ako ng ibang hospital.” “Hindi ka naman gipit ano? Para lumiban sa klase. Na-a-afford mo nga ‘yong mamahaling relo e’.” Ani pa ni Yana. “O baka naman may sugar daddy ka, Althea? Binuntis ka ba kaya ka di—” nahinto ang kaibigan sa pagsasalita nang tumayo si Althea habang hawak-hawak ang librong hiniram niya nitong nakaraang buwan. “Wala,” tipid niyang sagot at humakbang palapit sa binatilyo.  “Hindi ako naniniwala. Kung hindi sugar daddy, edi boyfriend?” tanong muli ni Yana at sumunod sa kanya. Umalingawngaw ang kanilang boses sa buong library. Madilim na mga mata ni Althea nang bumaling sa kaibigan na siyang nakapagpatahimik sa kanya. “Umuwi ka na,”  “Paano ka?”  “Kaya kong umuwi nang mag-isa.” Malamig na sabi ni Althea. Kibit-balikat na lumapit si Yana sa kanya at tinapik ang kanyang balikat.  “Mukhang nakakalimutan mong magkaibigan tayo, Althea. Pero kung ‘yan ang gusto mong mangyari, e’ wala akong magagawa.” Sabi ni Yana at ngumiti. “Sige, mauna na ako. Bye my secretive best friend!” kaway niya habang humakbang paalis. Umiling si Althea at nilapag na lamang ang libro sa counter. Habang hinihintay ang binatilyong nagbabantay, napansin niya ang lumang papel na nahulog sa sahig mula sa librong kanyang hawak. Kinuha niya ito at binuklat para basahin ang nilalaman. Agad siyang namangha sa linis ng pagkakasulat sa kabila ng nilulumot at nangingitim na papel.  Mahal kong Leonardo,  Binasa niya ang simula ng liham sa likuran ng kanyang isipan. Hindi natuloy ang pagbabasa nang dumating ang binatilyo. Itinupi niya ito at itinago sa kanyang bulsa. Balak niyang ipagpatuloy ang pagbabasa nito pagkauwi niya sa kanilang bahay. “Mahigit anim na buwan mong hindi nasasauli iyan, binibini. Limampung piso ang singil ko sa ‘yo.” Ani ng binatilyo at naglahad ng kamay.  “Sorry, hindi ko kasi natapos e’ sa sobrang busy.” Ani ni Althea at kumuha ng pera sa pitaka saka ito nilahad sa palad ng binatilyo. Napatingin naman naman ang binatilyo sa kanya, malalim at makahulugan. “Hindi matatapos kung ka maglalaan ng oras para tapusin.” Anito. Umihip ang malakas na hangin na tila nanggaling sa labas ng bahay-aklatan.  “Pasensya na talaga,” malungkot na sabi ni Althea at tumalikod para makaalis na. “Ang tunay na kasiyahan ang nakatakda sa bawat buhay ng tao. Hinihiling kong makamtan mo ito sa tamang panahon, binibini.” Biglang ani ng binata. Napalingon si Althea sa kanya at tipid na ngumiti. Nagtataka kung bakit iyon nasabi ng binata sa kanya. “Mag-iingat ka sa iyong pag-uwi.” Patuloy ng binatilyo at nagsimula muling magkumpuni ng sirang radyo. Tumango si Althea at lumabas na.  DAHIL kulang ang pamasahe ni Althea ay inabot siya ng paglalim ng gabi sa paglalakad makauwi lang sa kanilang tahanan. Nananakit na ang kanyang binti lalo na’t may kalayuan ang bahay nila. Kung hindi niya ibinigay nang buo ang singkwenta ang pera niya kanina sa library ay tiyak na kanina pa siya nakakapahinga sa kwarto niya. Umiihip ang malakas at malamig na hangin ng dumaan siya sa tulay. Wala masyadong dumadaan sa sasakyan roon at walang poste ng ilaw na siyang dahilan kung bakit sobrang dilim ng paligid. Binilisan niya ang kanyang paglalakad nang binalot siya takot sa isang iglap. “Althea Lleste,” Nahinto siya nang marinig ang boses ng isang lalake. Tinakpan niya ng kanyang palad ang kanyang mukha nang mahagip ang malakas na ilaw mula sasakyan. Lumabas doon ang lalakeng tumawag sa kanyang pangalan. Dahil nakatalikod ito sa ilaw ay hindi niya agad ito namukhaan. Hanggang ito’y nakalapit ilang pulgada ang layo mula sa kinatatayuan niya. May dala-dala itong bote ng alak at tila lasing na lasing. Kung hindi siya nagkakamali ang lalakeng iyon ay nakita na niya noon sa isang restaurant kasama ang isang babaeng bumati kay Lawrence. Kung hindi siya nagkakamali ay isa ito sa mga kaibigan ni Lawrence.  “Max nga pala,” naglahad ng kamay ang binata pero hindi ito tinanggap ni Althea. Bigla itong tumawa at uminom muli ng alak. “Ikakasal na si Lawrence at Georgina. Sa wakas! Sasaya na ang pinakamamahal ko pero ako itong malulungkot.” Anito at nagkunwaring umiyak. “L-lasing ka na ata, Sir.” Nauutal na sabi ni Althea. Napatras siya nang humakbang palapit sa kanya ang lalake hanggang maramdaman niya ang railings ng tulay sa kanyang likuran. “Pero hindi sasaya nang buo si Georgina kung ikaw ang laman ng isip at puso ni Lawrence.” Seryosong sabi nito at mapupungay ang mga matang tumingin kay Althea. “Kaya kailangan mong mawala,” Namilog ang mga mata ni Althea sa takot sa huli nitong sinabi. Akmang siyang tatakbo nang inihampas ni Max ang hawak na bote sa ulo ni Althea. Nawalan ng balanse ang dalaga sa sobrang lakas ng pagtama nito dahilan ng paglibot ng kanyang paningin. Hinawakan siya sa kwelyo ni Max, inangat at saka inihulog sa tulay ang kanyang katawan. Napatingin si Althea sa ginoong nakadungaw lamang sa kanya nang naramdaman ang pagbagsak ng katawan sa malamig na tubig.  Katapusan na nga ba niya ito? Dito na ba siya mamamatay? Tanong niya sa kanyang sarili sa mga oras na iyon. “Althea,” narinig niya ang boses ng isang dilag sa ilalim ng tubig. Lumalabo man ang paningin ay naalinag niya ang dalaga na lumalangoy patungo sa direksyon niya. Paano ito nakakapagsalita sa ilalim ng tubig? “Katulad ng aking sinabi, ang kapalaran mo ay kapalaran ko rin.” Hinawakan siya sa magkabilang pisngi ng dalaga at bago pa man mawalan nang tuluyan ng malay ay narinig niya ang huling sinabi nito. “Maaari mo bang ibigay ang liham kay Leonardo?”  Paano niya magagawa iyon kung sa tingin niya bukas makalawa ay paglalamayan siya? At sino si Leonardo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD