Chapter 3: Memory of the past

2625 Words
PANAY tingin ni Althea sa labasan ng ward kung saan nagtuturo sa kanila ang isang head nurse tungkol sa schedule ng gamot ng bawat pasyente. Maya maya’t napapikit siya nang mariin sa takot na baka magkasalubong ang landas nilang dalawa ni Lawrence.  Nahihiya siyang humarap dito dahil sa ginawa niyang pag-akusa sa ginoo sa library kahapon. Hindi siya halos makatulog kagabi at hindi rin niya maituon ang atensyon sa training kakaisip sa nangyari.  “Althea, okay ka lang ba? Kanina ka pa tinatanong ni nurse kung naiintindihan mo, panay tango mo e’ madalas namang nagtatanong ka kahit na sigurado.” Bulong ni Yana sa kanya pagkatapos. “Maayos lang ako, ‘wag mo akong alalahanin.” Ani ni Althea at ngumiti sa kaibigan.  Papasok na sana silang dalawa sa emergency room nang maalinag ni Althea ang pamilyar na mukha ng isang lalake. Si Lawrence! Ani ng kanyang isipan, natigilan siya sa paglalakad at napasinghap sa gulat. Nang bumaling si Lawrence sa gawi niya ay agad siyang umiwas ng tingin at naglakad sa ibang direksyon, papunta sa Canteen. “Hoy, Althea, saan ka pupunta?” tanong ni Yana na nagtataka. Ilang oras pa lang ang lumipas nang matapos silang kumain ng agahan at imposibleng gutumin siya ulit.  “Mag ce-CR lang, sumakit ata ang tyan ko.” Alibi niya sa kaibigan at mabilis na naglakad papasok ng Canteen. Mas lalong nagtaka si Yana dahil ang direksyon ng C.R. ay isang sulok na katabi lamang ng Emergency Room. Narinig naman ni Lawrence ang palitan ng salita ng magkaibigan sa labas ng Emergency Room. Palihim siyang natawa. Alam niyang nahihiya si Althea sa kanya dahil sa nangyari sa Library, hindi naman niya lubos na akalain na hindi pa nalilimutan ni Althea ang nangyari sa pagitan nilang dalawa.  “Bakit ka nakangiti?” tanong ni Georgina sa kanya nang maalinag niya ang ngiti ni Lawrence matapos asikasuhin ang bagong pasyente niya.  Pinuntahan siya ni Lawrence sa hospital para dalhan ito ng makakain. Madalas niya itong gawin sa nobya sa tuwing nagbabakasyon siya sa Pilipinas. Malaki ang naipundar na negosyo ng kanyang ina sa ibang bansa matapos maghiwalay ang kanyang mga magulang, kung kaya’t bihira lamang siya makabisita sa Pilipinas dahil sa pagiging abala sa negosyo.  “Sino nga ulit ‘yong babaeng nakasama no’ng isang araw pauwi?” tanong ni Lawrence sa Fiancee. “Si Althea Lleste, bakit?” tanong ni Georgina sa kanya habang abala ito sa panibagong syringe na itutusok sa pasyente. “Wala naman,” sagot ni Lawrence at sandaling natigilan. “Althea,” bulong niya sa at muling ngumiti sa kawalan. MATAPOS ang isang araw na pag-iiwas na makasalisi ang binata sa hospital ay tumungo siya muli sa bahay aklatan na madalas niyang puntahan para humiram ng libro. Naroon ang binatilyong nagbabantay na nagkukumpuni ng isang radio. Napatingin ito sa kanya kaya niya ito ningitian. Katulad ng parati niyang nadadatnan, tahimik ang lugar at nabibilang lamang sa daliri ang mga bumibisita para magbasa. Mukhang wala naman itong balak ipasara ng may-ari kahit maliit lamang ang kinikita at pinaglumaan na ng panahon ang disenyo. Pumunta siya sa estante para pumili ng libro. Naenganyo si Althea sa lugar dahil bukod sa tahimik, ang mga libro ay halos pinaglumaan na ng panahon. Nararamdaman niya sa kanyang palad ang makapal na alikabok sa tuwing pinagsasadahan niya ng kanyang kamay ang bawat libro sa estante.  “You should read ‘etiquettes in the library’,” napatalon siya sa gulat nang marinig ang boses ng isang ginoo sa kanyang giliran. Mabilis siyang lumingon dito at halos lumabas ang kanyang puso sa sobrang bilis at lakas ng pagtahip nito. Kinuha ni Lawrence ang librong tinutukoy niya at ibinigay kay Althea na siyang tinanggap naman niya. “Anong ginagawa niyo po rito?” tanong ni Althea na ngayon ay bakas pa rin ang pagkabigla sa kanyang mukha. Huminga nang malalim si Lawrence at naghanap din ng libro sa estante. “Kasama ko si Yieshi, ang batang napagkamalan mong kabit ko.” Sabi niya at ngumuso. Halos dumugo ang labi ni Althea sa sobrang pagkagat niya rito dahil sa kahihiyan. Hindi pa rin pala nakalimutan ni Lawrence ang pangyayari kahapon. Kung sana ay naging maingat siya at hindi agad nanghusga, “Pasensya na, Sir. Akala ko lang talaga ‘yon, alam niyo naman idol ko si Dra. Georgina at hindi ko gusto na nasasaktan siya.” Sambit niya rito. “Idol?” tanong ni Lawrence na ikinatango naman ni Althea.  “Idol ko po ang fiancee ninyo. Maganda po siya at maraming alam sa larangan ng medisina.” Nakangiting sabi ni Althea. Tumango naman si Lawrence, tumalikod nang may makuhang librong nais basahin. Tila ayaw pag-usapan ang tungkol sa kanyang kasintahan. Napatingin naman si Althea sa kanya. Tinulak niya ang wheelchair kung saan nakaupo si Yieshi papunta sa mga mahabang mesa. Bumaba ang paningin niya sa paa ni Yieshi, normal lamang ang hitsura nito katulad sa mga batang nakilala niya.  “Pasensya na po talaga, sir.” Muling panghihingi ng paumanhin ni Althea at sumunod sa kanila.  “Sino siya, kuya?” tanong ni Yieshi kay Lawrence. Napangiti si Lawrence sa batang dalaga at umupo sa tabi niya.  “Naalala mo ba ‘yong baliw na bigla biglang nagsisigaw kahapon rito?” tanong ni Lawrence sa kanya habang naglilipat ang mga pahina ng libro. Tumango naman si Yieshi at napaangat ang paningin kay Althea. “Siya ‘yon,” patuloy ni Lawrence. Napaatras naman si Althea at nahihiyang ngumiti. “Ah eh, hi! Ako nga pala si Althea. Uh, kapatid mo ba sir?—” “Kaibigan,” si Yieshi ang sumagot. Napataas ang kilay si Lawrence at bumaling sa kanya na nakanguso. Tila nagpipigil ng tawa. Tumango naman si Althea at muling bumalik sa estante para pumili ng libro. Naisip niyang hindi pa niya gustong umuwi. Ano ang gagawin niya sa bahay? Kung narito naman si Lawrence sa library, kasama nga lang ang isang batang babae na hindi niya pa nakikilala. Napapikit nang mariin si Althea, hindi niya gusto ang naglalaro sa kanyang isipan. Hindi siya maaaring magka interes sa taong itinadhana sa iba ngunit hindi niya kayang pigilan ang sarili. Ngayon lang naman, bukas hindi na. Aniya sa isipan. Kumuha siya ng libro na tungkol sa pag-ibig ng isang heneral at babeng mula sa pamilyang kabilang sa Alta-sociedad noong panahon ng espanyol. Bumalik siya sa mesa kung saan naroon ang dalawa. Tinuturuan ni Lawrence tungkol sa pag ne negosyo si Yieshi. Inilapag ni Althea ang libro at umupo sa harap ni Lawrence. “Mahilig ako talaga ako sa historical romance, pakiramdam ko kasi ako ‘yong bidang babae na nakapaloob sa kwento.” Pahayag niya at ngumiti. Natahimik ang dalawa at napatingin sa kanya. Si Yieshi ay tila namumutla at walang emosyon ang mukha. Bakas nga sa kanyang hitsura na mahina siyang bata. “Kuya, inaantok na ako.” Ani ni Yieshi, dinedma ang pahayag ni Althea. Tumango si Lawrence at tumayo saka tinulak ang wheelchair ni Yieshi. Napabuntong hininga na lamang si Althea at bumagsak ang balikat habang tinitingnan palabas ang dalawa. Gusto lang naman niyang maging kaibigan si Lawrence, pero aminado siyang may higit pa sa kaibigan ang gusto niyang mangyari. Ngunit alam niya rin sa sarili niyang wala siyang pag-asa.  Matamlay siyang pumunta sa binatang nagbanantay at hiniram ang librong binabasa niya. “Ito ang balak kong hiramin noong isang araw.” aniya sa binata at tumango naman ito.  “Ibalik mo pagkatapos ng linggong ito,” ani ng binata. “Binabalik ko naman lahat ng librong hinihiram ko,” bulong ni Althea sa sarili bago naglakad palabas ng library. Bago pa siya tuluyang maramdaman ang malamig na hangin sa labas ay narinig niyang nagsalita ang binata.  “Tiyak na hindi magiging maganda ang bunga kung sakaling magpadalos dalos ka sa iyong desisyon, binibini.”  Napatingin ito sa binatilyo ngunit pinagkibit balikat lamang ni Althea ang mga sinabi nito.  Maraming dumaraan na mga sasakyan, ang ingay mula sa busina ang sumalubong sa kanya at ang polusyon na humahalo sa malamig na hangin. Tinakpan niya ang kanyang ilong at balak sana niyang tumawid kung hindi lang siya hinarang ng isang pamilyar na sasakyan. Bumaba ang bintana nito at agad na nagtama ang mga mata nilang dalawa ni Lawrence. “Sumabay ka na,” ani ng ginoo. Sumilip siya sa loob at naalinag niyang si Yieshi ay nakaupo sa likuran ng sasakyan. Nahihiya man, hindi niya makubli ang totoong nararamdaman. “Okay lang,” pagtanggi niya. “Hindi okay sa akin,” ani ni Lawrence. “Hindi ako aalis rito kung hindi ka sasakay.” Patuloy pa nito. Bumaling siya muli kay Yieshi na inaantok na ang mukha. Naawa siya sa bata, mabilis siyang umikot sa harap ng sasakyan at pumasok sa tabi ni Lawrence.  Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isipan kung bakit siya tumabi sa ginoo. Tila nakalimutan rin ang hiya sa pagkakataong iyon. NAUNANG inihatid ni Lawrence si Yieshi sa bahay nito. Halos mabingi naman sa matinding katahimikan si Althea namumuo sa kanilang dalawa habang papasok sa daang patungo sa kanilang bahay. Si Lawrence ay tahimik naman na nagmamaneho. “Paano kayo nagkakilala ni Yieshi?” biglang tanong ni Althea upang hindi mamuo ang ilang sa pagitang nilang dalawa. “Pasyente siya ni Georgina,” tipid na sagot naman ni Lawrence. Tumango si Althea, kung gayon, malapit din ang batang babae sa Doktora. May namuong dismaya sa kanyang dibdib nang marinig na isinambit ni Lawrence ang pangalan ng nobya. “Dito na tayo,” patuloy ng binata at huminto sa tapat ng bahay nina Althea. Dali daling kinalas ni Althea ang kanyang seatbelt at nang bubuksan na sana ang pinto ay mabilis siyang pinigilan ni Lawrence sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang braso. Nagtataka siyang lumingon sa ginoo. “S-sir,” “You like me, don’t you?” biglang tanong ni Lawrence na siyang ikinagulat nang husto ni Althea. “Nakikita ko sa mga mata mo kahit hindi mo sabihin.” Kuminang ang hikaw sa isang tenga ng binata. Doon lang napansin ni Althea na may suot suot itong maliit na hikaw na hugis ekis.  “T-teka,” “Wala kang pasok bukas, hindi ba? Nakita ko ang schedule mo kanina,” napalunok si Althea at napaiwas ng ng tingin nang mapunang sobrang lalim ng paninitig ni Lawrence sa kanya. “Nine am bukas. Aantayin kita sa library.” Patuloy ng binata at binitiwan na nang tuluyan si Althea. Hindi halos makagalaw si Althea sa pagkagulat hanggang tuluyan siyang nakalabas ng sasakyan. Batid niyang hindi normal ang t***k ng kanyang puso ngunit hindi niya ito kayang pigilan. Umalis na ang sasakyan ngunit ang paa niya’y napako pa rin sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya gustong masaktan ang idolo niyang si Dra. Georgina, siya mismo ang nagtanggol nito nang naakusahan niya ang nobyo nitong si Lawrence kahapon ngunit siya rin pala ang gagawa ng maling bagay na iyon. Napailing siya upang iwasiwas ang nasa isipan, “Baka gusto lang makipagkaibigan? Ikaw talaga, Althea. Kahit ano ang iniisip mo.” Aniya sa kanyang sarili bago pumasok ng gate. Nakakubli ang ngiti sa kanyang labi nang hindi maalis sa kanyang isipan ang pagtanong sa kanya ni Lawrence kung may gusto siya rito. PAGKATAPOS mag-aayos at magsuot ng pantulog, agad na umupo si Althea sa kanyang higaan at binuksan ang ilaw sa giliran nito.  “Matulog ka na, Althea. Magpahinga ka nang maayos. Alam kong pagod ka.” Narinig niya ang turan ng kanyang ama sa labas ng pinto pagkatapos nitong kumatok nang tatlong beses. Napatingin siya sa gatas na katabi ng ilaw. Ang kanyang ama ang naglatag no’n. Madalas itong gawin ng ama simula noong nawala ang kanyang ina. Kinuha niya ito at ininom, kahit pa matabang ay inubos niya pa rin ito. Hindi pa rin nakukuha ng kanyang ama ang nais na tamis ng gatas, ‘di tulad ng timpla ng kanyang ina. Inilapag niya ang walang laman na baso at humiga na sa kama. Mayamaya pa’y bumigat ang kanyang talukap at tuluya siyang dinalaw ng antok….  Nakatayo sa ilalim ng isang punong mangga si Althea. Maaliwalas ang panahon at katamtaman ang lamig ng hangin. Nakasuot siya ng puting baro at sa loob nito ay kamison. Sa ibabaw naman ng kanyang kulay kayumangging saya ay isang manipis na tapis. May dala dala siyang bayong na naglalaman ng kanyang iba pang kasuotan.  Bumaling siya sa pintuan nang marinig ang isang mabilis na paghakbang ng dalaga. Sinalubong siya ni Betina na may ngiti sa kanyang labi at hinawakan nito ang kanyang braso upang hikayatin siya papasok ng mansyon. “Trianna, Ika’y iniimbitahan sa loob. Nais kang makilala ni Senyorita Paloma.” Magiliw na anito. Inilibot ni Althea ang kanyang paningin sa buong lugar: Abala ang mga kasambahay sa pagpapakintab ng sahig gamit ang bunot. Ang silya at aparador nama’y mabusisi at maingat na pinupunasan ng isa pang kasambahay. Hindi matigil ang isang ginang na tila mayordoma sa mansyon sa pagbibigay ng tagubilin sa mga dalagang naglilinis. “Malapit na ang pista ng bayan, nais sana kitang imbitahan ngunit tila sa makalawa ay dito ka na titira.” Patuloy ni Betina. Napahinto sila sa tapat ng isang hagdan nang naglakad dito paibaba ang isang magandang dilag. Magara para sa isang normal na kababaihan. Ang suot niyang sapatilla ay hindi nabibili sa murang bilihan. Ang suot suot na kwintas ay isang tanda na siya ay nanggaling sa pamilyang kabilang sa alta-sociedad. May hawak hawak siyang nakasarang abaniko. Mayumi, malamig ang mga mata, at tahimik ito sa kabila ng pagiging maganda. “Magandang umaga Senyorita. Nais ko sanang ipakilala sa inyo si Trianna Alcantara, siya ang papalit kay Seleste.” Masayang pakilala sa kanya ni Betina.  Bahagyang napangiti sa kanya si Paloma. “Ako’y nakakatitiyak na hindi ninyo pagsisisihan ang pagtanggap sa kanya. Siya ay nanggaling sa Nueva Fernandina, ang lugar ng mga masisipag.” Buong pusong pagpapakilala sa kanya ni Betina.  “Aking aasahan ang iyong mga sinabi, Betina.” Bumaling si Paloma sa kanya. “Siya ay ihahabilin ko sa iyo. Sapagkat, kami ng aking asawa ay sasadya sa bayan ngayong araw. Bukas ng takipsilim ang aming balik.” Patuloy ni Paloma. “Masusunod po, Senyorita.” Bumaba nang tuluyan sa hagdan si Paloma. Napatigil lamang ang dalawa sa hagdan nang makasalubong ang pegura ng isang ginoo sa kanilang harapan. Napaangat ang mukha ni Althea at natigilan. “Leonardo, nakahanda na ang karwahe sa labas. Kanina pa naghihintay sa inyo ni Paloma ang kutsero.” Naiinip na ani  ng isang matandang binibini habang pinapaypay nang malakas ang abanikong hawak sa sarili.  “Ako’y lalabas na, Ina.” Baritonong saad ni Leonardo. Tumabi ang dalawa upang bigyan ng daan si Leonardo.  “Ako’y nababahala sa ‘yo. Ako’y nakatitiyak na hindi ka titigilan ng sermon iyan ni Donya Martina. Hindi hamak na mas kaakit akit ang iyong kagandahan kumpara sa kanya.” Bulong ni Betina. “Sermon?” tanong ni Althea. “Oo! Aking napag-alaman na bihira lang maging mabait ang matandang iyan at madalas ay sa mukha pang mga bisugo.” Tinakpan ni  Betina ang kanyang labi nang ngumisi.  “Maaari ko bang malaman kung sino ang lalakeng iyan?” tanong ni Althea at napatingin kay Leonardo. “Siya ang asawa ni Senyorita Paloma, Leonardo Martinez ang kanyang buong pangalan.” Sagot naman ni Betina sa kanyang tanong. Hindi maalis ang kanyang mga mata kay Leonardo hanggang tuluyan itong lumisan ng mansyon. Tila matagal nang kilala ni ni Althea ang ginoong iyon. Magkaiba lamang ang pananamit nito sa lalaking madalas niyang makita at walang hikaw na hugis ekis sa kaliwang tenga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD