SABADO ng umaga ay maagang nagtungo si Vicky sa palengke kasama ang kaibigan niyang si Suzi para bumili ng rekado sa lulutuin niyang kare-kareng pata ng baboy. Iyon ang isa sa paboritong ulam ni Travis. Tiyak siya na matutuwa ang kaniyang kasintahan sa ihahanda niya.
Naisip ni Vicky na kailangan din niyang maging sweet paminsan-minsan. Kahit na madalas siyang galit at masungit kapag kinakausap niya ang kasintahan. Minsan kasi ay iniisip ni Vicky ang mga bagay-bagay tungkol sa trabaho ni Travis. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang pagseselos. Kahit na sa tingin niya ay wala naman siyang dapat na pagselosan. Ang bansa ang pinagsisilbihan ng kaniyang mahal na kasintahan. At kung may dapat man siyang pagselosan ay ang bansa iyon at hindi babae.
Ipinilig niya ang ulo at inalis ang iniisip na iyon. Hindi iyon makakabuti sa kanilang relasyon. Kailangan niyang magtiwala dahil iyon ang nararapat. Ibinaling niya ang tingin kay Suzi na mukhang pagod na pagod na.
Bitbit ni Suzi ang kaniyang bayong na may lamang talong, sitaw at petchay. Magaan pa lamang ang buhat-buhat nito pero wagas na kung magreklamo. Katulad na lang ngayon na panay pahid na nito sa noo na may butil-butil na pawis.
"Kaloka ka! Ako talaga ang ginawa mong alalay. Kung alam ko lang na sa palengke tayo pupunta dapat ay hindi na ako nagsuot ng magandang damit. Tignan mo ang itsura ko, Vickierela. Mukha akong bilasang hipon... amoy paksiw na akong bangus." Itinaas nito ang basang kili-kili na bumakat sa pink na suot nitong damit.
"Huwag ka ngang maarte, bakla. Sinabi mo sa akin na dapat kong ipakita ang pagmamahal ko kay Travis. Ginagawa ko na ngayon... namamalengke ako para sa kaniya. Tignan mo naman, effort na effort ako para sa lalaking irog ko. Bitbitin mo na lang iyan at nang matapos na tayo sa pamimili. Marami pa akong bibilhin, bakla. Gusto kong mag-bake ng cake para sa kaniya... kahit na kinakalawang na ako sa gawaing iyon ay susubukan ko pa rin. Sa tingin mo, bakla?" namimilog ang mga matang tanong ko rito.
"Bumili ka na rin ng red roses at red wine. Pati na rin scented candles para maging romantic ang dinner date ninyo ni Papa Travis. Bahala ka sa buhay mo, Vickierela!" pagkasabi niyon ay nag-walk out ito sa kaniyang harapan.
Naiiling na sinundan ni Vicky ang kaniyang kaibigan habang iniisip ang ibang putahe ng kaniyang lulutuin. Kailangan niyang um-effort sa araw na ito.
Huminto si Suzi sa paglalakad at tumapat ito sa bilihan ng mga underwears. Ibinaba nito ang bayong at saka kumuha ng pares na lingeries at saka iyon ipinakita sa kaniya.
"Bili ka na rin ng ganito, Vickierela." Humagikhil ito habang nakatingin sa kaniya. "Dapat mo ring matutunan ang pagiging malandi kahit minsan lang," bulong pa nito sa kaniya nang makalapit siya.
Inirapan niya ang baklang kaibigan na aliw na aliw habang inaasar siya.
"Hindi ko iyan gagawin no! Mahal ako ni Travis dahil sa pagiging simple kong babae. Dapat mo ring matutunan ang pagiging mahinhin." Iniwan niya ang kaibigan na tuwang-tuwa sa red na lingeries.
"Sayang bibilhin ko sana ito para sa iyo," mataray na sabi ni Suzi at pakembot-kembot siyang sinundan.
Nang matapos ang apat na oras na pamimili ni Vicky ay nakauwi na rin sila sa kaniyang bahay. Kaagad na tinungo no Suzi ang refrigerator at kumuha ng malamig na tubig. Samantalang, inumpisahan namang niyang linisin ang pata ng baboy na binili niya.
Sumandal si Suzi sa lababo habang nakatingin sa kaniya. "Mabuti na lang talaga nagkabalikan kayo ni Papa Travis. Dahil kung hindi ay hindi kita nakikitang masaya ngayon. Sana ay kahit na ano pa ang problema na dumating sa buhay ninyong dalawa ay malampasan ninyo," madramang sabi ni Suzi. Narinig niya ang pagbuga nito ng hangin. "Hay, ako kaya. Kailan darating ang Papa ng buhay ko, puro na lang lesson plan ang nagpapakilig sa akin."
Tumawa siya sa naging biro ni Suzi. "Darating din iyan. Maraming magagandang guro na bago sa Magsaysay. Subukan mong magpakalalaki, Suzi. Hindi sa, hindi ako boto sa pagiging bakla mo pero, isipin mo ang future mo... ayaw mo ba na magkaroon ng buong pamilya? O tatanda ka na lang binata at mabubuhay mag-isa."
"Loka! Hindi ako tatandang binata dahil nariyan ka. Ako na lang mag-aalaga sa mga anak ninyo ni Shine." Humalukipkip ito at saka tumingin sa kaniya. "Wala sa isip ko ang nanligaw ng kapwa ko Eba, Vickierela! Baka mamatay ako kapag ginawa ko iyon." Umikot ang mga mata nito sa ere.
"Manligaw ka lang, mamatay ka na kaagad? Ewan ko nga sa iyo," sabi naman ni Vicky habang inilalagay sa strainer ang pata ng baboy na na-slice na. Isinunod niya ng mga biniling gulay at saka iyon mabuting hinugasan.
"Tumawag sa akin si Arjo kahapon. Tinatanong ka niya at kinakamusta. Sinabi ko naman na maayos ang lagay mo at nag-asawa ka na. Hindi na siya nagtanong pagkatapos."
Nanlaki ang kaniyang mga amta sa sinabi ni Suzi. "Bakit mo sinabi na nag-asawa na ako?"
"Para hindi na siya manguliy pa. Alam mo, dapat sinasabi mo na sa kanila ang tungkol sa bagay na iyon dahil doon din naman ang punta ninyo ni Papa Travis. Ikakasal din kayo at magkakaroon ng mga anak... period. Huwag na nating iliko ang mga bagay na doon ang punta." Hinawi nito ang buhok na clean cut. "O, siya. Magluto ka na at uuwi na ako sa bahay namin. Pupunta na lang ako rito mamayang tanghalian para makikain. Marami pa akong tatapusin na school works. Lalo na ngayon at malapit na naman ang fourth quarter exam ng nga junakis."
Sinapo ni Vicky ang kaniyang noo. "Gagawa rin pala ako ng test papers."
"Gawin mo muna ang bebe time ninyo ni Papa Travis. Tutulungan na lang kita next week. Gora na ako, Vickierela. Sarapan mong magluto para sa jowa mo." Tinungo nito ang pintuan at saka umalis nang tuluyan sa kaniyang bahay. Naiwan siya mag-isa at masayang ngumiti habang naghahanda ng mga sangkap para sa iluluto niya.
"Sana magustuhan mo ang lahat ng ito, Travis," nakangiting sabi niya habang may hawak na kutsilyo at magsisimula nang magluto.
PAIKOT-IKOT si Travis habang naghihintay sa paglabas ni Amanda mula sa second floor. Nasa sala siya at naghihintay para makapagpaalam dahil uuwi siya ng Fierro Tarlac ngayong tanghali dahil nangako siya kay Vicky.
Ito ang unang anibersaryo nila bilang magkasintahan at hindi niya palalampasin ang araw na ito na hindi masusurpresa ang kaniyang mahal na kasintahan kahit isang gabi lang.
Bukas ay pupunta sila ni Amanda sa Baguio City para pumunta sa pictorial nito roon. At para na rin samahan ang dalaga sa pagbabakasyon. Hindi batid ni Travis kung hanggang kailan sila magtatagal sa Baguio. Pero isa lang ang sigurado niya. Magtutungo si Silva sa lugar na iyon para sa anak nito. Kailangan niyang makaisip ng plano para magpasikat sa demonyonh iyon. Kakapit siya sa patalim kahit pa kamatayan niya ang magiging kapalit. Makapaghiganti lamang siya kay Silva sa ginawa nitong pagpatay sa kaniyang mga magulang.
Tumingin si Travis sa suot niyang smart watch. Kailangan na niyang makaalis dahil naghihintay na si Vicky at tiyak na magagalit ito kapag hindi siya makarating. Kakaayos lamang niya ng relasyon nila ng dalaga at hindi na dapat iyon masira.
Halos kalahating minuto na niyang hinihintay na magising ang amo na lasing na lasing kagabi. Nanggaling sila sa isang birthday party ng kaibigan nito na galing America. Kahit na naiinis siya sa dalaga kagabi dahil sa pakikipaglandian nito sa kaniya ay pinilit niyang kumalma. Parte ito ng kaniyang mission para makaganti siya kay Silva. Natutuwa si Travis dahil nagiging kaibigan na siya ni Amanda. At isa iyong malaking bagay para madispatsa niya nang mabilis si Silva.
Muling tinignan ni Travis ang kaniyang orasan. Ala una na ng hapon at hindi pa rin niya mahintay ang kaniyang amo. Nilapitan siya ni Nelson, ang isang bodyguard na kasama niya kagabi sa club. Napansin marahil nito na hindi siya mapakali sa pag-upo at pagtayo sa sofa.
"Hinihintay mong magising si Senyorita? Bakit hindi ka na lang umalis. Nagpaalam ka naman na kagabi, 'di ba?" Hindi siguradong tanong nito sa kaniya.
"Hindi ba siya magagalit? Ang totoo niyan nagpaalam na ako pero wala siyang sinabing pumapayag siya." Umupo siya sa sofa at dumekuwatro habang nakasapo sa kaniyang baba. "Kapag hindi pa siya nagising hanggang mamaya, aalis na ako, Nelson. Kailangang-kailangan ako ng... ng Nanay ko."
Tinapik nito ang kaniyang balikat. "Sige na umalis ka na. Ako na ang bahalang magsabi kay Senyorita kapag nagising siya. Day of mo naman ngayon kaya umalis ka na. Agahan mo na lang pumasok bukas dahil maaga tayong aalis." Nilampasan siya nito at nagtungo sa may kusina.
Umiling si Travis sa sinabi ni Nelson. Mabuti pa nga na umalis na siya para maaga siyang makarating ng Mabini Fierro. Gusto na niyang mayakap ang kaniyang mahal na kasintahan. Marami siyang kasalanan dito at kung bibilangin niya ang lahat ng iyon baka bumingo na siya.
"Hintayin mo ako, my labs," nakangiting sabi ni Travis sa kaniyang sarili habang naglalakad palabas ng mansion ni Amanda.
NAKANGITING nakasilip sa may pintuan ng kaniyang kuwarto si Amanda. Gustong-gusto niyang makipaglaro kay Gas. At naaliw siya sa pagpapakipot na ginagawa ng binata sa kaniya.
Sinadya niyang umastang lasing para halikan ito nang paulit-ulit kagabi. Hindi alam ng kaniyang daddy ang kabaliwan na kaniyang ginagawa. But who doesn't care. Single si Gas at single din siya. They are both meant for each other. At natitiyak niya na magiging parte siya ng buhay ni Gas.
Muling isinara ni Amanda ang pintuan ng kaniyang kuwarto. Hinayaan niyang makaalis si Gas para sa nanay nitong maysakit. At lalo niyang nagugustuhan ang binata sa pagiging mabuti nitong anak.
Ibinagsak niya ang katawan sa malambot niyang kama. Nang biglang mag-ring ang telephono sa kaniyang tabi.
"Hija... are you sleeping? I just want to ask if you were coming tomorrow with us on Baguio?" malambing na tanong ng kaniyang ama.
"Yes, dad. Pero hindi na kami makikisabay sa inyo sa pagpunta. I want to have a trip without bodyguards... except with Gas."
"But--- okay. Tell Gaspar to drive you safe. Amanda, are you sure of him? Hindi natin siya kilala nang lubusan."
Nahimigan ni Amanda ang pag-aalala sa tinig ng kaniyang ama. Inilipat niya sa kabilang tenga ang telephono at saka dumapa sa kama.
"Dad, I'm one hundred percent sure. Mabuti siyang tao at nakita naman ninyo na kaya niyang ibuwis ang buhay niya... just to protect me. At siya ang lalaking gusto kong makasama. Kung ayaw ninyo, babalik na lang ako sa LA with mom," naiinis sa sabi niya.
Narinig ni Amanda ang pagbuga ng hangin ng kaniyang ama. Alam niyang hindi siya nito matitiis at hindi nito gustong bumalik siya sa LA para sa makasama ang kaniyang ina na busy sa negosyo at pagpapagganda.
"Fine. Kailangan kong makausap ang body guard mo ngayon," maawtoridad nitong utos.
Kinagat ni Amanda ang kaniyang ibabang labi. "He's not here. Nagpaalam siya sa akin na bibisitahin niya ang nanay niya na may sakit. And it's his day of... maybe you should talk to him tomorrow."
"Okay... keep safe anak. I love you."
"Thanks dad. You are the best father. I love you so much." Pinatunog ni Amanda ang kaniyang labi bago tuluyang ibaba ang telephono.
Isinubsob niya ang mukha sa unan dahil natutuwa siya sa pagpayag ng kaniyang ama na tanging si Gas lamang ang makakasama niya bukas sa Baguio City at ang kaniyang assistant na si Oreo. Busy ang daddy niya sa trabaho nito kaya hindi ito magtatagal sa lugar.
Dinama ni Amanda ang kaniyang labi na hinalikan ni Gas kagabi. Hindi niya mapigil ang sarili na mag-ilusyon. Na hawak siya nito at hinahalikan... sa kaniyang labi... pababa sa kaniyang leeg... at patungo sa ibabang parte ng kaniyang katawan. Habang hawak niya ang matitigas nitong muscles na lalong nagpapainit sa kaniyang katawan.
"Sht!" mura ni Amanda habang nakapikit. Pagkatapos ay tumawa siya nang malakas dahil sa kabaliwan na kaniyang naiisip.
Nakukuha niya ang lahat ng gusto niya... at titiyakin niyang makukuha niya si Gas. Mabibihag din niya ang puso ng binatang kinababaliwan niya.