PROLOGUE
MALALIM na ang gabi pero maliwanag ang buwan, umiihip ang malamig na simoy ng hangin na siyang nagpapasayaw sa bawat dahon at sanga ng mga punong kahoy. Napakatahimik sa buong paligid, tanging tunog lang ng mga kuliglig ang maririnig at mahinang lagasgas ng tubig sa rumaragasang ilog.
Sa isang masukal na kagubatan, isang babae ang walang humpay na tumatakbo. Hindi na nito alintana ang mga sanga ng kahoy na tumatama sa braso nito at mga matitinik na daan basta ang mahalaga lang dito ay hindi ito maabutan ng lalaking humahabol sa kanya.
Ngunit sa pagdating niya sa ilog ay wala na siyang matakbuhan pa dahil kailangan pang tumawid, at hindi basta-basta makakatawid dahil malakas ang agos ng tubig.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga at napalingon nang marinig ang tunog ng malaking palakol na hila-hila ng lalaki at tumatama iyon sa mga nadadaanan nitong bato.
“Hindi! Hindi niya ako puwedeng maabutan!” marahas na pag-iling ng dalaga sa labis na takot at nagpalinga-linga sa paligid para maghanap ng matataguan. Hanggang sa nakita niya ang isang punong kahoy at tumakbo siya roon. Agad siyang nagkubli at tinakpan ng nanginginig na kamay ang kaniyang nanginginig na bibig para hindi makagawa ng ano mang ingay.
”Andy . . . where are you, sweetheart? I'm looking for you, baby girl . . . Do you want to play hide and seek with me?”
Mas lalong nanginginig si Andy sa takot nang marinig ang boses na iyon ng isang lalaki na ngayo’y huminto na malapit sa puno habang hawak pa rin nito ang mahabang palakol na nakasayad sa lupa.
Patuloy ang panginginig ni Andy habang nakaupo at nagkukubli sa puno.
Namayani ang katahimikan, wala na ang tunog ng paghila sa palakol.
Maingat naman sumilip si Andy habang nanginginig pa rin sa takot. Ngunit sa kaniyang pagsilap ay hindi na niya nakita pa ang lalaki.
Kaya naman tumayo na siya para sana muli nang tumakbo, ay nang biglang,
“Gotcha!” Isang bisig ang mabilis na humuli sa kaniyang baywang.
“Ahh!” Napasigaw si Andy.
Malakas namang humalakhak ang lalaki, parang halakhak ng isang nakakatakot na nilalang. Halakhak ng isang demonyo.