Kabanata 1
ISANG LINGGO na ang nakalipas mula nang iwasan ni Vicky si Travis. May iba kasi siyang pakiramdam na para bang may hindi tama. Halos talambuhay na niya ang nasabi niya rito pero hindi man lamang ito nagkuwento sa kaniya ng kung ano tungkol sa buhay nito. Kahit tunay nitong pangalan ay hindi niya alam. Naiintindihan naman niya ito dahil kailangan nitong itago ang identity nito dahil sa trabaho pero ano'ng silbi niya bilang girlfriend kung hindi siya nito mapagkatiwalaan.
Palagi nitong sinasabi sa kaniya na wala siyang dapat na ikabahala. Na walang problema pero hindi iyon ang nararamdaman ng puso niya.
Nakatungo siya sa lamesa at kaharap ni Suzi. Humahagulgol siya habang nakikinig naman ito. Ikinuwento niya sa kaibigan ang lahat ng mga nangyari. At ang babae na nakita niya noon sa kasal ni Shine na kausap ni Travis. Tinanong niya kung sino iyon pero sinabi nitong wala lang. Wala lang ba iyong halos maglingkisan na sila sa harapan niya. At mas lalo siyang nagalit dito dahil doon kaya naman kahit na mahal na mahal niya ang binata ay hiniwalayan niya ito.
Bahala ang unggoy na iyon sa buhay niya!
"Bakit ba kasi hindi na lang kayo mag-usap! Pag-usapan ninyo ang mga problema ninyo, hindi iyong pati ako ay idinadamay mo, bruha ka talaga! Paano naman ako magkakaroon ng sarili kong love life kung tatanda akong stress sa inyo ni Shine," masungit na reklamo nito habang nakapilatik ang daliri ng kamay sa ere.
"Suzi." Lalo siyang humagulgol. At parang batang ipinagpapadyak ang mga paa sa sahig.
"Tumahan ka na nga, Vickierela! Daig mo pa iyong kinakatay na baboy! Wala na tayong magagawa. Ikaw itong nakipag-break. Ang hirap talaga kapag first love mo no? Hay, ano kaya ang sasabihin ni Akiro kapag nalaman niyang may boyfriend ka na rito. Samantalang iyong tao e. Nasa Maynila, umaasang sagutin mo," nakalabing sabi ni Suzi sa kaniya.
"Magkaibigan kami ni Akiro," sumisinghot na sagot niya.
"Bruha! Kahit ipagtulakan mo iyon palayo sa iyo, ikaw pa rin gusto niya." Inirapan siya nito. "Kunsabagay e, na-inlove ka na sa katulad ni Papa Travis, kung ako rin naman ang tatanungin talagang iiyakan ko si Papa Travis, bukod sa guwapo, napakaromantiko at... maskulado," humahagikhik na sabi nito.
Inihagis niya ang panyo sa mukha nito. "Green minded ka talaga!"
"Hindi ko naman sinasabing hindi ka na inosente pero nagpapakatotoo lang ako. Nainlab ka lang sa abs ni Travis e. At sa mabalbon niya... alam na." Tumikwas ang kilay nito at umarte ang mga kamay.
"Ang manyak mo!" sigaw niya rito.
"Inosente tayo pero manyak ang utak natin. At least kahit manyak ang utak natin virgin tayo!" malakas na sabi nito.
Nangalumbaba siya rito. "Hindi ako naniniwala na virgin ka!"
"Bruha! Sa ating dalawa ako ang never been touch." Tumayo ito at itinuro ang katawan pagkatapos ay ngumuso. "Never been kissed!" Kumendeng-kendeng ito sa harapan niya. Sa ginawa ni Suzi ay gumaan ang bigat sa dibdib niya. Napatawa siya ng kaniyang matalik na kaibigan sa kabila ng kaniyang kadramahan sa buhay.
KINAKAGAT ni Travis ang takip ng ballpen niya habang nakatitig sa picture nila ni Vicky na nasa lamesa niya. Namimis na niya ito at ang reaksiyon nito kapag inaasar niya ang dalaga. Namimis na niya ang tawa nito, ang pag-aalaga nito at... ang malambot nitong mga labi. Bumuga siya ng hangin at sumandal sa upuan niya. Paano nga ba niya ipapaliwanag kay Vicky na hindi talaga niya kayang umalis hanggang hindi niya nabibigyang katarungan ang pagkamatay ng mga magulang niya.
Nilapitan siya ni Agent Lapuz na may bitbit na mga files at ibinagsak na lamang nito iyon sa lamesa niya. Nagulat siya sa ginawa nito at halos mapatayo siya sa kaniyang inuupuan dahil sa ginawang iyon ng kaniyang kaibigan.
"Ginulat lang kita, kanina mo pa kasi tinitigan iyang girlfriend mo. Bakit hindi mo siya puntahan? Makipagbati ka? O mag-prank tayo ulit," nakangising asar nito. "Magpanggap kang patay-p*****n o kaya naman sabihin mong may malubha kang sakit."
"Siraulo ka talaga! Gusto niya kasing umalis ako sa serbisyo. At hindi ko naman iyon puwedeng gawin. Kilala mo ako, Lapuz, hindi ako ganoon."
Tumango ito at hinila ang monoblock sa tabi ng waterdespenser. "Mahal ka lang siguro talaga ng nobya mo. Ayaw mo no'n gusto niyang ligtas ka," nakangising anito habang dumidekuwatro ng upo.
"Oo alam ko naman iyon pero hindi ko puwedeng iwan ang trabaho ko lalo na ngayon na alam ko na kung sino ang taong hinahanap ko." Itinusok niya ang ballpen sa larawan na nasa lamesa niya. Ang larawan ng isang matandang lalaki na nakilala niya sa pangalang Gilberto Silva.
"Tsk! Mukhang hindi ordinaryong tao si Gilbert Silva. Siya ang isa sa mga nasa listahan ng narcotics dito sa bansa. At sa lawak ng koneksiyon niyan ay tiyak mahihirapan ka este tayo. Baka riyan na tayo matuluyan." Umiling-iling ito habang nakatingin sa kaniya.
"Kung mamatay ako, dapat mauna siyang mapatay ko. Malaki ang atraso niya sa akin. Kailangan kong maghiganti sa kaniya. May anak iyang babae, si Amanda." Nginisihan niya ito. "May plano na ako."
"Huwag mong sabihing makikipaglapit ka sa anak ni Silva?" nanlaki ang mga mata nitong tanong.
"Hindi naman ako makikipaglapit. Siya ang gagamitin kong tulay patungo kay Silva. Nalaman ko na naghahanap siya ng private bodyguard at nag-apply na ako kahapon at tinanggap naman ako kaagad. Pero bago ako pumasok sa kuta ng kalaban kailangan mong itago ang pangalan ko. Iyong pinasa kong resume iyon na ang gamitin mo. Kailangan ko ng tulong mo, Lapuz. Ikaw lang ang maasahan ko," pakiusap niya rito.
Bumuntong-hininga ito bago tumango. "Kaibigan mo ako, kaya tutulungan kita."
Tinapik niya ang braso ng kaibigan niya. At saka siya tumayo. Kinuha niya ang long coat niya at isinuot iyon.
"Kailangan ko munang ligawan ulit ang future wife ko."
Tumayo si Lapuz at malapad siyang nginitian. "Good luck kung ganoon."
Lumabas siya ng department nila at tinungo ang kotse niyang nakaparada sa labas. Pumipito siya habang pumapasok sa kotse niya. "Hintayin mo ako, my labs," bulong niya sa sarili bago patakbuhin ang kaniyang kotse.
SA ESKUWELAHAN ay abala si Vicky sa paggawa ng card ng mga estudyante niya hapon na pero nasa paaralan pa rin siya. Hinihintay pa kasi niya si Suzi na nasa office ng principal dahil may report itong ipinasa tungkol sa event na sa susunod na buwan. Ang buwan ng February, ang Valentine's Day.
Habang nagsusulat siya ay may kumatok sa pintuan ng classroom niya. Ibinaling niya ang tingin doon at laking gulat niya nang makita si Travis na nakatayo roon at nakatingin sa kaniya.
"Good afternoon, my labs. Hindi ka pa ba uuwi, ihahatid na kita?" Linapitan siya nito at sumandal pa sa lamesa niya.
Inirapan niya ito at ibinalik ang atensiyon sa kaniyang ginagawa. Nakipaghiwalay na siya rito dahil hindi nito tinupad ang pangako nito sa kaniya na mag-lie low ito sa trabaho. Sinabi niya na gusto niya ng space para makapag-isip pero hindi naman siya nito tinatantanan. Palagi itong nakabantay sa kaniya, tuwing hapon at palagi rin itong nangungulit sa telphono para lamang makausap siya.
"Nakikita mo naman siguro na busy ako. Isa pa bakit ba nandito ka na naman, 'di ba may usapan tayo na lalayuan mo na ako," mataray niyang sabi rito.
Yumuko ito sa harapan niya. At isang pulgada na lamang ang layo nito sa mukha niya. Napatitig siya sa mapupulang labi ni Travis.
"Nakikita ko ang kagandahan mo, my labs. Kahit na naiinis ka sa akin at ayaw mo na akong makita." Kinindatan siya nito at sa ginawa nitong iyon ay namula siya.
"U-umalis ka na, puwede b---"
Hindi niya naituloy ang sasabihin niya nang dampian siya nito ng halik sa mga labi niya. Palagi na lamang siya nitong naiisahan.
"Nakakainis ka talagang unggoy ka!"
"Matamis pa rin ang labi mo, my labs. Hindi mo na ba talaga ako tatanggapin ulit?" tanong nito bago siya layuan.
"Hindi!" Matigas niyang sagot. "Hindi mo tinupad iyong pangako mo."
Malungkot na umupo ito sa upuan at malayo ang tingin habang nakahalukipkip. "Aalis ako, mawawala ako ng ilang linggo o buwan, hindi ako sigurado. Nandito ako para makita ka kahit na sandali lang. Gusto ko lang na makasama kita. Vicky, gusto kong intindihin mo ako pero hindi mo naman iyon magawa. Akala ko ba mahal mo ako?" panunumbat nito sa kaniya.
Ibinaba niya ang salamin sa mata niya at tumingin dito. "Wala akong pakialam kung umalis ka, o mawala ka o kung saan ka man pumunta. Gusto mong umalis, then go! Hindi naman kita pipigilan at isa pa wala naman akong balak na pigilan ka. Gawin mo lahat ng gusto mong gawin tutal e, buhay mo iyan."
"My labs naman ang sakit niyan a," sabi nito na napahawak sa gawi ng puso nito.
Nagbibiro na naman ito at tila hindi talaga siya sineseryoso.
Nadatnan sila ni Suzi na nagtatalo. "Oh, may LQ na naman kayo? Hay ano ba naman iyan? From sweetness to bitterness? Hindi bakayo magbabati, isang linggo na kayong parang baliw" iniikot ni Suzi ang mga mata at pinagmeywangan silang dalawa.
"Suzi, sweet ako kay Vicky pero siya ang bitter sa akin," pagsusumbong pa ni Travis sa kaniyang kaibigan.
"Hay naku, bahala nga kayo! O siya, Vickierela, mauna na akong umuwi dahil may bibilhin pa ako sa national book store. Nariyan naman na si Travis, sa kanya ka na lang magpahatid," maarteng anito na binitbit ang bag na iniwan nito sa lamesa niya.
"Pero---" giit niya at hinarang ang daraanan ni Suzi.
Binalingan siya ni Suzi ng isang matalim na irap bago ito tuluyang lumabas ng classroom. Wala siyang nagawa kun'di sumabay kay Travis.
INIHATID siya nito sa bahay niya sa Mabini Fierro. Ang bahay na ibinigay ni Russel sa kaniya may lawak itong 300 squaremeters kasama na ang garden. Two floors ang bahay at fully furnished. Unti-unti siyang nagkapagpupundar ng mga gamit niya at halos buong sahod na niya ang ibinibili niya ng mga appliances.
Pumasok ito sa loob ng bahay niya at umupo sa single sofa na naroon sa sala.
"Big-time talaga si Russel. Ngayon ko lang napasok ang bahay na ibinigay niya sa iyo. Anyway, mag-isa ka lang ba rito, my labs? Hindi ka ba natatakot, puwede mo akong sabihan minsan para magbantay sa iyo. Wala namang bayad ang serbisyo ko sapat na na mahalikan ka." Hinawi nito ang buhok at kinindatan siya.
"Hoy, Mr. Agent! Hindi ako natatakot mag-isa!" pinagtaasan niya ng boses ang binata na feel at home sa bahay niya.
Isinapo nito ang magkabilang palad sa mukha nito. "Ang sakit mo na talagang magsalita, alam mo kung bala lang iyan kanina pa ako namatay."
"Umuwi ka na!" Pananaboy niya rito.
"Napagod ako, puwede bang dito muna ako matulog ngayong gabi?"
Napalunok siya. "Hindi iyon puwede no," mabilis niyang sagot.
"Hindi mo na ba talaga ako mahal? Kasi kung hindi na... hindi na talaga ako magpapakita sa iyo. Hahayaan na lamang kita, hindi na kita kukulitin at hindi ko na pagbabawalan iyong mga umaaligid sa iyo."
Hindi siya nakapagsalita rito. Hindi na lamang siya umimik. Tinalikuran niya ito ngunit nabigla siya nang yakapin siya nito sa likuran niya.
"Bumalik na tayo sa dati, my labs. Ayoko na ng ganito, isang linggo na tayong ganito. Times up na sa space na hinihingi mo. Gusto kong maintindihan mo ako kung bakit ko ipinagpapatuloy ang trabaho ko."
"Bakit ba hindi mo masabi sa akin ang lahat tungkol sa iyo, Travis. Bakit kailangan mong itago ang pagkatao mo. Wala ka bang tiwala sa akin?" puno ng hinanakit niyang tanong. "Ang alam ko lamang ay ang pangalan mong Travis, hindi mo pa sinasabi kung sino ang mga magulang mo. No hindi mo ako mapakilala sa kanila," puno ng hinanakit na sabi niya rito.
Hinarap siya nito at hinawakan sa mukha. "Hindi pa ito ang tamang panahon para sa mga bagay na iyon. Gusto kong mahalin mo ako bilang ako, bilang si Travis. At hindi bilang ibang tao na nakikita mo sa akin. Ayoko munang pag-usapan ang mga bagay na ayokong sabihin sa iyo. Mahal na mahal kita, my labs. At palagi mong tatandaan na hindi ko sisirain ang tiwala mo sa akin." Sinapo ng palad ni Travis ang kaniyang magkabilang pisngi.
Itinulak niya ito ngunit mahigpit siya nitong niyakap. "Hindi ako titigil hanggat hindi ulit nagiging tayo. Alam kong mahal mo pa rin ako. Okay lang na magmukha akong tanga basta para sa iyo." Muli nitong sinapo ang mukha niya at hinalikan siya nito sa noo. "Magtiwala ka sa akin, my labs."
Hindi na siya tumutol nang hagkan nito ang mga labi niya. Mahal na mahal pa rin niya si Travis at bibigyan pa rin niya ito ng pagkakataon.
"Pero sabihin mo muna sa akin ang tunay mong pangalan."
Bumuga ito nang malalim at tinitigan siya sa mga mata. "Marco Apollo Trinidad ang tunay kong pangalan, wala na akong mga magulang dahil… nasa ibang bansa sila wala sila rito sa Pilipinas."
"Marco Apollo Trinidad?" pabulong na tanongi niya rito parang pamilyar sa kaniya ang pangalan na iyon pero hindi niya matandaan kung saan ba niya narinig.
"Masagwa ba ang tunay kong pangalan?" nagkakamot sa ulo nitong tanong sa kaniya.
Umiling siya rito. "Bakit Travis ang pangalan mo kung ganoon?"
"May alaga kasi akong aso at namatay siya. Kaya iyong pangalan niya ginamit ko noong naging Agent na ako.Tayo na ba ulit? tanong nito sa kaniya habang nakangiti ito.
"Oo na, hindi naman kita matitiis, last chance mo na ito pero teka nga pala. Bakit ka mawawala ng matagal, aber?"
"May kaso akong hahawakan. Last na mission ko, my labs. Pagkatapos nito, aalis na talaga ako sa serbisyo. Pangako ko iyan sa iyo," seryosong anito na nakatingin sa mga mata niya.
"Kapag hindi mo iyan tinotoo, humanda ka sa akin," pananakot niya at kinuha ang baril nito sa tagiliran. "Siguraduhin mo na hindi iyan babae a. Dahil patay ka talaga sa akin, Travis." Itinutok niya ang baril sa gitnang bahagi ng katawan nito.
Nagtaas ito ng kamay at bakas ang pag-aalala sa mukha. "My labs, nakakasa iyan baka pumutok." Tinakpan nito ang umbok sa pagitan ng hita nito. "Promise, hindi! Laking takot ko naman sa iyo."
Tumango siya. "Good. O, siya, ano bang gusto mong hapunan." Isinauli niya ang baril nito at saka siya nagtungo sa kusina.
"Ikaw," bulong nito sa likuran niya.
Nag-init ang pisngi niya at inirapan ito. "Gutom mo lang 'yan." Umiwas siya rito at inabala ang sarili sa paghahanap ng mailuluto niya habang ninenerbyos siya.
"Hindi ka na mabiro, my labs." Nagtaas ito ng dalawang kamay at nilayuan siya.
Nakahinga siya ng malalim. Pinakaiiwasan talaga niya ang bagay na iyon dahil natatakot siya. Paano kung bigla na lamang siyang mabuntis tapos mamatay ito. Tsk, ano bang iniisip niya.