ISANG kalabit mula sa kundoktor ang gumising kay Dolly. Nakabalik siya sa kasalukyan. May mga namuong luha sa mata niya. Pinunasan niya iyon kaagad.
“Nandito na po tayo sa istasyon ng bus sa Cubao, Mam.”
Pinipilit pa muna niyang gisingin ang sarili. “S-salamat kuya,” saad niya bago naghikab.
Tumayo siya at kinuha niya ang travelling bag na nasa uluhan ng tapat na upuan at saka lumabas. Isang mailaw na mundo sa kamaynilaan ang bumungad kay Dolly. Dito sa bus station na ito ay magsisimula ang buhay niya sa lungsod na ito, ito ang nasa isip niya.
-----
ALAS diyes ang eksaktong oras. Kumpara sa probinsiya kung saan siya galing na kapag ganitong oras ay tahimik na ang baryo nila, maingay at buhay ang siyudad ng Metro Manila. May mga kabataan pa sa kalsada ang nadaanan niya ang nagkukuwentuhan.
May mga umuuwi na mga sales lady mula sa mall na nasa malapit. Ang mga ilaw ay tila nagbibigay ng bagong buhay sa madilim na gabi ng siyudad. Ang ilan pa nga sa mga call center ay papasok pa lang sa opisina ng mga ito.
Ibang-iba ang lugar ng kamaynilaan sa lugar na kinalakihan niya. Hindi naman iyon ang unang araw na nakapunta siya sa Maynila kaya hindi naman siya inosente. Isinama na siya sa show doon ng isang kaibigan nang minsan na may tanggapin itong gig. Siya ang nag-make up sa kaibigan niyang iyon.
Hinanap ni Dolly ang tahanan ni Ate Gloria, ang isa sa matalik na kaibigan ng Tita Mitch niya. Sinabihan siya ng tiyahin noong nabubuhay pa ito, na kung sakali na kunin ito ng panginoon ay humingi siya ng tulong sa kaibigan nito. Sigurado daw na tutulungan siya nito.
Hindi naman siya nahirapan na hanapin ang bahay nito dahil ibinigay iyon sa kanya nito nang magkausap sila sa telepono noong nagdaang linggo. Matatagpuan lang din sa Cubao, Quezon City ang tahanan nito.
Isang may kalakihan na bahay ang itinuro ng address na nakasulat sa papel at natagpuan niya. Nakakunot pa ang noo niya na parang nagdududa kung ang bahay nga ba na natagpuan ang tahanan ni Ate Gloria. Malaki kumpara sa mga tahanan sa probinsiya ngunit ordinaryo lang dito sa Maynila.
Nag-doorbell si Dolly sa buton na nasa tabi ng gate. Nagpasabi naman siya dito na ngayong araw siya darating sa bahay na iyon, kaya siguro naman ay tatanggapin pa rin siya nito bilang panauhin. Medyo nag-alangan lang siya dahil inabot na siya ng dis-oras ng gabi.
Matapos ang ilang saglit ay nagbukas ang gate at lumitaw ang isang may-edad na bading. May tuwalya pa na nakapulupot sa uluhan nito na halatang bagong ligo ito. Bahagyang malaki ang tiyan nito na hindi ikinaila ng suot nitong nighties na kulay maroon.
Napangiwi siya dahil lalo itong nangitim sa suot nito. Anak kasi ito ng Black American. Balita pa nga niya ay si Whitney Uson ang madalas nitong gayahin sa stage.
“A-ate Gloria?” paninigurado niya.
“Dolly? Ikaw na ba iyan?” hindi makapaniwala na tanong nito.
“Yes, that’s me. Wala nang iba pa,” malambot na sagot niya.
“Aaaayy!” Halos magdugo ang tenga niya sa tili nito. Halos magising ang mga kapitbahay nito sa paligid. “Pasok! pasok ka...”
Pinatuloy siya nito sa loob. Sakto ang laki ng tahanan nito na may tatlong kwarto ngunit makalat. Nagkalat sa sofa ang mga kasuotan nito; iba’t-ibang kulay ng gown at mga kung anu-anong burloloy. Sa mesa ay may mga make-up pa. May vanity mirror din siyang nakita na nasa isang sulok.
Sa kabuuan ay halatang may kamahalan ang mga gamit nito. Kamahalan kumpara sa bahay nila na hindi masyadong naka-a-angat sa buhay pero alam niya na hindi pa iyon ang pinaka-bongga sa Maynila.
“Pasensya ka na ha. May show dapat kasi ako ngayon pero hindi ako pumasok nang maalala ko na ngayong araw ang dating mo. Kumain ka na ba? Nagmeryenda ka na ba? Ano ang nangyari sa tita Mitch mo?” sunud-sunod na tanong nito matapos niyang makaupo sa single sofa.
Bumahid ang kalungkutan sa mukha ni Dolly at mabilis na namula ang mata niya nang maalala ang tiyahin.
“Nakakain na po ako,” pagsisinungaling niya. “Ang totoo Ate Gloria, hindi pa ako nakaka-move on sa pagkamatay ng Tita Mitch ko,” bahagya siyang humikbi. Ilang linggo pa lang kasi ang huling araw at nakasama niya ito.
Mabilis din naman na nadamay ito sa kalungkutan niya.
“Alam mo Day, wala akong ibang hiniling noon kung hindi ang makaligtas siya sa sakit niya. Bata pa lang ako ay magkaibigan na kami. Madalas ko siyang ayain dito sa Maynila noon pero ayaw niya. Madalas niyang sabihin sa akin na kung paano daw kung sakali na bumalik ang kapatid niyang si Josie sa bahay niyo?” Nagpunas ito ng mata saka nakiramay sa paghikbi.
Kumuyom naman ang kamao ni Dolly matapos marinig ang pangalan ng ina mula dito. Hangga’t maaari ay ayaw niya nang marinig pa ang pangalan nito. Tumahimik lang siya para hindi mapahiya si Ate Gloria.
Hindi naman nakalusot dito ang pananahimik niya. Bigla nitong nakagat ang labi.
“Bakit nga ba napakadaldal ko? ‘O siya, alam naman natin kung bakit ka narito. Bukas ng gabi ay aayain kita na sumama sa akin sa Queen’s bar.”
Tinulungan siya nito na dalhin ang mga gamit niya sa itaas na kwarto.
“Inihanda ko talaga ito para sa iyo nang sabihin sa akin ni Betchay na papunta ka nga daw dito. Dolly, ngayon pa lang ay aabisuhan na kita. Dito sa Maynila, hindi pwede ang tamad. Kailangan mong tulungan ang sarili mo para maka-survive ka. Mali ang akala o iniisip ng iba na maraming pera dito. Hindi libre ang mga bagay dito. Lahat ay pinaghihirapan.”
Napatango siya sa sinabi nito.
“Salamat, Ate Gloria.” Naintindihan naman niya kaagad ang ibig sabihin nito. Hindi niya ito bibiguin. Ngayon na narito siya sa siyudad, kailangan niyang harapin ang kung ano mang klaseng pagsubok ang ibibigay sa kanya ng panginoon.
Iniikot niya ang mata sa kwarto na inilaan ni Ate Gloria sa kanya. Isang simpleng kama lang ang naroon na nababalutan ng kumot. May maliit na orocan cabinet na kulay blue green na nasa isang sulok. Bukod sa dalawang bagay na iyon ay wala nang iba pa.
Ayos na sa kanya ang ibinigay nito at nagpasalamat siya na mabuti nga at may isang Ate Gloria ang tutulong sa kanya sa bagong laban niya sa buhay.
Sa lahat ng ibinilin ng Tita Mitch niya bago ito namatay, isa lang ang hindi niya kayang tanggapin at iyon ay ang hanapin ang ina.
Iniwan siya nito noong sanggol pa lang siya kaya ano ang karapatan nito para tanggapin niya ito? Kahit nang namatay ang nag-iisa nitong kapatid ay hindi man lang niya nakita ang anino nito.
Kumuha si Dolly ng yosi sa bulsa ng bitbit niyang bag at saka sinindihan iyon habang nakadungaw sa maliit na bintana. Hinithit iyon at saka pinakawalan ang isang usok sa bibig. Nagagawa niya ang magyosi kapag ganitong na-i-stress siya.
Ipinapangako niya na yayaman siya at lalagpasan niya ang kung anuman na narating ni Ate Gloria, determinadong nasa isip ni Dolly.
-----
KINABUKASAN ng gabi.
Isinama siya ni Ate Gloria sa pinapasukan nito. Sumakay sila ng dilaw na taxi. Bahagya pa silang na-traffic sa EDSA.
“Masanay ka na dito sa Maynila. Ganito talaga ang buhay dito kaya madalas na maaga akong umaalis ng bahay,” anito.
Mga pulang ilaw ng backlight ang nakikita ni Dolly sa unahan ng taxi at sa magulong kalsada. Ibang-iba talaga ang lugar sa probinsiya nila.
Inabot sila ng 30 minutes bago huminto ang sinasakyan sa tapat ng isang bar. “Heto bayad.” Inabot ni Ate Gloria ang bayad sa driver saka siya hinila na pababa doon. Male-late na daw kasi ito. Sumobra kasi sa traffic nang araw na iyon.
Sumalubong sa kanila ang neon lights na pula, orange at dilaw ang kulay. Isinulat ng mga neon lights na iyon ang ‘Queen’ na may corona pa. Isang maliwanag na puting ilaw naman ang nasa ilalim at nakasulat ang ‘Bar’.
Queen’s bar, basa niya sa isip habang nakatingala.
“Bruha! Tara na dito, late na akes,” reklamo ni Ate Gloria.
Nagbalik naman sa nagmamadaling pagkilos si Dolly. Nakakahiya kasi dito na siya pa ang maging dahilan ng pagkalate nito.