CHAPTER 1 - Pangarap
PROLOGUE
SA LOOB ng isang silid ng District Police Station 10, nakayuko ang isang sikat na performer, Dolly ang pangalan. Matapang ang make-up niya habang nakayuko sa maliit na kwarto na iyon. Kahit ano pa ang mangyari ay hindi siya magsasalita.
“Sigurado ka ba na hindi ka magsasalita? Lahat ng ebidensya ay itinuturo ka. Umamin ka na habang maaga pa!”
Inangat niya ang paningin dito na tila walang buhay.
Hindi ako aamin! gusto niyang isigaw sa mukha ng lalaking nakasuot ng uniporme ng kapulisan at patuloy na umuusig sa kanya. May ilang oras na ba siya roon? Tatlo? Ang alam lang niya ay siya ang unang suspek sa pagkamatay ng kasamahan na si Mona, Marvin Aleje ang tunay na pangalan.
Ano pa ang silbi kung ikakaila niya na hindi siya ang pumatay kung ang bawat pumasok sa silid na iyon ay pinagbibintangan siya at masama ang ipinupukol na tingin sa kanya?
“Mas mabuti pa na magsimula ka nang magkuwento. Ano ang relasyon mo kay Xander Montero?”
Bahagya siyang natigilan nang marinig ang pangalan ni Xander. Ang alam lang niya ay nakita niya rin ang lalaki nang nagdaang gabi sa apartment ni Mona, at ang lalaki ang dahilan kung bakit ayaw niyang magsalita, para protektahan ito.
-----
JUNE, 1996
Malakas ang ulan sa paligid. Halos hindi maaninag ang araw dahil sa kapal at dilim ng ulap na bumabalot sa buong Luzon kahit pa nga katanghaliang-tapat ang oras.
Napabalitang may bagyo na dumating sa bansa. Humahampas ang malakas na hangin sa puno ng santol at sa mga nakapilang matataas na puno ng niyog sa kalsada. Ilan sa mga ito ay nagsipagbagsakan na nga dahil hindi kinaya ng mga sanga ang malakas na paghampas ng hangin.
Tila ba nakikisabay ang panahon sa nararamdaman ng magkapatid na si Michael at Josie.
Sa loob ng maliit na kubo na matatagpuan sa probinsya ng Aurora, magkayakap ang magkapatid. Sabay na lumuluha dahil kapwa nila mamimiss ang isa’t-isa. May mga ilang palanggana ang nakakalat sa loob ng maliit na espasyo dahil sa mga tulo ng basang ulan sa loob ng bahay. Bahagya na rin kasing nagbubutas ang yero na bubong dahil sa kalawang at mga butas ng pako.
Ngunit walang pakialam sa ngayon ang magkapatid sa hitsura ng tahanan nila. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang mararanasan ng magkapatid ang mahiwalay.
Simula nang mamatayan sila ng magulang ay naging sandalan nila ang isa’t-isa. Kaya naman tila binabalot ng kung anong kalungkutan ang dibdib ni Michael o kilala bilang Mitch ng mga kaibigan at kakilala dahil sa unang pagkakataon ay mahihiwalay sa kanya ang ate niya.
“Mitch, ipangako mo sa akin na babantayan mo ang anak ko,” saad ng nakatatandaang kapatid na babae na si Josie. Mahigpit ang yakap nito sa kanya.
“Ate, sigurado ka na ba dito? Gusto mo ba talaga ito? Maayos naman ang buhay natin dito sa probinsya. Lahat ng kailangan natin ay narito na. Kumakain pa naman tayo,” saad ni Mitch sa pagitan ng mga paghikbi.
Humahalo na ang itim na maskara niya sa pisngi na diretso sa suot niyang pink na spaghetti strap na blusa.
“Mitch, kung dalawa lang tayo, handa ako na magtiis sa hirap. Pero iba na ngayon na may anak na ako. Kailangan ni Darwin ng gatas, kailangan niyang mag-aral pagdating ng araw, kailangan ko’ng buhayin ang anak ko. Sana maintindihan mo na ina na ako ngayon, Mitch,” sabi nito na hilam sa luha.
Nilapitan nito ang anak na si Darwin na dalawang buwan pa lang ang edad. “Anak, patawarin mo ako. Patawarin mo ang Nanay.” Isang mainit na halik ang iginawad nito sa noo ng sanggol.
Tila ba naramdaman ng sanggol ang kalungkutan sa maliit na kubo na iyon. Umimpit ng iyak ang sanggol at pumailanlang ang maingay na iyak nito sa buong kabahayan. Kinuha ni Mitch ang sanggol na nasa kuna nito at ipinatong ang ulo nito sa dibdib niya.
“Aalis na ako, ikaw na ang bahala sa anak ko Mitch,” huling saad ni Josie. Yumuko na ito at iniwasan na ang tumingin sa anak na kasisilang pa lang at ipinatong na sa ibabaw ng balikat ang isang napakalaking bag at hawak naman sa kabila ang bayong na naglalaman ng iba pang gamit nito.
Baha ng luha si Mitch habang sinusundan ng tingin ang ate niya na sumakay sa naghihintay na tricycle sa tapat ng bahay nila. Hindi niya alam kung kailan sila muli magkikita pero nais niya na sana ay magtagpo muli ang landas nila nito sa lalong madaling panahon.
-----
JUNE, 2019.
Sakay ng isang bus patungong Maynila. Hindi napigilan ng isang lalaki na nakasuot ng jeans at simpleng T-shirt ang maluha. Si Darwin o kilala bilang Dolly ng mga kaibigan niya.
Malinaw pa kasi sa isipan ni Dolly ang lahat ng naganap dalawang linggo ang nakaraan sa bayan na iniwan niya. Binawi sa buhay niya ang pinakamamahal niyang Tita Mitch, ang nag-iisa niyang pamilya
“Itlog! Itlog kayo diyan!” anang umakyat na tindero ng mga itlog-pugo.
May tinda rin itong chicharon at mga kung anong pasalubong na mayroon sa bayan nila. Nakalagay ang lahat ng iyon sa timba na bitbit nito.
Pinunasan ni Dolly ang namuo niyang luha sa mata at saka huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili.
“Kuya, itlog?” tanong ng tindero matapos huminto sa tapat niya.
Hindi niya ito pinansin. Una ay tinawag siya nitong kuya. Hindi ba obvious na kahit nakasuot siya ng simpleng T-shirt ay nakamake-up siya? Pangalawa, ayaw niya ng itlog baka lalo lang siyang mabilaukan sa pag-iyak-iyak niya.
Itinapat nito sa mukha niya ang isang supot ng plastik-labo na may lamang itlog-pugo. “Bili ka na. Alam kong mahilig ka sa itlog,” nakangisi pa na saad nito.
Hindi pa man siya nakakarating ng Maynila ay nakatikim na siya ng pamabastos sa kumag na ito. Gusto niya itong gulpihin. Tinitigan niya ito ng masama.
“Hoooy, kung itlog mo lang din naman ang kakainin ko, huwag na! Hindi ba obvious na nag-e-emote ako dito? Saka, mas makinis pa nga ako sa iyo! Echoserang frog ka! Palakang ‘twoh!” hinanap niya ang kundoktor.
“Kuya, paalisin mo na nga itong kumag na ito! Pinaiinit ang ulo ko,” turo niya sa lalaki.
Pinukulan siya ng masama ng lalaki. “Kuya masikip na dito sa bus. Hindi ka ba naaawa sa mga nakatayo?” tanong niya sa kundoktor para tuluyan na nitong paalisin ang nagbebenta ng pagkain.
“Echoserang frog,” bubulong-bulong na usal niya. Bumalik muli siya sa pag-eemote nang tuluyan nang mawala ang lalaki.
Pinagmasdan niya ang mga puno, palayan na mga nadaanan mula sa bintana. Dahil sa pagod na isipan at hindi rin siya masyadong nakakatulog; hindi na niya namalayan na nakaidlip siya sa bus.
-----
(DREAM...)
MAKALIPAS ang dalawampu’t tatlong taon ay nababalot muli sa kalungkutan ang parehas na tahanan ng mga Zapanta.
Kagagaling lang ni Dolly sa isang show. Si Maria Kari ang character niya sa gabi na iyon. Malaki ang pera na nakuha niya para sana sa sunod na schedule ng Tita Mitch niya. Kailangan kasi ulit nitong magpa-chemo.
Masaya pa naman sana siya na uuwi para ibalita dito na medyo may kalakihan ang pera na natanggap niya sa gabi na iyon.
Nasa kalsada pa siya nang matanaw ang bahay nila na bukas na bukas ang pintuan at nakikigulo ang mga kapitbahay. Malayo pa ay kumabog na ang dibdib niya at hindi alam ang gagawin. Halos takbuhin niya ang maliit nilang tahanan mula sa binabaan niya sa kalsada para lang matagpuan si Mitch na wala nang buhay.
Ilang minuto pa ay humahalo ang mascara sa luha ni Dolly na dumadaloy sa pisngi niya.
“Tita Mitch…” mga usal niya habang yakap ang katawan nito. Binawian na kasi ng buhay ito dahil sa cancer na halos tatlong taon nitong iniinda. Nagsisipag-iyakan din ang dalawa nitong matalik na kaibigan na nasa loob ng tahanan nila.
“Tita Mitch… Bakit mo ako iniwan?” mga usal niya sa pagitan ng hagulgol. “Hahhh…”
Parang may mga maliliit na mga patalim ang tumatarak sa dibdib niya habang yakap-yakap ang halos madurog na katawan nito dahil sa kapayatan.
Ginawa naman niya ang lahat para tulungan ito, ngunit bakit binawi pa rin ang nag-iisa niyang pamilya sa kanya? Ano ba ang naging kasalanan niya at iniwan siya ng pinakamamahal niya? Ang taong naglaan ng pawis at pagod para lang mabuhay siya?
“Hahhh…” usal niya habang mainit itong kayakap halos tumutulo na ang laway niya dahil sa pag-iyak. Ngunit wala siyang pakialam sa kung ano man ang ayos niya. Mas dinadamdam niya ang pagkawala ni Mitch. Hindi niya kinakaya na kinuha na ito ng panginoon.
“Mitch…” tawag naman ng kaibigan ng Tita Mitch niya dito. Dadalaw lang sana ang mga ito sa tiyahin niya ngunit hindi nito inaasahan na matatagpuan si Mitch na nakadilat na at wala nang buhay ang mga mata.
Halos nakalbo na ang dati ay maganda at makintab na buhok ng tiyahin niya. Alaga nito ang bagay na iyon mula pa noong kabataan nito. Nangulubot na rin ang mukha at balat nito. Wala nang bahid na madalas itong manalo sa mga patimpalak noon at kahit nang nagkaedad na ito.
Kilala ang Tita Mitch niya bilang kontesera sa mga Miss Gay noong kabataan nito. Nagpupunta pa ito sa kabilang baranggay para mag-uwi ng pera at buhayin siya. Ngunit tatlong taon ang nakalipas ay sumuka ito ng dugo.
Ininda nito ang bagay na iyon at inilihim sa kanya ang nararamdaman nito. Nagsho-show ang tiyahin niya sa mga fiesta. Judge din ito sa mga gay contest dahil nagka-edad na ito. Hindi na ito ang dating ‘Mitch, the Diva’ noong araw.
Hanggang sa bigla na lang itong himatayin habang naghatid ng korona para sa nanalong Miss Gay. Kita sa screen na hinimatay ito at nagkagulo ang mga tao. Natagpuan na lang niya ang tiyahin sa emergency na wala nang bahid ng makeup nang araw na iyon. Pulang-putla ang mukha nito noon. Halos manuyo na ang labi na walang bahid ng kahit anong lipstick.
Doon nila napag-alaman na may cancer ang Tita Mitch niya.