Chapter 4: His Invitation

1862 Words
MARAMING beses na magkaroon ng weirdong panaginip si Althea simula noong nakapagtapos siya ng kolehiyo. Tila ang panaginip na iyon ay isang alaala ng ibang tao ngunit hindi niya naman alam kung sino. Noon ay pinapangambahan niya pero ngayon ay nasanay na siya. “Uminom na ba kayo ng gamot?” tanong ni Althea sa kanyang ama nang umupo ito sa kanyang harapan. Araw-araw umiinom ng gamot si Nestor Lleste, ang kanyang ama ng gamot para lumakas ang kanyang pakiramdam sa kabila ng karamdaman sa paa. Nangyari ito noong nagsuicide ang kanyang inang si Josephine Lleste taong 2010. Dahil sa gulat ay nagkaroon siya ng mild stroke sanhi ng pagka-paralyze ng kanyang isang paa.  “Huwag mo akong alalahanin. Kung hindi ako umiinom edi sana matagal ko nang sinundan ang Mama mo sa langit.” Biro ni Nestor sa anak. Napangiwi si Althea at natigilan sa pagkain. Hindi niya gustong pag-usapan ang kanyang ina lalo na’t sinisisi pa rin nito ang ama sa pagkamatay ng kanyang ina.  “Kung hindi mo lang pinabayaan si Mama, wala ka namang susundan sa langit, Pa.” Pabalik na biro ni Althea sa kanyang ama na siyang ikinatigil ng pag ngisi naman ni Nestor. Nagkaroon ng matinding katahimikan at tanging tunog lamang ng kubyertos ang namamayani sa hapag kainan.  “Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na hindi ko pinabayaan ang Mama mo? Hindi nga sigurado kung suicide ang sanhi ng pagkamatay niya, kilala ko ang Ina mo, Althea, kilala ko ang asawa ko.” Mariing tanggi ni Nestor sa paratang ng anak. “Malinaw ang kaso ni Mama, Uminom siya ng nakakamatay na gamot. Hindi porket bata pa ako noon ay hindi ko na maintindihan ang nangyari, Pa! At alam mo ba kung bakit niya ginawa iyon? Noon pa man, problema na sa inyo ang pinansyal!” hindi mapigilan ni Althea ang sarili. Halos lumabas ang ugat sa kanyang leeg kasabay ng pamumula ng kanyang mukha dahil sa galit. “Althea, hindi mo alam—” “Kung gano’n ano? Paano mo nasabing hindi nagpakamatay si Mama dahil sa ‘yo?” umiling na lamang si Nestor at yumuko para ikalma ang sarili sa galit ng anak. Kahit siya ay hindi niya maipaliwanag nang husto ang nangyari dahil hindi naman niya natukoy kung ano ang buong sanhi  sa pagpapakamatay ng asawa, hindi rin matibay ang ebidensya. Dahil walang sapat na salapi at kakayahan ay hinayaan ni Nestor na maisara ang kaso na hindi nabigyan ng tunay na hustisya ang asawa hanggang ngayon. Sigurado si Nestor bilang asawa ni Josephine, ay hindi nito kayang sumuko sa problema at ang pagkakamatay ay napaka imposible nitong gawin. “Kilala ko ang Mama mo. Kilalang kilala,” ani ni Nestor.  Napangisi at napailing si Althea, “Tang inang rason ‘yan,” anito. Lumabas ng pinto si Althea, doon napansin ni Nestor na nakaayos ito at mukhang may pupuntahan. Hindi naman niya natanong kung saan siya pupunta dahil lumabas na ito nang tuluyan sa gate. Napailing na lamang sa dismaya si Nestor at napatingin sa litrato ng asawa. Si Josephine ay dating taga suporta noon ni Governor Diego Sevilla, ang may ari ng hospital na pinagte-train ngayon ni Althea at ang ama ng kanyang idolong si Dra. Georgina Sevilla. Humingi siya ng tulong noon sa governor upang bigyang hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawa, tinulungan siya nito ngunit mga ilang taon matapos maluklok bilang Governor ay dito napag-alamang suicide ang sanhi ng pagkamatay ng asawa. Kahit ang kaibigang si Vincent Ortiz na siyang nag imbestiga sa kaso ay nagtaka kung bakit biglaan ang pagdeclare ng suicide case ni Josephine Lleste. Nais sana ni Nestor muling buksan ang kaso ngunit wala siyang sapat na pera para gawin iyon. Aasa siya balang araw na makakamit nila ang hustisya at malalaman niya ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ng asawa. Baka rito ay may mapatawad siya ni Althea. TUMUNGO si Althea sa Library at sa isang tagong sulok ay doon niya inilabas ang sama ng loob niya. Panay punas niya sa kanyang luha at halos hindi pumasok sa utak ang kanyang binabasa. Narinig niya ang pag-andar ng electric fan na itinapat sa kanya ng binatilyong nagbabantay ng Library.  “Mainit riyan at gusto ni Sir Lawrence na maging komportable ka sa pwesto mo.” Anito. Mabilis siyang tumayo nang marinig ang pangalan ng binata. Nahihiya siyang humarap nang maalinag ang katawan ni Lawrence na nakatayo lamang sa kanyang likuran.  Hindi siya nakapag-ayos nang mabuti sa kanyang mukha. Sigurado kapag humarap siya ay namumutla ang kanyang labi dahil nakaligtaan niyang maglipstick sa pagmamadaling umalis kanina ng bahay. Lumapit naman si Lawrence sa kanya at tumabi. Napabaling siya sa likuran nito upang tingnan kung may kasama ba siya o wala. “Kasama ni Yieshi ang tutor niya ngayon sa bahay nila kaya hindi ko na sinama.” Turan ni Lawrence kahit hindi pa nakakapagtanong si Althea sa kanya. Muling umupo si Althea sa maliit ng upuan habang si Lawrence naman ay sa sahig at nakasandal silang dalawa sa pader na may maliit na butas bilang disenyo. Ang electric fan ay malakas na nilulugay ang kanilang buhok. Walang katao tao si Library katulad na inaasahan ni Althea, kung mayroon man ay umaalis din agad. Hindi katulad niyang halos gawin itong bahay tuwing masama ang kanyang kalooban sa kanyang ama. “Baka lamigin ka diyan, Sir.” ani ni Althea. Hindi naman pinansin ni Lawrence ang mga sinabi niya at kinuha na lang ang libro sa kanyang mga hita.  “Kanina ka pa rito? Nadatnan kitang umiiyak, may problema ka ba?” tanong ni Lawrence habang binabasa ang likuran ng libro.  “Wala, hindi mo kailangang malaman, Sir.” Ani ni Althea at ngumiti sa kanya. Umangat ang paningin ni Lawrence sa kanya at tiningnan siya nang mabuti. Hindi talaga makatagal si Althea sa mga malamig at mapanuring mga mata ni Lawrence, tila ba hinuhukay nito pati ang kinalaliman ng kanyang puso. Gwapo si Lawrence, matangos ang ilong nito at maganda ang hubog ng kanyang labi kaya mas lalong nakakailang sa tuwing nagtatama ang mga mata nilang dalawa at kapag nagiging malapit sila. “Sabagay, sino ba ako sa buhay mo para ipaalam sa akin ang pribadong buhay mo.” Ani ni Lawrence, itinaas niya ang kanyang isang tuhod at ipinatong sa hita nito ang librong hawak. “Siguro ngayon, wala pa akong significance pero someday… Malay natin.” Patuloy niya at nagkibit balikat. Kumunot naman ang noo ni Althea, hindi maintindihan ang ibig na ipahiwatig ng binata. Huminga na lamang siya nang malalim. Pinamulahan siya ng pisngi nang muli niyang naalala ang pagtanong ni Lawrence sa kanya kung may gusto siya rito kagabi. Para iwasiwas at hindi mahalata ni Lawrence ang bigla niyang pag kilig ay hindi sinasadyang naibahagi niya ang kanyang problema sa taong ilang araw niya pa lang nakikilala, “Hmm, hindi maganda ang relasyon namin ni Papa. Alam mo na, mayroon kaming hindi pagkakaintindihan simula nang namatay si Mama noong fifteen years old pa lamang ako.” Malungkot na pahayag ni Althea. Tumango si Lawrence ngunit ang kanyang mga mata ay nasa libro at sa paglilipat ng pahina nito, “Katulad pala kayo ng dinanas ni Yieshi, pero mas malala ang nangyari sa buhay niya. Namatay ang kanyang mama noong sanggol pa lamang siya, sumunod ang kanyang Papa taon 2010 dahil sa isang aksidente.” Kwento naman ni Lawrence. “Kawawa naman pala si Yieshi, wala nang mga magulang.” Tumango si Lawrence at napangiti sa kanya. Muling umiwas ng tingin si Althea sabay kagat ng kanyang labi. Maya maya pa’y kinuha niya ang kanyang upuan at umupo na rin sa sahig, mga tatlong ruler ang pagitan nilang dalawa ni Lawrence. Dumekwatro siya ng upo sa at pinagsalikop ang mga kamay. “Oo, kalaban dati ni Governor Diego Sevilla dati ang papa niya sa pulitika.” Ani ni Lawrence. “Si Theodore Ignacio,” napaangat naman ang mukha ni Althea at napangiti. “Ang mama ko naman ay dating supporter ni Gov,” masayang sabi ni Althea, hindi niya akalain na konektado rin pala ang kanyang buhay sa buhay ni Yieshi. Inaalala ang panahong sumasama siya sa kanyang ina sa pangangampanya para sa ama ni Georgina Sevilla. Masaya noon, kahit saang lugar ay pinupuntahan nila. Hindi niya iniisip ang pagod at init ng panahon. Nagkatinginan sila ni Lawrence. “Ano ang pangalan ng Mama mo?” “Jose—” hindi natuloy ang pag-tugon ni Althea nang makarinig sila ng malakas na pagbagsak ng isang makapal na libro. Sabay silang napatingin sa direksyon nito na siyang inayos naman agad ng binatilyong nagbabantay ng library sa estate. Nagkatinginan silang muli ni Lawrence, mahina namang tumawa si Althea para iwasiwas ang hiyang biglang namagitan sa kanilang dalawa. “Hindi ba dapat magpasalamat ka dahil buhay pa ang Papa mo.” Biglang sabi ni Lawrence at ipinakita sa kanya ang isang pahina ng libro. “Baka maging katulad ka ng bidang babae rito. Sumasama sa pag-aalsa laban sa gobyerno kaya kinarma nang namatayan ng magulang.” Napasinghap naman si Althea at hinampas si Lawrence sa braso. “Spoiler ka naman, Sir!” singhal niya sabay tawa. Lumabas ang biloy sa magkabilang pisngi ni Lawrence nang matawa siya sa reaksyon ni Althea.  “Namatay rin ang bidang lalake dito dahil sa pagliligtas sa kanyang nobyang sumasama sa rebolusyon.” Patuloy na pagspoil ni Lawrence. Napabusangot si Althea at napatitig na lamang sa unahan. Hindi pa siya nangangalahati sa libro at may isang taong mag ku kwento sa kanya tungkol sa buong nangyari. “Mostly sa mga babaeng katulad ninyo, nasisira ang expectation ninyo sa libro sa tuwing namamatay ang bidang lalake.” Patuloy ni Lawrence. “Ibahin mo ako, Sir. Kung may kabuluhan ang pagkamatay ng isa sa mga bida. Kung ang magiging sanhi ay maganda para sa isa pang bida, bakit naman ako malulungkot at maiinis sa ending? Mas maganda nga ‘yon e’ may justification ang kwento at hindi naman lahat ng karakter sa kwento dapat masaya hanggang wakas, minsan ang iba riyan ay instrumento lang para pagtibayin ang main Character. ‘Di po ba?” Nakangiting pahayag ni Althea. Nagkatinginan silang muli ni Lawrence. Napataas ang isang kilay ni Althea dahil sa biglaang pagiging tahimik nito. “Napagaan ko ba ang loob mo?” tanong sa kanya ni Lawrence. Muling ngumiti si Althea. Kahit ang presensya lang ni Lawrence ay sapat na para sa kanya. Tumango siya bilang tugon. Sa unang pagkakataon, hindi lang isang libro ang nakapagpagaan ng loob niya kung hindi ay isang tao— si Lawrence na hindi niya akalain na makakausap niya nang matagal at makakasama sa iisang lugar. “Malapit na ang lunch. Gusto mo na bang kumain?” tanong ni Lawrence sa kanya. “Saan naman, Sir? Pwede bang huwag sa mamahalin?” nahihiyang ngisi ni Althea. “Sa condo ko lang tayo. Ipagluluto kita.” Anito at hinigit ang kamay ni Althea. Gusto niyang tumanggi pero paano? Kung kabaliktaran ang sinisigaw ng kanyang puso. Hindi niya mahabol ang bilis ng tahip ng dibdib habang tinititigan ang nakasalikop nilang palad habang sila’y palabas ng library.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD