Pasado alas tres na nang hapon nang makasakay si Hilaria ng sasakyan. Galing siya sa sementeryo nang mga oras na iyon dahil binisita niya ang kaniyang yumaong nobyo. Maglilimang taon na rin ang nakalilipas at hindi pa rin siya maka-move on rito. Mabait kasi at mapagmahal ang nobyo niyang si Monching. Edad bente tres siya noon nang yayain siya nitong magpakasal, ngunit ang pinakamasakit na parte sa tanang buhay niya ay namatay ito sa araw ng kasal nila.
Nabangga kasi ang motor na sinasakyan nito. Kaya iyon ang rason kung bakit sa edad niyang trenta y singko ay wala pa rin siyang balak magkaroon ng nobyo. Tinatawag siyang istrikta ng karamihan, at madalas ay nilalagyan niya ng boundary ang sarili niya sa sinuman.
Nagbalik ang gunita niya sa mga sandaling iyon, at naupo sa bus. Tanaw pa niya ang bintana at tahimik na bumuntung-hininga.
Medyo pagod siya sa mga oras na iyon. Dala rin niya ang kaniyang bag at ang mga papeles na binitbit niya galing sa eskwelahan. Isang route lang naman ang papunta sa sementeryo kaya sinadya na lang din niyang hindi muna mananghalian. Doon na lang siya kakain sa bahay nila.
Nang madako ang paningin niya sa entrada ng bus ay nakita niya ang humihingos na batang babae. Kaya tinanong niya ito.
"Bata, naliligaw ka ba?" tanong pa niya, ngunit umiling ito.
"Ale, tulungan n'yo po ako. May humahabol po sa akin, mga masasamang tao po sila." Agad siyang ginapangan ng kaba sa sinabi ng bata at nilinga ang paligid. Doo'y wala naman siyang nakitang tao, sakto lang din at nagsimula nang umandar ang bus. Tinanong pa niya ang pangalan nito.
"Ahm, anong pangalan mo, bata?"
"Emerald po." Naghahabol na hininga ng bata.
"May kuya o ate ka ba? Nasaan ang papa at mama mo?"
"Kinuha po nila ako, hindi ko po alam na dudukutin nila ako, pwede po bang tawagan ninyo ang kuya Flex ko?"
"Alam mo ba ang numero niya?" agad na kinuha ni Hilaria ang telepono niya. Mabuti naman at memoryado ni Emerald ang numero ng kuya niya kaya madali niya itong natawagan.
"Hello?" narinig niya na bungad sa kabilang linya, halatang nag-aalala ito sa kaniya.
"H-hello, sir, ikaw po ba si Flex?" sabi pa niya sa oras na iyon.
"Yes, ako nga. Sino 'to?"
"Ahm, si Hilaria, ako po ang nakakita kay Emerald." Sabi pa niya na medyo nanginginig dahil sa kaba.
Parang nabunutan siya ng tinik ang boses sa kabilang linya, halatang natuwa ito sa balita niya.
"Diyos ko, salamat panginoon!" Sabi ng lalaking nasa kabilang linya.
"Kasama ko po siya ngayon, may masamang tao raw ang humahabol sa kaniya." Sabi pa ni Hilaria sa oras na iyon.
"Nasaan kayo?" tanong pa ni Flex sa kabilang linya.
"Pa-Cavite na kami." Hilaria answered.
"Sasalubungin namin kayo, nandito na kami sa Cavite, nasa police station na kami."
"Sige," tipid na sambit ni Hilaria saka ibinaba ang tawag.
Matapos ang tawag na iyon ay pinaupo niya si Emerald sa tabi niya at niyakap ito. Nanginginig ito dahil sa takot.
Wala pang kalahating oras ang nakalilipas nang makababa si Hilaria sa bus na iyon habang hawak ang kamay ng batang si Emerald. Nakilala niya ring 'Luntian' pala ang palayaw nito. Medyo madaldal ang bata at habang nasa byahe sila ay madalas nitong ikwento ang kuya Flex niya at ang nagngangalang Natasha. Iyon umano ang mabait na madam ng kaniyang kuya Flex. Nang tuluyang makababa ay nakita niya ang paparating na lalaki at isang babae tila kilala iyon ni Emerald dahil agad silang nagyakapan. Baka ito na ang sinasabi nitong kuya Flex.
"Emerald!" tawag pa ng lalaki kay Emerald.
"Kuya—!" ani ni Emerald na agad-agad na tumakbo sa direksyon nila. Halos mag-slow motion ang pangyayaring iyon na nasaksihan ng karamihang tao na nandoon.
"Ma'am Natasha!" sambit din ni Emerald sa babaeng kasama ng lalaki.
Napatingin pa nga ito sa gawi ni Hilaria at tila sinisipat ang kabuuan ng pigura niya. Hindi gaya niya'y halatang mayaman ang naturang babae at halatang may magandang disposisyon sa lipunan. Ngumiti siya rito.
"Salamat," narinig niyang sambit sa lalaking medyo lumapit sa kaniya.
"Walang anuman," nahihiyang sagot pa ni Hilaria.
Napansin ni Flex ang pagiging tulala ng madam niya na nakatingin kay Hilaria.
"Have we met before?" tanong pa ni Hilaria sa kaniya.
Hindi sumagot si Natasha, halatang nabigla. Umiling lang ito at nanatiling walang imik.
"Ako pala si Hilaria, Hilaria Mandigma," nilahad nito ang kaniyang kanang kamay sa dalawa.
Agad namang kinuha iyon ni Flex at nilamano ito, si Natasha nama'y tanging pagtingin lang sa kamay ang nagawa, kaya nagtaka ang naturang babae.
"May problema ba?"
"Nothing, I'm sorry.." paumanhin ni Natasha na agad kinuha ang kamay ni Hilaria.
"I'm Natasha, nice to meet you," tipid na ngiting saad ni Natasha sa babae.
"I'm Feliciano, kapatid ko si Emerald," ani ni Flex kay Hilaria. Nang makapag-pakilala ay agad na nilang tinungo ang pulisya at doon nagsampa ng reklamo patungkol sa pagkidnap kay Emerald.
Doon isiniwalat ni Emerald ang pangyayari.
"I swear he'll pay this!" ani ni Flex na kuyom ang sariling kamao, alam na siguro nito ang pakana ng lahat. Tahimik lang na nakaupo si Hilaria sa isang banda. Nasabi kasi niyang doon na kumain sa tahanan nila. Natutuwa kasi siya sa pagiging biba ni Emerald kaya naisipan niyang alokin ang mga ito.
***
Matapos ang insedente ay pina-unlakan nina Flex at Natasha ang paanyaya niya. Mabuti na rin dahil nakalibre na siya ng sakay pauwi sa bahay nila. Tuloy-tuloy silang lahat sa Cavite, mabuti na lang at hinatid sila ng sasakyan ng pulis, habang si Flex naman ay nakasunod lang habang nagmo-motor.
Ilang minuto ang nakalipas at doon sila napunta sa isang may kalakihang bahay. Antigo ito at may dalawang palapag. Antigo rin ang bintana nito na kailangan pang itulak pagilid para bumukas.
"Tuloy kayo," ani Hilaria na nauna sa may hagdanan.
"Wow, ang laki pala ng bahay ninyo, teacher!" bulalas naman ni Emerald sa kaniya.
"Hindi naman, minana lang namin to sa yumao naming lolo at lola." Ani Hilaria sa kaniyang mga panauhin.
"Nasaan na pala ang mga magulang mo?" ani Natasha na sinisiguradong hindi siya nagkakamali.
"Naku, matagal nang patay ang mama at papa ko, kami na lang ng apat kong magkakapatid ang naririto."
Matapos sa sinabi nito'y bumungad ang apat na lalaking halos kaedad yata ni Flex at may mas bata pa.
"Ate? Sino sila?" halos mag-chorus na saad ng apat na lalaking nasa taas.
Ngumiti si Hilaria saka pa nilahad ang kamay sa mga kapatid.
"Flex, Natasha, sila ang mga kapatid ko...sina Hunyo, Hulyo, Augusto at si Novembre."
Manghang nakinig sina Flex at Natasha na halatang natuwa sa mga pangalan ng kapatid ni Hilaria.
"Ang unique naman ng mga pangalan," satsat ni Emerald na umagaw ng atensyon nilang lahat.
Dahil doon ay nagtawanan silang lahat, naisip tuloy ni Hilaria kung sakaling tinuloy niya ang desisyong iyon noon, baka 'sing laki na ni Emerald ang magiging anak niya sa kaniyang dating nobyo kung nagkataong natuloy ang kasal nila.
Sa kabila ng kaniyang agam-agam ay ang mukha niyang nakikisaya sa lahat, taliwas ng nararamdaman niya'y nandoon ang sakit at ang panghihinayang. Kaya nga siguro kapag nakakakita siya ng bata, ay nakakaramdam siya ng insecure, matagal na niyang dinalangin na sana ay magkaroon siya ng anak.
Ngunit hindi iyon natupad, bukod sa kasawian niya sa dating nobyo ay nagkaroon din siya ng anxiety at pressure sa lahat ng bagay na kumokunekta sa salitang 'kasal', 'pag-ibig' at salitang 'lalaki'.
Napabuntong- hininga siya saka nagpatuloy sa iniisip.
...itutuloy.