CHAPTER 3

1848 Words
SUNOD-SUNOD ang pagtulo ng luha ni Andy habang lulan ng kotse kasama ng kaniyang mga bagahe at ng kaniyang Mommy na siyang nagmamaneho. “Huwag ka nang umiyak pa, dahil kahit humagulgol ka pa, hinding-hindi na magbabago ang isip ko. Magtatrabaho ka sa ayaw at sa gusto mo.” “Mommy, bakit kung ituring niyo po ako ay parang hindi niyo ako anak? Ampon lang po ba ako?” naiiyak niyang tanong sa kaniyang ina. “Huwag mo nabakong dramahan pa, Andy. Magtatrabaho ka lang naman, hindi kita ipapadala sa kamatayan. Kaya tigilan mo na ’yang pag-iyak-iyak mo, hindi na ako natutuwa sa ’yo!” Wala nang nagawa si Andy kundi tahimik na lang umiyak sa buong biyahe. Alam niyang sa puntong iyon ay wala na siyang magagawa pa kahit ano pang pagmakaawa ang gawin niya sa kaniyang Ina. Mukhang wala nga ito talagang pakialam sa damdamin niya. Mula sa Mandaluyong papuntang Lipa Batangas, halos dalawang oras din ang tinakbo ng kotse bago sila dumating sa isang malaking mansyon. Ayaw pa sanang lumabas ni Andy ng kotse, pero sapilitan siyang hinila ng kaniyang Ina palabas at mariin nitong hinawakan kaniyang ang panga paharap dito. “Huwag ka nang magmatigas pa, Andy. Umayos ka sa harap ni Senyora! Tandaan mo, oras na magpasaway ka at hindi magustuhan ni Senyora ang ugali mo, wala ka nang babalikan pang pamilya! Itatakwil kita! Nagkakaintindihan ba tayo?” Muling tumulo ang butil ng luha mula sa nanunubig na mga mata ni Andy at dumaloy iyon sa kaniyang pisngi. Tiningnan niya ang kaniyang mommy na may pagsusumamo at pagmamakaawa, pero matalas na tingin lang ang binigay nito sa kaniya, tingin na parang wala nang pag-asa pang bawiin ang pasya nito. Kaya wala nang nagawa si Andy kundi tumango na lang, dahilan para mapangisi naman ang kaniyang mommy. “Good girl. Let’s go.” Hinila na siya nito papasok sa malaking pinto ng mansyon. Pagkapasok nila sa loob ay pinaupo siya ng kaniyang mommy sa isang couch. Hindi nagtagal, bumaba na ang isang ginang na medyo may edad na pero makikita pa rin ang kagandahan. “Good afternoon, senyora,” pormal na pagbati ng kaniyang mommy at tumayo pa. “Narito na po ang aking anak katulad ng pinangako ko sa inyo.” Ngumiti ang senyora at lumapit na sa kanila. Huminto ito sa harap ni Andy at tiningnan siya nito. “Magpakilala ka,” pagsiko sa kaniya ng kaniyang mommy. “Magandang araw sa ’yo, hija,” bati sa kaniya ng senyora. “M-magandang araw din po sa inyo,” sagot naman niya at nautal pa dahil sa kaba. Pinagmasdan siya ng senyora. Mula sa pagtitig sa kaniyang mukha, bumaba ang tingin nito sa kaniyang mga braso. Nakasuot lang siya ng black trouser at sleeveless turtleneck, kaya malaya nitong napagmasdan ang mga braso niya na maputi at makinis. “Napakaganda pala ng anak mo at napakakinis din. Siguradong magugustuhan nga siya ng anak ko,” wika na ng senyora matapos siyang pagmasdan, at naupo na ito sa kabilang couch. “Natutuwa ako at nagustuhan niyo ang anak ko, senyora. Sana tumupad kayo sa napagkasunduan natin.” Marahan na natawa ang senyora.“Go to my office and just wait me there.” “Yes, senyora.” Umalis na ang kaniyang mommy, humawak pa si Andy sa braso nito para sumunod pero piniksi ang kamay niya ng ina at binigyan pa siya ng nagbabantang tingin, kaya napilitan siyang maupo muli. Naiwan siya kasama ng senyora. “A-ano pong klaseng trabaho ang ibibigay niyo sa akin?” tanong na niya, pero nanatili lang ang tingin sa baba, dahil hindi siya nakatingin ng diretso sa mga mata ng senyora. Pakiramdam niya ay parang kakaiba kung tingnan siya nito. “Hindi ba sinabi sa ’yo ng mommy mo kung bakit ka niya dinala rito? Mag-aalaga ka ng anak kong may sakit. Ang gagawin mo lang ay sundin ang kaniyang mga gusto at utos sa ’yo nang walang reklamo.” Napapisil si Andy sa kaniyang kamay na parang nag-umpisa nang manginig. “A-ano po ba ang sakit ng anak niyo? Ilang taon na po?” muli niyang tanong sa mahinang boses. “Nasa biente otso anyos na ang anak ko. Hindi pangkaraniwan ang kaniyang sakit; maaari siyang maging mabait sa ’yo isang araw, pero magiging marahas pagdating ng isang araw.” “Po?” Napangat na ng tingin si Andy. “A-ano po ang ibig niyong sabihin? Anong klaseng sakit po ba ng anak niyo?” Naguluhan siya at mas lalong kinabahan. “Hindi ko na ipapaliwanag pa kung anong klaseng ugali ang kaniyang mga katauhan. Pero oras na magkita kayo ni Stanley, ipapaliwanag naman niya sa ’yo lahat. Basta ayusin mo lang ang trabaho mo, hindi ka mapapahamak. Ngunit sa oras na tumakas ka, kamatayan na ang naghihintay sa ’yo.” Nanlaki ang kaniyang mga mata sa narinig. “A-ano po ang ibig niyong sabihin?” Imbes na sagutin pa ng senyora ang kaniyang tanong ay muli itong tumayo at lumapit sa kaniya. Pagkahinto nito sa kaniyang harap ay agad na nilahad ang isang kamay. “Give me your phone.” “Po?” “I said, give me your phone. Mahigpit kong pinagbabawal sa trabaho ang pagkakaroon ng cellphone lalo na kung kapakanan ng anak ko ang usapan.” May pag-aalangan man, wala nang nagawa si Andy kundi ibigay sa senyora ang kaniyang hawak na cellphone na binigay pa sa kaniya ng kaniyang daddy, galing sa pinaglumaan ng kaniyang kapatid. “Zandro!” pagtawag na ng senyora matapos kunin sa kaniya ang cellphone. Ilang sandali pa ay pumasok ang isang lalaking naka-blue suit. “Yes, madam?” “Ihatid niyo na ang dalagitang ito sa anak ko. Siguradohin niyo na maihahatid niyo nang maayos at ligtas.” “Masususunod, madam!” “Teka lang po,” apila ni Andy at humawak sa braso ng senyora. “Ano po bang klaseng trabaho ang ibibigay niyo sa akin? Naguguluhan po kasi ako. May day off naman po ako, ’di ba? Puwede naman po ako umuwi sa pamilya ko kapag weekend?” Natawa ang ginang at binaklas nito ang kaniyang kamay na nakahawak sa braso nito bago siya seryosong hinarap. “Walang day off, at bawal na bawal din lumabas. Binenta ka na sa akin ng mommy mo sa halagang sampung milyon, kaya pag-aari na kita. Pagsilbihan mo ang anak ko nang mabuti at maayos. Huwag na huwag ka ring tatakas kung ayaw mong mamatay nang maaga. Binabalaan kita, ayaw ng anak ko nang tinatakasan siya.” Mas lalong naguluhan si Andy sa narinig. Tila hindi siya lubos na makapaniwala. Binenta siya ng kaniyang mommy sa halagang sampung milyon? “Hindi! Hindi ako naniniwala! Hindi po totoo ’yan! Hindi ako magagawang ibenta ni Mommy!” marahas na niyang pag-iling. Pero ngumisi lang ang senyora sa kaniya. “Nagawa na nga niya, ayaw mo pang maniwala,” pagsatsat nito at napailing-iling pa bago sinenyasan na ang lalaki. “Sige na, Zandro, ihatid niyo na ’yan sa anak ko!” Nagpumiglas pa si Andy nang kaladkarin na ng lalaki palabas. Pero sa huli ay wala nang nagawa nang sapilitan na siyang isinakay sa loob ng itim na van. Habang lulan ng sasakyan ay hindi mapigilan ni Andy ang manginig sa takot. Iba ang nararamdaman niya, kakaibang kaba na ngayon lang niya naramdaman. Pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari sa kaniya. Hindi siya makapaniwala na nagawa siyang ibenta ng kaniyang mommy. Paano siya nito nagawang ipagpalit sa sampung milyon? Mula sa Lipa Batangas, bumiyahe ang van papunta sa Sabang Batangas. Lalong lumakas ang kaba ni Andy nang makitang puro kakahuyan na ang kanilang dinadaanan, wala nang mga kabahayan o kahit na mga taong dumadaan man lang. Sementado naman ang daan pero ang paligid ay masukal na kagubatan na. “B-bakit po ganito ang dinadaanan natin?” tanong ni Andy sa mga lalaking kasama niya sa loob ng van, hindi na siya nakatiis dahil nakaramdam na siya ng takot. “Ito ang daan papunta sa mansyon ng young master,” tanging sagot lang sa kaniya ng isang lalaki na nakaupo sa kaniyang tabi. Parang gusto pa sana nitong haplusin ang kaniyang hita, mabuti na lang ay tinabig at sinita ng isa nitong kasama. Makalipas ang ilan pang minuto ay huminto na ang van sa harap ng isang mataas na gate na lumang-luma na at inaakyatan na ng mga damo. Pinagbuksan na si Andy ng pinto ng isang lalaki, kaya wala na siyang nagawa kundi bumaba na ng van. Binaba na rin ng lalaki ang kaniyang mga bagahe. Nang ilibot niya ang tingin sa buong paligid ay puro kakahuyan at hindi na makita ang lupa sa paligid dahil punong-puno na ng mga naglaglagan na dahon galing sa mga punong kahoy. Nang mapatingin siya sa gate ay natanaw niya mula sa loob ang mataas na kastilyo na halatang abandonado na. Parang nasa isang horror movie lang. “Sige na, mag-doorbell ka lang diyan sa gate para mapagbuksan ka. Hindi ka na namin masasamahan pa hanggang sa loob dahil masyado nang delikado.” Parang namutla si Andy. “H-huwag niyo sabihing, diyan ako magtatrabaho sa loob?” “Diyan nga sa loob ng kastilyong ’yan. May sakit sa pag-iisip ang anak ni Madam. Ilang katulong na ang dinala rito; pumasok nang buhay, at lumabas nang patay. Kaya mag-iingat ka sana, miss. Protektahan mo ang sarili mo sa paraan ng hindi pagtakas, dahil oras na tumakas ka, kamatayan na ang naghihintay sa ’yo bago ka pa makalabas sa kagubatan na ito,” sagot lang sa kaniya ng lalaki bago ito pumasok na muli sa loob ng van. “Hindi!” Umiling na si Andy. “Ayoko! Ibalik niyo na ako!” Ngunit bago pa siya makalapit muli sa van ay umaandar na ito at tumakbo na paalis. “Hindi! Bumalik kayo rito! Huwag niyo akong iwan! Ayoko rito!” kaniyang malakas na sigaw na umiko pa sa buong paligid, dahilan para matakot ang mga ibon sa mga punong kahoy at nagsiliparan. Ngunit kahit sumigaw na siya ay hindi man lang huminto ang van. Kaya naman para mahabol ito ay tumakbo na si Andy nang mabilis, at naisip na mag-short cut sa mga kakahuyan para maunahan niya ito at maharangan, dahil nga paikot ang sementadong daan at mas mapapadali kung sa mga kakahuyan siya dadaan. Mabilis na tumakbo si Andy sa kakahuyan; nagsitunugan ang mga malutong na tuyong dahon na kaniyang naaapakan. Mula naman sa loob ng lumang kastilyo, may dalawang lalaki ang nakatanaw sa bintana at pinapanood si Andy sa pagtakbo. “Hindi! Bumalik kayo rito! Natatakot ako rito! Please bumalik kayo!” patuloy na pagsisigaw ni Andy habang tumatakbo. Pero napahinto ang kaniyang pagtakbo nang may kung ano nasagi ang kaniyang paa mula sa ilalim ng tuyong dahon, dahilan para mapahinto siya dahil kamuntikan na siyang madapa kundi lang siya agad na nakabalanse. Ngunit sa kaniyang paghinto ay bigla na lang may malakas na humampas sa kaniyang likod, dahilan para bumagsak siya sa mga tuyong dahon at dumura ng dugo. Hanggang sa tuluyan nang nandilim ang kaniyang paningin at nawalan ng malay sa gitna ng kakahuyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD