DINALA sila ni Kean sa safe house upang matiyak ang kaligtasan nila. Ang partner daw nito na si Naylor ang magsasagawa ng pormal investigation hinggil sa nangyaring pagdukot kay Brianne, sapagkat nasuspende si Kean matapos nitong malabag ang SOP dahil sa ginawa nitong pag-rescue sa kanila kahit wala namang order buhat sa taas.
Mabuti na lamang at nai-defend nito ang sarili dahil abugado naman din ang natapos nito, kaya hindi ito nadischarge matapos makasuhan ng administratibo.
Sa kabilang banda ay gagawa naman daw ito ng paraan para matulungan pa rin sila sa pamamagitan ng private investigation na isasagawa nito.
Tiwala siya na magiging matagumpay ang imbestigasyon dahil high-profile cases ang hinahawakan ng mga ito at lahat ng mga iyon ay walang nabinbin.
"Magiging ligtas kayo rito ni Brianne habang nagsasagawa kami ni Naylor ng imbestigasyon," sabi ni Kean sa kaniya nang maihatid na nila si Brianne sa silid kung saan ito mamimirmihan pansamantala habang nandoon sa safe house.
Napailing siya bago ito tinapik sa balikat habang naglalakad sila patungo sa hagdanan at magkasabay na nagdire-diretso sa paglakad hanggang sa marating nila ang dining room.
"Salamat, pasensiya ka na kase nang dahil sa 'min nasuspende ka. Hindi ko tuloy alam kung paano ako makakabawi sa iyo," nasabi na lamang niya.
"Wala ‘yon. Huwag mong isipin, makakabalik pa rin naman ako sa trabaho, eh, at iyon naman ang importante,” malumanay nitong sabi habang nakangiti sa kaniya.
Ngumiti rin siya pero hindi na nagsalita pa.
Tinapik siya nito sa balikat. "Do you regret that you saved her buhat sa tiyak na kapahamakan?" seryosong tanong nito sa kaniya.
Hindi siya nakasagot kaagad bagkus ay napatanaw sa malayo, napaisip.
Napabuntong-hininga siya kapagkuwan.
"Hindi, parang hindi naman.” Napailing siya bagama't hindi siya sigurado sa sagot niya.
Lutang pa ang kaniyang isip kaya tila hindi pa iyon gumagana ng maayos hanggang sa mga sandaling iyan.
"Sa tingin ko, Bryle," sabi nito kaya napatingin siya rito. "Medyo malaki ang gulong pinasok mo pero hindi kita masisi. Kahit naman siguro ako, kung kagaya ni Miss Brianne ang makikita kong tumatakbo sa gitna ng kagubatan, I’ll do the same thing you did," nakatawang sabi nito sa kaniya, may tono ng kapilyuhan.
Iniiwas niya ang tingin dito. Hindi naman talaga siya close rito kaya medyo naiilang siyang sabayan ito.
Nang mapansin nito ang pagiging seryoso niya ay sumeryoso rin ito at muli siyang tinapik sa balikat.
"Ahw!" nagulat at napangiwing react niya sabay iwas. Natapik nito ang sugat niya sa balikat.
"Ahw, sorry!” natawang sabi nito kaagad.
Sinapo niya ang kaniyang balikat at tiningnan kung nagdugo.
"Darating si Naylor mamaya," sabi nito at buhat sa sugat niya sa balikat ay ini-angat nito ang tingin sa mukha niya. "I just hope na Brianne can get herself to talk about the kidnapping that happened to her. Malaki kase ang magiging kontribusiyon noon upang mapabilis ang imbestigasyon. Pero, kung hindi pa siya handa, eh, hindi naman natin siya puwedeng pilitin."
Tiningnan niya ito at tumango. "Tutulungan ko si Brianne upang maayos niyang maibigay ang kaniyang statement. Salamat ulit, Kean," sabi niya.
"No. It's not really me, si Alexander Chase," mabilis na sabi nito sabay tingin sa kinaroroonan ni Alexander Chase.
Buhat doon sa dining area kung saan sila naroon ay kita ito roon sa sala. Abala ito sa pakikipag-usap kay Cloudy nang mga sandaling iyon over the phone.
Naibaba niya ang tingin.
Ilang taon na ba ang lumipas? Nadarama pa rin niya ang selos sa kaniyang dibdib tuwing makikita niyang masaya ito sa piling ni Cloudy. Sinikap niyang supilin ang selos na nadarama.
"Ligtas bang gamitin ang telepono rito?" naisip niyang itanong kay Kean matapos ibalik ang tingin kay Chase.
Nadala na siya, baka mamaya hanggang dito ay masundan sila ng kidnappers ni Brianne.
"Wala kang dapat na ipag-alala, secured ang linya namin. Sige, Bryle, aalis na ako," paalam ni Kean kaya napatingin siya rito.
"Sige, ingat sa biyahe," paalala niya.
Tumango lamang ito at kumilos na upang magtungo sa doorway. Sinabayan niya ito paglakad patungo roon.
"Hey!" untag ni Alexander Chase sa kanila na sinabayan ng pagtayo buhat sa sofa at humakbang palapit sa kanila.
Huminto sila ni Kean at hinintay itong makalapit.
"Sasabay na ako sa iyo pagbalik sa Maynila, Kean. Baka sumabay na lang din ulit ako sa 'yo pagbalik mo rito," sabi nito bago tumingin sa kaniya.
"Sige, mauna na ako sa sasakyan," si Kean na sinundan ng pagtalikod sa kanila.
Walang dalang kotse si Alexander Chase kaya kailangan ulit nitong makisabay kay Kean paluwas sa lungsod, nasa liblib na lugar itong safe house sa parteng Bulacan at walang sasakyan na nakakapasok doon maliban sa sasakyan nila Kean.
"Bryle," untag ni Alexander Chase sa kaniya nang maiwan silang dalawa.
Tiningnan niya ito at sinalubong ang titig nito sa kaniya.
"I'm grateful kase you're safe and nothing bad happened to you. When all goes well gusto kong lumabas tayo, kasama si Christopher Kyle," sinserong sabi nito.
Hindi niya napigil ang mapangiti matapos marinig ang sinabi nito.
Tinapik siya nito sa balikat, doon mismo sa kaniyang sugat. Muntik na siyang mapaubo sa sakit pero ayaw niyang masayang ang sandaling iyan kaya naman sinikap niyang mapanatili ang ngiti sa labi habang kaharap ito.
Buong buhay na kasama ito ay hindi niya naranasang tratuhin siya nito ng ganito. Kaya naman labis siyang natutuwa sa isip na natatanggap na talaga siya nito, sila ni Christopher Kyle bilang karugtong ng pusod nito, bilang mga kapatid nito.
Hindi na mahalaga sa kaniya ang minsang pagwasak nito sa puso niya, masaya na siya na ngayon ay nagkaroon na ng masayang kulay ang mundo nito kahit na kapalit man noon ay ang kaligayahan niya.
Pasasaan ba at matatagpuan din niya ang kaligayahang nararapat para sa kaniya.
"Sige na, Bryle, baka naghihintay na si Kean. Keep your safety here," pagkasabi niyan ay tumalikod na ito at lumakad palabas.
"Chase," tawag niya rito. Kaagad itong huminto sa paghakbang at lumingon sa kaniya. "Cheers! Take care."
Ngumiti ito at kumindat bago nagpatuloy sa paglakad.
Nang makita niya ang patuloy nitong paglakad palabas sa doorway ay sinapo niya ang balikat na may sugat.
"Loko ang dalawang 'yon, ah!" nasabi na lamang niya sa sarili habang napapangiwi.
Lumakad siya palabas sa doorway nang marinig niya ang sasakyan ni Kean.
Inihatid niya ng tanaw ang sasakyan nito hanggang sa tuluyang makalayo.
Napabuntong-hininga siya habang iniisip si Alexander Chase. Hindi na yata ito mabubuhay ng wala sa tabi ni Cloudy, parang mula nang gumaling ito buhat sa amnesia ay tila na kay Cloudy na ang oxygen nito, sa pagitan ng mga hita ni Cloudy.
Bahagya siyang nakadama ng panglaw sa kaniyang dibdib pero kaagad din niya iyong sinupil bago pa siya noon lamunin at anurin sa kalautan ng kalungkutan.
•••
PARA siyang mabibingi sa katahimikan ng paligid nang ganap ng makaalis sila Alexander Chase at Kean.
Inilapat niya ang dahon ng pinto at tinungo ang silid kung nasaan si Brianne Faith.
Kinatok niya ang pinto bago pinihit ang seradura niyon. Marahan niya iyong itinulak pabukas.
Nakita niya itong nakatagilid ng higa sa kama patalikod doon sa pintuan.
Bahagya niyang naiiwas ang tingin sa makurba nitong balakang at long legged nito na unang tinamaan ng kaniyang tingin dahil nakalitaw iyon sa t-shirt na tanging suot nito. Maputi at makinis ang mga iyon.
Wala itong damit na dala kaya wala siyang pagpipilian kung hindi pagsuutin na lamang muna niya ito ng t-shirt at underwear niya maliban sa bra dahil wala naman siya niyon.
Nakita niya ang bahagyang pagyugyog ng balikat nito kasunod ang pagsinghot.
"Brianne?” mahinahong tawag niya rito.
Nang hindi ito sumagot ay kumilos siya at lumigid sa kama patungo sa harapan nito.
Napamata siya rito. Natutulog pala ito habang umiiyak. Nananaginip?
Napapiksi siya nang biglang umigkas ang mga kamay nito habang patuloy sa pag-iyak. Naghi-hysterical ito.
Kaagad siyang dumukwang dito upang gisingin ito buhat sa isang masamang panaginip kung saan ito naroon sa mga sandaling iyan.
"Hey..." Sinabayan niya ng pagpigil sa mga kamay nito.
Marahan niyang tinapik ang makinis nitong pisngi upang magising ito pero hindi ito nagising.
"Brianne..." tawag niya rito habang tinatapik pa rin ito sa pisngi. "Brianne, wake up!" Patuloy siya sa ginagawang pagtapik dito.
Ilang beses pa niya iyong ginawa bago ito nagising. Kaagad na napatitig sa kaniya ang luhaan nitong mga mata na mayroong bahid ng takot.
Nagulat siya nang bigla itong bumangon at yumakap sa kaniya. Mahigpit ang yakap na iyon, nanginginig ito, takot na takot.
"Ssshh..." anas niya sa pinakamahinahong paraan. “It's okay.”
Umiyak ito nang umiyak sa balikat niya. Iyong iyak na humahagulgol, hagulgol na may bakas ng takot at kapaitan.
Hindi niya malaman kung ano ang puwede niyang gawin upang mapalubag niya ang kalooban nito.
Napalunok siya bago ito tinapik ng marahan sa likod nito, paulit-ulit.
"It just a bad dream," paanas na sabi niya sa dalaga.
Umiling ito habang nakasubsob sa balikat niya.
Napatitig siya sa headboard ng kama habang nag-iisip. Mabigat ang nasa sa loob nito, alam niya, nadarama niya. Iyon ang dahilan kung bakit pati sa panaginip ay nagkakaganito ito.
"Brianne, it's okay, ‘andito ako. Makikinig ako kung ano'ng nasa sa loob mo," mahinahong sabi niya.
Gusto niyang ipadama rito na hanggang sa mga sandaling iyan ay maaari pa rin nitong ipagkatiwala sa kaniya ang lahat.
Pero imbes na magsalita ay umiling lamang ito.
Bahagya niya itong inilayo sa kaniya tapos ay ikinulong ang maganda nitong mukha sa kaniyang mga palad saka ito tinitigan ng diretso sa mga mata nito.
"Brianne..." anas niya. "You can tell me everything. I'm willing to listen to you kahit ano pa man iyan. . . you can trust me. All right, tell me,” masuyong sabi niya.
Sinalubong nito ng luhaan nitong mga mata kaniyang tingin. Naghinang ang kanilang mga mata ngunit walang namutawing kahit na anong salita buhat sa mga labi nito bagkus ay nagpatuloy sa pag-iyak na nang mga sandaling iyan ay naging tahimik na. Dumadaloy ng malaya sa mga pisngi nito ang masaganang mga luha.
Naipikit niya ang mga mata habang nasa pisngi pa rin nito ang mga palad niya.
Bakit ba parang bumibigat ang kaniyang dibdib ngayong nakikita ito sa ganitong ayos?
Napabuntong-hininga siya bago muling iminulat ang mga mata at muling tumitig sa mga mata nito.
"Did they do something bad to you, huh? Something worse?" tanong niya rito na hindi pa napigil ang mapatiim-bagang habang kimkim sa kaniyang dibdib ang kaba dahil sa posibleng marinig buhat dito.
Pero hindi pa rin talaga ito nagsalita at bagkus ay inalis nito ang mga palad niya sa mukha nito saka bumalik sa pagkakahiga sa kama.
Muli siyang napatiim-bagang habang nakatitig dito. Bakas sa anyo nito, namimintana maging sa mga mata ang bigat na dinadala nito subalit, ano ba ang magagawa niya upang matulungan itong mapagaan iyon kung ganitong ayaw naman nitong magsalita?
Napabuntong-hininga siya.
Bakit ba kailangan niyang mabahala o mag-alala ng ganito para rito? Kung tutuusin naman ay labis na ang tulong na kaniyang naibigay. Bakit pa niya pahihirapan ang kaniyang sarili?
Kumilos siya at tahimik na lumabas sa silid nito.