CHAPTER 6 - Sadness behind one's eyes

1679 Words
NAGKUKUMPULAN at nasa ganoong ayos sila nang may pumasok na bakla sa loob ng dressing room. Masasabi niya na may kakaiba itong appeal. Balingkinitan ang katawan at maganda ang mukha. Ang pinakamagandang parte sa mukha nito ay ang labi na may kakapalan, parang kay Angelina Jolie. Isa siguro ang bagong dating sa mga sopistikadang nilalang na nakita niya, na katulad niyang miyembro ng 3rd s*x. Napansin niya ito dahil unang beses niya itong makita sa bar na iyon. Hindi niya ito napansin nang nagdaang gabi. “Mona, andito ka na pala,” bati dito ni Jomar. Agad na nalipat ang atensyon nito mula sa umiiyak na si Medusa. Masama ang tingin na ipinukol ng bagong pasok kay Medusa. Nagtaas ito ng kilay nito at nagpatuloy sa paglakad patungo sa personal space nito. Umupo ito at hindi pinansin si Jomar na sumunod dito. Ipinagtaka niya ang bagay na iyon. Kadalasan kasi ng mga kasama niya ay takot o mataas ang respeto kay Jomar bilang manager nila. Nasabihan na siya ni Jomar nang nagdaang gabi na huwag siyang lalapit sa lugar na iyon, kung saan umupo ang tinawag nitong Mona. Mas doble ang kwadradong vanity mirror nito kumpara sa iba pa. May sarili rin itong cabinet. “Handa ka na ba?” tanong ni Jomar dito. “Kung hindi ako handa, hindi sana ako pumasok ngayon,” sarkastikong sagot nito. Kumuha ito ng powder brush mula sa make-up box na nasa unahan nito at nagsimulang maglagay ng pulbo mula sa compact powder sa pisngi. Inutusan ni Jomar si Pritz na kunin ang mga gamit sa wardrobe para ayusan si Mona. “Mona, may ipinadalang regalo si Jerome!” tili ng bagong pasok at papalapit na si Britney na nakilala niya nang nagdaang gabi. Maaliwalas ang pagkakangiti nito at masasabi niya na close ang dalawa. Isang maliit na box ang inilapag nito sa harap ng tokador. “Nand’yan siya?” tanong nito. “Yes, Day. Kagabi ka pa hinahanap!” Isang simple ngunit matamis na ngiti ang isinagot dito ni Mona. Binuksan nito ang box at lumitaw sa paningin ng lahat ang isang gold bracelet. “O, pak! Ang ganda!” bulalas ni Jomar na hindi umaalis sa tabi nito. “Mars, mamahalin ‘tong bracelet! Ang ganda mo talaga! Naiingit na ako,” puri ni Britney. Makahulugan ang mga ngiti ni Mona na kinuha ang bracelet mula sa kahon at saka pinagmasdan ito nang mabuti. Makikita ang inggit sa mga kasama niya. Wala siyang ideya kung sino ang Jerome na nagbigay ng regalo na iyon pero may palagay siyang regular na parokyano iyon sa bar. Hanggang sa mapansin siya ni Mona mula sa vanity mirror nito. Pumihit ito para mas masilayan siya. “Ano ang tinitingin-tingin mo? Sino siya?” mataray na tanong nito kay Jomar. Attitude si ate! “Oh! Si Dolly ‘yan. Bago lang siya bilang PA,” sagot ni Jomar dito. Nakasimangot na inabot nito sa kanya ang make-up brush para utusan. “Ayusan mo ako.” Ngumiti siya dito nang pilit saka lumapit sa pwesto nito para ipagpatuloy ang paglagay dito ng powder. Nagpatuloy ito sa pakikipagkwentuhan kay Britney habang inaayusan niya. Nakangiti ito nang simple sa kaibigan at sisimangot naman tuwing sa kanya titingin. Ramdam niya agad na hindi maganda ang magiging relasyon niya dito. ---- ORAS ng breaktime. Palibhasa ay hindi pa siya nakakapag-adjust sa oras ng pagtatrabaho sa magdamag kaya lumabas na muna siya para labanan ang antok. Madaling araw ang oras kaya binalot kaagad siya ng hamog. Naroon siya sa tapat ng Queen’s bar kaya nagrereflect pa sa ilang bahagi ng katawan niya ang mga neon lights nito. Nagpunta siya sa gillid para hindi siya makaistorbo sa mga customers. Nagsindi siya ng sigarilyo saka humithit doon. Palibhasa ay nag-iisa kaya kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya. Tulad na lang ng kung hanggang saan aabot ang buhay niya roon sa Maynila. Hindi rin naman lingid sa kaalaman niya na hindi lahat ng nagpunta rito ay successful. Sabi nga ni Gloria, depende iyon sa kung paano mo haharapin ang pagsubok na ibibigay sa’yo. Nangalahati na iyon nang makarinig siya ng "Pst!" Lumingon si Dolly at natagpuan niya si Jomar na kapwa niya naninigarilyo rin sa likuran ng nakapark na kotse. Tulad niya ay nagtatanggal din ito ng pagkabagot o panandaliang pahinga. Lumapit agad siya rito. "Nandito ka rin pala, Manager," sabi niya dito bago muling ibinalik ang yosi sa bibig. "Kumusta ang trabaho?" usisa nito. Bumuga na muna siya ng usok bago ito sinagot ng "ayos naman.” “Ikaw, ano ang chika tungkol sa’yo?” tipikal na tanong ng isang bagong kakilala. Ibig nitong sabihin ay kung ano ang kwento ng buhay niya. Nagkibit-balikat lang siya bilang sagot. Hindi siya sanay sa ganoon na inuusisa. Hindi rin siya handa na sagutin ito nang totoo lalo na at hindi pa magaling ang sugat niya sa puso mula sa kamamatay lang na tiyahin na si Mitch. Gayunpaman, itago man niya ang bagay na iyon ay hindi iyon naikaila ng mga mata niya. Sabi nga, sa mata rin nakikita ang lahat. Hindi naman siya ipinagkanulo ni Jomar kahit nabasa nito ang tensyon sa mata niya. Ngumiti lang ito nang makahulugan. Siguro dahil na rin sa mas matanda ito nang hindi hamak sa kanya kaya sa mga simpleng akto na ganoon ay marunong itong makabasa at makarmdam. “Nashonong ko lang. Maraming kuwento ang mga tao ko dito at lahat ay malungkot. Wala yatang kwento dito na masaya.” Lumipad ang isipan niya dahil sa sinabi nito. Wala yata siyang nakilala na miyembro ng third s*x na hindi malalim ang kwento ng buhay. Hindi kasi lahat ng nilalang sa mundo ay tanggap sila. Hindi lahat ng tao ay malawak ang kaisipan. Minsan, sariling pamilya pa nga ang kumukutya sa mga katulad niya. Aasahan pa ba nila ang ibang tao? Tulad na lang ng tricycle driver nang nagdaang araw. Nginitian niya lang ito nang simple. Nais niya rin sana itong tanungin kung bakit parang ilag ito kay Mona. Hindi nga lang iyon magandang ideya para sa baguhan na katulad niya. Luminga-linga si Jomar saka siya hinawakan sa braso para bulungan. Naubos na kasi ang sigarilyo nito. “Ngayon pa lang ay babalaan na kita na mag-ingat ka kay Mona.” Hindi naman siya nabigla sa palihim nitong banta. Ramdam niya kanina na hindi maayos ang magiging relasyon niya dito. Pinasadahan siya nito ng tingin. “Marami na siyang napaalis dito na katulad mo.” Tulad ko? Hindi niya nabigkas ngunit kumunot ang noo niya kay Jomar. “It’s because you are pretty. Parehas kayong dalawa ng awrahan. Iyon ang napansin ko sa’yo nang una kitang makita,” anito. Hindi tuloy napigil ni Dolly na tanungin ito kung bakit parang ilag ito kay Mona. “Manager, bakit nga pala parang ilag ka sa kanya?” “Halata?” Tumango siya. “I don’t have a choice. Kailangan niya kasing manatili dito sa bar dahil siya ang may pinakamalaking pera na nagdadala dito. May mayayaman kasi kaming VIP customers na halos gabi-gabing nagpupunta rito para lang makita siya. Ganda eh!” Tinapik nito ang baba. “Nakita mo na ba ‘yung Jerome, ‘yung nagbigay ng bracelet sa kanya kanina? Isa lang iyon sa mayaman naming parokyano. Businessman iyon na nagpupunta rito para lang makita siya.” Narinig niya lang ang Jerome mula kay Britney nang iabot nito ang box ng golden bracelet kay Mona pero hindi niya pa ito nakita sa personal. “May mga malalaki ring bars na kumukuha sa kanya para magtrabaho kaya ginagawa namin ang lahat para manatili siya dito. Kaya nga kapag mayroon siyang hindi natipuhan sa mga bago, ligwak agad.” Kaya pala may attitude ang lola mo. Sinilip niya ang relo. Gusto pa sana niyang makipagkuwentuhan dito ngunit kailangan niya nang bumalik sa loob. “Balik na ko sa loob, Manager. Tapos na ang break ko. May mga inutos pa kasi sila sa akin na hindi ko pa natapos,” paalam niya dito. “Sige, hanggang sa sunod na chika.” Tinapik siya nito sa puwitan. Pinagmasdan ni Jomar ang papalayong si Dolly. Ganitong-ganito rin noon si Mona nang bagong salta doon sa Queen’s bar, limang taon ang nakaraan. Lumaki lang masyado ang ulo nito. Ganito rin ang mga awrahan ng mga nilalang na pinaalis ni Mona sa bar. Hindi niya lang maintindihan kung ano ang mayroon si Dolly para pumusta dito na ito ang tatapos sa ugali ng ipinaglalaban nilang si Mona. ----- BUMALIK si Dolly sa loob ng bar. Palibhasa ay may parteng madilim, idagdag pa na binabalot siya ng antok kaya hindi niya napansin ang bulto na makakabanggaan niya pala sa hallway habang pabalik sa dressing room para ituloy ang trabaho. Malakas ang pagtama niya sa tila bato na katawan nito kaya agad siyang nawalan ng balanse. Napaatras siya at kaunti na lang ay babagsak na siya sa sahig ngunit nasalo nito ang braso niya. Agad nitong niyakap ang baywang niya hanggang sa makabawi sa pagkakatayo. “I’m sorry,” saad ng may baritonong boses. Saglit siyang natigilan dahil nanuot ang mabangong amoy nito sa ilong niya. Kung hawak niya lang ang oras ay pinatigil na niya iyon hanggang sa masinghot niya ang lahat ng amoy na mayroon ito. Tila nakilala siya ng lalaki at nasino siya nito matapos makapag-adjust ng mata nito sa dilim. “Are you done?!” Napalitan ng galit ang kanina ay pagpapasensiya nito sa kanya. Kita niya sa dilim ang bilugan nitong mata, matalim ang tingin sa kanya. Noon niya lang napansin na nakahawak pa siya sa maskuladong dibdib nito. Mabilis niya iyong tinanggal saka siya napalunok. Masaya sana siya na makita muli si Xander. Ngunit sa talim ng tingin nito ay parang gusto niya na magtago na lang habang-buhay sa loob ng dressing room. Inis itong nagpatuloy ng lakad. Napasimangot siya sa nakatalikod nitong anyo. Malapit na siyang maniwala na kulang sa s*x ang lalaki kaya ganoon ito kasungit. Masaya sana si Dolly sa pagtatrabaho niya sa Queen’s bar ngunit hindi niya akalain na hindi pa lumilipas ang isang linggo ay susubukin na agad siya ng tadhana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD