NAKATAAS ang magkabilang kilay ni Vicky habang nakaharap sa dalawa niyang kaibigan. Alas sais na ng hapon nang makarating sila sa bahay nina Shine at Russel. At kaagad na binuksan ni Shine ang icecreame na pinabili nito. Samantala si Suzi naman ay kumuha ng tatlong tasa at kutsara. Hindi na sila gumamit ng icecream scoop dahil wala naman silang kaartehang tatlo.
"Naglilihi ka rin ba, bakla!" malakas na sabi ni Vicky nang simutin ni Suzi ang strawberry icecream na one half galloon.
"Ikaw ba ang ama?" natatawa naman nitong tanong. "Gusto ko kasing ma-relax kaysa naman ma-stress sa buhay mong bakla ka." Inirapan siya nito at tumingin kay Shine na busy sa pagkain ng icecream. "Ikaw naman babaeng nakalunok ng pakwan, pagsabihan mo itong kaibigan natin. Aba, lahat yata ng lalaking naka-black leather jacket ay si Papa Travis na! Kaloka!"
"Ano bang nangyari?" walang emosyong tanong naman ni Shine na hindi tumitingin sa kanila.
"Kanina kasi nasa mall kami, si Principal Douglas kasi may school department na bisita. E, kailangan naming bumili ng mga designs para sa office raw niya. Pagkatapos may dragonita pa kaming nakasalubong, babaeng saksakan ng seksi pero walang manners. Like, hello, bruha, kalerky!" Hinawi nito ang clean cut na buhok at saka tumayo at rumampa. "Ganito iyong lakad ng babae, nakaumbok ang dibdib at hindi tumitingin sa dinaraanan." Muli itong umupo sa inuupuan at tinapik ang lamesa. "Mabuti na lamang mabait akong kaibigan dahil kung hindi talaga! Naku! Magkakagulo sa loob ng mall."
Tumawa si Shine at ganoon din si Vicky. Ipinagpatuloy naman ni Suzi ang pagsimot sa icecream.
"Naku, mabuti at wala ako," nakangising sabi naman ni Shine.
"O, ano naman gagawin mo?" nakahalukipkip na tanong niya.
"Wala, buntis ako no."
Umiling siya at bumuga ng hangin. "Kalmado ka no?"
"Ayoko kasing ma-stress, nakakasama sa buntis. May isinumbong nga pala sa akin si Suzi tungkol sa inyo ni Travis? Ano'ng nangyari sa inyo ng boyfriend mo? Isang buwan pa lamang kayo, a."
"Makinig ka rito kay Shine, Vickierela!" palatak ni Suzi.
"Nakipag-break ako after na maging kami. Hindi niya sinasabi ang pagkatao niya sa akin. Kung tungkol sa pagiging agent naman niya ang dahilan hindi naman ako madaldal para sabihin iyon sa inyo, no. Naiinis lang ako dahil pangalan at birthday pa lamang niya ang alam ko. Isali mo na iyong edad dahil same naman sila nitong si Suzi na papunta na sa pagiging matanda."
Inirapan siya ni Suzi. "Hoy, babaeng chest! FYI, twenty seven pa lamang ako," mabilis na sabi nito.
Tumingin siya sa kaniyang flat na dibdib. "Sobra ka kung makalait ng chest a? May boobs ka ba?" nakataas ang kilay na tanong niya rito.
"Wala akong boobs pero..." Tumayo ito at tumalikod sa kanilang dalawa ni Shine. Pinalo nito ang malaking pwet at saka umikot pa. "Vickierela, mula ulo hanggang paa, babae ka. Pero ako mula pwetan hanggang mukha, babaeng-babae ako, bruha!" nanggigigil na sabi nito.
"Tumigil nga kayo!" malakas na sabi ni Shine. "Bakit naman kasi sinagot mo iyong tao na hindi mo inalam ang pangalan niya, una na iyon sa listahan, hindi magiging reason iyong dahilan na Secret Agent siya, kung mahal ka niya pagkakatiwalaan ka niya, no."
Nalukot ang kaniyang mukha sa sinabi ni Shine.
"Hindi ko naman sinasabing hindi ka niya mahal sa lagay na iyan." Bawi rin ni Shine sa sinabi nito. "Kung nakipag-break ka sa kaniya, pangatawanan mo. Huwag kang papayag na suyuin ka niya at magiging marupok ka naman at magpapatangay sa kaniya."
"E, kaso sinagot na niya ulit," sabat ni Suzi na nangalumbaba.
Umiling si Shine at masama siyang tinignan. "Pagkatapos iiyak ka na naman, pangatawanan mo iyan Vicky. Sa pagkakakilala naman natin kay Travis mukha siyang mabait na tao, iyon nga lamang seryoso at nakakatakot."
Bumuga nang malalim si Vicky at nakinig sa mga suhestiyon ng kaniyang mga kaibigan. Habang lumilipad ang kaniyang isipan sa lalaking nakita niya kanina sa mall.
ALAS SAIS ng hapon nang makarating sina Travis sa pamamahay ni Don Gilbert Silva, sa unang pagkakataon ay makikita na niya nang harapan ang taong pumatay sa kaniyang mga magulang.
Nakatayo siya sa may pintuan habang kasama ang dalawang bodyguards na nagbabantay sa labas ng bahay. Malaki at malawak ang mansion ni Silva, tatlong palapag ang bahay at may elevator siyang nakita sa halip na hagdan. Marahil ipinasadya iyon para hindi na mahirapang maglakad ang matandang milyonaryo.
Lahat ng sulok ng bahay ay may CCTV at ang mga bantay ng bahay ay may mga baril. Nakatingin ang mga ito sa kaniya at binabasa ang iniisip niya. Walang shades ang mga ito na katulad niya.
Mayamaya ay lumabas sa elevator si Silva, sinalubong ito ni Amanda at nagyakapan ang dalawang mag-ama. Umupo ang mga ito sa sofa at nagkuwentuhan ang dalawa. Habang nakatingin siya sa matanda ay nangangati ang kaniyang palad. Gusto niyang kunin ang baril niya sa kaniyang tagiliran at paulanan ito ng bala.
Siniko siya ng kasama niyang bodyguard. "Kanina ka pa nakatingin kay Señorita Amanda, hindi ka maaring magkagusto sa anak ng boss natin," bulong sa kaniya nito at umayos din ng pagakkatayo.
Umiling siya at ngumisi. Wala siyang balak na magustuhan ang anak ng taong pumatay sa mga magulang niya. Pero kung magiging tulay si Amanda para sa mabilis na paghahanap niya ng hustisya ay gagawin niya. Gagamitin niya ang dalaga, at ito ang sasalo sa lahat ng sakit na naramdaman niya.
At alam niyang hindi iyon magugustuhan ni Silva. Makikipaglaro siya rito hangga't hindi niya nakukuha rito ang bluebook at hangga't hindi niya ito napapatay. Sa ngayon kailangan muna niyang kunin ang loob nito para mabilis niyang malaman ang mga pinagtataguan nitong lungga.
Tumunog ang kaniyang cellphone sa bulsa at sinilip niya iyon. Rumehistro sa screen ang call name niya kay Vicky. Mabilis niyang ini-off ang cellphone niya at ipinasyang siya na lamang ang tumawag dito.
Nakatingin sa direksyon niya ang dalaga habang nakatingin si Silva rito.
Pagkatapos mag-usap ng dalawa ng sampung minuto ay nagpasya na ring umalis ang dalaga. Kasunod nito ang ama nito patungo sa ipinagbukas niyang pintuan.
"Sa susunod na lamang tayo mag-usap, iha." Hinagkan nito sa noo ang anak nito bago tumingin sa kaniya. "Kayo na ang bahala sa anak ko, ingatan ninyo siya at protektahan dahil buhay ninyo ang magiging kabayaran kapag may nangyaring masama sa anak ko!" maawtowaridad na utos nito sa kanila.
Tumango lamang siya at pinipigil ang galit. "Makakaasa po kayo... sir."
Tinapik siya nito sa braso. "Mabuti." Tinungo nito ang sarili nitong sasakyan kasunod ng dalawa pang van na puno ng armadong lalaki.
"Gaspar, tatayo ka na lamang ba riyan?" tanong sa kaniya ni Amanda.
Mabilis siyang umibis ng kotse at nagtungo sa driver's seat. "I'm sorry, ma'am."
"Napaka-old fashioned ng pangalan mo. So I decided na palitan ito. From now on I will call you... Gas, short for Gaspar." Nginitian siya nito bago niya ilagay ang kaniyang seatbelt.
"Kahit ano, ma'am. Kayo ang masusunod ." Ginantihan niya ito ng ngiti na ikinamula naman ng mukha ng dalagang nasa backseat.