CHAPTER 7 - Missing the golden bracelet

1778 Words
IKATLONG gabi ni Dolly sa Queen’s bar nang bulabugin sila ni Mona. Galit na galit ito. Hinagis nito ang make-up kit nito na nakapatong sa tokador kaya kumalat ang mga lipstick, pulbo at kung ano pang mga kulay sa sahig. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari ngunit kasama siya sa mga ipinatawag dahil isa siya sa mga huling lumabas para magbreak o magyosi saglit. “Nasaan na iyon?!” galit na saad nito. “Ah, Mona Dear, kalma ka lang. Makikita rin natin iyon,” nakangiwi na saad ni Jomar na nakatayo sa isang gilid. “Jomar, hindi ako nagbibiro! Nagperform lang ako saglit sa labas tapos ay wala na ang bracelet dito sa drawer?” Kumunot ang noo niya saka nagkaroon ng ideya na nawawala ang ginintuan nitong bracelet na bigay ng hindi pa niya nakikitang Jerome ang pangalan. “E, hindi ba at naka-lock ‘yan?” Hindi na maikaila ang inis sa tanong ni Jomar. Pinipigil nito ang magalit din sa huli. Matapos niya itong makausap nang nagdaang gabi, alam niya na ginagawa lang nito na pagbigyan si Mona kahit pa nga gusto na nitong sabunutan ang maldita. “Nakalimutan kong i-lock! Ano? Ako ba ang may kasalanan?” tanong nito na nakikipagtagisan ng tingin sa manager nila. “Manager, nandito na si Dolly at ang iba pa,” pagbibigay-alam ng kasama nila. Lima silang ipinatawag. Isang performer na huli niyang inayusan na Osang ang pangalan, dalawang waiter na pumasok upang kunin ang mga basong pinaggamitan ng mga kasama niya at silang dalawa ni Pritz. Walang mabasang emosyon sa mukha ni Dolly. Una, hindi naman kasi siya guilty. Pangalawa, napansin niya na ini-lock iyon ni Mona bago ito lumabas ng kwarto, taliwas sa sinabi nito. Kaya naman pati siya ay napatanong kung may lihim na nagbukas ng gamit nito. She put her all awareness against Mona because of a simple reason, matalim ito kung tumingin sa kanya. Madalas ding itong umirap kaya naman siya ang madalas na umiiwas dito. Kaya bawat kilos din nito ay lihim niyang pinakikiramdaman. Aminado siya na naroon siya sa kwarto na iyon nang lumabas ito at sinisinop ang mga gamit sa katabi nitong vanity mirror. Ano ngayon? Ako na ba ang salarin? tanong niya sa sarili. “Sabihin niyo, sino ang huling nagpunta dito sa puwesto ko. Umamin na kung sino ang kumuha ng bracelet ko!” matalim na tanong ni Mona sa kanila. “Si Dolly ang huli kong nakita na lumapit sa lugar mo bago ka bumalik,” saad ng performer na si Osang. Nilingon niya ito dahil hindi niya nagustuhan ang sinabi nito patungkol sa kanya. Para kasing siya na ang sinisisi nito. Ito kasi ang huling inayusan niya bago siya lumabas ng kwarto. Lumipat ang paningin ni Mona sa kanya. “Ikaw ba ang kumuha ng bracelet ko?” salubong ang kilay na tanong nito. “Hey! Hey! Anong gulo ‘yan?” sabad ng bagong pasok na si Gloria sa kwarto. Tumabi ito sa kanya. “Nawawala ang golden bracelet ko!” “So? Ano ngayon? Bakit si Dolly agad?” “Siya ang huling lumapit dito sa pwesto ko!” “Hindi ako lumapit sa pwesto mo! Hindi ba at ini-lock mo ‘yan?” putol niya. “So, alam mo na ini-lock ko? Ibig sabihin ay para ang tigre na naghihintay kung kailan mo kukunin ang bracelet? Umamin ka! Ikaw ba ang kumuha ng bracelet ko?” Humalukipkip ito sa harapan niya. Tumalim ang mga mata niya habang nakatingin dito. Sinasabi na nga ba niya at hindi maganda ang magiging relasyon niya dito. Heto nga at hindi pa lumilipas ang isang linggo ay may hindi magandang engkwentro na sila nito. Nais niya na itong sabunutan sa pagbibintang nito sa kanya. Nais niyang matawa sa logic na mayroon ito. Hindi niya kasi maintindihan kung mabilis itong naniwala sa kasamahang si Osang. Sa kabilang banda, pinag-iisipan talaga siguro siya nito ng masama kaya hindi na ito nag-isip pa ng iba. “Let’s check her locker!” utos nito kay Jomar. Lahat silang PA, waiter, kahera at mga sumusuporta sa bar na iyon ay may locker na nasa isang bahagi ng pader. Samantalang sa mismong drawer ng bawat tokador nakatago ang mga gamit ng bawat performer. Inutos kaagad ni Jomar na suriin ang locker niya. “Pwede niyong suriin ang locker ko pero hindi ako papayag na ‘yung sa akin lang ang i-che-check niyo.” Bahagyang umirap si Mona sa katwiran niya na para bang lihim nitong sinasabi na hindi na kailangan pang tingnan ang sa iba dahil sigurado ito na makikita nito ang hinahanap sa gamit niya. Kinuha niya sa bulsa ang susi at iniabot kay Jomar bilang ito ang manager. Nakahawak nang mahigpit sa braso niya si Gloria. Ramdam niya na mataas ang tiwala nito sa kanya. Sabay-sabay silang nagtungo sa puwesto ng mga locker at hinanap ang kwadradong kahon na may pangalan niya. Binuksan ni Jomar ang locker gamit ang susi na iniabot niya dito. Bukod sa sling bag ay wala nang iba pang gamit na makikita sa loob. Inilabas ni Jomar ang bag. Hinablot agad iyon ni Mona kaya mas lalong tumalim ang tingin niya sa bruha. Pinagpag nito ang bag niya para kusang mahulog ang lahat ng laman. Bukod sa wallet, cologne at notebook ay wala na silang nakita pa na nahulog doon. Ngunit hindi niya na nagugustuhan ang talim ng dila nito. Desidido talaga ito na ibintang sa kanya ang nawawalang bracelet. “I knew it! Lumabas ka para iabot sa kung kanino ang bracelet. Siyempre nga naman, para wala kang ebidensiya!” “Hindi iyan gagawin ni Dolly! Isa pa, wala siyang kilala rito sa Maynila bukod sa akin!” pagtatanggol ni Gloria. Sa lahat ng taong naroon ay ito lang ang talagang kilala niya. Siguro dahil sa bagong salta pa lang siya sa Maynila kaya mataas ang paniniwala nito sa kanya. Hindi ito pinansin ni Mona at nagpatuloy na idiin siya sa kasong iyon. “Ganito ba ang pagpapalaki sa’yo? Isa kang magnanakaw!” Nagtitimpi siya ng galit. Inuubos na nito ang pasensiya niya. Alam niya na mahirap siya at aminado siya na kulang siya sa pera, pero ang magnakaw ay hindi niya gawain. Nais niya itong murahin. “Sumosobra ka na!” si Gloria ang hindi na nakapagpigil. Lumapit ito para sabunutan si Mona kaya nagsimula ang away. “Matagal na kong nanggigigil sa’yong bakla ka! Idinamay mo pa ang matalik kong kaibigan sa kagagahan mo!” saad nito habang panay ang sampal at sabunot sa huli. “Ahh!” tili ni Mona habang hawak ang sariling buhok. Hindi niya magawang pigilan si Gloria dahil kahit siya ay galit dito. Kung siya ang tatanungin ay nais niyang silaban ang pagkatao nito dahil dinamay nito ang namamahinga nang Tita Mitch niya. “Anong kaguluhan ito!” Dumagundong ang boses ng bagong pasok sa buong kwarto, si Xander. Napatigil si Gloria at mabilis na binitiwan ang buhok ni Mona. Takot kasi ito sa boss nila. Umiiyak na lumapit si Mona sa lalaki at hinawakan ito sa braso. May isa pang pumasok sa kwarto kasunod ni Xander, isang maganda at sopistikadang babae. Nakasuot ito ng pulang bestida na hapit sa katawan kaya kita niya ang buong kurba nito. Alon-alon ang blonde na buhok, maliit ang hugis ng mukha at mestisa. May hawig ito kay Bianca King. Sa madaling salita, isa itong diyosa na noon niya lang nakita. “Camille!” tawag dito ni Mona at agad na yumakap sa babae. “Boss, ako na itong ninakawan, ako pa itong sinaktan ng mga gagang iyan! ‘Yung bracelet ko na ibinigay ni Jerome, nawawala sa drawer ko at kinuha ng baklang iyan!” sumbong nito kasabay ng pagduro nito sa kanya. “Nawawala?” hindi makapaniwalang tanong ni Camille. Sabay itong tumingin sa kanya pati na rin si Xander. Matalim ang tingin na ipunukol sa kanya ng lalaki. “Is it true? Kinuha mo ba?” “Boss, matagal na tayong hindi nawawalan ng gamit dito at siya lang ang bago sa aming lahat. Siya ang kumuha!” ani Osang. “Umamin ka,” mahina ngunit matigas na bigkas ni Xander. Hindi pa man ay nasaktan na siya sa bagay na iyon. Hindi niya alam kung bakit pero sininop niya ang kakaunting gamit na kumalat sa sahig at ipinasok muli sa sling bag. Hindi na siya nagpaalam sa lahat na lumabas ng kwarto na iyon. Ang ayaw niya sa lahat ay ang mapagbintangan na magnanakaw. Ang masaklap ay nadamay pa ang Tita Mitch niya na mag-isang nagpalaki sa kanya. “Dolly!” tawag ni Gloria sa kanya. Hindi na niya ito nilingon pa. ----- SAMANTALA, natigilan ang lahat na naiwan sa kwarto, lalo na si Xander. May kung anong enerhiya na nagmumula sa bagong labas na si Dolly sa kanya. Nilingon niya lang ang lumabas na bulto nito. “Boss, tumatakas na siya! Hindi mo ba siya ipakukulong?” tanong ni Mona. “Maldita ka! Hindi nga siya ang nagnakaw!” galit na singhal ni Gloria. Nagpipigil lang ito na sabunutan muli ang huli. “E, bakit siya umalis kung hindi siya guilty?!” nanlalaban na tanong ni Mona. Nagkikiskis ang ngipin ni Gloria para dito. “Shut up!” galit na singhal ni Xander kaya natahimik ang mga nasa kwarto. Parang natiklop na mga papel ang mga ito. Hinawakan siya ng nobya sa braso. “Xander, kailangan mong bigyan ng hustisya si Mona. Kailangang makita ang bracelet niya.” Tiningnan niya ito saka ang mga tao sa loob ng kwarto. Naroon na siya kaya wala na siyang magawa kung hindi ang usisain ang mga ito. Hawak niya ang lugar kaya kung sakali na may magnanakaw nga sa bar na iyon ay kargo niya ang kaligtasan ng lahat. “Saan mo huling iniwan ang bracelet? At kailan mo huling nakita?” usisa niya kay Mona. “S-sa locker.” “Nakita mo ba siya na kinuha niya ang bracelet mo? Paano ka nakasiguro na siya ang kumuha?” Kita niya ang paglunok nito. Wala rin siyang narinig na sagot. “H’wag mong pagalitan si Mona, siya na nga itong nawalan ng gamit,” sabad ng nobya niya. “Pero Miss Camille, hindi ibig sabihin na si Dolly ang nagnakaw. Lima silang huling lumabas dito sa kwarto,” kontra ni Jomar. Bumuga siya ng mabigat na hangin. “Iimbestigahan ko kung ano ang nangyari na ito. Kung sino ang talagang may sala ay dapat nang lumitaw. Hindi ako magdadalawang-isip na ipakulong ang kung sino ang tunay na salarin.” Inis na lumabas siya ng dressing room. Hindi sana siya tutungo doon kung hindi lang niya nabalitaan na may komosyon na nagaganap. Bumalik sa ala-ala niya ang mukha ni Dolly na naghahalo ang galit at sakit sa mukha nang mapadaan ito sa gawi niya. Pinilig niya ang ulo para iwaksi ito sa isipan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD