NAKAPILI naman si Dolly ng sapatos na ipasusuot niya kay Britney. Isang puting boots na matulis ang toe part na nakita niya sa mga nakahilerang mga sapatos. Nagmadali siya na lumabas dahil mahirap nang mapagalitan sa unang gabi pa lang.
Inabot niya dito ang kailangan nito nang makababa sa dressing room. “Thanks!” anito.
“Britney! Tara na daw!” sigaw ng isa pang bakla dito na makapal din ang make up.
“ ‘Yung gamit dito paki-ayos naman please!” sigaw ng isa pang bakla sa kanya na nasa hindi kalayuan. Sa tingin niya ay napansin nito na inasikaso niya kasi ang bakla na nagngangalang Britney kanina. Nagmamadali na tumungo si Dolly dito.
“Pakiayos ha. Salamat!” Nagmadali itong umalis palabas ng dressing room.
Nakakalat sa vanity mirror nito ang mga make-up at wigs. Seryoso na inayos niya ang mga iyon. Napapangiwi nga lang siya dahil parang masyadong burara ang bakla na kaaalis lang. May mga naiwan pa kasing tisyu na ginamit nito sa make-up na bahagyang nakakadiri ang itsura sa kanya.
Dinidiretso kasi niya ang tisyu o wet wipes sa basurahan kapag siya ang mag-aayos sa sarili. Wala siyang nagawa kung hindi linisin ang pwesto nito. Lumapit sa kanya si Jomar hindi pa man siya nangangalahati sa mga inaayos na gamit.
“Day, tara sa labas! Manood ka ng isa sa mga performance ni Gloria. Para masanay ka na dito sa amin.” Hinawakan nito ang braso niya at inakay siya palabas ng dressing room.
Pinasukan nila ang isang pintuan na hinaharangan lang ng itim na kurtina. Hinawi nito iyon at isang malaking bulwagan ang bumungad sa kanya kung saan naroon ang ilang mga mesa para sa mga customers. Mas lumakas din sa pandinig niya ang ingay dahil mas malapit ang speakers. Nagkikislapan ang paligid dahil sa mga ilaw sa stage, mga camera ng mga customers at kasuotan ng mga baklang nakaabang sa isang mesa.
Napansin niya na marami ang customers sa gabi na iyon dahil Biyernes ang araw. Walang pasok ang mga manggagawa kinabukasan.
Noon lang din nakita ni Dolly ang malawak na stage kung saan nagpe-perform sa kasalukuyan si Gloria. Nagli-lip sync ito sa kasalukuyan sa kanta ni Whitney Houston na ‘I will always love you’. Nakapagpalit ito ng gown na halos maging suman na ito sa sikip. Nakabakat sa katawan nito ang mga taba at kung ano pa na hindi nito ikinakahiya na ipakita sa mga manonood.
Bahagya siyang napatulala dahil malaki nang hindi lang apat na beses ang stage sa bar na iyon kumpara sa mga lugar na pinupuntahan niya sa probinsiya ng La Union. Pinakabongga na ang bahay ni Mayor para sa Gig niya na wala pa yata sa kalahati ng stage na tinitingnan niya sa kasalukuyan.
“Huy, tara na!” tawag sa kanya ni Jomar.
Napalingon siya dito at nagmadaling sumunod sa lalaki. Umakyat sila sa ikalawang palapag kung saan mas kita ang performances ng mga nasa stage. Humilig si Jomar sa haligi na gawa sa bakal. Tinabihan niya lang ito. Medyo ‘reserved’ pa ang ugali na ipinakikita niya dito dahil unang gabi pa lang niya. Mahirap nang magkaroon ng bad impression sa kanya ang mga kasama doon.
Pinagmasdan niyang mabuti ang bar. Mga nag-iinuman ang halos buong kabuuan ng bar na iyon. Nakasisilaw ang puting liwanag na nakatutok sa nagpe-perform na nasa stage. Malalaki ang mga speaker sa paligid.
“And I… will always love you… ah ay ay ay...” parang nanginginig pa ang mga labi ni Gloria dahilan para matawa ang ilan sa mga customers. Nagpagewang-gewang ang katawan nito na parang si Pilita Corales. Bahagya pang inilalayo ang mic sa bibig.
“Will always, love you…”
“Hey! You b*tch!” boses ni Nikki Minaj ang narinig nila sa speaker at itinutok ang spotlight sa bagong dating na karakter, isang bakla na kamukha ni Nikki Minaj. She didn't notice the girl earlier backstage. Posible na nasa ibang lugar ito kaya hindi niya ito napansin.
Nakasuot ito ng pink at makintab na tangga. Blonde at straight ang buhok nito na abot hanggang bewang, nakasuot ito ng stocking na ekis-ekis at parang pakpak ng paru-paro ang pilik-mata nito. Nakasabit sa tenga nito ang wireless mic. Malandi itong naglakad patungo kay Gloria. Nakataas pa ang isang kamay nito sa ere.
“You watch my show, Mommy,” anito saka nag-twerk sa stage. “You see? B*tch!”
“Akala mo ay ikaw lang ang may kaya n’yan?” Nag-twerk din si Gloria sa stage pero ‘yung tipo na parang nirarayuma na. Nagsipagtawanan ang mga customer sa paligid. Bahagya rin siyang natawa dito.
The interaction between the two people on stage is way different than her background. Mas sanay kasi siya na mag-isa na nagpeperform sa nakalipas dahil solo performer siyang madalas.
“Heto, kaya mo?” tanong ni Nikki saka nag-cartwheel sa stage ngunit mabilis na tinakpan ang hinaharap. “Sa mga audience, kung sakali na may nakita po kayo na sumilip. Ahas po iyon.” Nagsipagtawanan ang mga audience.
“-at sunog na singit,” singit ni Gloria.
“Hey, Yo! I am.. I am… english ‘teh di kaya ng powers ko. B*tch!”
“Kaya mo ‘yan, anak. Ginusto mo ‘yan,” ganti ni Gloria.
“Hindi ko talaga kaya? B*tch! Ayos lang naman siguro dahil maganda ako. Maganda ako at saka maganda ako.”
“At maitim ang singit! Echosera to!”
Nagpapalitan ng asaran ang dalawa sa entablado at panaka-naka ay natatawa siya sa dalawa katulad ng iba pang manonood. Ilang saglit pa ay nagshowdown ang dalawa sa stage gamit ang lip sync. Pinalilibutan din ang mga ito ng mga maskuladong back-up dancers.
Naaaliw si Dolly sa makulay na mundo na iyon ng Queen’s bar. She was mesmerized by the glitter, lights and applause of all the people around the stage.
The place was full of one word, “happiness”. It was the world of laughter, joy and peace para sa mga baklang tulad niya.
‘Laughter,’ dahil sobrang saya ng mga manonood.
‘Joy,’ kasiyahan sa mga kabaklaan ang magpasaya rin sa kapwa nila. Alam niya na masaya ang mga ito habang nagp-perform dahil nagagawa nito ang maging bongga gabi-gabi. Araw-araw ay tinitingala ang mga bakla na nasa ibabaw ng stage na iyon at ginagawa nito ang lahat para maibigay ang kasiyahan sa mga manonood. Iba rin siguro ang saya na may kasama sa stage na parang nagco-concert, ito ang nasa isip niya.
‘Peace,’ dahil alam niya na sa stage ay payapa ang kaisipan ng mga ito. Nakakalimutan ng mga ito ang problema kahit sa sandaling oras lang dahil mas lamang ang kagustuhan na makapagpasaya ng manonood.
Sa oras na iyon ay hindi maiwasan ni Dolly na mangarap na mapabilang sa tulad ni Ate Gloria na isa sa mga bida sa entablado.
Determinado siya at gagawin niya ang mga paraan para makapagperform siya doon. Sisiguraduhin niya iyon at gagawin niya ang lahat para maibigay ang ‘best’ niya.
“Satisfied?” tanong ni Jomar matapos ang performance ni Nikki at Ate Gloria.
“Satisfied, Memsh,” sagot niya dito.
“Iyan ang dahilan kaya galingan mo sa trabaho mo bilang PA. Kailangan kasi nila ng tulong. Huwag kang mag-alala, kapag nagkaroon ng tiyansa, bibigyan kita ng pagkakataon. Medyo malabo lang talaga ngayon dahil may problema si Boss sa funds.”
Tumango lang siya. Pinabalik naman siya nito sa dressing room para tumulong muli sa mga kasama. Binalikan niya ang trabaho na iniwan nang tawagin siya ni Jomar at pinagpatuloy ang pag-ayos sa mga gamit.
Naisip niya habang inaayos ang mga gamit na ang maging parte ng lugar na iyon kahit PA ay isang malaking panalo na sa kanya. Sinong performer pa ang ayaw ng ganito?
Ayon kay Jomar, lima silang PA sa bar na iyon. Napansin naman niya ang iba pa. Ang ilan ay tumutulong sa make-up, sa kasuotan at sa kung ano pa ang kailangan ng mga talent sa bar na iyon.
Nakilala niya ang isa sa mga PA na Pritz ang pangalan. Galing din ito sa probinsiya na tulad niya. Iba naman ang kuwento nito dahil ayon dito ay umibig ito sa lalaking may asawa. Hinuthutan lang daw ito ng lalaking iyon para sa misis talaga nito. Dahil sa pagmamahal sa sarili ay pinili nito na lumayo sa probinsiya.
May ilan pang mga inutos sa kanya ang mga performer doon hanggang sa hindi na niya namamalayan na ang iba ay nakabalik na sa loob ng dressing room, ang iba ay nakaalis na at ang iba ay nag-iwan ng kalat ng mga ito sa mga hilera ng vanity mirror.
Hindi na niya namalayan pa ang oras hanggang sa umabot na nga ang alas singko ng madaling araw. Pakiramdam niya ay napagod siya nang sobra sa pag-aasikaso sa mga ito.
“Day, tara na at uwian na.” Inaya siya ni Gloria na makauwi na sa tahanan nito. Halos namumungay na ang mata nito dahil sa antok.
Parehas silang pagod at inaantok. Naaamoy rin niya ang alak mula sa katawan nito na halatang napainom ito sa bar na iyon, ngunit hindi naman ito lasing.
“Ate Gloria, salamat ha,” sabi niya dito habang naglalakad patungong sakayan ng jeep papauwi.
“Walang problema, Day,” anito saka naghikab.
May mga nadaanan silang tricycle driver na natatawa sa ayos nila. Makapal kasi ang make-up ni Gloria. Makulay ang eye shadow nito sa mata ay nangingintab ang kasuotan. Sumipol pa ang isa. Tinitigan niya iyon ng masama. Ngising-ngisi pa rin naman ito.
“Wit na patulan ‘yan, Day,” pigil ni Gloria. “Masanay ka na ngayon pa lang na marami ka pang pagdadaanan na experience dito. Ganyan ‘yan sila. The world outside Queen’s bar is full of sarcasms against us. That is the reality. Iniisip ko na lang na naiinggit lang sila sa make up ko,” napapailing na saad nito.
“Nakakainis lang kasi Ate na akala mo kagwapuhan, Pwe!” Saka niya inirapan ang tricycle driver.