SA mini bar ng safe house tumambay si Bryle nang sumapit ang gabi. Hindi siya makatulog, mailap ang antok sa kaniya nang mga oras na iyan. Tigib ang kaniyang isipan ng samu't saring bagay tungkol sa kaniya, kay Brianne, sa kanilang dalawa, sa mga nangyari at mangyayari pa sa kanilang dalawa.
Tinungga niya ang laman ng hawak na wine glass tapos ay ibinaba iyon at tinitigan habang sa isipan ay binabalikan ang lahat ng nangyari sa kanila ni Brianne sa gitna ng kabundukan.
Habang naroon ang isipan niya sa kaganapang iyon ay para bang naririnig pa niya nang mga sandaling iyan sa kasalukuyan ang mga pag-iyak at pagsigaw ni Brianne, paulit-ulit.
Napatiim-bagang siya at hindi niya namalayan ang paghigpit ng kaniyang kamay sa wine glass. Kapagkuwa'y napapikit siya bago nasuklay ng mga daliri ang kaniyang buhok.
Naalala niya ang tanong ni Kean sa kaniya. Ang tanong na kung hindi ba niya pinagsisisihan na iniligtas niya si Brianne.
Napabuntong-hininga siya.
Bakit ba ganito ang tadhana pagdating sa kaniya? Palaging pilyo. Hindi ba't true love naman ang hinihiling niya at hindi gulo?
Tumayo siya at bitbit ang wine glass na may kalahati pang laman ay naglakad siya patungo sa kuwartong inuukupa niya sa taas sa tabi lamang ng silid ni Brianne.
Bago niya sapitin ang kaniyang silid ay ang silid muna nito ang kaniyang madaraanan.
Nang mapatapat siya sa pinto ng silid nito ay huminto siya at tumingin doon. Lumapit siya sa dahon ng pintuan at pinakinggan kung gumagalaw ba ito o umiiyak na naman doon sa loob.
Tahimik ito sa mga sandaling iyan, walang kahit na anumang ingay siyang naririnig buhat sa loob.
'Nakatulog ba s'ya kahit walang laman ang sikmura niya?' tanong niya sa isip.
Hindi nito ginalaw ang pagkaing dinala niya sa silid nito kanina. Ayaw naman niya itong pilitin dahil baka lalo lamang itong ma-stress.
Sinubukan ulit niya itong kausapin subalit, hindi niya ito makausap at halos wala nang ginawa kun'di ang umiyak na lamang.
Nag-aalala siya para sa dalaga at hindi niya maawat ang sariling maramdaman iyan ngunit maliban sa makadama ng ganiyan ay wala naman siyang ibang magawa. Ayaw nitong kumibo. Para itong tuod sa harapan niya, hindi kumikibo.
Hindi na niya maisip kung ano ba'ng dapat niyang gawin para lang mapagaan ang kalooban nito. Lumayo siya sa pintuan ng silid nito habang nakatingin doon.
Ngayon pa lamang ay naiisip na niya kung magagawa ba niyang matagalan ang ganitong kalagayan nito lalo pa at maging siya ay nagiging apektado.
Ewan ba niya, kung bakit kailangang maapektuhan siya ng ganito nang dahil lamang dito. Kung tutuusin puwede naman niyang hayaan na lamang ito tutal ay nakatulong na siya pero heto, napasok pa siya sa gulo nito at hindi ganoon kadaling lumabas na lamang.
Napabuntong-hininga siya bago nagpatuloy sa paglakad.
•••
MAHABANG sandali na rin ang lumipas buhat nang makatulog siya. Naalimpungatan siya nang may maulinigang ingay.
Iminulat ni Bryle ang namimigat pang talukap ng mga mata habang pinakikinggan ang ingay na naririnig niya upang matiyak na hindi nagkakamali ang kaniyang pandinig.
Kaagad nga siyang napabalikwas ng bangon nang marinig ang boses ni Brianne Faith. Umiiyak ito at bakas sa mga pagsigaw nito ang takot.
Mabilis siyang umibis sa kama at patakbong lumabas sa silid niya upang puntahan ito.
Nakabukas ang pintuan ng silid nito kaya kaagad niyang nakita ang eksena roon sa loob.
Mabilis niyang sinugod ang lalaking noon ay hawak sa mga braso ang dalaga at mabilis itong sinuntok sa panga.
Nabitawan nito ang dalaga at napabagsak sa kama pero mabilis ding nakabangon nang makitang susugurin pa niya ito upang muling sulungan ng suntok.
"Hey! Hey!" nasabi pa nito habang sinisikap na makaiwas sa kaniya, sa mga bawat pagsalakay niya.
Nagpambuno sila hanggang sa kapwa silang bumagsak sa sahig at mapailalim siya rito.
Naririnig niya ang pag-iyak ni Brianne Faith habang nanginginig na nakamasid sa kanila.
Nakuha niyang masulyapan ito habang pinipilit niyang kumawala sa lalaki. At sa pagsulyap niya rito ay kitang-kita niya ang panginginig nito, buong katawan habang nakatitig sa kaniya at umiiyak, takot na takot.
"Brianne!" nag-aalalang tawag niya rito.
Dahil napunta sa dalaga ang atensiyon niya ay nagkaroon ng magandang pagkakataon ang kaniyang katunggali at nagawa siyang pihitin padapa sa sahig.
Napadaing siya nang mapadikdik sa sahig ang makinis niyang pisngi. Pawisan at namumula na siya dahil sa pagpapakawala ng puwersa upang makaalpas sa lalaking ito ngunit nabigo siya.
Nagawa nitong ilagay sa likod niya ang kaniyang mga kamay kaya nahirapan siyang kumilos.
"Brianne!" nag-aalalang tawag niya ulit sa dalaga habang sinisikap pa rin na makawala sa lalaking ito kahit pa nga maaari siyang mabalian ng mga buto sa kaniyang mga braso.
"Relax! Relax, Bryle," sabi ng lalaking ito sa pantay ngunit medyo mataas na tono.
Napakunot ang kaniyang noo, bakit alam ng lalaking ito ang pangalan niya?
Sinikap naman nitong maipakita sa kaniya ang badge nito at napatitig siya roon.
"Special Investigator III, Naylor Landasin Jr," pagpapakilala nito sa sarili. "Eastland HeadHunters Intelligence Agency,” dugtong pa nito.
's**t!' bulalas niya sa isip matapos niyang marinig ang pagpapakilala nito sa sarili.
Hindi na niya pagtatakahan kung paano nito nalaman ang kaniyang pangalan.
Kakampi pala ito at hindi kalaban.
Ngunit gayunpaman, hindi niya nagawang i-recognize ang ginawa nitong pagpapakilala sa kaniya dahil nahagip ng kaniyang mga mata ang pagtakbo ni Brianne palabas sa silid.
"Brianne!" tawag niya sa dalaga.
Dahil diyan ay kaagad siyang binitawan ni Naylor upang habulin ang dalaga.
Mabilis siyang bumangon at sumunod dito.
Sa doorway nila ito inabutan. Nakatayo ito at nakasandal sa nakapinid na pintuan.
Kapwa sila napahinto ni Naylor nang makita ang labis nitong panginginig habang umiiyak at hindi mapakali sa kanilang dalawa ang mga mata nitong puno ng takot, kaya naman wala sinuman sa kanilang dalawa ang sumubok upang humakbang pa at kunin ang halos dalawang dipang distansiyang natitira sa pagitan nila.
Kumilos ang nanginginig nitong mga kamay at nagmamadaling sinubukang buksan ang pintuan, ngunit hindi nito iyon nagawang buksan dahil kailangan din ng passcode para i-unlock iyon buhat dito sa loob.
"Brianne, calm down," mahinahong sabi niya rito. "It's me, si Bryle. . .I won't hurt you," sabi pa niya habang noon ay sinasabayan ng dahan-dahang paghakbang palapit dito.
Hindi ito nagsalita o kumilos, nanatili lang sa pag-iyak hanggang sa makalapit siya rito.
Kumilos naman si Naylor at nagtungo sa kusina. Siya naman ay marahang hinawakan ang dalaga. Napapiksi pa ito nang lumapat ang mainit niyang palad sa makinis nitong balat sa braso.
Ngumiti siya rito. “Relax, hunie,” malambing pa niyang sabi. "Hindi kita sasaktan."
Damang-dama niya sa kaniyang pagkakahawak dito ang labis na pangininig ng katawan nito.
Nag-aalala siya para rito. Baka kung mapaano ito kung patuloy itong magiging ganito. "It's okay, Brianne, ako lamang 'to. You've nothing to fear, hindi kita sasaktan," sabi pa niya sa pinakamahinahong paraan.
Tinitigan siya nito ng mga mata nitong hilam sa luha. Tinitigan din niya ito sa mga mata nito upang ipakita at ipadama na ligtas ito sa kaniyang tabi, na wala itong dapat ikatakot kapag hawak niya ito sa kaniyang mga kamay.
Marahan niya itong dinala sa kaniyang dibdib. Sumubsob ito sa dibdib niya at nagpatuloy ito sa pag iyak doon. Hinayaan niya itong basain ng mga luha nito ang kaniyang damit.
Mabigat ang naging pagbuntong-hininga niya bago ito marahang tinapik-tapik sa likod nito.
"Bakit ba kase, ha?" hindi niya napigil na tanong dito sa malumanay na tono. "Ano ba kase talagang nangyari?" tanong pa niya na hindi magawang ikubli ang labis na pagkabahala para sa dalaga.
Hindi ito tumugon sa kaniyang tanong.
Ngayon ay mas sumidhi pa talaga ang pagnanais niyang malaman kung ano ba talaga ang mas mabigat pa nitong pinagdaanan.
Nakita niya at hindi lingid sa kaniyang kaalaman na traumatic ang naging karanasan nito dagdag pa ang pagkawala ng baby nito pero, may bahagi ng kaniyang pagkatao ang hindi kumbinsido na iyon lamang ang dinanas nito.
Naniniwala siya na may iba pang mas matinding sinapit itong si Brianne para matakot at tila mabaliw-baliw ito ng ganito.
"You can share it with me," wika pa niya nang hindi ito magsalita. Pero wala pa ring namutawing salita buhat sa labi nito.
Noon lumapit si Naylor bitbit ang isang basong tubig. Iniabot nito iyon sa kaniya habang matamang nakamasid sa kanila simula pa nang makabalik ito buhat sa pagkuha ng tubig sa baso para kay Brianne.
Kaagad niyang kinuha ang baso ng tubig at tinulungan ang dalagang mainom iyon.
Tila ba ito uhaw na uhaw ngunit nakalahati lamang nito ang tubig sa baso. Kahit paano ay lumuwag ang dibdib niya nang makitang tila unti-unti na itong nakalma.
Ibinalik niya kay Naylor ang baso.
Tiningnan muna nito ang dalaga bago kumilos at bumalik sa kusina.
"Halika, ihahatid kita sa silid mo para makapagpahinga," kapagkuwan ay mahinahong sabi niya sa dalaga.
Inalalayan niya ito pabalik sa silid nito.
Nakahinga siya ng maluwag nang walang pagtutol na matanggap buhat dito.
•••
"KADARATING ko pa lang kanina nang buhat dito sa sala ay marinig ko ang boses niya," simula ni Naylor sa paliwanag nito kung bakit ito nandoon sa silid ng dalaga kanina.
Naroon na sila sa sala at doon nag-usap habang nilalahidan nito ng ointment ang panga nito na tinamaan ng suntok niya kanina. Iniwan na niya si Brianne sa silid nito dahil nakatulog na ito.
"I went upstairs at hinanap sa mga kuwarto doon ang boses niya. Napasukan ko s'ya sa kaniyang silid na yakap ang unan while repeatedly yelling out the name Ethan between her cries," pagpapatuloy nito.
Tiningnan niya ito na noon ay nakatingin din sa kaniya.
"Sinubukan ko siyang tawagin upang mapukaw ang atensiyon niya pero bigla siyang nag-hysterical. I approached to calm her down subalit mas naging malala lamang ang mga sumunod niyang ikinilos,” medyo nagkaroon ng bakas ng kaanghangan ang ekspresiyon ng mukha nito maging ang tono ng pananalita.
"Pasensiya ka na kay Brianne, maging sa 'kin dahil sa ikinilos ko kanina. Nagulat ako at nag-alala para kay Brianne kaya. . . "
"Naiintindihan ko naman, Bryle," wika nito nang bitinin niya ang kaniyang sinabi at tinawag ulit siya nito sa pangalan niya. "I know what you two have been through," sabi pa nito. "Nabigla lang din ako kanina kaya siguro hindi ko na naisip ang tamang paraan para mapakalma siya."
Tumangu-tango lamang siya at ibinaba ang tingin sa med kit nang ibalik nito roon ang mga ginamit nito.
"Hindi s'ya okay," kapagkuwa'y diretsong sabi nito kaya napaangat dito ang kaniyang tingin. "She needs to see the doctor," dagdag pa nito.
Napakunot ang kaniyang noo at malalim ang naging pagbuntong-hininga matapos marinig ang huling sinabi nito.
"Sinasabi mo ba sa 'kin na...she's going crazy?" napatiim-bagang na tanong niya rito at hindi naikubli ang disgusto sa kaniyang tono.
Hindi talaga naging maganda ang dating sa kaniya ng sinabi nito.
"Bryle, alam ko na hindi lang ako ang nakapansin sa kakaibang behavior n'ya. Makinig ka, hindi ko alam kung ano o bakit ayaw mong tingnan ang totoo sa ikinikilos niya pero kung hindi natin s'ya iku-konsulta sa doktor. Mark my word, sa mental hospital ang bagsak n'ya," sabi nito sabay tayo.
Hindi siya kumibo at nananatiling nakapagkit ang mga mata sa kinauupuan nito.
Akmang lalakad na ito at iiwan siya roon nang may maalala. "Bryle."
Una ay hindi siya kumibo ngunit nang maramdaman niya na hindi ito kumilos ay nagtaas siya ng tingin dito.
"You need to keep your eyes on her. You can't be complacent that she's alone in the room kagaya ngayon," wika nito bago siya tuluyang iniwan.
Napasunod siya rito ng tingin. Kinabahan siya sa sinabi nito.
Nang mawala ito sa paningin niya ay kinuha niya sa bulsa ang kaniyang cellphone.
Tinawagan niya si Alexander Chase na kagaya nang dati sa mga sandaling iyan ay nakapatong na naman sa asawa nitong si Cloudy.
Hindi lamang niya alam, magaling talaga siyang mag-timing.
Nakailang tawag pa nga siya bago nito iyon sinagot.
"Bullshit, Bryle!" kaagad nitong bungad sa kaniya, bakas sa tinig nito ang inis.
At dahil dinig na dinig niya ang paghingal nito ay kaagad niyang nahulaan kung bakit ganito ang bungad nito sa kaniya.
Napalunok siya at nakadama ng bahagyang paninikip ng dibdib. Naninibugho na naman siya.
"Pasensiya ka na, Chase," sabi niya na sinikap maging normal ang tono upang maikubli ang totoong nadarama. "K-Kailangan daw kase ni Brianne ng Psychologist. . ."
Ilang sandali itong nanahimik.
"Okay,” maikling sabi nito at tinapos ang tawag.
Napakunot ang kaniyang noo at inalis sa kaniyang tainga ang cellphone. ‘Ni hindi man lang ito nagtanong kung bakit bigla niya iyong hiniling.
Tinitigan niya ang cellphone sandali bago ibinalik sa kaniyang bulsa. Pagkatapos niyan ay tinungo niya ang hagdanan at sa silid ni Brianne dumiretso.
Napasukan niya ito na nakatigilid na naman ng higa at nakatalikod sa direksiyon ng pintuan kagaya na ng dati.
Lumapit siya sa kama at maingat na naupo sa gilid niyon. Ilang sandali niya itong pinagmasdan bago siya kumilos at maingat na nahiga saka tumagilid ng puwesto paharap sa pintuan.
Ipinikit niya ang mga mata ngunit kaagad ding napamulat nang maramdaman niya ang paggalaw nito sa kama.
Pinakiramdaman niya ito.
"Ethan!" sambit nito.
Awtomatiko siyang napalingon matapos iyong marinig.
Nakatigilid na ito ng higa paharap sa kaniya at nakatitig sa mukha niya.
"Brianne?" patanong na tawag niya rito sa isip na baka naaalimpungatan ito.
"Ethan!" sambit nitong muli na sinabayan ng pag-abot sa kaniyang pisngi.
Napakunot ang noo niya. Nalalabuan ba ito dahil sa makulimlim na liwanag buhat sa lampshade?
Nang kumilos ito palapit sa kaniya ay tinangka niyang bumangon pero maagap siya nitong pinigilan.
Kumilos ito at tinangka siyang halikan sa labi ngunit kaagad din niya itong pinigilan sa tigkabila nitong balikat at maingat na itinulak palayo sa kaniya.
"Brianne, it's me," madiing sabi niya.
"I know, I've missed you so much, Ethan!" At akmang tatangkain muling halikan siya pero muli niya itong pinigilan.
"No, ibig kong sabihin, I'm not Ethan. Take a good look at me, Brianne. It's me, Bryle!" madiriing sabi niya habang hawak ito sa magkabilang balikat at pinipigilan mapalapit sa kaniya.
Natigilan naman ito at mataman nga siyang tinitigan sa kaniyang mukha. Ilang sandali nito iyang ginawa at pagkaraa'y bigla na lamang umiyak.
"Oh, Brianne!" wala sa loob na nasambit niya.
Nakadama siya ng pagkahabag para rito.
"Ethan!" umiiyak nitong bigkas sa pangalang iyan sabay layo sa kaniya. Tumalikod ito sa kaniya paupo roon sa ibabaw ng kama. "Ethan! Nasaan ba si Ethan!? Gusto ko siyang makita!" halos maghinagpis nitong sabi habang yakap ang sarili.
Malungkot niya itong pinagmasdan at kapagkuwa'y nanlulumong bumangon.
Naupo siya saka sumandal sa headboard ng kama at hindi niya napigil na sapuin ang kaniyang noo dahil pakiwari niya ay biglang nanakit ang bawat himaymay ng kaniyang utak.
Nababaliw na nga yata itong si Brianne.
Mabigat ang naging pagbuntong-hininga niya habang iniisip kung ano pa ang mga posibleng mangyari.