CHAPTER 3 - Gwapong Suplado

1613 Words
ISANG bestida ang isinuot ni Dolly, may brown na wig ang nakapatong sa ulo niya na lagpas balikat. Bitbit niya pa ‘yon mula sa probinsiya. Maayos din ang pagkaka-make-up niya na ginamitan niya talaga ng contour para matanggap siya sa trabaho. Sabi nga nila, kailangan na paghandaan ang first interview kapag mag-aaply. Isang madilim na hallway na tanging neon lights ang nagbibigay-liwanag ang pinasukan nila ni Ate Gloria. Maingay sa kabilang panig ng pader na sa tingin niya ay ang pinaka-bulwagan sa bar na iyon. Matapos ang mga paghakbang papasok sa loob, bumungad sa kanya ang kwarto kung saan naroon ang mga empleyado ng Queen’s bar o ang mga reyna sa entablado. Nagmamadali pang lumabas mula sa loob ang isang may kapayatan na bakla. Nakasuot ito ng itim na gown. Pinaghalong puti at itim ang buhok nito. Sa tingin niya, ang ginagaya nito ay ang kontrabida sa Dalmatian 101 na si Cruella. “Bilisan mo, Beks. It’s your turn na!” sigaw ng isa pang bakla na nasa dulo ng hallway. Nakahawi ang kurtina doon kaya kita niya ang mukha nito. Sa loob ng kwarto, ang lahat ng mga kabaklaan ay nagmamadali sa pagkilos. May nagmamadali sa pagme-make up habang nasa tapat ng vanity mirror. May nagbibihis, naglalagay ng pink na wig at kung ano pa. Mahahalata na nagmamadali ang lahat para sa gabing iyon. “Huy, Bakla! Baklang ‘to, kanina ka pa naliligaw ha. Parang wala ka sa self mo,” pukaw sa kanya ni Ate Gloria. “S-sorry…” paghingi niya ng paumanhin dito. Napakamot siya sa ulo. Nilapitan niya ito. Isang bakla na may kwadradong frame na salamin ang katabi nito. Wala itong bahid na kahit isang piraso ng buhok sa ulo. Nakasuot ito ng itim at fit na sweat shirt at masikip na pantalon. “Jomar, this is Dolly. So, what do you think?” pagpapakilala sa kanya ni Ate Gloria sa katabi nito na Jomar ang pangalan. Inikutan siya ni Jomar habang nakahawak sa baba nito. “Hmmm…” malalim siya nitong kinilatis. “Hindi ko pa masabi kung ano ang husga ko ha,” sabi nito kay Gloria. “Anong talent mo?” malambot na tanong nito sa kanya. “Marunong po akong kumanta, sumayaw, bumukaka, mag-cartwheel at kung ano pa pong hanap ninyo,” sabi niya dito. “Wiw!” sipol nito. “I like you na… Mems, I like her na talaga,” anito kay Gloria na parang ginaya pa si Krissy kahit pa nga ang kamukha nito ay si Boy Abundat. “Recommended ko yan! Nananalo ‘yan sa mga Miss Gay sa bayan namin. Kahit ang talent portion ay wagi ‘yan, Day!” pagbibida sa kanya ni Ate Gloria. Ngumiti siya ng simple. Halata niya kasi na pinu-push talaga siya nito para makapasok sa bar na iyon. Sa tingin niya, si Jomar ang Manager sa bar na iyon kaya ganoon na lang kung ibida siya ni Gloria. “Sige, bibigyan kita ng chance. Sa ngayon, kailangan ko ng PA ng mga 'blusang itim'. Tulungan mo sila sa kung ano ang kailangan nila. Intiyendes?” ani Jomar. Ibig nitong sabihin sa blusang itim ay mga baklang gumaganda kapag naayusan. PA? Kumunot ang noo ni Dolly. Sumimangot naman si Gloria sa narinig. “PA? Jomar, baka naman pwedeng i-push na siya sa talent. Magaling yan, promise! Sayang naman!” “Siyempre, ibibida mo siya sa akin dahil ikaw ang nagrekumenda! Pero Day, kita mo naman, ang dami na ninyo dito. Kung gusto mo, i-give up mo ang posisyon mo para sa kanya. E’di Go!” pagsusuplada nito. Inirapan pa sila nito. Napangiwi si Ate Gloria. “Kailangan din naman ng bar na ito na mabuhay ‘no! Ilan kayo ang pasuswelduhin? Baka mapagalitan ako ni Boss Xander kapag nagdagdag pa ako ng isa pa. Kapag may nag-resign o umalis, sige go ka! Pero Day, h’wag ngayon, medyo namomroblema kasi si Boss sa funds,” paliwanag nito sa kanila. Wala nang magagawa si Dolly kung hindi ang patunayan ang sarili sa bar na iyon. “Pumapayag ako.” Napalingon sa kanya si Gloria saka ito nalungkot dahil mabilis niyang tinanggap agad ang trabaho bilang julalay. Ngumiti siya sa mga ito. “Magaling ako magmake-up. Kaya ko rin bihisan ang kahit na sino sa kanila mula sa raw materials o kahit na anong damit ang available.” “Good!” sagot ni Jomar. “Manager! I need you!” tawag ng isang bakla sa dulong bahagi ng kwarto na iyon. Tinatawag nito si Jomar. Sabay-sabay silang napalingon dito. “Wait lang! O siya, mamaya na ito at busy ang lahat!” Tinalikuran na sila nito at tinungo ang baklang tumawag dito. “Ano beks, ayos ka lang ba talaga maging PA? Babalaan na kita ngayon pa lang na may ugali ang iba dito,” bulong nito sa kanya. “Ayos lang po sa akin, Ate Gloria. Ikaw nga ang nagsabi sa akin, ‘di ba na ang buhay dito ay pinaghihirapan? Walang libre. Pero ngayon na ang pagiging PA ninyo ang available, wala akong choice kung hindi ang tanggapin ang trabaho. Dissapointed ako na hindi ako makakapag-perform agad pero dadating din sa akin ang time. Naniniwala po ako na makukuha ko rin ang Queen’s stage!” Para itong maiiyak sa sinabi niya. “Ay, wagi!” Natuwa ito sa sagot niya. May usapan kasi sila nito na magbabayad siya ng limang libo para sa kwarto na tinutuluyan niya sa bahay nito. Sabi nga nito, walang libre. “Gloria! Ikaw na, bruha ka!” sigaw ng isa pang bakla dito. “Charat ka! Saglit lang! Heto na.” sagot nito sa tumawag dito. “Babush muna,” baling nito sa kanya bago ito nagmadali sa pagkilos at nawala na parang bula sa harap niya. Ngayon na naiwan siya na mag-isa sa kinatatayuan, hindi niya alam kung paano at saan magsisimula sa trabaho. Nasagi pa siya sa balikat ng isa na dumaan. “Sorry,” aniya. Sinimangutan siya nito. “I need PA!” sigaw ng isa pang bakla na may kapayatan. Napalingon dito si Dolly kaya tinungo niya ito. Gusto niyang magpasalamat at may isang bakla na humingi ng tulong niya. Kailangan niya nang simulan ang trabaho niya ngayong gabi. Nilapitan niya ito. Halata niya na ayos ang make-up nito pero may kulang. Madungis ang eye shadow nito. “Ako po.” “Kailangan ko ng size eight na sapatos na bagay dito sa damit ko, ikuha mo ako sa wardrobe sa itaas,” sabi nito. Blonde ang wig nito na straight na straight. Hindi niya alam kung sino ang gagayahin nito sa gabi na iyon dahil hindi niya mamukhaan ang make-up nito. Tinatakpan ng tila bra na pinuno ng mga diyamante ang dibdib nito na halatang dumaan sa karayom. Maumbok iyon na halatang may silicone. Kumikinang ang kasuotan nito na kulay silver na may mga diyamante rin na abot hanggang binti. “Pakibilis lang, bakla ha!” huling bilin nito. Napakamot siya sa pisngi. “S-saan ang paakyat sa itaas?” tanong niya. Unang araw niya doon kaya siguro naman ay maiintindihan siya nito. Sumimangot naman ito kaagad. “Ha’yun ‘o! Malditang ‘to! Sige na’t pumunta ka na d’on!” pagtataboy nito. “Britney! Sabi ni Manager be ready in 10 minutes!” sigaw ng isa pang bakla mula sa pintuan sa baklang blonde ang buhok na nasa tapat niya. “Aaaay! Ooopsie! Maldita ka, Kumuha ka na ng sapatos ko dali! Bakit narito ka pa rin sa harapan ko?!” inis na tanong nito sa kanya. Nagmadali tuloy siyang lumayo mula dito saka umakyat sa hagdan na itinuro nito. Umakyat siya sa ikalawang palapag at tatlong pintuan ang natagpuan niya doon. Napapangiwi na hindi niya alam kung nasaan ang tamang wardrobe kung saan siya kukuha ng sapatos. Ayaw naman niya na mapagbintangan na magnanakaw kung basta na lang siya may bubuksan na pintuan. Punyemas! Alin naman dito sa mga kwarto ang pintuan sa wardrobe? Saan ako kukuha ng sapatos? Binuksan niya ang pintuan sa kaliwa at isang kwarto na may kama ang natagpuan sa loob. Sinara niya muli iyon dahil sigurado na hindi iyon ang hanap niya. Ang katapat nitong pintuan sa kabilang panig ang sumunod na binuksan niya. Sumilip na muna siya mula sa pintuan para makita kung iyon ba ang wardrobe. Ngunit dalawang dipa pa lang na nakaawang ang pintuan nang may lumitaw sa paningin niya mula sa likod ng nakabukas na pintuan. “Who are you?” tanong nito. Inangat ni Dolly ang paningin at bahagya siyang na-mesmerize sa lalaki na may baritonong boses. Napatulala siya dito. Unang beses niyang makakita ng anak ni Adonis. Umawang ang labi niya habang nakatitig dito. Nakalimutan na nga niya agad ang kailangan niya sa palapag na iyon dahil sa pagkakatitig sa lalaki. Lalong sumalubong ang kilay nito habang nakatingin sa kanya. “Are you done? What are you doing here?” “Kailangan ko po ng…” parang wala sa sarili na saad niya. Hindi niya maituloy kung ano ang sunod na sasabihin. “What is it?!” singhal nito na nakapag-pakislot sa kanya. “So-sorry po. Hanap ko po ang wardrobe,” sagot niya dito na parang hinuhusgahan sa korte. Hindi ito nagsalita at sa halip ay itinuro ang ikatlong pintuan. Nagmamadali si Dolly na umalis sa harapan nito. Oh, Dear Santa Clara, Maria Mercedes, inang mahabagin! idamay mo na rin si Santa Claus! Ang pogi ni Kuya, kaya lang suplado! sabi niya sa sarili habang kumakabog ang dibdib dahil sa kaba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD