MABILIS niyang tinakbo ang hallway para at dali daling nakapag attendance nang makarating sa kanilang meeting room. Hinihingal si Althea habang nagsusulat ng kanyang pangalan nang lumapit si Yana sa kanya.
“Saan ka nanggaling kagabi? Hinahanap ka ng Papa mo, hindi ka daw umuwi.” Bulong ni Yana sa kanya. Hindi pa nakapag-usap si Althea at ang kanyang ama nang dumaan siya sa kanilang bahay kanina bago siya tumungo sa hospital. Natutulog pa kasi ito sa salas at mukhang hinihintay naman siyang dumating. “At ngayon late ka pa, I smell something fishy.”
Napalunok si Althea at bumaling sa kaibigan. “Uh… Ano. Nakatulog ako sa library sa sobrang lakas ng ulan.” Pagdadahilan niya. Tumango si Yana pero bakas sa kanyang mukhang hindi siya naniniwala rito.
Pumasok si Dra. Georgina sa silid. Mabilis ang pintig ng puso ni Althea nang makita ang kalmado at magandang hitsura ng dalaga. Tinitigan niya ito mula ulo hanggang paa habang nagsasalita ito sa kanilang harapan. Huminga siya nang malalim para alisin ang insecurities sa kanyang katawan. Mahal siya ni Lawrence, may nangyari sa kanila kagabi, sigurado siya roon at kung mahal niya ang doktora bakit nagawa niyang pagtaksilan ito. Kung titimbangin, mas nakakahihigit siya.
Mga ideyang ito ay ang naglalaro sa kanyang isipan. Hindi siya dapat panghinaan ang loob sa tuwing nakakaharap si Georgina. Lamang lamang siya sa estado sa buhay, nag-iisang anak ng gobernador, doktora, maganda, matalino, at fiancee ni Lawrence. Kapag siya ay nakapagtapos ng pag-aaral, determinado siyang higitan ang doktora gamit lamang ng sariling pagsisikap. Tila nawala ang paghanga niya sa doktora at tanging selos lamang ang bumabalot sa kanya.
“Althea Lleste, do you get me?” tanong ni Georgina sa kanya na siyang nakapagpabalik sa kanyang ulirat.
“Opo, Doktora.”
“Good. Mukha ka kasing wala sa sarili nitong nakaraang araw.” Aniya. Napabaling din sa kanya ang kanilang adviser at pinanlisikan ng mata si Althea. Matapos magbigay ng further instruction sa gagawin ngayong araw ay lumabas na nang tuluyan ang doktor sa silid kasama ang kanilang adviser.
“May tea ako,” bulong ni Yana habang naglalakad sila sa hallway patungo sa ward kung saan sila naka destino. “Kilala mo ba ang nobyo ni Dra. Georgina? Lawrence ata pangalan no’n.”
Napabaling si Althea sa kanya. “Bakit?”
“Ang usap usapan, babaero raw ‘yon! Nakakailang babae na raw habang nasa abroad, kapag malayo kay Doktora. Kahit noong bago pa naging sila, mahilig na raw iyon sa mga babae.” Mariing bulong ni Yana sa kanya.
“Yana, wala kang sapat na pruweba.” Tanggol ni Althea kay Lawrence. Hindi siya naniniwala sa sinasabi ng kaibigan. Kung usap usap malaki ang posibilidad na hindi totoo at haka haka lamang.
“Nako talaga, napakaraming matinong lalake riyan. Bakit hindi niya piliin iyong mga katulad niya. Mayaman, nanggaling sa maimpluwensyang pamilya, matalino. Hay nako! Totoo nga ang sabi nila, mga matatalinong mga babae nagpapakabobo sa pag-ibig.” Patuloy ni Yana na tila problemadong problemado.
“Ano ba ang punto mo?” tanong ni Althea. Hindi niya nagustuhan ang sinabi ng kaibigan. Napakababa ng kanyang paningin kay Lawrence.
“Ang point ko lang dito, Althea. Napakamalas niya sa pag-ibig. Magmamahal na lang siya doon pa sa hindi matino.” Umiiling na sabi ni Yana.
Ngumisi naman si Althea. “Malas talaga,” dahil siya naman ang mahal ni Lawrence.
“Aba! Himala at hindi mo ipinagtanggol sa akin ang idolo mo ngayon ha.” Nagtatakang ani ni Yana. Ngumiti lamang si Althea. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit kailangan niyang ipagtanggol ang doktora sa paratang ni Althea.
Papasok na sana sila ng ward nang may magahip ang kanyang mga mata na isang pamilyar na postura ng isang lalake. Si Lawrence ay nakahilig sa dingding habang nagtatago sa isang sulok. “Mauna ka na lang muna may pupuntahan lang ako sandali.” Sabi niya.
“At saan naman, aber? Hoy, Althea! Aba’t! Parati mo na lang akong iniiwan ha!” sigaw ni Yana nang mabilis na naglakad si Althea papunta sa direksyon ni Lawrence. Ikumpas niya ang kanyang kamay hudyat na kailangan ng pumasok ang kaibigan bago siya tumakbo sa isang sulok.
Hinintay pa niya kung susundan siya ni Yana at nang makasiguro ay sinalubong niya ng yakap si Lawrence. “‘Wag dito,” bulong ni Lawrence sa kanyang tenga.
“May duty pa ako,”
“Mamaya na ‘yan,” ani ni Lawrence at hinigit si Althea sa isang sekretong lugar. Ingat na ingat sila na hindi mahagip ng CCTV sa bawat sulok lalo na’t alam ng mga nagtatrabaho sa hospital, pati na rin ang mga taong nakakakilala sa kanila na may relasyon si Lawrence at Georgina.
Isinara ni Lawrence ang pinto ng isang walang katao taong silid at madilim. Napatakip si Althea ng ilong nang maamoy ang alikabok sa lugar. Kinuha naman ni Lawrence ang kanyang puting panyo at binigay ito kay Althea saka siya umupo sa isang mesa roon para pantayan ang dalaga.
“Ramdam ko na kung paano maging kriminal na nagtatago. Nakakakaba pala baka may makakita sa atin.” Biro ni Althea at napangisi.
“Gusto mo ba tumira sa Condo unit ko?” alok sa kanya ni Lawrence na ikinagulat naman ni Althea. Mabilis na umiling ang dalaga. Mas lalong delikado sa sitwasyon nilang dalawa kung papayag siya mamalagi sa condo unit. Paano kung bumisita bigla si Georgina? Paano niya ipapaliwanag sa Papa niya ang tungkol sa relasyon nila? Paano kung magtanong ito kung bakit madalas siyang hindi pag-uwi ng bahay? “O, gusto mo ba bilhan kita ng condo unit na malapit sa akin? Para mas madali kitang masolo.” Mapang akit na sabi ni Lawrence habang hinihimas ang beywang nito na tila kinukumbinsi ang dalaga.
“Wala akong pera,”
“Ako na ang bahala sa lahat,” ani ni Lawrence at hinapit palapit sa kanya ang dalaga. “Hindi mo na kailangang gumastos kahit piso.”
Napangiti naman si Althea sa suhestiyon ng binata. Wala namang lalaki ang gagastos na kahit gaano kalaking halaga para lang sa babaeng hindi niya mahal. Wala ngang duda na pareho sila ng nararamdaman ni Lawrence sa isa’t isa. “Pagkatapos ng duty mo ngayon, ihahatid na ba kita sa inyo o gusto mo munang mamalagi sa condo ko?” tanong ni Lawrence.
Ipinatong ni Althea ang kanyang dalawang braso sa balikat ng binata habang nilalaro nito ang buhok. “Ano naman ang gagawin natin doon?” tanong niya rito.
“Magkukwentuhan,” ngising tugon ni Lawrence. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Althea, na tila nakuha ang ibig iparating ni Lawrence sa kanyang tugon. Maliban sa kwentuhan, may iba pang dahilan.
“Sige,” agap niyang sagot. Kinagat ni Lawrence ang ibabang labi saka hinawakan ang batok ng dalaga. Inilapit niya ang mukha ng dalaga sa kanya. Sinalubong naman ni Althea ang labi ni Lawrence hanggang pareho silang nagpapalitan ng mainit na halik.
ALAS otso ng gabi. Matapos ihatid ni Lawrence si Georgina ay sinundo naman niya si Althea. Nakahawak sa braso ni Lawrence si Althea habang sinasabayan ang kanta sa loob ng sasakyan. Mayamaya ay may kinuha si Lawrence mula sa likuran ng sasakyan at ibinigay ito kay Althea.
“Ano ito?” tanong ng dalaga habang binubuksan ang paperbag. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang mamahaling relo ang nakapaloob roon. Nasa isang box pa ito at tila bagong bili na hindi pa nabubuksan. Tiffany and Co. ang brand at kumikinang na parang diamante ang disenyo nito. “Lawrence, ang mahal nito ah!”
“Ayaw mo? Pwede mong isanla kung sakaling maubusan ka ng allowance.” Biro ng binata sa kanya habang abala sa pagmamaneho. “Suotin mo, regalo ko ‘yan sa ‘yo.” Nakangiting patuloy nito.
Madalas niyang nababasa sa libro na singsing at mamahaling mga jewelry ang binigay ng bidang lalaki sa kanyang napupusuang babae. Taos-puso itong tinanggap ni Althea nang walang reklamo at kahit mamulubi man siya’y hindi niya ito kayang isanla. Habambuhay niya itong itatago dahil nanggaling ang relo sa lalaki unang nagpatibok ng kanyang puso.
“Salamat,” mahina niyang ani at niyakap ang paperbag.
“May pinaluto akong seafood cuisine sa isang restaurant na malapit dito. Puntahan ko lang sandali,” aniya. “May mga pagkain din sila maliban sa seafood, gusto mo bang sumama sa loob?” dahil sa kasiyahang nararamdaman ay tumango na lamang si Althea.
Kung gugustuhin ni Lawrence ay gugustuhin niya rin. Sabay silang lumabas ng sasakyan ni Lawrence nang maipark nito sa labas ng tinutukoy na restaurant. Gabi na at kahit ang ambiance ng restaurant ay medyo madilim, wala ring masyadong customer. May suot suot rin silang dalawa ni Lawrence na sumbrero para takpan ang kanilang hitsura. Siguradong walang makakakilala sa kanila rito.
Napahawak si Althea sa palad ni Lawrence dahil sa kagalakan ng kanyang puso. Masaya na naman siya dahil makakasama niya nang matagal ang binata, lalo na’t nag alok ito ng pansamantalang matitirhan malapit sa kanya. Bakit siya tatanggi kung iyon naman ang nais niyang mangyari?
Bahagyang napatalon sa gulat si Lawrence sa biglang paghawak ni Althea sa kanyang kamay. Bahagya na lamang siyang napangiti at pinagsalikop ang kanilang mga palad. “Mukhang masarap,” turo ni Althea sa carrot cake.
“Bibilhin natin kung gusto mo.” Ani ni Lawrence at nag order pa matapos makuha ang pinalutong pagkain. “Pasensya ka na. Gabi na masyado at wala na akong panahon para magluto.” Pagpapaumanhin ng binata.
“Okay lang!”
“Lawrence?” pareho silang napabaling sa direksyon ng pinanggalingan ng boses ng isang babae. Tila punyal ang tumama sa dibdib ni Althea nang binitiwan ni Lawrence ang kanyang kamay. Muntik na niyang nakalimutan na patago ang relasyon nilang dalawa.
Masayang binati ni Graciel si Lawrence nang makita ito at tila hindi niya napansin ang kasamang babae habang ang asawang kasama na si Max ay bumaling sa likuran ni Lawrence. Tiim bagang na napatingin si Max kay Althea. Napansin iyon ng dalaga kaya mabilis siyang tumalikod at naglakad palayo sa kanila.
“Althea,” bumaling sa dingding na salamin si Althea nang marinig niya ang isang boses ng babaeng tinatawag ang pangalan niya. “Althea,” ulit nito ngunit sariling repleksyon niya lamang ang kanyang nakita. Pinawalang bahala niya ito at umupo na lang sa tabi ng restaurant upang hintayin si Lawrence sa loob.