Hindi magkandaugaga si Vicky habang nakatingin sa kaniyang inihandang pagkain sa lamesa. Makailang ulit niyang tinikman ang nilutong kare-kare. At ilang ulit na rin siyang nagpalakad-lakad sa kusina. Patungo at pabalik-balik siya sa may pintuan ng kaniyang bahay pabalik sa kusina.
Kinakabahan siya sa nalalapit na pagdating ni Travis. Tumawag na ito sa kaniya kanina at nasa biyahe na ito patungong Fierro. Apat na oras din ang biyahe niyon sa Maynila.
Sinipat niya ang sarili sa salamin. Nakasuot siya ng maong short na galing sa ginupit niyang pantalon. Tinernuhan niya iyon ng pink na plain t-shirt habang nakasuot siya ng tsinelas. Minahal siya ni Travis sa itsura at pananamit niyang simple. Hindi niya kailangan na magpa-sexy para lamang dito.
Minsan pang tumunog ang kaniyang cellphone na hawak niya. Inakala niyang si Travis ulit ang tumatawag pero nagkamali siya. Si Agent Lapuz ang tumatawag sa kaniya.
"Hello, Ma'am Vicky? Good evening, ma'am. Gustong sabihin ni Travis na... na nariyan na siya sa labas ng gate. Enjoy the night, ma'am."
Kinabahan siya sa sinabi ni Agent Lapuz. At naloko na naman siya nito sa ikalawang pagkakataon. Ang una ay ang panloloko ni Travis sa kaniya na patay na ito at ang pangalawa ay ang prank call nito sa kaniya.
Mabilis na tinungo ni Vicky ang gate ng kaniyang bahay. Muntik pa siyang matapilok dahil sa kaniyang pagmamadali. Maingat niyang binuksan ang gate kung saan naroon si Travis at naghihintay sa kaniya.
Nakangiti ito ng malapad habang nakalabas ang mapuputi nitong ngipin. Niyakap siya nito nang mahigpit habang hawak ang kumpol ng rosas.
"Na-miss kita, my labs. Sobra-sobra kitang na-miss," bulong nito sa kaniyang tenga. Binitawan siya nito at hinagkan sa kaniyang labi. Tinugon ni Vicky ang masuyong halik ng kaniyang kasintahan.
"Kanina pa kita hinihintay. Niloko pa ako no'ng kaibigan mong agent. Kapag ako talaga napikon kay Agent Lapuz, kawawa siya sa akin!" Banta ni Vicky nang maghiwalay ang kanilang labi ni Travis.
"Ako ang nagsabi sa kaniya na tawagan ka, my labs. Kanina pa ako rito at sinisilip ka sa bintana ng bahay mo. Pinapanuod lang kita na paglakad-lakad at tumitingin sa fully-length body mirror na nasa may sala. Kahit na Anong itsura mo, maganda ka pa rin. At hindi nagbabago ang mataray ngunit inosente mog mukha, my labs." Dinampian muli siya nito ng halik sa kaniyang labi. "Para sa iyo, my labs. Bulaklak para sa nag-iisang babae sa puso ko."
"Chessy niyan ha. Ang corny mo, Agent Travis!" natawang sabi niya kahit na kinikilig sa paandar ng kaniyang kasintahan.
Pumasok sila sa loob ng kaniyang bahay. At isinira naman ni Travis ang gate pati na rin ang main door. Nagtungo sila sa dining table at nakita ni Travis ang kaniyang mga inihanda.
"Happy anniversary," masayang sabi ni Vicky habang nakatingin sa kaniyang kasintahan. "Nasabi ni Suzi na kailangan ko ring mag-effort kahit once a year lang kaya ko ito ginawa."
Humakbang nang malaki si Travis para mabilis siyang mayakap. "Happy anniversary din, my labs. Kinikilig ako sa mga ganitong paandar kahit na alam kong first time mo itong ginawa. Mahal na mahal kita, Vickierela."
"I love you too. Sige na kumain na tayo. Umupo ka na at kukunin ko lang ang--- ay! Baklang bakulaw!" gulat na gulat si Vicky nang bigla na lamang sumulpot si Suzi sa likod ng pintuan sa may kusina.
"He-hello... good evening. Nagulat ba kita, Vickierela! Sobra kasi ninyong sweet. Baka kako maisuko ang Bataan kaya gogora na ako palabas. Hello, Papa Travis. Mas pumopogi ka ngayon sa bago mong misyon a."
Siniko ni Vicky ang kaibigan. "Umuwi ka na nga!" pagtataboy na sabi niya rito.
"Good evening too, Sir Mark," bati ni Travis na binanggit na ang totoong pangalan ni Suzi.
"Tsee! Sige gora na talaga ako. Kumuha lang ako ng graham cake sa refrigerator." Itinaas nito ang hawak na tupperware. Katabing bahay lamang niya si Suzi at may susi ito ng bahay niya. At may susi rin siya ng bahay nito. Minsan kasi ay makakalimutan silang dalawa at naiiwan ang kanilang mga susi sa loob ng kanilang bahay. Kaya nagpasya sila na ibigay sa bawat isa ang mga duplicate keys.
Naiiling na isinara ni Vicky ang pintuan sa kusina nang makalabas si Suzi.
"Excited na yata si Suzi na magkaroon ng pamangkin? Sa tingin mo, my labs. Babasagin na ba natin ang Bataan?" nakangising tanong ni Travis sa kaniya.
"Pakasalan mo muna ako, no. Para lahat ng mga benefits mo bilang agent ako ang legal na makakakuha." Inirapan niya ang binatang kasintahan.
Tinawanan siya nito. "Hindi ka talaga mabiro, my labs. Pero pangako kapag natapos ang mission ko ay magpapakasal na talaga tayo. Gagawa tayo ng maraming anak at titira sa probinsiya."
Nginitian lamang niya ito habang nag-i-imagine nang kung ano-ano. Pinagsilbihan ni Vicky ang kaniyang kasintahan. At habang kumakain sila ay may napansin siya sa gawing leeg nito. Mukhang marka iyo ng halik. Hindi inalis ni Vicky ang kaniyang tingin sa gawing leeg ng binata.
Napansin ni Travis ang kaniyang pagtitig at kaagad nitong itinaas ang kuwelyo ng suot na coat.
"Kumain ka na, my labs," anito na iniwasan siya ng tingin. Pinahid nito ang pawis sa noo at malalaki ang ginawang pagsubo.
Hindi siya umimik at saka piniling yumuko na lamang. Pinilit niya ang sarili na kumain kahit na wala na siyang gana.
"My labs, bigla kang natahimik. May problema ka ba?" tanong ni Travis na tila hindi alam ang dahilan kung bakit siya nakatingin dito.
Umiling siya at iniwan sa kusina ang kasintahan. Tinungo niya ang working table niya sa may living room at binuksan ang kaniyang printer. Ibinaling niya sa trabaho ang nararamdamang inis niya rito. Kanina ay masayang-masaya siya pero ngayon napalitan iyon ng galit. Marka iyon ng halik... hindi siya bulag at lalong hindi siya tanga.
"Vicky, may problema ka ba?" muling tanong ni Travis nang sundan siya nito. "Bigla kang natahimik... may nagawa ba ako?"
Tiningala niya ang binatang nasa kaniyang harapan. "Wa-wala... bigla kong naisip na may trabaho pa pala ako." Kinuha ni Vicky ang ointment para sa sugat na nasa drawer ng kaniyang lamesa. "Heto, ipahid mo riyan sa marka sa leeg mo." Marahas na ibinagsak ni Vicky ang ointment sa nakalahad na palad ni Travis.
Hinuli nito ang kaniyang kamay. "My labs..."
Tumitig siya sa mga mata nito. "Sabihin mo nga sa akin, Travis. May dapat ba akong ipagselos? Dapat ba akong masaktan kapag may nakikita akong hindi maganda sa iyo? O dapat na masanay na ako sa mga nakikita ko?" Namasa ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa mga mata ni Travis.
"My labs... wala kang dapat na ipagselos. Hindi ko alam kung paano ako nagkaroon ng kissmark... hi-hindi ito kissmark. Baka naitama ko ito sa pinto... o biglang may... may tumalsik na bato sa leeg ko. Hindi ko na nailagan kaya nagkaroon ng marka. My labs, huwag ka nang umiyak. Anniversary natin ngayon dapat masaya ka... dapat masaya lang tayong dalawa." Pinahid ni Travis ang kaniyang magkabilang pisngi. "I love you... ikaw lang ang mahal ko... at... mamahalin ko. Huwag ka nang magalit..." Kinabig siya ni Travis at niyakap. "Magtiwala ka lang sa akin, my labs."
"Sorry... kung ano-ano lang ang naiisip ko. Sorry." Pinahid niya ang kaniyang luha at ngumiti rito. "Umiwas ka sa bato... kalaki mong tao!" Pinalo niya ito sa balikat. "Palagi kang mag-iingat sa trabaho mo. Travis, mahal na mahal kita at nagtitiwala ako sa iyo. Pero tandaan mo na hindi kita patatawarin kapag niloko mo ako."
Itinaas nito ang kanang kamay. "Pangako. Hinding-hindi kita lolokohin... hinding-hindi kita paiiyakin."
Hinagkan ni Vicky ang labi ng kaniyang kasintahan. "Nagustuhan mo iyong kare-kare?" pag-iiba niyang tanong.
Hinapit nito ang kaniyang bewang at saka idinikit ang mukha sa kaniyang mukha. "Oo..." malagkit itong ngumiti. "Masarap... pero mas masarap ang halik mo, my labs." Kinindatan siya nito na nagpapula sa kaniyang magkabilang pisngi.
KINAKABAHAN si Travis habang nakatingin kay Vicky. Matapang siyang tao at walang inuurungan pero napakaduwag niya pagdating sa babaeng mahal niya. Siguro ay dahil ito ang unang babae na nagpatibok sa kaniyang matigas na puso.
Muntik na siyang mahuli ni Vicky. Kung bakit ba kasi nagkaroon siya ng kissmark. Tsk, kasalanan ng Amanda na iyon kung bakit siya nagkaroon ng marka. Mabuti na lamang at magaling siyang magpalusot at gumawa ng mga kuwento. Kailangan niyang mag-ingat sa susunod at siguraduhin niya na wala na siyang marka.
Nakaupo sila sa may sofa ni Vicky habang nakahiga ito sa kaniyang kandungan. Hinahaplos niya ang buhok ng kaniyang kasintahan habang ang isa niyang kamay ay hawak nito.
"Uuwi si nanay bukas... at dito na siya titira sa bahay. Naisip ko na magtayo ng karinderya sa may harapan malapit sa Toda ng mga tricycle. Matanda na rin si Nanay para magtrabaho pa sa Maynila. Sapat naman na ang sinasahod ko at ipon ko bilang guro para kay kina Nanay. Kaya naisip ko na magnegosyo na lang siya rito. Sa tingin mo... okay iyon?" tanong nito na tiningala siya.
"Ah... O-oo... mabuti nga iyon at may kasama ka na rito sa bahay mo. At pakikamusta ako kay Tita Vanessa kapag dumating siya bukas. Gusto kong makitang muli sa ikalawang pagkakataon ang mama mo, my labs. Kaso kailangan kong magtrabaho bukas. Ipagbibilin ko kay Lapuz na kausapin ang committee sa Toda. Baka mamaya ligawan ka ng mga iyon... dapat kong mailagay ang pangalan ko roon bilang lalaking nagmamay-ari sa iyo."
Tinawanan siya ni Vicky. "Hindi naman yata iyon maganda. Pero mabuti nga na kausapin ni Agent Lapuz ang committee ng Toda para iwas utang. Salamat sa suporta mo, my labs."
Yumuko siya at hinalikan ito sa noo. "Papatayin ko ang lalaking lalapit sa iyo, my labs. Maliban kina Suzi, Russel at Lapuz. Kapag may ibang lalaki na magtatangkang manligaw sa iyo... hmm... ikakasa ko ang baril ko."
"Sobra naman iyan... pero salamat. Ikaw lang ang laman ng puso ko... Mister Trinidad," sabi nito sa kaniyang tunay na apelyido. "Pero alam mo... pamilyar sa akin ang apilyedo mo... hindi ko lang alam kung saan ko iyon narinig pero---"
"Itinadhana talaga ako sa iyo, my labs. Baby ka pa lang ibinulong na ng Diyos na apilyedo ko ang dadalhin mo." Hinagkan ni Travis sa labi ang dalaga.
Hinawakan ni Vicky ang kaniyang pisngi habang hinahalikan niya ito. Iniangat niya ang katawan ng dalaga at hinapit sa bewang. Inilayo niya ang kaniyang mukha sa mukha nito at saka tinitigan.
"Makukuntento muna akong halikan ka, my labs. Kapag natapos ko ang mission ko... dadalhin na kita sa kama."
Pinalo ni Vicky ang kaniyang braso. "Pakasalan mo muna ako!"
Nagkamot siya ng batok at muling siniil ng halik ang matamis na labi ng kaniyang babaeng minamahal. Tumayo siya at binuhat ang dalaga patungo sa kuwarto nito. Inihiga niya ito sa kama at saka tinabihan.
"Masaya akong makatabi kang matulog, my labs. At susulitin ko ang bawat oras na kapiling kita."
"Sa pananalita mo mukhang matagal na naman tayong magkikita, Travis. Sana matapos mo na ang mission mo para hindi na ako nag-aalala. Hindi ko maalis iyon sa isip ko. Nahihirapan akong matulog sa gabi kakaisip kung buhay ka pa o patay ka na. Hindi na kita pipigilan at hindi na kita papipiliin. Alam kong sinumpaan mo iyang tungkulin na dapat mong gawin. Pero sana... sana palagi kong iisipin na may isang taong nag-aalala palagi sa iyo." Niyakap siya nito sa kaniyang bewang.
"Hinding-hindi ko hahayaan ang sarili ko na mapahamak. At palagi kong tatandaan ang lahat ng mga sinasabi mo sa akin, my labs. Ayoko namang mawala sa mundo na hindi nagkakaroon ng anak. Masiyado akong guwapo para iwan ang mundo na walang magandang lahi."
Pinalo ni Vicky ang kaniyang dibdib. "Puro ka talaga biro, seryoso ako!"
"Huwag ka nang mag-aalala sa akin. Hindi ako mapapahamak, matulog na tayo. Nabusog ako sa kare-kare na niluto mo, my labs. "
Itinulak siya ni Vicky. "Nakalimutan kong iligpit ang mga gamit sa kusina. Mauna ka nang matulog."
Bumangon ito ngunit pinigil niya. Hinapit niya nang mahigpit ang bewang nito at saka pumikit. "May tao sa kusina... nakabukas iyon kanina nang magtungo tayo rito sa kuwarto."
"Ha?" gulat na tanong nito.
"Si bakla... sure ako na inaayos na niya ang kusina mo, my labs. Bukas paggising mo ay maayos ang lamesa. Kaya matulog na tayong dalawa. I love you... I love you so much, Vickierela."
Nakuntento siyang yakapin ang bewang ng dalaga hanggang sa makatulog na siya.